Biyernes, Marso 28, 2014

Alamat ng tatlo kong kamera

ALAMAT NG TATLO KONG KAMERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon na ako ng tatlong kamera. Dalawang  instamatic at isang digital.

Ang una kong kamera ay nabili ko noong 1988 habang ako'y nasa Hanamaki City sa Iwate, Japan. Ibinenta ng isang kasama ko sa Japan ang kanyang instamatic camera sa akin, at dahil baguhan pa lang ako sa Japan noon at sabik nang magkaroon ng kamera, agad ko iyong binili. Maayos pa naman. Di ko na matandaan ang eksaktong halaga niyon, tila ang presyo niyon ay mukhang kalahati ng allowance na tinatanggap ko tuwing kinsenas doon. Kadalasang YKL ang film na gamit ko doon.

Anim na buwan akong naglagi sa Hanamaki City bilang isang iskolar (OJT) sa elektroniks kaya marami akong litrato roon, di lang sa pabrika, at sa bahay na tinuluyan namin, kundi sa iba't ibang magagandang lugar na napuntahan namin, tulad ng onsen ng mga Pinay, taniman ng mansanas, karagatan, at Mt. Fuji. Mula sa kamerang iyon ang mga litratong alaala ng aking pamamalagi sa bansa ng mga Hapon.

Gamit ko pa rin ang kamerang iyon pagbalik ko dito sa Pilipinas, at agad kinuha ng kumpanya, na tatlong taon kong pinagtrabahuhan bilang machine operator. Ang unang koleksyon ng litrato ng kapatid kong si Vergel ay galing sa kamerang iyon. Talagang nagpunta pa kaming magkapatid sa Fort Santiago na may dalang mga damit na pampalit. Kaya iba-iba ang suot namin nang pina-develop na namin ang mga litrato, na isang film lamang na may 36 shots. Sa pabrika'y marami rin akong kuha bilang manggagawa, kasama ang mga katrabaho sa pabrika.

Bumalik ako ng kolehiyo noong 1992 matapos ang halos apat na taong pagkawala dahil sa pangingibang-bansa at pagtatrabaho. Nag-resign ako sa trabaho upang makapag-aral muli. At hindi ko na matandaan kung paano nasira ang kamera, dahil na rin marahil sa pagiging abala sa pag-aaral.

Noong 1995, naging mga kaibigan ko ang mga kasapi ng grupong Kameradare sa aming eskwelahan, pagkat ang ilang kasapi doon ay staff ng publikasyon, kung saan ako ang features and literary editor sa loob ng dalawang taon (1995-1997). Marami akong natutunan sa Kameradare, lalo na kung paano kumuha ng mga anggulo, ano ang thirds, at iba pa.

Ang ikalawa kong kamera, na Kodak ang tatak, ay nabili ko noong 1997 sa bilihan ng Kodak malapit sa simbahan ng Quiapo sa halagang P1,500. Nakabili ako nito mula sa isang buwang sahod ko na P5,000 sa isang buwang boluntaryong pagtatrabaho sa opisina ng Kamalaysayan, na siyang bahay din ng historyador na si Ed Aurelio Reyes, sa Makati. Staff pa ako ng grupong Sanlakas noong panahong magkaroon ako ng ikalawang kamera. Hanggang sa malipat ako bilang staff at manunulat sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod).

Sa una kong kamera, binibili ko pa ang film, pero sa ikalawa kong kamera, may mga film developer na noon na pag nagpa-develop ka ng isang film ay may libre kang isang Konica Film na 36 shots. Kadalasang sa Kodak ako nagpapa-develop ng kamera, sa Quiapo o kaya'y sa SM North (na kilala ring SM West pag galing ka ng Maynila).

Ang kamerang ito'y ginamit namin ng mga kasama sa KPML dahil wala pa noon silang kamera, bandang 2004-2005. Maraming mahahalagang aktibidad at pangyayari, tulad ng mga rali, seminar, forum, at demolisyon ang kuha mula sa aking kamera. Doon na sa KPML ito nasira at hindi ko na pinansin. Una, mahal magpagawa, at wala akong pampagawa. Ikalawa, mahal magmintina at kailangan ng pambayad sa pagpapa-develop ng film. Ikatlo, kailangang bumili ng film dahil hindi naman sapat ang bigay na film kada pagpapa-develop. Ikaapat, may iba na akong pinagkakaabalahan noon.

Mapalad ako sa pagkakaroon ng ikatlong kamera. Ibinigay iyon sa akin ng mahal kong ina noong Mayo 12, 2013, bisperas ng Mother's Day. Kadarating lang niya noong Abril mula sa anim na buwang pamamalagi sa ibang bansa. Nabili nila iyon ng tiya Sahlee ko sa Estados Unidos. Isa iyong Fuji camera na hindi na kailangan ng film. Maganda iyon dahil digital camera at nada-download ko na agad ang mga litrato sa computer at naia-upload agad sa facebook, sa blog at sa website. Maraming maraming salamat talaga at nagkaroon ako ng kamerang iyon.

Kumpara sa naunang dalawa, mas magaan dalhin ang ikatlong kamera dahil na rin sa pagsulong ng teknolohiya. Hindi pa magastos dahil hindi na kinakailangan pang ipa-develop sa labas. Kaya mas nakakapagkonsentra na rin ako ngayon sa pagkuha ng litrato, at nailalagay agad iyon sa kompyuter.

Wala na ang una kong dalawang kamera, at nais kong tumagal pa sa akin ang ikatlo. Napakarami kong proyekto na magagamit ito. Sa ngayon, nakakakuha ako ng mga litrato sa aming mga aktibidad, lalo na sa mga pagkilos sa lansangan, rali, talakayan, mga mahahalagang gawain, at makasaysayang mga pangyayari.

Nais ko ring kunan ng litrato ang mga bagay-bagay na nais kong gawan ng tula, tulad ng isa kong tula tungkol sa matandang bahay ng aking mga lolo at lola, at isa ring tula na magkasama kami ng mahal kong ina sa litrato. Nile-layout ko sa publisher, nilalagay ko ang litrato sa isang bahagi at sa kabilang bahagi naman ang tulang nilikha ko na may kaugnayan sa litrato. Sadyang nakapagbibigay ng inspirasyon sa akin ang pagkakaroon ko muli ng kamera.

Nais ko ring malathala sa pahayagan at magasing ginagawa ko ang mga litratong kuha ko, pam-front page man, pang-center fold, o anumang pahina sa loob. Nais ko ring gamitin ang mga litratong kuha ko para sa pabalat ng mga libro ko ng tula. Kinukunan ko rin ng litrato ang mahahalagang pangyayari, tulad ng mga nagibang bahay sa Tacloban, at mga historical marker na naibabahagi ko sa facebook, lalo na sa mga grupo hinggil sa kasaysayan.

Balak ko ring magkaroon ng malaking kamerang may lens na pampropesyunal, ngunit napakamahal. Maganda iyon para sa mga pagpokus ng mga bagay at pangyayari gaano man iyon kalapit at kalayo. Pero sa ngayon ay pangarap pa lang iyon. Balang araw, magkakaroon din ako niyon, basta't mapag-ipunan ko lang iyon, o may magbigay sa akin ng lumang kamerang may lens dahil may bago na siyang ginagamit na kamera.

Gayunpaman, hindi ko inaasahan na magkakaroon ako ng kamera. Pero ito talaga ang gusto kong magkaroon noon pang ako'y estudyante pa sa kolehiyo at editor ng publikasyong pangkampus. Kailangan ko talaga ito bilang manunulat, bilang mamamahayag, bilang mananalaysay, bilang historyador, bilang aktibista, bilang makata.

Walang komento: