Biyernes, Marso 28, 2014

Alamat ng tatlo kong kamera

ALAMAT NG TATLO KONG KAMERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon na ako ng tatlong kamera. Dalawang  instamatic at isang digital.

Ang una kong kamera ay nabili ko noong 1988 habang ako'y nasa Hanamaki City sa Iwate, Japan. Ibinenta ng isang kasama ko sa Japan ang kanyang instamatic camera sa akin, at dahil baguhan pa lang ako sa Japan noon at sabik nang magkaroon ng kamera, agad ko iyong binili. Maayos pa naman. Di ko na matandaan ang eksaktong halaga niyon, tila ang presyo niyon ay mukhang kalahati ng allowance na tinatanggap ko tuwing kinsenas doon. Kadalasang YKL ang film na gamit ko doon.

Anim na buwan akong naglagi sa Hanamaki City bilang isang iskolar (OJT) sa elektroniks kaya marami akong litrato roon, di lang sa pabrika, at sa bahay na tinuluyan namin, kundi sa iba't ibang magagandang lugar na napuntahan namin, tulad ng onsen ng mga Pinay, taniman ng mansanas, karagatan, at Mt. Fuji. Mula sa kamerang iyon ang mga litratong alaala ng aking pamamalagi sa bansa ng mga Hapon.

Gamit ko pa rin ang kamerang iyon pagbalik ko dito sa Pilipinas, at agad kinuha ng kumpanya, na tatlong taon kong pinagtrabahuhan bilang machine operator. Ang unang koleksyon ng litrato ng kapatid kong si Vergel ay galing sa kamerang iyon. Talagang nagpunta pa kaming magkapatid sa Fort Santiago na may dalang mga damit na pampalit. Kaya iba-iba ang suot namin nang pina-develop na namin ang mga litrato, na isang film lamang na may 36 shots. Sa pabrika'y marami rin akong kuha bilang manggagawa, kasama ang mga katrabaho sa pabrika.

Bumalik ako ng kolehiyo noong 1992 matapos ang halos apat na taong pagkawala dahil sa pangingibang-bansa at pagtatrabaho. Nag-resign ako sa trabaho upang makapag-aral muli. At hindi ko na matandaan kung paano nasira ang kamera, dahil na rin marahil sa pagiging abala sa pag-aaral.

Noong 1995, naging mga kaibigan ko ang mga kasapi ng grupong Kameradare sa aming eskwelahan, pagkat ang ilang kasapi doon ay staff ng publikasyon, kung saan ako ang features and literary editor sa loob ng dalawang taon (1995-1997). Marami akong natutunan sa Kameradare, lalo na kung paano kumuha ng mga anggulo, ano ang thirds, at iba pa.

Ang ikalawa kong kamera, na Kodak ang tatak, ay nabili ko noong 1997 sa bilihan ng Kodak malapit sa simbahan ng Quiapo sa halagang P1,500. Nakabili ako nito mula sa isang buwang sahod ko na P5,000 sa isang buwang boluntaryong pagtatrabaho sa opisina ng Kamalaysayan, na siyang bahay din ng historyador na si Ed Aurelio Reyes, sa Makati. Staff pa ako ng grupong Sanlakas noong panahong magkaroon ako ng ikalawang kamera. Hanggang sa malipat ako bilang staff at manunulat sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod).

Sa una kong kamera, binibili ko pa ang film, pero sa ikalawa kong kamera, may mga film developer na noon na pag nagpa-develop ka ng isang film ay may libre kang isang Konica Film na 36 shots. Kadalasang sa Kodak ako nagpapa-develop ng kamera, sa Quiapo o kaya'y sa SM North (na kilala ring SM West pag galing ka ng Maynila).

Ang kamerang ito'y ginamit namin ng mga kasama sa KPML dahil wala pa noon silang kamera, bandang 2004-2005. Maraming mahahalagang aktibidad at pangyayari, tulad ng mga rali, seminar, forum, at demolisyon ang kuha mula sa aking kamera. Doon na sa KPML ito nasira at hindi ko na pinansin. Una, mahal magpagawa, at wala akong pampagawa. Ikalawa, mahal magmintina at kailangan ng pambayad sa pagpapa-develop ng film. Ikatlo, kailangang bumili ng film dahil hindi naman sapat ang bigay na film kada pagpapa-develop. Ikaapat, may iba na akong pinagkakaabalahan noon.

Mapalad ako sa pagkakaroon ng ikatlong kamera. Ibinigay iyon sa akin ng mahal kong ina noong Mayo 12, 2013, bisperas ng Mother's Day. Kadarating lang niya noong Abril mula sa anim na buwang pamamalagi sa ibang bansa. Nabili nila iyon ng tiya Sahlee ko sa Estados Unidos. Isa iyong Fuji camera na hindi na kailangan ng film. Maganda iyon dahil digital camera at nada-download ko na agad ang mga litrato sa computer at naia-upload agad sa facebook, sa blog at sa website. Maraming maraming salamat talaga at nagkaroon ako ng kamerang iyon.

Kumpara sa naunang dalawa, mas magaan dalhin ang ikatlong kamera dahil na rin sa pagsulong ng teknolohiya. Hindi pa magastos dahil hindi na kinakailangan pang ipa-develop sa labas. Kaya mas nakakapagkonsentra na rin ako ngayon sa pagkuha ng litrato, at nailalagay agad iyon sa kompyuter.

Wala na ang una kong dalawang kamera, at nais kong tumagal pa sa akin ang ikatlo. Napakarami kong proyekto na magagamit ito. Sa ngayon, nakakakuha ako ng mga litrato sa aming mga aktibidad, lalo na sa mga pagkilos sa lansangan, rali, talakayan, mga mahahalagang gawain, at makasaysayang mga pangyayari.

Nais ko ring kunan ng litrato ang mga bagay-bagay na nais kong gawan ng tula, tulad ng isa kong tula tungkol sa matandang bahay ng aking mga lolo at lola, at isa ring tula na magkasama kami ng mahal kong ina sa litrato. Nile-layout ko sa publisher, nilalagay ko ang litrato sa isang bahagi at sa kabilang bahagi naman ang tulang nilikha ko na may kaugnayan sa litrato. Sadyang nakapagbibigay ng inspirasyon sa akin ang pagkakaroon ko muli ng kamera.

Nais ko ring malathala sa pahayagan at magasing ginagawa ko ang mga litratong kuha ko, pam-front page man, pang-center fold, o anumang pahina sa loob. Nais ko ring gamitin ang mga litratong kuha ko para sa pabalat ng mga libro ko ng tula. Kinukunan ko rin ng litrato ang mahahalagang pangyayari, tulad ng mga nagibang bahay sa Tacloban, at mga historical marker na naibabahagi ko sa facebook, lalo na sa mga grupo hinggil sa kasaysayan.

Balak ko ring magkaroon ng malaking kamerang may lens na pampropesyunal, ngunit napakamahal. Maganda iyon para sa mga pagpokus ng mga bagay at pangyayari gaano man iyon kalapit at kalayo. Pero sa ngayon ay pangarap pa lang iyon. Balang araw, magkakaroon din ako niyon, basta't mapag-ipunan ko lang iyon, o may magbigay sa akin ng lumang kamerang may lens dahil may bago na siyang ginagamit na kamera.

Gayunpaman, hindi ko inaasahan na magkakaroon ako ng kamera. Pero ito talaga ang gusto kong magkaroon noon pang ako'y estudyante pa sa kolehiyo at editor ng publikasyong pangkampus. Kailangan ko talaga ito bilang manunulat, bilang mamamahayag, bilang mananalaysay, bilang historyador, bilang aktibista, bilang makata.

Martes, Marso 18, 2014

Ang Sining ng Mambabatok

Nasa 100 pahina ang tabloid na Pilipino Star Ngayon sa kanilang anibersaryo noong Marso 17, 2014. At isa ang balitang ito sa nakapukaw ng aking atensyon. Ang Mambabatok pala ay tattoo artist. Hanggang ngayon ay buhay pa ang sining na ito ng pagta-tattoo ng mga kapatid nating katutubo sa lalawigan ng Kalinga.




Miyerkules, Marso 12, 2014

"Aming Bukid" ang dapat pamagat ng awiting "Bahay Kubo"

"AMING BUKID" ANG DAPAT PAMAGAT NG AWITING "BAHAY KUBO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halimbawang tanungin ko kayo: "Ano ang bahay kubo?" Tiyak na sasabihin nyong ang bahay kubo ang tahanan ng karaniwang tao sa kanayunan, at ang dingding at sahig nito'y yari sa kawayan, habang ang bubong naman ay yari sa sasa.

Halimbawa namang ito ang tanong ko: "Ano ang makikita nyo sa bukid?" Tiyak ang unang papasok sa inyong isipan ay kalabaw, araro, at mga tanim. Kung uusisain ko pa kung ano ang mga tanim, tiyak na may magsasabi ng isa o higit pang uri ng gulay. Maaaring masabi ang palay, tubo, mais, singkamas at talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani.

Mas angkop ang pamagat na "Aming Bukid" sa awiting "Bahay Kubo" dahil ang inilararawan ng buong awitin ay ang bukirin, at hindi ang mismong bahay kubo. Taniman ng gulay ang inilalarawan ng awit, kaya bakit "Bahay Kubo" ang pamagat nito, gayong tinalakay dito ay ang pagkakatanim ng maraming gulay. Maaari din "Sa Aming Gulayan" ang maging pamagat ng awit.

Mukhang hindi angkop ang pamagat ng "Bahay Kubo" at parang ipinilit na lamang. Kumbaga'y sa paligid ng bahay kubo ay maraming gulayan. Na maaaring totoo naman talaga.

Ngunit bakit "Bahay Kubo" gayong hindi naman tinalakay o inilarawan sa awit na ito ang mismong bahay kubo, na ito'y pahingahan, tulugan pag gabi, na gawa ito sa kugon o sasa, na magandang bahay ito dahil presko rito, na ito'y pugad ng pag-ibig, at marami pang nakapatungkol sa yari, disenyo at gamit ng bahay kubo.

Ang nangyari'y kung ano ang nasa paligid ng bahay kubo, na bukid o gulayan, ang inilalarawan at tinutukoy ng buong awit. Para na-out-of-place ang unang taludtod ng awit.

Halina't ating suriin ang awit. Bakit may mga tanim sa bahay kubo? Taniman ba ang bahay kubo, o imbakan ng gulay?

Bahay kubo,
kahit munti
ang halaman doon,
ay sari sari.
Singkamas at talong,
sigarilyas at mani
sitaw, bataw, patani.
Kundol, patola,
upo't kalabasa,
at saka meron pa,
labanos, mustasa.
Sibuyas, kamatis,
bawang at luya,
sa paligid-ligid
ay puno ng linga.

Mas magiging angkop kung papalitan ang pamagat ng awit at ng unang taludtod nito. Tulad ng nabanggit sa itaas, mas angkop ang pamagat na "Aming Bukid" kaysa "Bahay Kubo". Halina't namnamin natin ang mas tumpak na awit.

Aming bukid
kahit munti
ang halaman doon,
ay sari sari.
Singkamas at talong,
sigarilyas at mani
sitaw, bataw, patani.
Kundol, patola,
upo't kalabasa,
at saka meron pa,
labanos, mustasa.
Sibuyas, kamatis,
bawang at luya,
sa paligid-ligid
ay puno ng linga.

Kitang-kita na sa ikatlong taludtod na "ang halaman doon" hanggang sa ikalabinglima't huling taludtod na "ay puno ng linga" ay hinggil sa gulay at ito'y makikita lamang bilang tanim sa bukid, na siyang inilalarawan ng awit. Hindi naman inilarawan sa buong awit na ito'y napitas na't naitambak na sa bahay kubo bilang kamalig ng mga nabanggit na gulay, kundi nakatanim pa ang mga gulay na ito. Mahihinuha ito sa ikatlo't ikaapat na taludtod: "ang halaman doon ay sari-sari." Ang mga gulay ay mga halaman sa mga panahong iyon, na kung gagamitin ang dalawang salita sa ngayon, ang gulay ay tatawagin agad na gulay, at ang halaman ay yaong mga nakatanim pa na may mga dahon, sanga, at ugat.

Kaya mungkahi kong baguhin na ang pamagat ng "Bahay Kubo" at palitan ito ng "Aming Bukid" at kung magkakaroon ng bagong awiting pamamagatang "Bahay Kubo" ay tungkol talaga sa bahay kubo bilang tirahan at pahingahan ng tao, at hindi bilang taniman ng gulay, tulad nito:

Bahay kubo
Kahit maliit
Pahingahan ito
Ng aming paslit.
Yari sa kawayan
Ang dingding at sahig
Sasa naman ang atip
Dito'y malamig
Ang ihip ng hangin
Naglalatag ng banig
Pag gabing madilim
Bahay kubong sarili
At kaysarap damhin
Sa buong pamilya’y
Pugad ng pag-ibig.

Linggo, Marso 2, 2014

Bahagi ng aking tula sa kolum ni Fr. Robert

Isa sa sampung taludtod ng aking tulang "Maraming Salamat, Kasamang Tado" ang inilathala ni running priest Fr. Robert Reyes sa kanyang kolum na "Patakbo-Takbo" sa pahayagang Bulgar, ngayong Marso 2, 2014, araw ng Linggo. Tinalakay niya sa kanyang kolum ang "TA RUN TADO: TAra na, RUN for TADO" kung saan magkasama kaming tumakbo noong Biyernes mula sa tanggapan ng LTFRB hanggang sa sarado nang terminal ng Florida Bus sa Edsa. Maraming salamat sa tiwala at sa paglathala ng bahagi ng aking tula, Fr. Robert. Mabuhay ka!