Lunes, Abril 28, 2008

Karapatang Pantao, Para Kanino?

KARAPATANG PANTAO, PARA KANINO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Mula sa Maypagasa magasin ng Sanlakas, Disyembre 1999, pahina 17)

Noong 1948, idineklara ng United Nations ang ika-10 ng Disyembre bilang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao o Universal Human Rights Day. Ito’y bilang tugon sa mga paglabag sa karapatangpantao na umiral noong Ikalawang Daigdigang Digmaan, kung saan sinakop ng Germany ang Poland, pati mga karatig-bansa nito upang ubusin ang buong lahing Hudyo. Sinundan ang mga pananakop na ito ng Fascist Italy at Imperialist Japan. Dahil sa milyun-milyong katao ang namatay sa mga digmaang ito, nagkaroon ng aral ang sangkatauhan. Mahigit apat na buwan nang naitatatag ang bansang Israel, na naging tahanan ng mga Hudyo, nang gumawa ng isang deklarasyon ang mga bansang kasapi ng United Nations upang kilalanin ang mga karapatan ng tao. Kilala ito ngayon bilang Pandaigdigang Pahayag hinggil sa mga Karapatang Pantao o Universal Declaration of Human Rights (UDHR).

Ang karapatang pantao ang mga batayang karapatan kung saan kinikilala ang pagiging tao ng isang tao. Ang kanyang dignidad at karapatang mabuhay ng marangal at may payapang isipan ang iniingatan ng mga karapatang ito. Dito sa ating bansa, maraming human rights organizations ang gumugunita sa Universal Human Rights Day tuwing Disyembre 10 bilang tanda ng paggalang sa mga karapatang ito. Bakit kailangang gunitain ito? Maraming karapatang pantao ang nalalabag, hindi lang ng karaniwang mamamayan, kundi ng mismong mga nasa poder.

Pasimplehin na lang natin: isyu ng manggagawa. Ito ang nakasulat sa UDHR, Artikulo 23: “(1) Everyone has the right to work, to free choice of employment, to just and favourable conditions of work and to protection against employment. (2) Everyone, without any discrimination, has the right to equal pay for equal work. (3) Everyone who works has the right to just and favourable remuneration ensuring for himself and his family an existence worthy of human dignity, and supplemented if necessary, by other means of social protection. (4) Everyone has the right to form and to join trade unions for the protection of his interests.”

Ating pansinin, nakikita ba natin kung may mga ginagawa nga ang maraming human rights organization at advocates dito sa ating bansa laban sa union-busting, kaswalisasyon, demolisyon, paghahagis ng teargas ng mga pulis, hindi pantay na pagtingin sa mahihirap at mayayaman, atbp.? Bakit patuloy pa rin ang paglaganap ng mga paglabag sa karapatang pantao?

Nang sabihin ni Erap Estrada ang nakakainsulto sa mangggawang tanong na “Nakakain ba ang CBA?” at nang ninais ng taipan na si Lucio Tan na suspindihin ng sampung taon ang karapatang makipag-CBA ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL), walang boses na narinig mula sa maraming human rights organizations sa bansa upang ipagtanggol ang batayang karapatan ng mga manggagawa ng PAL. Maraming human rights organizations at human rights advocates sa ating bansa, pero hindi naman makita sa totohanang labanan, at hindi man lang magawan ng kaukulang aksyon ang usaping pangmanggagawa, gaya ng pakikibaka laban sa union-busting, kaswalisasyon, illegal lock-out, ilegal dismissal, CBA violations, strike ban at marami pang uri ng karahasan sa mga manggagawa. Ahhh, baka talagang walang alam ang mga human rights advocates na ito sa batayang karapatan ng mga manggagawa. Kawawa naman sila.

Ito ang ating hamon. Sa pagsapit ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, ating subukan kung gaano katotoo ang mga human rights organizations na ito sa pakikibaka para sa karapatan ng mga manggagawa. Hindi lang marinig kundi makasama mismo sila sa pakikibaka laban sa mga inhustisyang ito. Pero kami’y nangangamba, baka magsermon pa ang mga human rights advocates na ito at sabihin sa atin: “Bakit ba kayo nakikialam sa aming palakad?”

Sa ating Konstitusyon, may nakasaad tungkol sa karapatang pantao. Ito’y nasa Artikulo III na may pamagat na “Bill of Rights” habang nasa Artikulo XIII naman ay “Social Justice and Human Rights”. Dito’y nasusulat ang mga batayang karapatan ng bawat tao at ng mamamayang Pilipino. Kung tutuusin, paboritong pampalubag sa mamamayan ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon. Anuman daw ang depekto ng Konstitusyon, ginagarantiyahan naman daw nito ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan, di gaya noong panahon ng diktadura ni Marcos. Nakasaad sa “Bill of Rights” na pantay ang karapatan ng mahirap at mayaman. Ngunit kung aaraling mabuti ang mga karapatang nakasaad dito, nagsisilbing konswelo-de-bobo lamang ito sa mahihirap, dahil mga dekorasyon lamang ito sa kasalukuyang burgis na Konstitusyon.

Anong klaseng demokrasya ng nakapundar sa Konstitusyong itokung palaging nananaig ang malakas sa mahina? Kahit parehasin mo ang karapatan ng manggagawa sa kapitalista, ng magsasaka sa asendero, ng makapangyarihan sa walang kapangyarihan, tiyak na lalampasuhin ng mayaman ang mahirap. Ito ang reyalidad ng demokrasya sa kasalukuyang Konstitusyon. Kailan ba namayani ang mga maralita sa maimpluwensiya at makapangyarihan?

Sa sistema ng hustisya sa bansa, agad nabibitay ang nagkasalang mahirap kaysa nagkasalang masalapi at makapangyarihan. Sino ba si Leo Echegaray kung ikukumpara kina Lucio Tan at Imelda Marcos? Kahit sa usapin ng repormang elektoral, ang laging namamayani sa eleksyon ay ang mga pulitikong may kakayanang bumili ng boto,armas at mga goons. Posible bang lumustay ang mga mahihirap ng milyun-milyon para lamang manalo sa eleksyon? May magagawa ba ang ilang representante ng sektor na nakaupo sa pamahalaan para isulong ang mga demokratikong interes ng mamamayang Pilipino?

Mananatiling huwad ang “human rights” na ito kung ang mismong sistema ng lipunan ay hindi nagbabago. Hangga’t patuloy na lumalaki ang agwat ng mahirap at mayaman, ang makikinabang lang sa “human rights” na ito ay ang maykayang maka-afford nito.

Huwebes, Abril 24, 2008

Salika, Yo!

SALIKA, YO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa magasing Tambuli, Setyembre 2006, pp. 20-21.)

Ikaw! Oo, ikaw! Ikaw nga! Nais kitang sumali dito. Kaya nga SALIKA ang pangalan ng samahang ito. Para sa iyo ito, para sa mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala mo. Naniniwala kasi akong malaki ang pagnanais mong makatulong sa abot ng makakayanan upang kahit paano'y di masira ang kalikasan, mapaganda ang ating kapaligiran, at kinabukasan ng susunod na salinlahi.

Halukipkip ang sarap ng hanging amihan, ating damhin sa ating puso't isipan ang walang kamatayang awiting Masdan Mo ang Kapaligiran ng bandang ASIN, at ating madarama kung bakit may SALIKA o Saniblakas ng Inang Kalikasan. Ang SALIKA ay grupo ng mga taong may pakialam, may malasakit sa kalikasan, sa kapaligiran, may pakialam sa lahat ng kapwa, may karapatang lumanghap ng malinis na hangin, uminom ng malinis na tubig, may pakialam sa lahat. Hamon nito'y mahigpit nang magkaisa, ganap na magsaniblakas, ang lahat ng kumikilos para sa kapaligiran.

Binuo ang SALIKA noong 2000 ng mga indibidwal na makakalikasan na tinatawag na "citizen's green army". Pinangalanan muna itong HULIKA o Hukbong Lakas ng Inang Kalikasan. Ngunit maraming nagsabing kung ganito ang pangalan, parang nakatuon lang ito sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-pangkalikasan, at yaong mga di nakatupad ay huhulihin at parurusahan. Ang mga batas-pangkalikasang ito ay tulad ng RA 8749 (Clean Air Act of 1999), RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000), at RA 9275 (Clean Water Act of 2004). Kaya binago ang pangalan at ginawang SALIKA upang mabigyang diin, di lamang ang mga batas-pangkalikasan, kundi ang edukasyon mismo ng taumbayan ukol sa pangangalaga sa kalikasan at ukol sa malaking lakas na naidadagdag tuwing nagsasanib ng kakayahan ang lahat ng makapag-aambag. Naniniwala ito na di lang ito usapin ng nagkasala at parusa kapag lumabag sa batas-pangkalikasan, kundi mas malalim pa rito, ito'y hinggil sa pag-uugnayan ng bawat tao sa kanyang kapwa, sa kanyang kapaligiran, at sa kalikasan.

Ayon sa tagapagtatag nito na si Ate Marie Marciano, ang SALIKA ay isang independyenteng samahang nakatuon sa pagsusulong ng "pagsasaniblakas ng diwa, pag-uugnayan, pagpapalitan ng impormasyon at pagtutulungan ng iba't ibang tao at samahan na may magkakatulad na aksyon upang sagipin at alagaan ang Inang Kalikasan."

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba't ibang indibidwal at samahan, at pagpapasapi sa mga ito sa SALIKA, nililinang nito ang lahat ng mga kasapi upang maging tagapamandila, tagapagpalaganap, at pagsasabuhay kahit sa kani-kanilang samahan ng kanilang matibay na komitment para kay Inang Kalikasan. May tatlong simulain na siyang bagay ng SALIKA sa bawat gawain at panuntunan nito. At ito'y ang mga sumusunod:

(a) Bawat nilalang ay may sagradong karapatan para sa isang malusog na mundo na kanyang matitirhan, mapapaunlad, at magpapatuloy ang buhay, na may pagsasaalang-alang sa batas ng kalikasan. Ang malusog na daigdig ay yaong may malinis na hangin at tubig, likas na matabang lupa, malinis at patuloy na enerhiya, at mayamang dami ng iba't ibang buhay na bagay.

(b) Ang bawat tao ay may kanya-kanyang pananagutan at nagtutulungan bilang aktibong tagapangalaga ng mundo. Kaya ang ating pamumuhay ay hindi dapat nahihiwalay sa galaw ng kalikasan, at tunay na napoprotektahan ang henerasyon ngayon, at sa hinaharap. Anumang gawa na makasisira sa kalikasan, o kabiguang protektahan ito, ay ituturing na krimen laban sa lahat ng nabubuhay ngayon at mabubuhay pa sa hinaharap.

(c) Ang epektibong pangangalaga sa mundo ay makakamit lamang sa pamamagitan ng nagkakaisa at pagsasaniblakas ng bawat indibidwal na ang mga pagkakatulad ay nagiging batayan ng pagkakaisa, ang mga kaibhan ay sangkap sa pagiging buháy ng pagkakaisa, at ang buhay ng bawat isa ay pinahahalagahan at pinauunlad.

Isa sa maipagmamalaking mga proyekto ng SALIKA ngayong taon ay ang video-documentary na pinamagatang Hinga, Hingal, Hingalo, na ipinalabas sa Gateway Mall sa Cubao. Nanalo ng "viewer's choice" award sa Moonrise Festival ang nabangit na video-documentary ng SALIKA, Alternative Horizons Media Cooperative at Eco-Waste Coalition, atbp. Tatlong ulit itong ipinalabas dahil sa dami ng nakabili na agad ng tiket para makapanood.

Kaya kung naghahanap ka ng samahang magagamit mo ang iyong potensyal o kaya'y nagnanais ka ng isang makabuluhang adhikain para sa kinabukasan ng bansa, ng kapaligiran, at ng kalikasan, aba'y sali na sa SALIKA! Yo!



SALIKA, YO!
rap ni Greg Bituin Jr.

Yes, yes, yo, SALIKA narito
Magkaisa na ang bawat tao
Sagipin ang nag-iisang mundo
Nang huwag itong maghingalo.

Yes, yes, yo, SALIKA naman
Dahil mayroon kang kakayahan
Upang Inang Kalikasa'y maalagaan
At masagip mula sa kapahamakan.

Yes, yes, yo, panahon na nga
na tayong lahat ay nasa lupa
ay maging tagapangalaga
ng tahanan ng ating kapwa.

Yes, yes, yo, SALIKA na
at pagkaisahin natin
ang ating mga kakayahan
sa pangangalaga
kay Inang Kalikasan!
Yes, yes, yo! SALIKA, YO!

Miyerkules, Abril 23, 2008

Sino ang Berdugo ng Kalikasan?

SINO ANG BERDUGO NG KALIKASAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Wala namang masama sa pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan." - Asin, Filipino rock band

May iba't ibang panahon na ginugunita ng iba't ibang bansa at mga organisasyon ang kapakanan ng ating kalikasan. Tuwing ika-22 ng Abril ay ipinagdiriwang ang International Health Day. Tuwing ika-5 ng Hulyo naman ang World Environment Day. Environment Month naman ang buong buwan ng Hunyo. Pero bagamat maraming araw ang inilalaan para gunitain ang kalikasan, patuloy pa rin ang pagpapabaya dito ng mga tao at mismong ng pamahalaan, kaya patuloy pa rin ang pagkasira ng kalikasan. Kaya nga't hindi sapat ang simpleng paggunita lamang, kundi totohanang aksyon. Gayunpaman, dapat nating maunawaan na ang pangangalaga sa kalikasan at sa kapaligiran ay pangangalaga rin sa ating kalusugan. At ito'y dapat magsimula sa ating mga sarili, sunod ay sa pamilya at sa pamayanan. Bakit ba kailangang ipagdiwang ang International Earth Day at World Environment Day, kung hindi naman natin isinasabuhay ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran?

Kailangan pa bang magkaroon ng mga deklaradong araw ng paggunita para malaman nating dapapala nating alagaan ang kalikasan? Kung talagang alam nating dapat alagaan ang kalikasan, hindi ba't dapat araw-araw natin itong ginagawa.

Sa totoo lang, maraming environmentalist kuno sa ating bansa, pero karaniwan, nagiging gawaing sibiko na lang ito para masabing may ginagawa pala ang inyong organisasyon. Output kuno, ika nga. Ang nakakatawa pa, ang karamihan ng tinatawag na "environmentalist" ay hanggang environmental awareness lang, dahil hindi mo naman makita sa totoong labanan. Gaya ng mga mahilig magpa-environmental concert at magbenta ng mga environmental t-shirts, pero ayaw namang magtanim, dahil marurumihan daw sila. Nagpapatunay na isa lamang fad o uso ang pagiging environmentalist. Karaniwang nangyayari, nagiging talking shop lang ang isang environmental group dahil wala namang kongkretong aksyon. Ang kailangan natin ay aksyon, bayan!

Kung magmamasid lang tayo sa mga nangyayari sa ating lipunan, mapapansin nating hindi na natin gaanong naaasahan ang DENR sa pangangalaga ng kapaligiran. Bakit ikamo? Dahil ang E sa DENR ay "out-of-place"! Pansinin po natin ang istruktura ng DENR. Maliit na porsyento lamang ang para sa environmental protection. Ang malalaki ay nakapatungkol sa NR (natural resources), o pangangasiwa (imbes na pangangalaga) ng kalikasan. Isang halimbawa rito ay ang Mines and Geo-Sciences Bureau ng DENR. Sa kanila, okey lang na ipatupad ang Mining Act of 1995, pero para sa iba't ibang environmental groups, NGOs at mga katutubo sa area, ang batas na ito'y nakakasira sa kapaligiran at sa kalikasan. Dito'y makikita agad natin ang conflicting interest ng "environment" at "natural resources". Teka, malaki ba ang pera sa mining kaya ganito? Palagay ko.

Isa pa, karamihan ng mga gawaing tungkol sa environment ay ipinasa na ng DENR sa mga LGUs, gaya ng paghahakot ng basura, napunta na ito sa ilalim ng MMDA. Imbes na gumawa ang DENR ng maayos na sistema, lumayo sila sa kanilang responsibilidad at ipinasa sa MMDA ang problema. Kaya maliwanag pa sa ulong panot na nawawalan ng silbi ang E sa DENR. Dapat lang talagang i-abolish ito at gumawa ng superbody na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA) kung saan talagang matututukan ang isyu ng environment. Pwedeng sabihin nating hindi ito ang solusyon, pero malaki ang magagawa nito para sa kalikasan, kumpara sa mga nangyayari ngayon.

Matindi na ang teknolohiya ng mga kalapit nating bansa, pero nananatiling primitibo pa rin ang Pinas. Tulad na lang ng pag-aayos ng problema sa basura at ang kahandaan natin pagdating sa kalamidad, gaya ng nangyari sa Ormoc at kailan lang ay yung pagbaha sa Agusan del Sur, kung saan ang sinisii ay ang pagiging kalbo ng mga kagubatan. Sino ba talaga ang berdugo ng kapaligiran at pagkasira ng kalikasan? Tayong mga mamamayan ba o ang mismong gobyerno ang inutil?

Kamakailan, nagprotesta ang mga taga-Rizal hinggil sa isyu ng basura na galing Maynila dahil ginawang dumpsite ang kanilang lugar. Ito 'yung tinatawag na San Mateo landfill, kung saan lahat ng mga basurang nahahakot sa Maynila ay dito dinadala. Nakipag-negosasyon ang MMDA sa mga taga-Rizal na pagkatapos daw ng anim na buwan, ililipat na nila ang landfill a ibang lugar. Ito ba ang solusyon nila? Anong klaseng lohika ito? Ganito ba kainutil ang mga namumuno sa atin? Pag inilipat nila ang landfill sa ibang lugar ay parang inilipat lang nila ang problema. Hindi pa rin nasolusyunan ang problema sa basura. Ang kailangan ng mamamayan ay solusyong hindi makakapwerwisyo sa iba. Ang tanong: Pag inilipat ng gobyerno ang landfill, sinong matino naman ang tatanggap nito? Ang dapat nilang gawin, gumawa sila ng solusyon sa problema ng basura, huwag lang ilipat ang problema at ipasa sa iba.

Sa nangyaring aksidente naman sa Marcopper sa Boac, Marinduque, kung saan dumumi ang mga ilog, nangamatay ang mga isda, at mismong pagkukuhanan ng tubig na inumin ay naapektuhan, mismong ang DENR ang nagbigay ng ECC (environmental compliance certificate) sa Marcopper para makapag-operate. Pati na ang mga naglipanang humigit-kumulang walumpung (80) golf courese sa buong kapuluan ay pinayagan ng DENR sa kabila ng pagtuligsa ng iba't ibang environmental groups, BGOs, IPs at mga residente sa area. Bukod pa sa magastos na pagmimintina nito at mga tubig na inaaksaya para dito. Mga 800,000 galon ng tubig ang kailangan sa isang araw para maalagaan ang isang 18-hole golf course.

Ibinulgar naman ni Neal Cruz sa kanyang kolum sa Inquirer (As I See It, 01-11-99) ang planong pagputol sa 1,500 ektarya ng pine forest sa Malaybalay City, Bukidnon, na pinayagan daw ng DENR sa kabila ng pagtutol ng mga naninirahan dito. Ayon umano kay DENR Sec. Antonio Cerilles, napagkasunduan na raw nuon lang 1993 ang planong ito ng Bukidnon Forest Inc., DENR, LGUs at iba pang ahensya sa pamamagitan ng exchange of notes (EON) sa pagitan ng Pilipinas at bansang New Zealand. Itinanim ang mga nasabing puno mga limampung taon na raw ang nakararaan, at nito lang 1993 napagkasunduan ang plano. Isa pa, hindi daw isang commercial tree plantation ang nasabing kagubatan. Mahigit itong tinututulan ng mga residente at patuloy sila sa kanilang protesta para huwag matuloy ang planong pagputol sa mga punong ito.

