Sabado, Abril 29, 2023

Kwento - Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Wala tayong pasok sa Mayo Uno dahil holiday. Mungkahi kong magtungo tayo sa isang beach, mag-party, at bibili ako ng isang buong litson upang ating pulutan. Sang-ayon ba kayo, mga kasama, sa aking mungkahi?” Ito ang tanong ni Ka Mulong habang nanananghalian sa loob ng pabrikang pinapasukan. “Minsan lang naman sa isang taon tayo magsaya at magsama-sama nang nagkakasiyahan.”

Agad na sumagot si Manong Kadyo, “Walang pasok ang Mayo Uno dahil deklarado itong holiday sa bansa, pagkat kinikilala ng pamahalaan ang isang araw na ito ng mga manggagawa. Kaya sa ibang araw na natin idaos ang sinasabi mong party. Dapat makiisa tayo sa pagdiriwang ng Labor Day sa bansa.”

“Ano namang mapapala natin diyan?” Tanong ni Ka Mulong. “Aba’y magpapainit lang tayo sa matinding sikat ng araw. Matindi na ang klima ngayon dahil sa climate change. Ayon sa balita, pumalo na sa 50 degri Celsius ang init ng panahon kaya pinag-iingat tayo. Tapos dadalo tayo riyan sa sinasabi ninyong Mayo Uno? Paano kung ma-heat stroke ako? Sasagutin ba ninyo?”

“Magdala ka ng payong at tubig, magsupot ka ng sumbrero at ng tshirt na may mahabang manggas. Hindi natin maaaring palampasin ang pagdiriwang ng Mayo Uno dahil nakikinabang tayo sa naging tagumpay ng mga manggagawa noon kaya may otso oras na paggawa tayo. Otso oras na paggawa, otro oras na pahinga o tulog, at otso oras sa iba pang gawain.” Sabi ni Lara, manggagawang lider-kababaihan sa pabrika nila.

“Dapat tayong maghanda sa pagkilos sa araw na iyan, kasama ang iba pang mga manggagawa sa iba pang pabrika. Isang napakahalagang araw itong dapat pinaghahandaan ng manggagawa taon-taon: ang makasaysayang Mayo Uno, na itinuturing na Dakilang Araw ng Paggawa.” Ito ang paliwanag ni Ka Igme. “Tama si Lara. Makasaysayan dahil naipagtagumpay ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Kaya lalahok tayo. Ang sinasabi ni Mulong na party ay sa ibang araw na natin gawin, huwag sa mismong Mayo Uno dahil araw nating mga manggagawa iyon. Ibigay na natin ang araw na iyon para sa ating mga kapwa manggagawa. Lalahok tayo sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang ipakita ang ating lakas at pagkakaisa, hindi lang bilang karaniwang empleyado kundi bilang uri - uring manggagawa.”

“Anong ibig mong sabihin ng pagkilos bilang uri? At saka bakit uring manggagawa?” Tanong muli ni Mulong na tila nagugulumihanan.

“Alam mo, Mulong?” Ang sabi ni Ka Igme, “Mahalaga ang pagkilala ng manggagawa sa kanyang mga kamanggagawa bilang kauri dahil iisa tayo ng uring pinanggagalingan, ang uring walang pag-aari kundi tanging ang lakas-paggawa. Hindi tayo kabilang sa uring iilan, tulad ng kapitalista, asendero, o elitista. Kaya tayo manggagawa ay dahil ibinebenta natin ang ating lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng ilang barya o sahod upang mabuhay tayo at ang ating pamilya. Halos lahat ng pakinabang ng manggagawa ngayon ay ipinaglaban ng manggagawa, at hindi naman ito kusang ibinigay sa kanila. Benepisyo’t batas na dapat pang ipaglaban ng manggagawa upang matamasa, tulad ng otso oras na paggawa, sick leave, maternity leave, right to organize, karapatang mag-aklas, health benefits, retirement benefits, collective bargaining at marami pang iba.”

Sumagot din si Lara, “Noong panahon ng martial law na bawal ang magwelga, ipinutok ng mga manggagawa ng La Tondeña ang welga, kung saan naipanalo nilang maregular ang mga nasa 600 kaswal na manggagawa. Ah, talagang sa paglaban nating manggagawa nakukuha ang mga benepisyong kailangan natin dahil hindi ito kusang ibibigay ng mga tuso, dupang, at nagpapakabundat na kapitalista dahil makakabawas ito sa kanilang kinakamal na tubo galing sa dugo’t pawis ng manggagawa.”

“Kumbinsido na ako sa mga sinasabi ninyo. O, sige,” ani Mulong, “Sasama na ako sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Salamat. Ito ang mga detalye ng pagkilos.” Sabi ni Lara.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2023, pahina 18-19.

Martes, Abril 25, 2023

Una kong Poetry Book ng Nobel Prize Winner

UNA KONG POETRY BOOK NG NOBEL PRIZE WINNER
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago umuwi ay dumaan muna ako sa National Bookstore sa Malabon City Square kahapon, Abril 24, pagkagaling sa pulong sa tanggapan ng maralita sa Navotas. At doon ay nakita ko ang aklat na Field Work, Poems, ni Seamus Heaney, Winner ng Nobel Prize in Literature.

Naengganyo ako sa pabalat pa lamang, dahil nakasulat ay Poems sa ilalim ng pamagat na Field Work. Kung walang Poems na nakasulat, baka hindi ko ito pinansin. Nakadagdag pang nakaakit sa akin ang Winner of the Nobel Prize in Literature sa ilalim ng pangalang Seamus Heaney, na hindi ko naman kilala, at ngayon ko rin lang narinig at nabatid.

Hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na iyon, na kahit pamasahe ko na lang ang nasa bulsa ay agad kong binili. Nag-iisa na lang kasi iyon sa iskaparate ng mga aklat. Baka maunahan pa ako ng iba. Ika nga, treasure na ito para sa mga makatang tulad ko, at collector's item para sa aking munting aklatan. May sukat na 5.5" x 8.25" ang nasabing aklat na nabili ko sa halagang P199.00. Inilathala ito ng Farrar - Straus - Giroux (FSG) sa New York.

Nasa dalawampu't siyam na tula ang nalathala sa aklat, na umaabot ng limampu't apat na pahina. Ang kabuuang aklat ay nasa 68 pahina, kasama ang Acknowledgement, Table of Contents, at iba pang aklat ng FSG Classics. Nabanggit din ang pamagat ng iba pang aklat ng tula ni Seamus Heaney, na umaabot ng labingwalo, kabilang ang Field Work, apat na aklat ng kritisismo, dalawang Plays o Dula, at isang Translation o Salin. 

Bagamat may ilang aklat na rin ako ng nobela ng iba pang Winner ng Nobel Prize in Literature, tulad ng Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway, na nagawaran ng Nobel Prize in Literature noong 1954, ang Field Work ni Seamus Heaney ang una kong aklat ng tula ng isang Winner ng Nobel Prize in Literature. 

Walang tala hinggil sa talambuhay ni Seamus Heaney, bagamat may tala o blurb sa likurang pabalat ng aklat hinggil sa Field Work: Field Work is the record of four years during which Seamus Heaney left the violence of Belfast to settle in a country cottage with his family in Glanmore, Country Wicklow. Heeding "an early warning system telling me to get back inside my own head," Heaney wrote poems with a new strength and maturity, moving from the political concerns of his landmark volume North to a more personal, contemplative approach to the world and to his own writing. In Field Work he "brings a meditative music to bear upon fumdamental themes of persons and place, the mutuality of ourselves and the world" (Denis Donoghue, The New York Times Book Review).

[Ang Field Work ang tala ng apat na taon kung saan iniwan ni Seamus Heaney ang karahasan ng Belfast upang manirahan sa isang bahay kubo sa kanayunan kasama ang kanyang pamilya sa Glanmore, Country Wicklow. Dininig ang "isang maagang babala sa sistemang nagsasabi sa aking bumalik sa loob ng sarili kong ulo," sumulat si Heaney ng mga tulang may bagong lakas at matyuridad, na kumilos mula sa mga pampulitikang pag-alala sa kanyang tungkong batong tomo ng North patungo sa isang mas personal, mapagnilay na pananaw sa daigdig at sa kanyang sariling sulatin. Sa Field Work kanyang "dinala ang mapagnilay na himig upang maatim ang mga batayang tema ng mga tao at lugar, ang pagdadamayan ng ating sarili at ng daigdig" (Denis Donoghue, The New York Times Book Review).]

Sa bandang ibaba naman ay nakasulat: "Seamus Heaney received the Nobel Prize in Literature in 1995. He lives in Dublin."

Nagsaliksik ako ng kanyang talambuhay, kung sino ba talaga siya, bukod sa pagiging Nobel Prize winner. Ayon sa wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Seamus_Heaney):

Seamus Justin Heaney MRIA (13 April 1939 – 30 August 2013) was an Irish poet, playwright and translator. He received the 1995 Nobel Prize in Literature. Among his best-known works is Death of a Naturalist (1966), his first major published volume. Heaney was and is still recognised as one of the principal contributors to poetry in Ireland during his lifetime. American poet Robert Lowell described him as "the most important Irish poet since Yeats", and many others, including the academic John Sutherland, have said that he was "the greatest poet of our age". Robert Pinsky has stated that "with his wonderful gift of eye and ear Heaney has the gift of the story-teller." Upon his death in 2013, The Independent described him as "probably the best-known poet in the world".

(Si Seamus Justin Heaney MRIA (Abril 13, 1939 - Agosto 30, 2013) ay isang makatang Irish, mandudula at tagasalin. Nagawaran siya ng Nobel Prize in Literature noong 1995. Kabilang sa kanyang pinakakilalang akda ang Death of a Naturalist (1966), ang kanyang unang mayor na nalathalang tomo. Kinilala at kinikilala pa rin si Heaney bilang isa sa pangunahing tagapag-ambag ng tula sa Ireland sa kanyang panahon. Inilarawan siya ng makatang Amerikanong si Robert Lowell bilang "pinakamahalagang makatang Irish mula pa kay Yeats", at marami pang iba, kasama ang akademikong si John Sutherland, na nagsabing siya "ang pinakadakilang makata sa ating panahon". Sinabi ni Robert Pinsky na "sa kanyang kahanga-hangang taglay na mata at tainga ay may talento si Heaney ng pagiging kwentista." Sa kanyang pagkamatay noong 2013, inilarawan siya ng The Independent bilang "marahil ang pinakabantog na makata sa daigdig".)

Ayon naman sa Poetry Foundation (https://www.poetryfoundation.org/poets/seamus-heaney): Seamus Heaney is widely recognized as one of the major poets of the 20th century. A native of Northern Ireland, Heaney was raised in County Derry, and later lived for many years in Dublin. He was the author of over 20 volumes of poetry and criticism, and edited several widely used anthologies. He won the Nobel Prize for Literature in 1995 "for works of lyrical beauty and ethical depth, which exalt everyday miracles and the living past." Heaney taught at Harvard University (1985-2006) and served as the Oxford Professor of Poetry (1989-1994). He died in 2013.

(Si Seamus Heaney ay kinikilala bilang isa sa mga pangunahing makata ng ika-20 siglo. Katutubo sa Hilagang Ireland, lumaki si Heaney sa County Derry, at kalaunan ay nanirahan ng maraming taon sa Dublin. Siya ang may-akda ng mahigit 20 tomo ng tula at kritisismo, at nag-edit ng maraming ginawang antolohiya. Nanalo siya ng Gawad Nobel para sa Panitikan noong 1995 "dahil sa pagkatha ng magagandang liriko at kaasalang malalim kung arukin, na ipinagbubunyi ang araw-araw na mga himala at ang buhay na nakaraan." Nagturo si Heaney sa Harvard University (1985-2006) at nagsilbi bilang Guro ng Pagtula sa Oxford (1989-1994). Namatay siya noong 2013.)

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang kanyang sonetong A Drink of Water, na nasa pahina 8 ng Field Work, Poems:

A Drink Of Water
by Seamus Heaney

She came every morning to draw water
Like an old bat staggering up the field:
The pump’s whooping cough, the bucket’s clatter
And slow diminuendo as it filled,
Announced her. I recall
Her grey apron, the pocked white enamel
Of the brimming bucket, and the treble
Creak of her voice like the pump’s handle.
Nights when a full moon lifted past her gable
It fell back through her window and would lie
Into the water set out on the table.
Where I have dipped to drink again, to be
Faithful to the admonishment on her cup,
Remember the Giver fading off the lip.

Isang Inuming Tubig
ni Seamus Heaney

Pag umaga'y pumupunta siya't umiigib ng tubig
Tulad ng matandang paniking pasuray-suray sa bukid:
Ang paglangitngit ng poso, ang kalampag ng timba
Na kaybagal man ay napupuno niya ito,
Inihayag sa kanya. Naalala ko
Ang kanyang abuhing apron, ang binulsang puting enamel
Ng umaapaw na timba, at ang patatlo-tatlong
Impit ng kanyang tinig na parang hawakan ng poso.
Mga gabing pasan ng bilog na buwan ang kanyang kabalyete
Bumagsak ito sa kanyang bintana at titihaya
Sa tubig na nakalagay sa hapag.
Kung saan nalubog ako upang uminom muli, upang maging
Tapat sa paalala sa kanyang tasa,
Alalahanin ang Tagabigay na kumukupas ang labi.

Nakalulugod na natsambahan ko ang isa sa kanyang aklat, na binili ko sa National Bookstore sa Malabon. Marahil para sa akin talaga ang aklat na ito. Maraming salamat po.

Linggo, Abril 16, 2023

Jerbert Briola, Gregorio Y. Zara, at iba pang inhinyero sa bansa

JERBERT BRIOLA, GREGORIO Y. ZARA, AT IBA PANG INHINYERO SA BANSA
Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tinalakay na magagaling na nakatapos ng engineering sa artikulong ito: The undervalued Filipino engineer na sinulat ni Isagani De Castro, na nalathala Abril 15, 2023 sa Rappler.com, at matatagpuan sa link o kawing na: https://www.rappler.com/.../opinion-undervalued-filipino.../

Kung ako ang nagsulat nito, isasama ko si Jerbert Briola, kilalang Human Rights Defender (HRD) at isa sa founder ng HR online Ph, at ng taunang Human Rights Pinduteros Award, na graduate ng B.S. Chemical Engineering sa FEATI University. Siya rin ang opisyal na kinatawan ng human rights community sa bansa sa National Preventive Mechanism (NPM) against torture kasama ng CHR (Commission on Human Rights).

Halos kasabayan ko si Jerbert sa FEATI, dahil features literary editor ako ng campus paper na The Featinean noong siya pa ang pangulo ng FEATI University Supreme Student Council (FUSSC).

Unang nabanggit sa nasabing artikulo si Gregorio Y. Zara, mula rin sa FEATI U, at nag-iisang national scientist na inhinyero sa ating bansa. Siya ay naging propesor ng aeronautics sa FEATI, naging head ng Aeronautical Engineering Department at dean ng Engineering and Technology, at naging vice president at acting president ng FEATI. Si Zara ang imbentor ng TV Telephone noong 1956, ilang dekada bago tayo magkaroon ng video call sa ating mga selpon.

Nabanggit din sina Tony Tan Caktiong ng Jollibee, graduate ng chemical engineering sa UST; si Ramon Ang ng San Miguel Corp., graduate ng mechanical engineering sa FEU; si dating President Fidel V. Ramos na civil and military engineer; si Diosdado Banatao, ang sinasabing "Bill Gates" ng Pikipinas, graduate ng electrical engineering sa Mapua Institute of Technology; Edgar Saavedra, CEO ng Megawide, graduate ng civil engineering sa La Salle; at ang mag-amang engineer na si David at Sid Consunji, na nagdisenyo ng CCP, PICC, Folk Arts Theatre at Manila Hotel.

Binanggit din ang mga di kilalang inhinyerong nagtayo ng Banaue Rice Terraces, na kinilalang World Heritage Site ng UNESCO noong 1995.

Ang tanong: Paano nagamit ni Jerbert Briola ang kanyang tinapos bilang chemical engineer upang lalo pang mapatampok ang usapin ng karapatang pantao, bukod sa HR OnlinePh, Human Rights Pinduteros Award, at kinatawan sa NPM against torture? Tulad ng paano ginamit ni Caktiong ang pagiging chemical engineer upang mapalago ang Jollibee?

Tulad ko, paano ko ba ginagamit ang kursong BS Math, bagamat di ako nakatapos dahil maagang nag-pultaym, sa larangan ng pagsusulat, pagtula, at aktibismo?

Masasagot ito pag nakapanayam na si Jerbert Briola para sa isa pang artikulo. Maaang hindi ako. Maaaring ng Rappler pa rin.

Mabuhay ang mga kasamang inhinyero tulad ni Jerbert Briola!

Biyernes, Abril 14, 2023

Kwento - Poor Mindset versus Rich Mindset nga ba?

POOR MINDSET VERSUS RICH MINDSET NGA BA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabigla ako sa sinabing iyon ng isang matagal nang kakilala. Ang sabi niya, “Kaya naman ganyan ang mga mhihirap na iyan kaya di umaasenso ay dahil sa poor mindset. Kung sila ay may rich mindset, aba’y di sila ganyan. Iyon ngang kapitbahay kong magbobote, noong bata pa ako ay magbobote na, ngayong matanda na ako, magbobote pa rin. Para bang wala silang pangarap, kaya di sila umasenso. Ngayon, pati anak niya ay magbobote na rin.”

Napatunganga ako sa kanyang sinabi. Isa kasi siyang entrepreneur, o yaong may maliit na negosyong pinagkakakitaan. Gayunpaman, batid niyang nasa kilusan ako ng mga maralita, na para bang sinasabi niyang “Bakit iyan ang mga kasama mo? Dapat sumama ka sa mga may rich mindset upang umasenso ka rin.” Subalit hindi niya iyon sinabi sa akin,

Ang tangi kong nasabi sa kanya, “Ako naman ay hindi sang-ayon diyan, dahil kahit nasa maralita man ako, di naman ako poor mindset, bagamat di rin naman ako rich mindset, na ang iniisip lagi ay paano magnenegosyo upang kumita. Ayokong tingnan ang tao sa dalawang iyan, poor mindset versus rich mindset. Dahil kaming mga aktibista, kaya naging aktibista, ay dahil sa good-of-all mindset.”

“Ano naman iyon?” ang agad niyang tanong.

“Pasensya na,” tugon ko, “na hindi ko talaga nabasa ang Rich Dad, Poor Dad, ni Robert Kiyosaki, na marahil ay binasa mo, at batayan mo ng poor mindset at rich mindset. Ang ibig kong sabihin sa good-of-all mindset ay ang kabutihan ng lahat, hindi lang ng iilan, hindi lang ng iisang pamilya, hindi lang ng pag-asenso ng pamilya ko, kundi sabayang pag-unlad ng lahat.”

“Paano naman mangyayari iyon?” ang agad tanong niya.

Agad din naman akong tumugon, “Kaya ako naging aktibista ay dahil sa paniniwalang iyan, good-of-all, kabutihan ng lahat. Dapat walang maiiwan, walang nagsasamantala ng tao sa tao. Sa pananaw ko, iyang rich mindset na sinasabi mo ay pansariling pag-asenso lang, na iyan ay makukuha mo sa sipag at tiyaga. Nagbi-breed iyan ng pagkamakasarili, at nawawala ang pakikipagkapwa sa ngalan ng tubo o malaking kita. Sa good-of-all mindset, laging dignidad ng tao ang una, nakikipagkapwa tao at nagpapakatao. Kaya pangarap namin ay maitayo ang isang lipunang makatao na ang lahat ay nakikinabang. Walang maiiwan sa pag-unlad.”

“Mahirap iyang sinasabi mo. Hindi ko kaya. Bakit ko iisipin ang ibang tao? Sarili nga nila, hindi nila iniisip. Baka nagbi-breed naman ng katamaran iyang gusto niyong good-of-all minset? Matapos magtrabaho ng manggagawa, saan sila madalas pumunta? Hindi ba sa inuman? Imbes na mag-isip pa sila ng mga bagay na makakatulong sa pamilya, sa inuman ang tuloy nila. Tapos pag-uwi ng bahay, matutulog na lang. Pag nagutom siya dahil lasing, maghahanap ng pagkain. Pag walang luto, aba, bugbog-sarado pa si misis.” Ang ganting sagot ng aking kausap.

Sabi ko, “Hindi naman lahat ng manggagawa ay ganyan. Hindi ba’t matapos ang maghapong pagnenegosyo ng mga negosyante, aba’y saan sila pumupunta? Hindi ba’t sa casino? Dahil maraming pera, doon inuubos ang pera nila? Pag kinapos, at ayaw matalo, pati sariling bahay at kotse ay isinasangla, makabawi lang. Subalit huwag na nating palawigin pa sa ganyang patutsadahan ang ating pagtatalo. Ang mahalaga naman ay ang pananaw natin sa ating kapwa tao, mahirap man o mayaman. Tingin ko, bayanihan, damayan, tulungan, at tangkilikan ang buod ng good-of-all mindset. At iyan sana ang mangibabaw na kaisipan. Gayunman, tama ka, hindi lahat ay kaya ang aming ginagawa, dahil ang uunahin nila ay ang kapakanan ng kanilang pamilya. Nauunawaan ko kayo doon. Subalit kung iyan ang magiging dahilan upang mang-api at magsamantala ng tao, aba’y kakampihan talaga namin ang mahihirap at manggagawa na nagsisikap upang mapakain nila ang kanilang pamilya.”

“O, sige,” aniya, “nauunawaan din naman kita. Kaya lang, di talaga iyan ang plano ko. Pag-iisipan ko pa rin lahat ng sinabi mo. Susubukan kong unawain. Kita na lang tayo sa susunod at usap pa tayo. Salamat.”

“Sige,” tugon ko. “Maraming salamat din sa pakikinig.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2023, pahina 18-19.

Martes, Abril 11, 2023

Naiibang Sudoku


NAIIBANG SUDOKU
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naiiba ang klase ng larong Pinoy Sudoku sa Philippine Star, na nasa pahina 4, isyu ng Abril 9, 2023. Naiiba dahil hindi siya karaniwang Sudoku, pagkat ang given ay 18 digits lamang, kumpara sa karaniwang Sudoku na ang given ay 45 digits. Ang ganda pa ng pamagat ng Pinoy Sudoku: Feed Your Mind. Ibig sabihin, pakainin mo ang iyong isipan upang mabusog. Talagang nakakabusog ng utak ang paglalaro ng Sudoku lalo na't pag nabuo mo ito'y dama mo ang ginhawa ng pakiramdam.

Ang Sudoku ay may 81 maliliit na parisukat, kung saan siyam na numero ang pahalang, siyam din sa pababa, at may siyam na parikukat na tigatlo ang digit sa pahalang at pababa. At dapat walang magkaparehong numero sa pahalang, pababa, at tatluhan. Kundi mula 1 hanggang 9 ang sagot. Sumatotal ay 45 pag in-add ang lahat ng digit.

Ang karaniwang Sudoku, kung papansinin ninyo ang Larawan 1, ay may 45 given digits. Sa bawat tatluhang parisukat, may 5 given digits, kaya ang sasagutan mo na lang ay 36 digits (81 - 45 = 36), at apat na numero na lang sa bawat tatluhang parisukat.

Sa Pinoy Sudoku sa Philippine Star, may 18 given digits lang kaya mas mahirap at mas matagal sagutan kumpara sa karaniwang Sudoku. Ang sentrong tatluhan o panlimang tatluhan ay walang anumang nakasulat na numero na sa unang tingin talaga'y mahirap sagutan. Subalit naging madali ito dahil may pahimaton o clue na ibinigay. Pansinin ang Larawan 2, mayroong dagdag na kahon sa tabi na ibig sabihin ay sumatotal ng tatlong digit sa magkakatabing malilit na parisukat. Ito ang nagpadali sa pagsagot.

Pansinin ang unang sagot sa Larawan 3. Sa ikapitong tatluhang kahon ay 6 at sa ikasiyam na tatluhang kahon ay 1 at 7. Sa ikapitong linya ng unang tatlong kolum, ang sumatotal ay 19. Kung isusulat ko ang 6 sa tabi ng 4, ang magiging kasunod niyon ay 9. 4 + 6 + 9 = 19. Tama ang sumatotal, subalit may 9 na sa nasabing ikapitong kahon, kaya hindi iyon ang sagot. Kaya inilagay natin ang 6 sa tabi ng 9. Sa ikasiyam na kahon naman, saan ilalagay ang 1, sa ilalim ba sa ibabaw ng 8? Ang sumatotal sa ibaba ay 16. Given ang 8. DIgit 1 dapat ang isa. Kaya ang digit para sa dalawang maliit na parisukat ay 1 at 7 lang. 1 + 8 + 7 = 16.

Subalit sa ikapitong linya sa ikatlong tatluhang kahon, ang sumatotal ay 9, kaya kung 7 ang ialalagay sa tabi ng 3, ito'y magiging 7 + 3 + __ = 9. Mali agad. Kaya 1 ang itinabi natin sa 3 para 1 + 3 + ___ = 9. Kaya ang sagot sa tabi ng 1 ay 5. 1 + 3 + 5 = 9.

Sa Larawan 4, kita agad natin kung saan ilalagay ang 6 sa ikatlong tatluhang parisukat, ikawalong kolum. Dahil may 6 na sa ikapito at ikasiyam na kolum. Sa sumatotal na 19, 19 - (9 + 6) = 19 - 15 = 4.

Sa Larawan 5, sa ikatlong kolum, ikaapat na linya, ay inilagay agad natin ang 7. Bakit? Kung susuriin, 7, 5, at 2 ang natitira sa kolum na iyon. Sa kaliwang gilid ng ikaapat na linya ay 16 ang sumatotal. Kung 2 ang isasagot natin, imbes na 7, magiging 2 + 6 + 8 = 16. Hindi pwede dahil magdodoble ang 8 sa ikaapat na tatluhan. Kung 5 naman, magiging 6 + 5 + 5 = 16. Hindi rin pwede dahil dalawa ang 5, kaya 7 na lang ang natitirang sagot. 7 + 6 + 3 = 16.

Sa Larawan 6, sa ikaapat na kolum, at nasa ikalawang tatluhang parisukat, ang sumatotal ay 7. Ang tatlong digit lang na pwede rito ay 1, 2 at 4. Dahil sa unang linya ay may 1 at 4, kaya 2 ang sagot; sa ikalawang linya ay may 2 at 1, kaya 4 ang sagot. At natitira na lang ay 1 na sagot na ikatlong linya. 1 + 2 + 4 = 7.

Sa Larawan 5 pa rin, sa ikalimang kolum ng ikawalong tatluhang parisukat, ang sumatotal ay 9. At tatlong digit ang maaari dito, ang 1 + 3 + 5 = 9, ang 2 + 3 + 4 = 9, at ang 1 + 2 + 6 + 9. Hindi pwede ang 1, 3, at 5 sa ikaanim na linya. Hindi pwede ang 1, 2, at 6 sa ikapitong linya. Kaya isip-isip.

Dahil may 3 sa ikapito at ikawalong linya, 3 anhg sagot sa ikasiyam na linyaa. Dahil may 3 at 4 sa ikapitong linya, 2 ay ating sagot. Ang 4 ang natitirang sagot sa ikawalong linya.

Sa Larawan 7, saan naman ilalagay ang 1 at 8, sa ikasiyam na linya? Sa kaliwa ba ng 5 o sa kanan nito? Dahil may 1 na sa ikaapat na kolum, ang 1 ay inilagay natin sa kanan ng 3 sa ikasiyam na linya. 

Digit na 7, 8, at 9 ang kailangan upang mabuo ang ikapitong kolum. Paano naman nailagay ang 8 sa ikapitong kolum at ikalimang linya? Bakit hindi sa ikaapat na linya, gayong pwede naman? 8 + 1 + 3 = 12. Hindi pwede ang 7 sa ikaapat na linya ng ikapitong kolum dahil may 7 na. Sa ikalimang linya naman ay hindi pwede ang 7 at may 9 din. Hindi pwede ang 7 dahil magdodoble ang 4. 15 - (7 + 4) = 15 - 11 = 4. Kaya kung hindi pwede ang 7 at 9 sa ikalimang linya ng ikapitong kolum, 8 na lang ang natitira, kaya iyon ang sagot.

Sa Larawan 8 ay nabuo na natin ang tamang sagot sa Sudoku. Malalaman natin ang tamang sagot pag nirebyu natin na ang pahalang, pababa, at ang tatluhang parisukat ay binubuo ng numero 1 hanggang 9 nang walang nauulit. Ito man ay sa karaniwang Sudoku o sa naiibang Sudoku na ito. Pag may naulit o nagkaparehong digit sa isang linya, pahalang, pababa, at tatluhang parisukat, aba'y mali ka na.

Salamat sa naiibang Sudoku na ito, na napaka-challenging. Nakagagaan ng loob pag nasagot mo ito talaga, lalo na't 18 digits lang, out of 81, ang given. 81 - 18 = 63 digits ang iyong sasagutan. Muli, maraming salamat.

Linggo, Abril 9, 2023

Dalawang "taong" naglalakad: Ano ang tamang bigkas?

DALAWANG "TAONG" NAGLALAKAD: ANO ANG TAMANG BIGKAS?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narinig ko lang sa pinanonood ni misis ang isang banyagang pelikula sa kanyang selpon. Nasa wikang Filipino iyon, na isinalin sa wikang Ingles. Sa wari ko'y banyaga ang nagsasalita ng wikang Filipino. Agad kong hiningi kay misis ang kawing o link ng palabas, na makikita sa https://www.facebook.com/watch/?v=1949598872061352

Narinig ko ang ganitong pananalita roon: "Dalawang taong naglalakad..." Mabilis ang bigkas sa "taong" na kung isasalin ko sa Ingles ay ganito: "Two years walking..." Gayong ang tinutukoy doon ay "dalawang tao", hindi "dalawang taon". Na kung isasalin ko sa Ingles ay "two men are walking", lalo't parehong lalaki ang tinutukoy, dahil sa mga pangalang Dale at Billy. Kung dalawang babae naman ay "two women are walking..." o "two girls" o "two ladies" at kung isa ay lalaki at ang isa ay babae ay iba-iba pa ang gamit. "They are walking" o tukuyin ang pangalan: "Paulo and Paula are walking..." 

Sa madaling salita, dapat mabagal ang pagkabigkas o pagbasa sa "Dalawang taong naglalakad..." upang matiyak ng makaririnig na ang tinutukoy ay "dalawang tao" pala, at hindi "dalawang taon".

Ano naman ang usapin hinggil dito? Upang mas maunawaan talaga ang kwento. Isyu ito ng tamang pagkakasalin at tamang pagbigkas.

Mukhang binasa lang ng banyagang tagapagsalaysay ang nakasulat na salin kaya hindi niya nabigkas ng tama ang "taong" kung mabagal ba o mabilis.

Sa balarila o sa pag-aayos ng pangungusap, lalo na kung binabasa ito, at kung binibigkas pa ito tulad ng narinig ko, marahil ay ganito dapat ang pagsasalin:

Imbes na "Dalawang taong naglalakad", ayusin ang pagkakasulat tulad ng alinman sa dalawa: "Naglalakad ang dalawang tao..." o kaya'y "Naglalakad ng dalawang taon...", depende sa ibig talagang sabihin. O kaya ay "Dalawang tao ang naglalakad..." na iba rin kaysa "Dalawang taon siyang naglalakad..." na parang si Samuel Bilibit.

Dapat malinaw ang pagkakasalin upang mas maunawaan talaga ano ang ibig sabihin, at bigkasin naman ng tama ang isinalin.

Marami kasing salita sa ating wika na nag-iiba ang kahulugan depende kung paano ito binibigkas, tulad ng tubo (pipe), tubó (sugar cane), o tubò (profit o growth). Mayroon namang pareho ang bigkas subalit magkaiba ng kahulugan, tulad ng bola ng basketball at bola sa nililigawan.

Biyernes, Abril 7, 2023

Sino ang awtor na si H. P. Lovecraft?

SINO ANG AWTOR NA SI H. P. LOVECRAFT?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dahil sa kagustuhan kong mag-aral ng ibang estilo ng pagkukwento ay nakita ko sa bilihan ng aklat ang Selected Stories ni H. P. Lovecraft. May dating ang apelyido niya dahil sa salitang LOVE. Dalawang pinagdugtong na salita: Love at Craft (pag-ibig at kasanayan, kundi man bapor). Mangingibig nga kaya ang awtor na ito, at matutunghayan ba ito sa kanyang mga sulatin?

Binili ko ang librong H. P. Lovecraft Selected Stories sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Agosto 1, 2022, sa halagang P179.00. Ang aklat ay may sukat na 4.25" x 7", na umaabot sa 304 pahina, kasama ang 14-pahinang naka-Roman numeral, at 28-pahinang Classic Literature: Words and Phrases adapted from the Collins English Dictionary. Inilathala ito ng Collins Classics. Ganito ang pagpapakilala kay Lovecraft sa likod na pabalat ng aklat:

"H. P. Lovecraft (1890-1937) never achieved commercial success during his lifetime and died in poverty. He was posthumously recognised as one of the most important writers of the horror genre, having laid the foundations for generations to come and inspired countless authors with his wildly imaginative stories of myths, monsters and madness."

Wow! Nakakabilib di ba? Lalo na yaong pariralang "inspired countless authors with his wildly imaginative stories" na talagang babasahin mo siya.

Sinubukan ko itong isalin sa wikang Filipino: "Si H. P. Lovecraft (1890-1937) ay di nakapagtamo ng komersyal na tagumpay noong nabubuhay pa siya at namatay sa kahirapan. Namatay na siya nang kinilala siya bilang isa sa pinakamahalagang manunulat ng mga akdang katatakutan, na nakapaglatag ng mga pundasyon para sa mga darating na henerasyon at nagbigay inspirasyon sa hindi mabilang na mga awtor sa pamamagitan ng kanyang mga malikhaing kwento ng mga alamat, mga halimaw, at kabaliwan."

Ang aklat na nabanggit ay naglalaman ng sampung kwento sa 262 pahina, na pamantungan o average ay 26 pahina bawat kwento. Ang pinakamaikli ay ang kwentong Dagon na may pitong pahina, habang ang pinakamahaba naman ay ang kwentong The Dunwich Horror na may 53 pahina.

Ang sampung kwentong ito at ang mga pahina ay ang mga sumusunod:
a. Dagon - p. 1
b. The Statement of Randolph Carter - 8
c. Herbert West - Reanimator - 16
d. The Outsider - 54
e. The Colour Out of Space - 62
f. The Call of Cthulhu - 97
g. The Silver Key - 134
h. The Dunwich Horror - 149
i. The Haunter of the Dark - 202
j. The Thing on the Doorstep - 231 

Ayon pa sa aklat, ang buo niyang pangalan ay Howard Phillips Lovecraft at isinilang sa Providence, Rhode Island noong 1890. Pinalaki siya ng kanyang lolo't lola, dahil ang kanyang ama'y nasa ospital dahil sa sakit sa utak. Bata pa'y nabasa na niya ang Grimm's Fairy Tales, mga akda ni Edgar Allan Poe, hanggang sa Metamorphoses ni Ovid (na iba pa pala sa Metamorphosis ni Franz Kafka). Sa gulang na siyam na taon ay nakapaglathala na siya ng magasing The Scientific Gazette.

Subalit siya'y masasakitin noong bata pa at nakaranas ng ilang ulit na nervous breakdown, o kalagayan ng pagkakasakit at nerbiyos na resulta ng matinding depresyon o pagkabalisa. Nang mamatay ang kanyang lola noong siya'y anim na taong gulang pa lang, siya'y madalas na binabangungot. Makalipas pa ang ilang taon, namatay naman ang kanyang lolo, at nadama niyang siya'y kaawa-awa. Kaya nasabi niya noon na siya'y nawalan na ng anuman (I have none!).

Hanggang naging mapag-isa na siya, di na nakihalubilo sa mga kaibigan at kaklase niya. Tumutok na lang siya sa agham at panitikan ng ikalabingwalong siglo. Nagpadala na siya ng mga liham sa mga pulp-fiction magazines at sa buwanang kolum hinggil sa astronomiya sa Providence Evening News. Noong 1914, naimbitahan siyang sumali sa United Amateur Press Association. 

Ang magasing The Vagrant ang unang naglathala ng kanyang akdang "The Alchemist" (na kaiba pa sa The Alchemist ni Paolo Coelho). Sinulat niya ang The Alchemist noong 1908, at nalathala noong 1916. Ang iba pa niyang akdang inilathala ng magasing The Vagrant ay ang "The Beast in the Cave" (na sinulat niya noong 1905) at nalathala noong 2018. Sumunod ay ang mga kwentong "The Tomb" at "The Statement of Randolph Carter". Noong 1919 ay nalathala ang "Dagon" kung saan dito nagsimula ang mga kwentong Cthulhu kung saan nakilala si Lovecraft.

Patuloy siyang nagbabasa ng iba pang akda at awtor. Hanggang mabasa niya ang mga bantog na horror writer na sina M. R. James, Guy de Maupassant, ang fantasy writer na si Lord Dunsany, at si Edgar Allan Poe. Noong 1922 ay nakilala niya ang manunulat ding si Clark Ashton Smith.

