Biyernes, Abril 7, 2023

Pamumuno sa grupong SALIKA

PAMUMUNO SA GRUPONG SALIKA
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan ang maipasa sa inyong lingkod ang pagiging pangulo ng SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan), na inorganisa noon sa Kamayan Forum sa EDSA noong unang bahagi ng unang dekada ngayong siglo. Ang salitang "saniblakas" ay katumbas ng "synergy" sa Ingles. Kaya pag isinalin sa Ingles ang kahulugan ng SALIKA, ito'y "Synergy of Mother Nature".

Nitong Oktubre ng nakaraang taon ay nakakatanggap na ako ng imbitasyon sa email upang dumalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa online, na ang designasyon ko ay bilang pangulo ng SALIKA. At nito ngang nakaraang 4th Philippine Environment Summit sa Tagaytay, Pebrero 21-23, 2023, naglathala ang Green Convergence ng 92 pahinang aklat na souvenir program hinggil sa nasabing Summit. Nakakuha nito ang misis ko at kailan ko lang nakita ang patalastas doon ng SALIKA kung saan nakasulat ngang ako ang pangulo nito, na nasa pahina 67. Hindi ito pormal na nasabi sa akin subalit taospuso ko itong tinatanggap, dahil si Gng. Marie Marciano, na huling naging pangulo nito, ay nagkasakit.

Ang mga naging pangulo ng SALIKA ay sina Ginoong George Dadivas, at Gng. Marie Marciano. Sa pananaliksik ay nakita kong naging Vice President pala ng SALIKA ang namayapang aktor na si Roy Alvarez, taon 2002.

Baybayin muna natin ang kasaysayan ng SALIKA. Naitayo na ang SALIKA ilang taon na ang nakararaan, taon 2000, at nasaksihan ko mismo ito sa palagian kong paglahok sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan Saisaki sa EDSA, malapit sa Ortigas, tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan. Noong 1995 ako nagsimulang dumalo sa Kamayan Forum.

Bandang 2008 ay nagkaroon ng panibagong eleksyon ng mga opisyales ng SALIKA, at ako'y nahalal na Bise-Presidente nito. Ilang taon ding nirepresenta ko ang SALIKA sa mga kumperensya ng Green Convergence, tulad ng GREEN SONA (State of the Nature Assessment) na inilulunsad taon-taon, pati sa taunan ding General Assembly ng Green Convergence, Nakadalo rin ako, kasama ni misis na noon ay kasapi sa Board ng Green Convergence, sa 3rd Philippine Environment Summit sa Cagayan de Oro noong Pebrero 26-28, 2020. Kasama sana ako sa 4th Philippine Environmental Summit sa Tagaytay nitong Pebrero 21-23, 2023, na dinaluhan din ni misis, subalit ang nasabing petsa ang huling tatlong araw ng paglalakad namin sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, kaya hindi ako nakadalo sa nasabing summit.

Nagsimula ako sa environmental movement bilang political activist sa pamantasan, nang tumugon ako sa panawagan ng pagtatayo ng Environmental Advocacy Students Collective (EASC), kung saan nahalal ako noon bilang logistics officer, taon 1995. Isa rin ako sa tatlumpu't dalawang estudyanteng naitalaga bilang deputized environmental and natural resources officer (DENRO) ng DENR-Youth nang kami'y makatapos sa tatlong araw na seminar na tinawag na "Pagtitipon ng mga Kabataang Makakalikasan sa Diwa ng Katipunan" na ginanap noong Agosto 20-22, 1996 sa HRD Training Center sa DENR at sa PAWB sa QC, pati sa Yungib ng Pamitinan at Bundok Tapusi sa Montalban, Rizal.

Isa sa magandang oportunidad sa akin ay nang mapasama ako sa Bangkok, Thailand noong Setyembre-Oktubre 2009 bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na naganap sa Bangkok. Climex (ClimatExchange) ang pangalan ng grupo namin mula Pilipinas dito, at noong Hunyo 2010, sa pulong ng Climex ay pinalitan ito ng pangalang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Naging aktibo rin ako sa ilang aktibidad ng ATM (Alyansa Tigil Mina) at ng No to Mining in Palawan campaign ng AFI (ABS-CBN Foundation Inc.). Ilang ulit na rin akong nakasama sa mga rali sa harap ng DENR (Department of Environment and Natural Resources). Kasama rin ako sa naitayong core group noon ng Green Collective.

Bilang environmental activist, iba't ibang mahahabang lakaran ang nilahukan ng inyong lingkod na mga isyung pambayan at pangkalikasan. Nauna na rito ang Lakad Laban sa Laiban Dam noong Nobyembre 4-12, 2009 mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang; Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Oktubre 2-Nobyembre 8, 2014; French leg ng People’s Pilgrimage from Rome to Paris, Nobyembre 7-Disyembre 14, 2015 na paglalakad sa nagyeyelong lugar sa Pransiya; Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016; at naging convenor ng Human Rights Walk tuwing Human Rights Day ng taon 2016, 2017, 2018, at 2019. At ang huli ay nitong mahabang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula General Nakar sa lalawigan ng Quezon hanggang sa Malakanyang mula Pebrero 15-23, 2023.

Ang pagiging pangulo ng SALIKA ay hindi basta-basta, kaya dapat ko itong pangalagaan at ipagpatuloy ang adhikain nito. Maraming salamat sa pagtitiwala. Pakiramdam ko'y ipinamana ito sa akin ng mga magagaling na lider na makakalikasan.

Sa ngayon ay hahanapin ko ang ilan pang natitirang kakilalang naging bahagi ng SALIKA. Uunahin ko muna ang mga personal na kakilala upang hindi ito mapagaya sa isang partido, organisasyon o samahang pangkalikasan, na ang mismong org ay nawala na sa kamay ng nag-organisa, dahil nagkaroon ng alitan. Kumbaga, naagaw ang nasabing samahan, na hindi ko na babanggitin ang pangalan ng samahan dito. Kaya sa ngayon ay ingat muna, at may timetable kung kailan ito ibubukas talaga sa lahat upang sumapi.

Ayusin muna ang SALIKA at bigyan natin ng palugit na isang taon bago muli mangalap ng mga bagong kasapi. Dapat munang ito'y maging matatag. Dapat magkaroon ng bagong halalan at gumawa ng Saligang Batas (Constitution) ng SALIKA, o kung hindi man, ay Alituntunin (By-Laws) ng SALIKA.

Bagamat boluntaryo ang pagsapi, kung saan maglalagay tayo ng kaukulang membership fee, hindi natin pauusuhin ang boluntarismo kung ito'y magiging pananamantala sa volunteer at hindi nababayaran ang kanyang lakas-paggawa. Isa itong prinsipyong dapat gumagabay sa organisasyon. Ang huwag gayahin ang mga kapitalistang hindi nagbabayad ng tama sa lakas-paggawa ng manggagawa. Pag may gawain, gastusan. Pag sumakay ng dyip, bayaran. Pag kumain sa labas, mag-usap kung KKB ba o sagot ng organisasyon. Pag may aktibidad na ire-represent ang SALIKA, pag-usapan upang mabigyan ng pondo, kahit pamasahe at pangmeryenda.

Ano pa ang mga panimulang dapat gawin?
1. Isulat ang Kasaysayan at Oryentasyon ng SALIKA, at ibigay ang pag-aaral na ito sa mga bagong kasapi.
2. Magbigay ng mga batayang pag-aaral at issue situationer hinggil sa pangangalaga ng kalikasan, with attendance at litrato, tulad ng mga paksang Climate Emergency, Ocean CleanUp, RA 9003, Kaliwa Dam, Oil Spill sa Mindoro, at iba pang pag-aaral at isyung maaaring talakayin, na may kaugnayan sa tao at ekolohiya.
3. Magpagawa ng munting banner na may logo ng SALIKA. Gagamitin ito sa bawat aktibidad ng SALIKA.
4. Magpatatak ng tshirt na may logo ng SALIKA.
5. Maglabas ng munting pahayagan na may 20 pahina, na ilalathala isang beses kada tatlong buwan, o marahil ay dalawang beses sa isang taon. Papangalanan ang pahayagang ito na SALIKA.
6. Makipag-ugnayan sa mga pamayanang maralita, unyon ng mga manggagawa, samahang magsasaka, samahan ng kababaihan, at samahang estudyante hinggil sa usaping kalikasan.
7. Pag-usapan at sulatin ang Mga Prinsipyong Gumagabay sa Organisasyon. Kasama na ang pagtrato sa boluntarismo na nabanggit sa itaas.
8. Maghanap ng pondo.
9. At iba pang maisipan na makabubuti sa samahan.

Walang komento: