Martes, Hulyo 8, 2014

Ang isina-Filipinong Asian Horror Stories ng GMA 7

ANG ISINA-FILIPINONG ASIAN HORROR STORIES NG GMA 7
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Una kong napanood ang Asian Horror Stories sa GMA 7 noong Mayo 11, 2014, habang nakasakay ng bus pa-Maynila mula sa Cavite. Katatapos lang ng dalawang araw na reyunyon ng mga kasapi ng Teatro Pabrika sa isang resort sa Gen. Trias, kung saan ako'y nakasama.

Nagkainteres akong panoorin ito. Dahil bukod sa paksa ay mas madaling maunawaan ang kwento dahil ito'y isinalin sa wikang Filipino. Bilang makata at manunulat, magandang suriin din ang mga ganitong kwento ng kababalaghan, na talagang kaiba kung paano nila ipinresenta ang ganitong uri ng kwento kaysa kwentong katatakutan ng Pinoy.

Sumunod na araw ng Linggo, Mayo 18 ay napanood ko ang pelikulang pinamagatang Knock kung saan laging may kumakatok sa pinto ng isang dalaga. Noong Mayo 25 naman ay isang murder mystery sa isang gusali kung saan naresolba din ang kaso nang matukoy ng bidang babae kung sino ang pumaslang sa batang babae.

Nitong Hunyo 2014, napanood ko ang The Cat kung saan parang sumasanib ang pusa sa isang bata. Ang bidang babae ay nagtatrabaho sa isang shop ng mga pusa.

Sumunod na Linggo ay hindi ko na nabasa ang pamagat dahil nakasulat sa Kanji (o chinese characters) ngunit ito'y hinggil sa apat na magkakaibigang nagpapraktis para sa dulang Macbeth, na habang nakaharap sa salamin ang bidang babae ay may naririnig siyang tinig mula sa salamin. Naglaro pa sila ng lokal na bersyon nila ng spirit of the glass. Sa huli, nagpakamatay ang bidang babae sa pagtalon sa ilog, ngunit ayon sa ulat ng pulisya, namatay siya sa overdose ng isang gamot na lagi niyang iniinom.

Nariyan ang pinamagatang February 29 hinggil sa babaeng teller sa tollgate na nagiging saksi sa pagpatay pag sumasapit ang Pebrero 29, na tuwing apat na taon lang dumarating. Sa kalaunan, siya'y nabaliw. Ayon sa doktor, hindi naman talaga Pebrero 29 ng mangyari iyon at sinabi lang niya sa babae na Pebrero 29 kaya nagkaroon ito ng mga pangitaing muli hinggil sa misteryosong mga dugo sa toll gate ticket. Misteryoso ring pinaslang ang dalawang imbestigador.

Halos lahat ng istoryang pinanood ko ay hindi naman talaga hinggil sa multo, bagamat Asian Horror Stories ito, kundi tungkol sa murder o pagpaslang. Karamihan ay pawang mga paramdam. Ang matindi ay talagang nagsusuri ang mga bida, at hindi basta tumatakbo sa takot, di gaya ng mga katatakutang pelikulang Pinoy, na talagang may pagtili o sigawan.

Sa Asian Horror Stories, matapang ang bidang babae, kaya minsan ay iiyak na lang siyang mag-isa pagkat walang tumutulong sa kanya, dahil walang naniniwala. Kaya pilit niya itong reresolbahin sa sarili niyang pamamaraan.

Ang talagang napanood kong may multo ay ang pelikulang Nang Nak hinggil sa lalaking hindi niya alam na multo na pala ang kanyang asawa at anak. Kasa-kasama niya ang kanyang asawa at anak, ngunit sinabihan na siya ng isa niyang kababata na namatay sa panganganak ang kanyang asawa at anak ay hindi siya maniwala. Sa bandang huli, sa tulong ng mga mongheng Budist, nagkaroon ng ritwal, hanggang sa pinaglibingan sa babae't sa kanyang anak ay nagpaalam na ang bidang lalaki, at tinanggap naman ng babae na siya pala'y patay na.

Inumpisahan itong Hulyo ng palabas na White hinggil sa paghahanda ng isang grupo ng K-Pop singers. Ang istudyong pinagpapraktisan nila ay nasunog labinlimang taon na ang nakararaan. Ngunit dahil sa inggitan kung sino ang magiging lead singer, at ayaw manatiling back up dancer, nagkaroon ng trahedya. White ang pangalan ng lead singer dahil sa kanyang puting wig pag kumakanta.

Maganda ang pagkakasalin ng mga pelikulang iyon sa wikang Filipino. Sabay na sabay sa pagsasalita ng mga bida, at hindi nakababagot. Kung Ingles iyon, tiyak na papalitan ko ang tsanel dahil bukod sa mabagal ang takbo ng istorya ay di mo agad maunawaan ang sinasabi ng mga karakter sa kwento, lalo na't pyscho-thriller o horror mystery ang mga ito.

Dahil nasa wikang laging ginagamit sa pang-araw-araw, madali mong maunawaan ang kwento, panonoorin mo talaga at aabangan kung paano nalutas ng mga bida ang misteryong nakabalot sa mga pangyayari.

Bukod pa roon ay mapagninilayan ang kaibahan ng kanilang kultura sa kulturang Pinoy. Pag may katatakutan silang nararanasan, lalo sa modernong panahon, hindi sila nagpapatulong sa ibang tao, at pilit nilang nireresolba ang kanilang problema. Sa pelikulang Pinoy, kasama ang buong bayan sa kwento, kadalasang naroroon ang taumbayan, lalo na sa usapin ng aswang o anumang uri ng halimaw. Dito makikita ang kaibahan ng kanilang mga pananaw.

Kolektibo magresolba ng suliranin ang mga Pinoy. Laging kasama ang mga kaibigan sa pagresolba. Kaiba ito sa indibidwalismo ng ibang Asyano. Sa madaling salita, hindi katipiran ng paggawa ng pelikula kundi kung ano talaga ang pananaw o kultura ng isang bayan ang ipinakikita sa bawat pelikula. Kung gaano katipid sa karakter ang mga pelikulang katatakutan ng ibang Asyano ay ganoon din sila katipid sa pagsigaw.

Gayundin naman, kung gaano karami ang karakter sa mga pelikulang katatakutan ng Pinoy, hindi rin nila tinitipid ang kanilang pagsigaw. At sigaw talaga, pag nakakita ng multo, pugot na ulo, duguang putol na kamay, o white lady na karaniwan na sa mga pelikulang Pinoy. Nagsusuri ang ibang Asyano kung bakit may nangyayaring kababalaghan, at bihira ang pugot na ulo, duguang putol na kamay o white lady, ngunit marami ay pulos paramdam.

Gayunman, masasabi kong magaganda ang presentasyon ng mga pelikulang handog sa Asian Horror Stories, at matututo ka rin sa kanila kung paano ba nila nakokontrol ang kanilang emosyon sa kabila ng mga nagaganap na kababalaghan at paano ba sila nagsusuri upang malutas ang kanilang kinaharap na mga suliranin.

Walang komento: