ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal,
makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat
hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay
dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay
nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan
ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't
ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit
animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin
pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa
kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang
punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na
maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo
hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo
kong kamag-anak.
Nagkaroon
ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green
SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa
Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa
Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong
makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang
nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga
Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa
ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay
Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng
mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong
bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa
NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador,
mananaliksik, dyarista, at manunulat.
Gayunpaman,
hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga
maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad.
Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng
Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green
SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at
mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at
ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging
tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay
nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.
Naisip
kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil
isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil
sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga
adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat
na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking
bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para
sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap.
Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.
Ang
mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama
sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang
Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang
magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa
ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may
maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't
hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong
lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA
na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.
Noong
Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang
aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong
Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay
ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking
mga magulang at tumututok sa pagtatanim.
Dagdag
pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda,
kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang
aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng
hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking
puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang
bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang
bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno
sa tabi ng aming bahay.
Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento