Miyerkules, Agosto 21, 2013

Puri ng Babae Bilang Paksa sa Koreanovelang "The Love Story of Kang Chi"

PURI NG BABAE BILANG PAKSA SA KOREANOVELANG "THE LOVE STORY OF KANG CHI"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Matindi ang dalawang magkasunod na araw na panonood ko ng pagsisimula ng bagong Koreanovela sa ABS-CBN, Channel 2, ang "The Love Story of Kang Chi". Inabangan ko ang Koreanovelang ito, pagkat may tila Bruce Lee o Jet Li na labanan na ipinakita sa patalastas ng istorya. Ito ang nagtulak sa akin upang panoorin ito. Matindi ang banghay sa simula ng nobela dahil inumpisahan ito sa paksa ng pagtatanggol ng babae sa kanyang puri.

Nagsimula ang kwento nang dalhin ng isang karwahe ang tatlong kabataan sa isang bahay-aliwan. Ipinagbili sila roon ng mga kumupkop sa kanila nang mapaslang ang kanilang ama. Dalawang babae at isang lalaki. Ang bidang babae ang panganay at bunso ang lalaki, habang ang isa pang babae ay tagapanglingkod. Ang magkapatid ay anak ng isang punong ministro na pinagbintangang nagtaksil sa bayan. Pinaslang ang kanilang ama ng kanyang alagad na isa ring opisyal ng pamahalaan. Ang dalagita ay nasa labimpitong taong gulang, ang kanyang bunsong kapatid na lalaki naman ay nasa labinlimang taong gulang, at ang tagapaglingkod na babae, marahil, ay labimpitong taong gulang din.

Nang malaman ng dalagita na ang lugar na iyon ay isang bahay-aliwan, tumanggi siyang pumasok doon, dahil ikinatuwiran niyang ayaw niyang maging Kiseng, o isang babaeng alipin at tagapag-aliw ng mga lalaki.

Dumating ang punong Kiseng at pinagsabihan ang dalagita na ibinenta na siya sa bahay-aliwan. Ngunit iginiit ng babae na hinding-hindi siya papasok doon, dahil alam niya kung ano ang mangyayari sa kanya doon. Siya'y magiging Kiseng din, o sa kontemporaryong wikang Filipino, ay hostes sa kabaret. At hindi lang basta hostes, o simpleng tagaaliw, kundi paka, o yaong kung nais ng kostumer na gamitin ang katawan niya ay magagawa nito.

Dahil sa pagtanggi ng babae, pinahubaran siya ng Punong Kiseng, o Mama-sang sa terminong Japayuki (o marahil mas higit pa rito ang kahulugan), sa mga tauhan nito, at itinali siya sa isang puno, na tinaguriang "puno ng kahihiyan". Itinali siya upang palambutin at paamuin hanggang sa tanggapin niya ang kanyang kapalaran - ang maging isang ganap na Kiseng. Ngunit matatag ang paninindigan ng dalagita. Di na baleng mamatay siya huwag lamang makapasok sa lugar na iyon.

Sa unang araw ay pinagkaguluhan siya ng mga tao at pinagbabato. Hindi siya kilala bilang isang babaeng nabibilang sa maharlikang angkan, dahil na rin sa wala siyang suot na maringal na damit, maliban sa panloob. Tatlong araw ang lumipas, wala siyang kain. Hanggang sa siya'y manghina at mawalan ng malay. 

Sa dako pa roon ay may isang nilalang, isang gumiho, na sa sarili nating wika ay taong lobo. Marahil ay werewolf sa wikang Ingles. Isa itong binata sa anyo ngunit napakalakas, kalahating tao at kalahating lobo. Nais niyang iligtas ang babae, ngunit pinigilan siya ng kanyang kaibigan. Nang balikan niya ang babae ay wala na ito. Nadala na sa loob ng bahay-aliwan.

Panahon iyon ng lipunang alipin sa Korea. Mula sa maharlikang pamilya ang magkapatid.

Kinagabihan, ang taong pumatay sa kanilang ama ay naroon sa bahay-aliwan, nagsasaya at nag-iinom kasama ng ilang Kiseng. Dumating ang Punong Kiseng at nag-usap sila. Hiniling ng lalaki na nais nitong ito ang makauna sa babaeng bihag. Ipinagmayabang pa nitong ipinangako nito sa ama ng dalagita, na isang pambabastos, na siya ang unang sisiping sa dalagita, na dahilan upang magalit ang ama ng dalagita hanggang ito'y patayin ng opisyal. Nais ng opisyal na siya ang wawasak sa basal na puri ng dalagita, ngunit kailangan ng seremonyas. Ayon sa Punong Kiseng, aabot ito ng mga tatlong buwan, ngunit nais na ng opisyal na madaliin ito at gawin itong limang araw. Walang nagawa ang Punong Kiseng kundi ang sumunod. Kundi'y maaari siyang patayin ng lalaki.

Nang magising ang dalagita, nasa loob na siya ng isang silid. Nagpilit siyang tumayo. Nang tanungin niya ang kanyang tagapaglingkod, sinabi nitong nasa loob sila ng bahay-aliwan at inaapoy siya ng lagnat. Agad siyang bumangon. Nais niyang lumabas sa silid na iyon, sa lugar na iyon.

Nakaisip ng paraan ang Punong Kiseng. Kaya nang pumunta ito sa silid ng dalagita, sinabihan nito ang dalagitang dapat siyang sumunod kundi'y masasaktan ang kanyang kapatid. Ngunit nagmatigas pa rin siya. Binuksan ang pinto at nakita niya ang kanyang bunsong kapatid na nakagapos. Matigas pa rin ang kanyang paninindigan. Ayaw niyang maging Kiseng. Kaya inutusan ng Punong Kiseng ang mga tauhan nito na pagpapaluin ang kanyang kapatid na lalaki. Di siya nakatiis na nakikita ang kapatid na pinarurusahan, kaya sinabi niyang susundin na niya ang Punong Kiseng, pawalan lamang ang kanyang kapatid.

Mula noon, naging sunud-sunuran na ang dalagita sa Punong Kiseng. Hanggang sa dumating ang ikalimang araw na siyang usapan ng Punong Kiseng at ng opisyal ng pamahalaan na pumatay sa kanyang ama. 

Nang umagang iyon, napag-usapan ng kanyang kapatid na lalaki at ng isa pang alipin na tutungo ang nasabing opisyal sa gabi. At napag-alaman ng lalaki na ang pumatay sa kanyang ama ang makakasiping ng ate niya sa gabi. Kaya pinakiusapan ng binatilyo ang babaeng tagapaglingkod ng kanyang ate na iligtas ang kapatid. Ginawan ito ng paraan ng babae, at nagpalit sila ng damit ng dalagita. Tumakas ang magkapatid patungong kagubatan.

Nalaman ng Punong Kiseng ang kanilang pagtakas kaya ipinahanap sila. Naghiwalay silang magkapatid upang makatakas man lang ang isa sa kanila at mailigaw ang humahabol. Nais na ng dalagang harapin ang kanyang kamatayan kaysa magpadakip sa mga humahabol. Hawak ang isang manipis na panaksak ay may kung anong sinag na animo'y alitaptap ang dumapo, nakaramdam siya ng pagkahilo, at nawalan ng malay-tao. Nahintakutan ang mga tumutugis sa dalagita. Nagpakita ang gumiho sa mga tumutugis sa dalagita. Inaaninag nila kung ano ang kanilang nasa harapan. Isang nagtatapang-tapangan ang bumunot ng espada upang daluhungin ang gumiho (taong-lobo). Tila hinipan ng malakas na hangin na itinaboy ang mga manunugis at nabitawan nila ang dalang mga sulo. Nagtakipan sila ng tainga dahil sa nakangingilong alulong ng taong-lobo. Nag-alisan palayo ang mga ito. Nakaligtas ang dalagita dahil ipinagtanggol siya ng gumiho at naitaboy nito ang mga manunugis. Ngunit ang babaeng tagapaglingkod na kanyang kapalitan ng damit ang siyang napariwara ang puri sa kamay ng opisyal.

Kinaumagahan, ang kanyang kapatid na lalaki ay nahuli ng tatlong maton, at dinala sa opisyales ng pamahalaan. Binitay ang bunso niyang kapatid sa harap ng maraming tao. Nakita iyon ng babaeng tagapaglingkod, na sa kalaunan ay nagpakamatay din sa silid sa loob ng bahay-aliwan.

II

Unang dalawang araw, at dalawang oras ng nasabing Koreanovela, ngunit trahedya agad ang sumalubong sa manonood.  Di pa kilala ng kababaihan noon ang kanilang karapatan bilang babae, at nangingibabaw pa rin noon ang patriyarkal na lipunan.

Mahalaga noong panahong iyon ang puri ng babae, at ibibigay lamang niya iyon sa kanyang mapapangasawa. Hindi rin nila ipinakikita sa publiko ang anumang panloob na bahagi ng katawan. Kaya nang hubaran na ang dalagita at igapos sa "puno ng kahihiyan", talagang pambabastos na iyon sa kanyang dangal bilang babae. Hindi ito kagaya ng modernong panahon na iilan na lamang marahil ang nagpapahalaga sa pagkabasal o pagkabirhen ng babae. Lalo na yaong mga galing sa lalawigan o mahihirap na pamilya.

Maganda ang banghay ng unang dalawang oras ng nobela, ngunit nagkaroon ito ng isang hindi mapaniniwalaang pangyayari. Kumbaga sa mga akda noong panahon ng Griyego, ginamit ang pamamaraang kung tawagin ay deux ex machina, o iyun bang sa tindi ng pangyayari'y wala nang kawala sa kamatayan ang bida ngunit biglang lilitaw ang isang bathala mula sa itaas at ililigtas ang bida. Ginagamitan ng makina ang mga tauhan sa entablado noon upang magmistulang galing langit ang bathala o lumilipad ang isang aktor sa dula. 