Marami pang kaso ng kapabayaan sa kalikasan at mga pagkukulang ang mismong ahensya ng gobyernong dapat managot sa mga ito. Kung hindi ito kaya ng gobyerno, panahon naman na kumilos ang mga mamamayan upang ikampanya ang pag-aalis ng E sa DENR at maitatag ang isang superbody na talagang tututok sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran. Kailangan lang tiyakin na may ngipin ang batas dito, at pananagutan ng pamunuan pag nagpabaya sa kanilang trabaho. Hindi lang basta sibak, kundi kulong ng lima hanggang anim na taon. Mabigat ang mamuno sa isang Environmental Protestion Agency (EPA) dahil buhay ng sambayanan ang nakataya dito.

Kaya ang suhestyon namin: gawing resolusyon o bill sa Kongreso ang pag-abolish ng E sa DENR at pagbubuo ng superbody para sa environment na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA). At kung maila-lobby ito sa Kongreso, tinitiyak naming susuportahan ito ng iba't ibang NGOs environment groups, at mga individuals sa buong kapuluan, lalo na iyong mga asar na asar na sa kapalpakan at tila pagong na pamamalakad ng DENR. Ito ang aming panawagan sa iba't ibang environmental groups at inaasahan namin ang kanilang pagsuporta.

Nais din naming ipaabot sa mga kinauukulan ang isa pang suhestyon. Naniniwala kami na bawat problema'y may kaukulang solusyon, bagamat nagpapasulpot ng isa na namang problema. Pero ang problemang sumulpot ay may solusyon pa rin. Ang suhestyon namin: gumawa ng batas kung saan ang kukunin lamang ng mga basurero ay ang mga basurang na-sort-out na at may label. Ibig sabihin, iso-sort-out na ito mismo ng bawat kabahayan bago ipakuha sa basurero. Halimbawa, tuwing Linggo o tuwing ikalawang araw, kukuhanin lamang nila ay yaung mga basurang nabubulok (biodegradable), gaya ng mga galing sa pagkain, halaman at dumi ng tao't hayop. Tuwing Lunes ay mga lata; Martes - bote; atbp. Ang mga biodegradable ay maaaring gawing pataba at ang mga non-biodegradable naman ay pwedeng i-recycle at magamit muli. Tiyakin din na may garbage shelter sa bawat barangay o sulok ng kalsada na magtitiyak na duon lang hahakutin ang basura para maayos at hindi nilalangaw. Mainam ang ganitong sistema para mismong mamamayan ay matulak na disiplinahin nila ang mismong sarili nila. Isa pa, malaking kabawasan ito sa ibinibigay nating buwis na napupunta lang para sa basura. Samantalang kung madidisiplina lang ang mga tao, malaki ang matitipid ng gobyerno at ng mga mamamayan. Noong mamalagi ako sa bansang Japan ng anim na buwan bilang scholar, nasaksihan ko mismo kung gaano kaepektibo ang ganitong sistema.

Kung gusto nating maging maganda ang ating kapaligiran (environment) at maayos ang ating kalikasan (nature), mag-isip tayo ng iba't ibang inobasyon. Tapusin na natin ang lipas na kultura na basta na lang tayo magtatapon ng basura kung saan-saan. Mga nabubuhay lang sa Stome Age ang mga mahilig magkalat ng basura. Panahon na upang simulan natin ang pangangalaga sa kapaligiran sa mismong ating mga sarili. Dahil kung hindi, hindi lang DENR o mga kapitalista ang dapat sisihin sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. TAYO MISMO ANG BERDUGO NG KALIKASAN, kung hindi tayo magbabago.

Huwebes, Abril 17, 2008

Paunang Salita sa librong "Ningas-Bao"

Paunang Salita sa librong "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 piling Sanaysay at 15 Tula"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narito ang nilalaman ng Paunang Salita ng aking aklat na "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula" na inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective noong Nobyembre 2007.

ANG DIWA NI PILOSOPONG TASYO

“Sumusulat kayo ng geroglifico? At, bakit?” tanong ni Crisostomo Ibarra kay Pilosopong Tasyo.

“Upang huwag mabasa sa panahong ito ang aking sinusulat!”

Si Ibarra ay napatitig sa kanya at sumagi sa isipan na may katotohanan ngang baliw ang matanda. “Bakit kayo sumusulat, kung ayaw ninyong mabasa ang inyong isinusulat?”

“Dahilan sa hindi ko inilalaan sa ating mga kapanahon ang aking sinusulat kundi sa ibang panahong darating. Kung mababasa ng ating mga kapanahon ang aking mga sinusulat ay marahil susunugin ang aking mga aklat, ang aking hinarap na gawain sa buong buhay; samantalang sa isang dako, ang henerasyon na makakaalam sa kahulugan ng mga titik na ito ay pawang matatalino, mauunawaan nila ang ibig kong kong ipaalam at masasabi nilang: “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.” Ang lihim o ang mga di-karaniwang titik na ito ay siyang nakapagliligtas sa aking gawa sa kamangmangan ng tao, gaya rin naman ng pangyayaring ang lihim at mga kung anu-anong mga paraan ay siyang nakapagligtas sa maraming katotohanan sa mapanirang kamay ng mga kaparian.”

“At sa anong wika kayo sumusulat?” tanong ni Ibarra matapos ang mahabang pagkakapatigil.

“Sa wika natin, sa Tagalog.”



Ang kwento sa itaas ay mula sa Kabanata 25 ng nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal.

Tulad din ng aklat na ito, ang Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula, hinaka ng manunulat na maaaring tulad ni Pilosopong Tasyo ay hindi pa sa panahong ito nakalaan ang ilan sa kanyang mga sulatin kundi sa hinaharap. At nais din ng manunulat na ipaalam din sa kasalukuyang salinlahi na “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.” Hindi geroglifico ang pagkakasulat ng aklat na ito, ngunit kung hindi ito mauunawaan ng henerasyon ngayong bihasa sa ibang wika, maaaring ituring na geroglifico nga ito.

Tulad ng pananaw ni Pilosopong Tasyo, maaaring sunugin din ng iba ang aklat na ito, at iba niyang mga aklat, at paratangan siyang baliw, pagkat ang nilalaman ng mga sulating naririto ay progresibo, aktibistang mga sulatin, matalisik na mga akdang mapanuri sa lipunan, at hindi madaling tanggapin ng mga naghaharing uri sa lipunang nais niyang mabago. Pero pinatutunayan niya sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon, “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.”

Maaaring hindi pa maunawaan ng henerasyon ngayon ang ilang mga sinulat ng may-akda dahil sa pagkaaktibista ng mga sulating naririto, kaya inihahandog niya ang mga ito para sa henerasyon sa hinaharap.

At tulad ni Pilosopong Tasyo, pinili niyang sumulat sa Tagalog, pagkat naniniwala siyang sa wikang ito’y magkakaunawaan lalo ang mga magkababayan. Di tulad ng nangyayari ngayon, nagsasalita sa sariling wika, ngunit sa ibang wika sumusulat kaya marami ang hindi magkaunawaan. Kumbaga’y hiwalay ang ulo sa utak. Wika ang buhay ng sambayanan, kaya sa wika rin tayo magkakaunawaan.



Bagamat nagsusulat na si Gregorio V. Bituin Jr. sa murang edad pa lamang, unang nalathala ang kanyang mga sulatin noong 1993 sa mga pahina ng The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University, at sa Blue Collar Magazine, na pahayagan para sa manggagawa. Hanggang sa magsulat na rin siya sa iba’t ibang pahayagan at magasin, tulad ng pahayagang Obrero at pahayagang Taliba ng Maralita. At patuloy pa rin siyang magsusulat, maglalathala ng mga akda, at maghahandog ng mga malalalim na pagsusuri sa lipunan habang siya’y nabubuhay.

Sa kanyang ika-15 taon (1993-2007) ng paglalathala ng mga sulatin, isinaaklat ng may-akda ang kanyang 15 piling sanaysay at 15 piling tula. At inihahandog niya ito para sa sambayanang Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 7, 2007

Miyerkules, Abril 2, 2008

He, he, naghahanap ako ng sideline

Isang mapagpalayang araw!

Ako ay isang manunulat, mananaliksik, at small-time publisher ng ilang librong pangmanggagawa at pangmaralita.

Sa ngayon, naghahanap ako ngayon ng sideline na pwedeng makasuporta para pandagdag dahil sa maraming gastusin at upang malimbag ko ang mga librong ginagawa ko. Ang ilan kong naiisip ay ang mga sumusunod:

Una, pwede akong gumampan ng trabaho bilang manunulat sa mga NGO o PO na nangangailangan ng aking kakayahan. Nagsusulat ako ng press statement, press releases at letter to the editor, balita, tula, at mga artikulo. Pero mas sanay akong magsulat sa tagalog, bagamat nagsusulat din ako sa ingles pero bihira. Nagle-layout ako ng pahayagan ng maralita, bukod pa sa pahayagan ng manggagawa. Gumagawa rin ako ng aklat mula sa pagsusulat, pagle-layout ng nilalaman at cover, pagdala sa printing press, habang personal ko ring ibinu-bookbind ang mga libro.

Ikalawa, naghahanap ako ng mga gustong kumita sa pamamagitan ng publishing. Kailangan ko ng mga taong pwedeng magpondo ng 15 librong aking nagawa, at sa mapapagbentahan ay 50-50 kami sa kikitain. May mga ginagawa pa akong bagong libro. Hindi naman kailangan dito ang napakalaking pondo kundi kung magkano lang yung kaya ng magpopondo ay iyun lang ang kakayaning gawing bilang ng libro.

Ikatlo, tumatanggap din ako ng ilang gawaing nangangailangan ng lakas ng katawan, nang hindi ko mapapabayaan ang aking tungkulin. Halimbawa, pagtulong sa pagtinda ng inyong produkto na ang presyo ay hindi mabigat para sa manggagawa at maralita. May nagmungkahi nga na magturo ako ng computer at basic mathematics, tulad ng geometry (dahil undergrad ako ng BS Math), ngunit hindi ko pa nasusubukan ang mga ito, lalo na at matagal na akong wala sa larangan ng matematika. Dagdag pa, baka hindi ako qualified dahil nga wala akong diploma dito. Sa computer, pwede akong magturo ng basic sa Microsoft Word, Powerpoint, PageMaker, Internet, blog, etc. ngunit pagdating sa troubleshooting ng hardware ay hindi ko pa kabisado, bagamat nakatapos ako ng 72 hrs ng computer technician course.

Ikaapat, pwede rin ako sa research, dahil ito ang isa sa mga gawain ko bilang staff ng aming organisasyon.

Ikalima, pwede akong magturo ng “Basic Newsletter Writing”, kasama na rito ang layout. Nakapagbigay na ako ng pag-aaral na ito sa mga unyon at samahan ng maralita. Batay ito sa mga karanasan ko sa campus paper at sa mga pahayagang Obrero at Taliba ng Maralita.

Kung may pangangailangan kayo sa ilang bagay tulad ng nabanggit sa itaas, pwede tayong magkatulungan. Ang anumang maitutulong ninyo sa akin ay malaki nang ambag upang magampanan ko ng mahusay ang aking commitment sa mga tungkuling nakaatang sa aking balikat. Mga tungkuling masaya ako pag nagagampanan ko ng mahusay. Nawa’y magkatulungan tayo.