Nang ilunsad noong 1923 ang magasing Weird Tales, kilala na si Lovecraft ng mga editor. Sa pagitan ng 1924-1926, upang lumakas pa ang sirkulasyon ng magasin, kinomisyon nila si Lovecraft na maging ghost writer (bagamat walang kredito) ng serye ng mga kwentong nauugnay kay Harry Houdini, na kilalang escape artist.

Noong 1921, pagkamatay ng kanyang ina, nakilala ni Lovecraft ang manunulat din at negosyanteng si Sonia H. Greene sa isang pagtitipon ng National Amateur Press Association. Nagpakasal sila noong 1924 at lumipat sa New York kung saan napaligiran sila ng iba pang manunulat ng pulp-fiction. Natanggap din siya sa Kalem Club, isang grupo ng mga like-minded na awtor na ang apelyido'y nagsisimula sa K, L, o M.

Nakilala siyang lalo nang inilathala na ang maimpluwensiyang "The Call of Cthulhu" noong 1928, at pumokus sa kanya ang mga kaibigang nakapaligid na bumubuo ng Lovecraft Circle. Kabilang dito sina Clark Ashton Smith, Robert E. Howard, at August Derleth, kung saan natagpuan nila sa "The Call of Cthulhu" ang tinatawag na "Cthulhu Mythos" na isang bagong buong kalawakan na may sariling templo ng mga sinaunang diyos, kung saan nagbuo na ng mga bagong kwento mula rito sina Derleth.

Subalit ang kanyang nobelang "At the Mountains of Madness" ay inayawan dahil sa napakahaba umano, pakiramdam niya'y bigo siya. Kaya hindi na niya naisumite pa sa magasin noong 1933 ang kanyang kwentong "The Thing on the Doorstep", na nalathala na lang roon nang siya na'y namatay.

Hindi naging matagumpay ang kanyang pag-aasawa at naghiwalay sila ng kanyang asawa matapos lang ang dalawang taon. Ramdam niyang may pagsisisi ang pagkakapunta niya sa New York, kaya naisulat niya sa kanyang Tiya Lillian noong 1926, "It is New England I must have - in some form or other. Providence is part of me - I am Providence... Providence is my home, & there I shall end my days." ("Isang Bagong Inglatera ang dapat kong kalagyan - sa anumang anyo o iba pa. Bahagi ko na ang Providence - ako ang Providence... Ang Providence ang aking tahanan, at doon ko nais manahan sa aking mga huling araw.")

Nang magkahiwalay na sila, umuwi na si Lovecraft sa kanyang bayan ng Providence, at doon nagpatuloy ng pagsusulat. Nabuhay siya sa pamamagitan ng kanyang mga namana. Hanggang mabatid niyang may kanser na siya noong 1937, habang nabubuhay siyang wala nang panggastos. At namatay siya sa edad na apatnapu't anim.

Sa isang sanaysay niyang isinulat noong 1927 ay ipinahayag niya: "The oldest and strongest emotion of mankind is fear, and the oldest and strongest kind of fear is fear of the unknown. (Ang pinakamatanda at pinakamatinding damdamin ng sangkatauhan ay takot, at ang pinakamatanda at pinakamatinding uri ng takot ay ang takot sa hindi nababatid.)"

Isinulat naman niya kay Clark Ashton Smith noong 1930: "The true function of phantasy is to give the imagination a ground for limitless expansion... ("Ang tunay na tungkulin ng pantasya ay upang bigyan ang imahinasyon ng batayan para sa walang limitasyong pagpapalawak...)"

Makahulugan ang mga isinulat niyang iyon para sa mga manunulat ng kwento sa kasalukuyang panahon. Kaya ang pag-aralan ang kanyang mga sulatin ay isang malaking tungkulin ng mga manunulat ng kwento tulad ng inyong abang lingkod.

Sa ngayon ay binabasa-basa ko ang mga kwento ni H. P. Lovecraft upang matutunan din ang ilan niyang estilo na magagamit ko sa pagsusulat. At marahil ay masundan din ang kanyang yapak sa usaping pagsusulat.

Pamumuno sa grupong SALIKA

PAMUMUNO SA GRUPONG SALIKA
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan ang maipasa sa inyong lingkod ang pagiging pangulo ng SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan), na inorganisa noon sa Kamayan Forum sa EDSA noong unang bahagi ng unang dekada ngayong siglo. Ang salitang "saniblakas" ay katumbas ng "synergy" sa Ingles. Kaya pag isinalin sa Ingles ang kahulugan ng SALIKA, ito'y "Synergy of Mother Nature".

Nitong Oktubre ng nakaraang taon ay nakakatanggap na ako ng imbitasyon sa email upang dumalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa online, na ang designasyon ko ay bilang pangulo ng SALIKA. At nito ngang nakaraang 4th Philippine Environment Summit sa Tagaytay, Pebrero 21-23, 2023, naglathala ang Green Convergence ng 92 pahinang aklat na souvenir program hinggil sa nasabing Summit. Nakakuha nito ang misis ko at kailan ko lang nakita ang patalastas doon ng SALIKA kung saan nakasulat ngang ako ang pangulo nito, na nasa pahina 67. Hindi ito pormal na nasabi sa akin subalit taospuso ko itong tinatanggap, dahil si Gng. Marie Marciano, na huling naging pangulo nito, ay nagkasakit.

Ang mga naging pangulo ng SALIKA ay sina Ginoong George Dadivas, at Gng. Marie Marciano. Sa pananaliksik ay nakita kong naging Vice President pala ng SALIKA ang namayapang aktor na si Roy Alvarez, taon 2002.

Baybayin muna natin ang kasaysayan ng SALIKA. Naitayo na ang SALIKA ilang taon na ang nakararaan, taon 2000, at nasaksihan ko mismo ito sa palagian kong paglahok sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan Saisaki sa EDSA, malapit sa Ortigas, tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan. Noong 1995 ako nagsimulang dumalo sa Kamayan Forum.

Bandang 2008 ay nagkaroon ng panibagong eleksyon ng mga opisyales ng SALIKA, at ako'y nahalal na Bise-Presidente nito. Ilang taon ding nirepresenta ko ang SALIKA sa mga kumperensya ng Green Convergence, tulad ng GREEN SONA (State of the Nature Assessment) na inilulunsad taon-taon, pati sa taunan ding General Assembly ng Green Convergence, Nakadalo rin ako, kasama ni misis na noon ay kasapi sa Board ng Green Convergence, sa 3rd Philippine Environment Summit sa Cagayan de Oro noong Pebrero 26-28, 2020. Kasama sana ako sa 4th Philippine Environmental Summit sa Tagaytay nitong Pebrero 21-23, 2023, na dinaluhan din ni misis, subalit ang nasabing petsa ang huling tatlong araw ng paglalakad namin sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, kaya hindi ako nakadalo sa nasabing summit.

Nagsimula ako sa environmental movement bilang political activist sa pamantasan, nang tumugon ako sa panawagan ng pagtatayo ng Environmental Advocacy Students Collective (EASC), kung saan nahalal ako noon bilang logistics officer, taon 1995. Isa rin ako sa tatlumpu't dalawang estudyanteng naitalaga bilang deputized environmental and natural resources officer (DENRO) ng DENR-Youth nang kami'y makatapos sa tatlong araw na seminar na tinawag na "Pagtitipon ng mga Kabataang Makakalikasan sa Diwa ng Katipunan" na ginanap noong Agosto 20-22, 1996 sa HRD Training Center sa DENR at sa PAWB sa QC, pati sa Yungib ng Pamitinan at Bundok Tapusi sa Montalban, Rizal.

Isa sa magandang oportunidad sa akin ay nang mapasama ako sa Bangkok, Thailand noong Setyembre-Oktubre 2009 bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na naganap sa Bangkok. Climex (ClimatExchange) ang pangalan ng grupo namin mula Pilipinas dito, at noong Hunyo 2010, sa pulong ng Climex ay pinalitan ito ng pangalang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Naging aktibo rin ako sa ilang aktibidad ng ATM (Alyansa Tigil Mina) at ng No to Mining in Palawan campaign ng AFI (ABS-CBN Foundation Inc.). Ilang ulit na rin akong nakasama sa mga rali sa harap ng DENR (Department of Environment and Natural Resources). Kasama rin ako sa naitayong core group noon ng Green Collective.

Bilang environmental activist, iba't ibang mahahabang lakaran ang nilahukan ng inyong lingkod na mga isyung pambayan at pangkalikasan. Nauna na rito ang Lakad Laban sa Laiban Dam noong Nobyembre 4-12, 2009 mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang; Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Oktubre 2-Nobyembre 8, 2014; French leg ng People’s Pilgrimage from Rome to Paris, Nobyembre 7-Disyembre 14, 2015 na paglalakad sa nagyeyelong lugar sa Pransiya; Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016; at naging convenor ng Human Rights Walk tuwing Human Rights Day ng taon 2016, 2017, 2018, at 2019. At ang huli ay nitong mahabang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula General Nakar sa lalawigan ng Quezon hanggang sa Malakanyang mula Pebrero 15-23, 2023.

Ang pagiging pangulo ng SALIKA ay hindi basta-basta, kaya dapat ko itong pangalagaan at ipagpatuloy ang adhikain nito. Maraming salamat sa pagtitiwala. Pakiramdam ko'y ipinamana ito sa akin ng mga magagaling na lider na makakalikasan.

Sa ngayon ay hahanapin ko ang ilan pang natitirang kakilalang naging bahagi ng SALIKA. Uunahin ko muna ang mga personal na kakilala upang hindi ito mapagaya sa isang partido, organisasyon o samahang pangkalikasan, na ang mismong org ay nawala na sa kamay ng nag-organisa, dahil nagkaroon ng alitan. Kumbaga, naagaw ang nasabing samahan, na hindi ko na babanggitin ang pangalan ng samahan dito. Kaya sa ngayon ay ingat muna, at may timetable kung kailan ito ibubukas talaga sa lahat upang sumapi.

Ayusin muna ang SALIKA at bigyan natin ng palugit na isang taon bago muli mangalap ng mga bagong kasapi. Dapat munang ito'y maging matatag. Dapat magkaroon ng bagong halalan at gumawa ng Saligang Batas (Constitution) ng SALIKA, o kung hindi man, ay Alituntunin (By-Laws) ng SALIKA.

Bagamat boluntaryo ang pagsapi, kung saan maglalagay tayo ng kaukulang membership fee, hindi natin pauusuhin ang boluntarismo kung ito'y magiging pananamantala sa volunteer at hindi nababayaran ang kanyang lakas-paggawa. Isa itong prinsipyong dapat gumagabay sa organisasyon. Ang huwag gayahin ang mga kapitalistang hindi nagbabayad ng tama sa lakas-paggawa ng manggagawa. Pag may gawain, gastusan. Pag sumakay ng dyip, bayaran. Pag kumain sa labas, mag-usap kung KKB ba o sagot ng organisasyon. Pag may aktibidad na ire-represent ang SALIKA, pag-usapan upang mabigyan ng pondo, kahit pamasahe at pangmeryenda.

Ano pa ang mga panimulang dapat gawin?
1. Isulat ang Kasaysayan at Oryentasyon ng SALIKA, at ibigay ang pag-aaral na ito sa mga bagong kasapi.
2. Magbigay ng mga batayang pag-aaral at issue situationer hinggil sa pangangalaga ng kalikasan, with attendance at litrato, tulad ng mga paksang Climate Emergency, Ocean CleanUp, RA 9003, Kaliwa Dam, Oil Spill sa Mindoro, at iba pang pag-aaral at isyung maaaring talakayin, na may kaugnayan sa tao at ekolohiya.
3. Magpagawa ng munting banner na may logo ng SALIKA. Gagamitin ito sa bawat aktibidad ng SALIKA.
4. Magpatatak ng tshirt na may logo ng SALIKA.
5. Maglabas ng munting pahayagan na may 20 pahina, na ilalathala isang beses kada tatlong buwan, o marahil ay dalawang beses sa isang taon. Papangalanan ang pahayagang ito na SALIKA.
6. Makipag-ugnayan sa mga pamayanang maralita, unyon ng mga manggagawa, samahang magsasaka, samahan ng kababaihan, at samahang estudyante hinggil sa usaping kalikasan.
7. Pag-usapan at sulatin ang Mga Prinsipyong Gumagabay sa Organisasyon. Kasama na ang pagtrato sa boluntarismo na nabanggit sa itaas.
8. Maghanap ng pondo.
9. At iba pang maisipan na makabubuti sa samahan.