Ang paglitaw ng gumiho (taong-lobo) sa kwento ang deux ex machina. Wala nang kawala ang mga nagsitakas sa tindi ng pwersa ng mga tauhang naghahanap sa magkapatid. Hindi naresolba ang problema ng magkapatid sa pamamagitan ng natural na paraan, o iyong hindi na nangangailangan ng mga supernatural na pwersa upang makaligtas sa tiyak na kamatayan. Kundi mga pangyayaring kayang maisagawa ng mga abot-kamay na solusyon.

Maganda ang paksa, dahil pagpapakita ito ng pagtatanggol ng babae sa madudungisan niyang dangal. Ngunit dahil sa pagpasok ng gumiho ay hindi naresolba sa natural na paraan ang naganap na krisis sa buhay ng magkapatid.

Ang deux ex machina ng gumiho ang nakapagpawala ng interes sa istorya ng pagtatanggol ng babae sa kanyang sariling puri. Bigla nang napunta ang interes ng manonood sa mga supernatural o sa taglay na lakas at kapangyarihan ng gumiho na tutungo sa magaganap na pag-iibigan nila ng bidang dalagita, at mailalayo na ito sa paksa ng pagtatanggol sa puri ng babae.

Nagsisimula pa lamang ang nobela, at dalawang oras pa lamang ang aking napanood. Mahaba pa at ilang linggo pa ang lilipas, marahil ay dalawa o tatlong buwan bago matapos ang "The Love of Kang Chi". Napakagandang istorya sa simula, ngunit sa palagay ko'y nabali ang banghay sa tamang pormula ng pagresolba sa problema. 

Gayunman, iyon talaga marahil ang nais ng sumulat ng kwentong iyon - isang pag-iibigan ng isang taong-lobo (gumiho) at ng isang babaeng anak ng punong ministro. Marahil, hindi na intensyon ng manunulat ang pagresolba sa pagtatanggol sa puri ng babae, kundi kung paano ba nagkita at nag-ibigan ang taong-lobo at ang babae. Ipinaubaya na ng kwentista sa supernatural ang paglutas sa problema, na marahil siyang ikasusuya ng manonood na umaasang maresolba ng bidang babae ang muntik nang pagwasak sa kanyang puri sa pamamagitan ng mismong talino at kakayahang lumaban ng babae.

Matibay ang paninindigan at matatag ang babaeng bida, kaya tiyak na kakayanin niyang ipagtanggol ang kanyang puri sa sinuman, at hindi ito mapariwara. Bagamat ang isa niyang opsyon ay ang pagpapatiwakal upang hindi na siya pakinabangan ng taong pumatay sa kanyang ama. Ang pagtatanggol niya sa kanyang puri ay isang magandang katangian ng isang matalino at matatag na babae.

Panahon iyon ng sinaunang Korea kaya asahang hindi pa ganoon katindi ang pagtingin sa karapatan ng kababaihan bilang kapantay ng lalaki. Kahit sa modernong panahon, nagaganap pa rin ang pandarahas sa kababaihan. Wala pang kalahating siglo ang nakararaan nang maisabatas sa ating bansa ang Republic Act 9262 o yaong tinatawag na Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 o Anti-VAWC Law. Ngunit kahit mayroon nito ay patuloy pa ring nagaganap ang karahasan sa kababaihan. Gayunman, dapat na mas maipaunawa pa sa mayorya ng mamamayan ang batas na ito, kundi'y katulad pa rin tayo ng sinaunang Korea na ang pagtingin sa babae ay mababa.

Bagamat iba ang banghay ng nobela sa inaasahan ng manonood, maganda pa ring panoorin at abangan ang "The Love Story of Kang Chi", hindi lamang sa isyu ng pag-iibigan ng dalawa, hindi lang para aliwin tayo, kundi sa iba pang aspeto nito, tulad ng pag-abang sa katauhan ng mga bida. Ano pa ba ang kayang maipakita ng matatag at matapang na bidang babae? Paano kung mawala na at mapatay ang kanyang tagapagtanggol na taong-lobo? Sino na ang magtatanggol sa kanya? Ano pang temang may kaugnayan sa panahon natin ngayon ang maaari pang mapag-usapan? Dahil tema ng puri ang unang bungad ng istoryang ito, maprotektahan kaya niya ito o madudungisan ito? Sino at paano ito madudungisan? Paano muling tatayo at magpapakatatag ang babaeng dinungisan ang puri? 

Di ko pa kabisado ang ilang detalye, lalo na ang pangalan ng mga bida at kontrabida. Gayunpaman, abangan ang istoryang ito tuwing ikalima ng hapon sa ABS-CBN Channel 2 mula Lunes hanggang Biyernes.

Walang komento: