Sabado, Setyembre 19, 2015

Laudato Si, naisalin na sa wikang Filipino

LAUDATO SI, NAISALIN NA SA WIKANG FILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salamat sa mga kasama sa Climate Walk. Nang dahil sa kanilang pagtitiwala sa kakayahan ng inyong lingkod ay pinagsikapan kong isalin sa wikang Filipino ang Laudato Si, ang bagong Ensikliko ni Pope Francis. Sa ngayon ay natapos na ang salin sa wikang Filipino ng Laudato Si. Ilang editing na lang at maaari nang ilathala.

Ang Climate Walk ay isang mahabang lakaran mula Kilometer Zero (Luneta) hanggang Ground Zero (Tacloban) na ginanap mula Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Nitong Hunyo 18, 2015, naglakad ang ilang kasapi ng Climate Walk mula sa Kilometer Zero hanggang Simbahan sa Remedios Circle sa Malate, kasama na ang ilang parishioner nito. Nagkaroon ng programa sa loob ng simbahan hinggil sa Ensiklikong pinamagatang Laudato Si, o "Praise Be!" na isinulat ni Pope Francis. Ito'y sulatin ng Simbahan hinggil sa kalagayan ng ating mundo, tungkol sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay sa daigdig, at anong dapat nating gawin sa nagbabagong klima, o climate change.

Matapos ang programa, napag-usapan ng ilang kasapi ng Climate walk kung gaano kahalaga ang nilalaman ng Laudato Si at dapat itong maipaunawa sa mamamayan. Kaya kinausap ako nina Rodne Galicha ng Climate Reality at Naderev "Yeb" Saño, dating Commissioner ng Climate Change Commission, na maisalin ito sa wikang Filipino, na agad kong sinang-ayunan. Isang malaking karangalan na sa akin ipinagkatiwala ang pagsasalin ng mahabang dokumentong iyon, na umaabot ng 246 na talata at 82 pahina sa pdf file. Kaya agad kong sinaliksik ang dokumentong iyon sa internet at ang-download ng pdf file, na siya kong isinalin.

Sinimulan ko ang pagsasalin noong Hunyo 24 at ginawan ko ito ng blog sa internet upang makita na ng mga kasama ang unti-unting pagsasalin ng Laudato Si. At natapos ko naman ang salin noong Setyembre 16, 2015. Kaya umabot ito ng higit sa dalawa't kalahating buwan. Makikita ito sa http://laudatosi-bersyongpinoy.blogspot.com/. Bawat araw ay isinasalin ko muna ang limang talata, at ina-upload. Kumbaga, isinisingit ko sa gabi, o sa libreng oras sa araw ang pagsasalin.

Kung nagsimula ako ng Hunyo 24, at limang talata kada araw, dapat matatapos ko ang 246 na talata ng Agosto 12, 2015. (246 talata divided by 5 equals = 49.2 o 50 days)  Ngunit dahil sa dami ng trabaho, at may isinasalin ding ibang dokumento, ay nabinbin din ang pagsasalin ng Laudato Si. Nais ko sanang matapos iyon nang maaga. Noong Hulyo ay nakapagsalin ako ng 50 talata, Hulyo ay 120 talata, Agosto ay 25 lamang, at Setyembre ay 51 talata.

Mahirap din ang magsalin, dahil kinakailangan mong hanapin ang angkop na salin at kahulugan ng salita, at kung mayroon ba itong katumbas sa wikang Filipino. Nakatulong ng malaki sa pagsasalin ang English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ang UP Diksyunaryong Filipino, at ang Wikipedia.

Sa Wikipedia ko nakita ang salin ng Holy See, o Banal na Sede. Nakita ko naman sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ang salin ng dam sa Filipino, at ito'y saplad. Sa pahina 175 ng UP Diksyunaryong Pilipino nakita ko naman ang angkop na salin ng biodiversity (bá-yo-day-vér-si-tí) na nangangahulugang pagkakaiba-iba ng mga haláman at hayop, at ito'y saribuhay. Sa Wikipedia ay nakita kong ang salin ng cereal ay angkak o sereales.

Bilang makata, mahalaga ang mga salin sa wikang Filipino upang magamit sa pagtula, at maipaunawa sa iba na hindi dapat laging ginagawang Kastila ang mga wikang Ingles pag isinasalin sa wikang Filipino. Ang community na isinasalin ng komunidad (na sa Kastila ay comunidad) ay may salin pala sa wikang Filipino, at pamayanan ang tamang salin ng community sa wikang Filipino.

May mahirap ding hanapan ng salin, tulad ng aquifer - akwiper na nasa talata 38. An aquifer is an underground layer of water-bearing permeable rock or unconsolidated materials (gravel, sand, or silt) from which groundwater can be extracted using a water well. Hinanap ko ang katumbas nito sa UP Diksyunaryong Filipino at sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, ngunit wala ito roon. Marahil may katumbas na salita ito sa wikang Filipino na alam ng mga mangingisda.

May salin din na tila hindi angkop, tulad ng salitang collateral sa talata 49 na ang salin ay ginarantiyahan, ayon sa English-Tagalog Dictionary, ni Fr. Leo English, p. 167. Kaya pag isinalin natin ang collateral damage, ito'y magiging ginarantiyahang pinsala, na palagay ko'y hindi talaga angkop. Dahil sa digmaan, ang sinumang sibilyang madamay sa digmaan, minsan ay itinuturing na collateral damage, o sa pagkaunawa agad, ito'y mga nadamay lang ngunit hindi dapat mamatay. Subalit pag isinalin mo na sa wikang Filipino, kung ang mga sibiliyang nadamay na iyon ay collateral damage, ibig sabihin ba, ginarantiyahan ang pinsala sa kanila? Hindi angkop.

Kaya mahalaga sa pagsasalin ang buong pag-unawa sa buong pangungusap at buong teksto upang hindi sumablay sa pagsasalin.

Gayunman, dadaan pa sa mas madugong editing ang natapos na salin upang matiyak na akma ang mga salin. Marami pang dapat gawin matapos ang buong pagsasalin, dahil bukod sa madugong editing ay ang pagdidisenyo nito bilang aklat at pagpapalathala.

Halina't tingnan ang salin ng Laudato Si sa:
http://laudatosi-bersyongpinoy.blogspot.com/.

Walang komento: