IMBES MALAKANYANG, SA FEU NA ANG RALI
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Dalawang ulit na itong nangyari. O marahil ilang ulit na.
Dalawang beses nasaksihan ng aking mga mata ang pagharang ng mga pulis sa ating mga sinamahang pagkilos. Nasaksihan ko iyon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan nitong Marso 8, 2024, at sa isinagawang Kalbaryo ng Maralita nitong Marso 26, 2024, na sa mga Katoliko ay Martes Santo.
Nasabi tuloy sa akin ng isang lider-maralitang si Aling Isay, “Aba’y dapat Malakanyang ang punta natin, dahil naroon ang trono ng pangulo o seat of government. Dapat doon tayo sa Mendiola.
Aba’y hinarang tayo ng mga pulis dito sa Morayta, at magkabilaan pa ng kalsada ang hinarang nilang trak sa atin. Para bang wala na tayong karapatan, ah.”
Narinig ko si Mang Igme, na sumabat sa usapan. “Hanggang dito na lang tayo sa Morayta. Ayaw ng mga pulis makarating tayo sa Mendiola.”
Sumabat na rin si Inggo. “Baka gusto ng mga pulis na maglahad na lang tayo ng ating mga hinaing dito sa mga guro at mag-aaral ng FEU. Baka nga maka-recruit pa rito ng maraming kabataan at estudyante ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK). Kaya nga kung tatawagin tayo mamaya upang magsalita, idirekta na natin sa FEU ang ating hinaing, at baka sila pa ay makinig, at buksan ang kanilang pintuan sa atin. Mukha kasing dito tayo gustong dumulog ng kapulisan, at hindi sa Malakanyang. Ano po sa tingin ninyo?”
Sumagot si Aling Isay, “Dapat pa rin nating igiit ang ating karapatan. Marahil sa ngayon lang ito, subalit gagawa tayo ng paraan upang maiparating sa Malakanyang ang ating mga hinaing. Tulad ng tinututulan nating ChaCha na nais gawing 100% na pag-aari ng dayuhan ang ating kalupaan. Aba’y nais pa nilang gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan. Nais pa nilang magtayo ng maraming coal plants, fossil gas at natural gas na lalong magpapalala ng klima ng mundo. Hindi ba naiisip ng mga kapulisan iyon? O basta sunod lang sila ng sunod sa mga nakakataas sa kanila, na kahit nakikita na nilang mali ay susunod sila.”
Maya-maya ay narinig nilang nagtalumpati si Mang Igor sa Morayta habang sila’y nagkakatipon. Hawak nito ang isang megaphone.
Si Mang Igor, “Sa mga guro at estudyante ng FEU, naririto po kami sa harap ng eskwelahan ninyo upang idulog sa inyong pangulo ang aming mga karaingan! Itigil na ang ChaCha para sa iilan, sa elitista’t dayuhan! Ibaba ang kaymahal na presyo ng bilihin! Hirap na ang sambayanan!”
Kuyom ang kamao namin habang nakikinig, tanda ng paggalang sa nagsasalita at paglaban sa mga kuhila. May mga nakaunipormeng estudyante naman ang matamang nakikinig, tila nais mabatid ang isyu.
Tinawag magsalita si Aling Isay, “Bilang kababaihan, nananawagan kami sa ating pangulo na pakinggan naman ang hinaing ng kanyang mga mamamayan, lalo na kaming mga maralitang nahihirapan, dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin, salot na kontraktwalisasyon na dapat nang wakasan, ang 4PH na hindi pala para sa aming maralita, at higit sa lahat, tinututulan namin ang ChaCha, dahil nais nilang ibuyangyang ang ating bansa sa pananalasa ng dayuhan! No to ChaCha!”
Pumatak din ang ulan, subalit hindi natinag ang mga raliyista, dahil para sa kanila, ang kanilang iginigiit ay ang karapatan at paglaban sa bulok na sistemang dahilan ng lalo pang kahirapan ng sambayanan.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2024, pahina 18-19.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento