ANG TULANG "KAY CELIA" NG MAKATANG SINA BEN JONSON AT FRANCISCO BALAGTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sino ba si Celia? At bakit kayraming mga makatang siya ang pinag-aalayan ng pagsinta? Tunghayan natin ang dalawang makata, isang Ingles at isang Filipino, na nag-alay ng tula sa babaeng nagngangalang Celia.
Noong taon 1616 nakatha ang Song: To Celia ng makatang Ingles na si Ben Jonson (1572-1637). Noong 1836 naman tinatayang nakatha ni Francisco Balagtas (1788-1862) ang Florante at Laura kung saan inalay niya ito sa isang nagngangalang Celia. May 22 saknong ang tulang Kay Celia ni Balagtas, bago ang 6 na saknong na Sa Babasa Nito, at ang 399 na saknong na Florante at Laura.
Nakita ko ang "Song: To Celia" ni Ben Jonson sa aklat na Discovering Literature, nina Hans P. Guth at Gabriele L. Rico, pahina 902, na inilathala ng A Blare Press Book. Ang pinangsanggunian ko naman ng "Kay Célia" ay mula sa bagong edisyon (2003) ng aklat na Florante at Laura ni Balagtas na may mga pagsusuri at anotasyon ni Virgilio S. Almario, pambansang alagad ng sining para sa panitikan, pahina 47-50. Ibinatay ito sa limbag noong 1861 ng Imprenta de Ramirez y Girauder.
Ayon sa talasalitaan sa pahina 139 ng Florante at Laura, Bagong Edisyon (2003) ni Virgilio S. Almario, si Celia ay "sinasabing palayaw ni Balagtas sa kanyang mutyang si Maria Asuncion Rivera; ngunit maaaring isang pagtawag din kay Sta. Cecilia na musa ng musika." Parehong tinuturing na awit ang tula nina Balagtas at ng banyagang makatang si Ben Jonson. At marahil ay maganda ring alay ang mga iyon sa musa ng musika na si Sta. Cecilia. Ang "Kay Celia" ni Balagtas ay napakahusay namang isinalin sa wikang Ingles ng makatang Marne Kilates.
Ayon pa sa pananaliksik, si Celia ay isang mahalagang tauhan din sa dulang As You Like It ng makatang Ingles na si William Shakespeare, na nang taon nang naisulat ni Ben Jonson ang kanyang tulang Song: To Celia, ay taon din ng kamatayan ni Shakespeare. Dagdag pa rito, ang Celia umano ay mula sa wikang Latin na "caelum", na nangangahulugang "langit". At dahil nagmula rin ito sa Cecilia, maaari din itong mangahulugang "bulag" o "musika", (Wikipedia).
Halina't namnamin natin ang mga tulang alay nila sa kani-kanilang Celia.
SONG: TO CELIA (1616)
Ben Jonson
Drink to me only with thine eyes,
And I will pledge with mine;
Or leave a kiss but in the cup,
And I'll not look for wine.
The thirst that from the soul doth rise,
Doth ask a drink divine:
But might I of Jove's nectar sup,
I would not change for thine.
I sent thee late a rosy wreath,
Not so much honoring thee,
As giving it a hope, that there
It could not withered be.
But thou thereon didst only breath,
And senst it back to me;
Since when it grows and smells, i swear,
Not of thyself, but thee.
AWIT: KAY CELIA
Ni Ben Jonson
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
Tagayan mo ako ng iyong mga mata lamang
At ako'y mamamanata nitong abang sarili;
O mag-iwan kaya ng halik subalit sa tasa,
At ako'y hindi na maghahagilap pa ng basi.
Ang uhaw na mula sa aking kaluluwa'y buhat
Sa inaasam-asam na basing may pagkasanto:
Subalit ako man sa lagdò ni Jove'y hihigop
Ako'y hindi magbabago alang-alang sa iyo.
Pinadalhan kita nito lang ng rosas na putong,
Ito'y hindi upang ikaw ay bigyang-karangalan,
Na animo'y nagbibigay ng pag-asa, na roon
Ay hindi na nga malalanta-lanta pang tuluyan.
Ngunit ikaw kapagdaka'y humihinga na lamang,
At iyong ibinalik iyon sa aba mong lingkod;
Subalit nang lumago iyon at humalimuyak,
Ako'y sumusumpa, hindi roon, kundi sa iyo.
Ito ang pagpapakilala kay Ben Jonson, batay sa Biographies of Poets sa nasabi ring aklat, pahina 1803: "Ben Jonson (1572-1637), callled by one critic 'the most scholarly of all Elizabethan playwrights,' worked for a time at bricklaying, his stepfather's trade. Jonson's real love, however, was the theather, and after military service he became attached to a company of actors as player and playwright. His 'Every Man in His Humour' was performed in 1598, with Shakespeare in the cast. Jonson also wrote love lyrics and songs for his many plays and masques."
Ito naman ang tulang "Kay Celia" ni Francisco Balagtas, na maaari ding inaawit, dahil ang turing nga sa buong Florante at Laura ay isang awit. Binubuo ito ng dalawampu't dalawang saknong, at narito ang unang anim na saknong:
KAY CÉLIA
ni Francisco Balagtas
1 Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Céliang namugad sa dibdib?
2 Yaong Céliang laging pinanganganibang
baka makalimot sa pag-iibigan,
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.
3 Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan namin?
Kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?
4 Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.
5. Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pag-aliw sa dusa:
nagdaang panaho'y inaalala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.
6 Sa larawang guhit ng sa sintang pinsel
kusang inilimbag sa puso't panimdim,
nag-iisang sanglang naiwan sa akin
at di mananakaw magpahanggang libing.
Ang Célia na si Maria Asuncion Rivera ng Pandacan sa Maynila ang Céliang pinatutungkulan ni Balagtas, na mapapatunayan na rin sa ika-22 saknong ng kanyang "Kay Célia":
22 Ikaw na bulaklak niring dili-dili,
Céliang sagisag mo'y ang eMe A eRe;
sa birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si eFe Be.
Célia. Iniiibig ng dalawang makata. Inspirasyon ng mga makata. Pinag-aalayan nila ng tunay na pag-ibig, ng pagsintang animo'y abot hanggang langit. At marahil may iba pang makatang nag-alay din ng kanilang tula sa sinisinta nilang nagngangalan ding Celia.
Dahil dito'y naisipan kong lumikha rin ng sariling bersyon ng tulang "Kay Célia":
KAY CELIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
Sino ang Célia nina Balagtas at Jonson?
Tila sila'y magandang dilag ng kahapon!
Natititik sa diwa't puso nilang yaon
Ang Céliang walang kamatayan ng panahon!
Ang ngalang Célia ba'y simbolo ng siphayo?
O ito'y tatak ng sanlaksang panibugho?
Tulad nila'y may Célia akong nasa puso
Na buong pag-ibig ang ipinangangako!
Ang Célia'y simbolo, iba man ang pangalan
Ng babaing sinisinta't iniingatan
Kung diwata siya ng buong kagiliwan
O, kaysarap ibigin ng Céliang naturan.
Sa Célia ng makatang Jonson at Balagtas
Ang pagsinta nga'y inspirasyong walang kupas
Na maaaring mawala sa maling landas
Ngunit sa sugatang puso pa rin ay lunas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento