Huwebes, Abril 17, 2008

Paunang Salita sa librong "Ningas-Bao"

Paunang Salita sa librong "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 piling Sanaysay at 15 Tula"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narito ang nilalaman ng Paunang Salita ng aking aklat na "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula" na inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective noong Nobyembre 2007.

ANG DIWA NI PILOSOPONG TASYO

“Sumusulat kayo ng geroglifico? At, bakit?” tanong ni Crisostomo Ibarra kay Pilosopong Tasyo.

“Upang huwag mabasa sa panahong ito ang aking sinusulat!”

Si Ibarra ay napatitig sa kanya at sumagi sa isipan na may katotohanan ngang baliw ang matanda. “Bakit kayo sumusulat, kung ayaw ninyong mabasa ang inyong isinusulat?”

“Dahilan sa hindi ko inilalaan sa ating mga kapanahon ang aking sinusulat kundi sa ibang panahong darating. Kung mababasa ng ating mga kapanahon ang aking mga sinusulat ay marahil susunugin ang aking mga aklat, ang aking hinarap na gawain sa buong buhay; samantalang sa isang dako, ang henerasyon na makakaalam sa kahulugan ng mga titik na ito ay pawang matatalino, mauunawaan nila ang ibig kong kong ipaalam at masasabi nilang: “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.” Ang lihim o ang mga di-karaniwang titik na ito ay siyang nakapagliligtas sa aking gawa sa kamangmangan ng tao, gaya rin naman ng pangyayaring ang lihim at mga kung anu-anong mga paraan ay siyang nakapagligtas sa maraming katotohanan sa mapanirang kamay ng mga kaparian.”

“At sa anong wika kayo sumusulat?” tanong ni Ibarra matapos ang mahabang pagkakapatigil.

“Sa wika natin, sa Tagalog.”



Ang kwento sa itaas ay mula sa Kabanata 25 ng nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal.

Tulad din ng aklat na ito, ang Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula, hinaka ng manunulat na maaaring tulad ni Pilosopong Tasyo ay hindi pa sa panahong ito nakalaan ang ilan sa kanyang mga sulatin kundi sa hinaharap. At nais din ng manunulat na ipaalam din sa kasalukuyang salinlahi na “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.” Hindi geroglifico ang pagkakasulat ng aklat na ito, ngunit kung hindi ito mauunawaan ng henerasyon ngayong bihasa sa ibang wika, maaaring ituring na geroglifico nga ito.

Tulad ng pananaw ni Pilosopong Tasyo, maaaring sunugin din ng iba ang aklat na ito, at iba niyang mga aklat, at paratangan siyang baliw, pagkat ang nilalaman ng mga sulating naririto ay progresibo, aktibistang mga sulatin, matalisik na mga akdang mapanuri sa lipunan, at hindi madaling tanggapin ng mga naghaharing uri sa lipunang nais niyang mabago. Pero pinatutunayan niya sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon, “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.”

Maaaring hindi pa maunawaan ng henerasyon ngayon ang ilang mga sinulat ng may-akda dahil sa pagkaaktibista ng mga sulating naririto, kaya inihahandog niya ang mga ito para sa henerasyon sa hinaharap.

At tulad ni Pilosopong Tasyo, pinili niyang sumulat sa Tagalog, pagkat naniniwala siyang sa wikang ito’y magkakaunawaan lalo ang mga magkababayan. Di tulad ng nangyayari ngayon, nagsasalita sa sariling wika, ngunit sa ibang wika sumusulat kaya marami ang hindi magkaunawaan. Kumbaga’y hiwalay ang ulo sa utak. Wika ang buhay ng sambayanan, kaya sa wika rin tayo magkakaunawaan.



Bagamat nagsusulat na si Gregorio V. Bituin Jr. sa murang edad pa lamang, unang nalathala ang kanyang mga sulatin noong 1993 sa mga pahina ng The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University, at sa Blue Collar Magazine, na pahayagan para sa manggagawa. Hanggang sa magsulat na rin siya sa iba’t ibang pahayagan at magasin, tulad ng pahayagang Obrero at pahayagang Taliba ng Maralita. At patuloy pa rin siyang magsusulat, maglalathala ng mga akda, at maghahandog ng mga malalalim na pagsusuri sa lipunan habang siya’y nabubuhay.

Sa kanyang ika-15 taon (1993-2007) ng paglalathala ng mga sulatin, isinaaklat ng may-akda ang kanyang 15 piling sanaysay at 15 piling tula. At inihahandog niya ito para sa sambayanang Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 7, 2007

Walang komento: