PAUNANG SALITA
PAG KINALABIT ANG GATILYO NG DIWA
TUMATAGOS ANG PUNGLO SA TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Marahil maraming magtatanong kung bakit pinamagatan ko itong Tula.45, na para daw itinulad ko sa isang uri ng baril ang tula.
Tama sila. Nang malikha ko ang isang tulang ikinumpara ko ang tula sa isang uri ng baril, ang naisipan kong baril ay ang Kalibre.45 na kadalasang ginagamit ng national artist at popular na aktor na si Fernando Poe Jr. sa kanyang mga pelikula.
Palagay ko, napakagandang metaphor ng baril sa tula, na habang pinapanood ko ang ilang pelikula ni FPJ, kadalasan itong tungkol sa poetic justice.
Ang poetic justice, o matulaing katarungan (sarili kong salin), ayon sa ilang intelektwal, ay isang gamit sa panitikan na ang katangian ay nagbibigay ng gantimpala sa mga mabubuti at nagpaparusa naman sa masasama. Ayon naman kay Aristotle, sa kanyang akdang Poetics, ang pangangailangan para sa matulaing katarungan ay ipinakita rin sa gawa ng mga manunulat ng unang panahon na sina Horace, Plutarch at Quintilian. Marami ring halimbawang makikita sa Banal na Komedya ni Dante, sa mga dula ni Shakespeare, sa Florante at Laura ni Balagtas, at sa marami pang nobela, tula, dula, kwento, epiko, at iba pang likhang pampanitikan.
Ngunit ang mga makatang tulad ko ay di lang daw poetic justice, sabi ng isa kong kaibigan. Ang dapat daw, poets just-tiis, dahil lagi na lang daw kaming nagtitiis. Laging walang pera, di sapat ang kinakain kaya namamayat, naghihirap, at wala naman daw pera sa paggawa ng tula. Hindi ito manenegosyo.
Sa ganang akin, totoong pulos tiis nga ako, ngunit nakadarama naman ako ng kasiyahan kapag nakaliliha ng tula. Katunayan, parang itinuring ko na rin itong bisyo. Kung iyong iba ay pagyoyosi o pagbabarik ang kanilang bisyo, ako naman, paghabi ng mga salita.
Naniniwala kasi akong wala pang tatlumpu ang letrang aking magagamit, ngunit parang madyik na marami itong kumbinasyon, nakikipag-usap sa diwa ng kapwa, nakapagpapasaya o kaya'y nakapagpapalungkot ng puso, at nakapagbibigay din ng inspirasyon habang binabasa ang tula. Habang kinakalabit ko ang gatilyo ng aking diwa habang nakatulala o kaya'y masaya o kaya'y habang nag-iinom ng serbesa o kaya'y habang hawak ang plakard sa rali, tumatagos ang punglo ng aking diwa sa pluma at papel na tangan upang makalikha.
Karamihan ng mga tulang narito ay may tugma at sukat, bagamat meron ding malayang taludturan. Mas magandang pagkumbinahin ang mga letra sa tugma at sukat, kaysa malayang taludturan.
Halos lahat ng mga tulang narito’y nalathala sa pahayagang Obrero, at sa publikasyong Taliba ng Maralita.
Hindi ko aasahang magustuhan ninyo ang aking mga tula, ngunit inaasahan kong manamnam ninyo sa kaibuturan ng inyong puso't diwa ang sinasaad ng bawat likha.
Kung may komento kayo o mungkahi, mangyaring sabihan naman ninyo ako.
Maraming salamat sa inyong pagtangkilik.
Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Nobyembre 7, 2008
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento