Lunes, Oktubre 20, 2008

Siyampituhan

SIYAMPITUHAN
ni Greg Bituin Jr.

Ito ang ikalawa kong eksperimentasyon sa pagtula ng siyampituhan.

Sa unang artikulo kaugnay nito ay aking sinulat: "Ngayon naman, ang mga sumusunod na tula, ay ginawan ko ng 9 pantig sa pitong taludtod (siyam-pito), na hinati ko sa dalawang bahagi. Ang unang saknong na binubuo ng unang apat na taludtod ang problema o tesis, at ang ikalawang saknong na binubuo naman ng huling tatlong taludtod ang tugon o kongklusyon. At isa pang panuntunan dito, ang una’t huling taludtod ay may pag-uulit ng buo o bahagi nito, o salita dito, na iniiba ang paggamit."

Sa unang artikulo'y di ko pa alam kung anong itatawag ko sa ganitong uri ng tula. Ngunit nais ko ngayon itong tawagin, kahit pansamantala, na siyampituhan. Kung ang tanaga ay may pitong pantig bawat taludtod, at ang haiku ay may padrong 5-7-5 pantig, ang siyampituhan naman ay may siyam na pantig bawat taludtod sa tulang may pitong taludtod. Nang simulan ko ito nito lang Oktubre, sa unang artikulo'y may pito akong nagawa, at ngayon naman ay tatlumpung tulang siyampituhan na ang aking nalikha.

May mga bago akong likhang siyampituhan, at ito'y hinati ko sa ilang paksa:
(a) Hinggil sa kalikasan (5 tula)
(b) Hinggil sa asal o kaugalian (13 tula)
(c) Hinggil sa pag-ibig (2 tula)
(d) Hinggil sa lipunan (10 tula)


HINGGIL SA KALIKASAN:

MAGDILIG LAGI

Diligan ang mga halaman
Lalo na kung hindi tag-ulan
Baka ito na'y matuyuan
At malanta na ng tuluyan.
Kung tayo'y maraming halaman
Ito'y ambag sa kalusugan
Kaya't ito'y laging diligan.

SA BATA BA'Y ISA KANG HALIMBAWA?

Bata pa tayo'y tinuruang
Huwag magtapon saan-saan
Paglaki'y naglahong tuluyan
Itong ating pinag-aralan.
Kung turong ito'y nalimutan
Ngayon nga'y ating pag-isipan:
Bata'y paano tuturuan?

KAYRUMI NA NG KARAGATAN

Kayrumi na ng karagatan
Pagkat ginawang basurahan
Mga plastik ay naglutangan
At isda'y nagkakamatayan.
Tayo'y dapat nang magtulungan
Upang di dumuming tuluyan
Ang mahal nating karagatan.

ANG GAMIT NG TUBIG

Ang tubig sa batis at gripo
Sa paggamit nama'y pareho
Inumin nitong bawat tao
Ngunit may kaibhan din ito:
Una'y di kalakal ng tao
At ang isa nama'y produkto
Pinagtutubuan ang gripo.

KAYTINDI NA NG POLUSYON

O, kaytindi na ng polusyon
Ang hangin nati'y panay karbon
Nakasusulasok sa ilong
Nakakaawa itong nasyon.
Hanapan natin ng solusyon
Na hangi'y malinisan ngayon
Nang maibsan na ang polusyon.



HINGGIL SA ASAL:

HUWAG MANLIBAK

Sinumang mahirap at hamak
Tingin mo ma’y kulang sa utak
Ay hindi dapat nililibak
At huwag ka ring maninindak.
Ang pang-aapi ma’y palasak
Huwag kang sumama sa lusak
Mahirap na ang mapahamak.

KUBO MAN ANG BAHAY KO

Di bale nang bahay ko’y kubo
Di naman ito kalaboso
Kaysa dun sa bahay nga’y bato
Na pagtrato sa iyo’y preso.
Dapat tayong magpakatao
Ganito ang tamang prinsipyo
Kahit na bahay nati’y kubo.

BATUHIN MO NG PUTO

Pag may taong galit sa iyo
At pinukulan ka ng bato
Aba'y ilagan mo ng todo
Baka magkabukol sa ulo.
Iganti mo kaya ay puto
Baka tumino yaong tao't
Mawala ang galit sa iyo.

OO, MAGAGAWA KO

"Magagawa mo kaya iyan
Gayong napakahirap niyan?"
Panghahamon ng kaibigan
At siya'y iyong sinabihan:
"Gabay ko sa problemang ganyan
Ay apat na salita lamang:
Oo, magagawa ko iyan!"

MATATANDANG MAGTATANDA

Sa matandang tulad mo mula
Ang ikarurunong ng bata
Kaya't kung ikaw ay pabaya
Ang bata'y mapapariwara.
Kung yaong bata'y nakawawa
At may nangyari pang masama
Ah, magsimula kang magtanda.

MAPANGMATANG BUNGANGA

Mayabang siyang magsalita
Minamata ang maralita
At ang iba'y kinakawawa
Ito'y di natiis ng dukha:
"Ang yabang ng iyong bunganga
Ikaw nama'y magpakumbaba!"
Siya'y di nakapagsalita.

BAWAT PROBLEMA'Y MAY TUGON

Ang bawat problema'y may tugon
Ito'y depende sa sitwasyon
Pag-isipan mo ng malaon
Yaong positibong solusyon.
Ikaw nama'y makakaahon
Sa kinalubugan mong balon
Basta't sa problema'y tutugon.

KWENTO NI JUAN TULIS

Si Huwan umano'y matulis
Sa babae raw ay kaybilis
Nais lagi niyang lumingkis
Tiyan naman ay di umimpis.
Ang babae'y pinapatangis
Pagkat dinadaan sa bilis
Nitong si Huwan na kaytulis.

ANG MASAMA SA IYO

Anumang masama sa iyo
Ay huwag gawin sa kapwa mo
Dapat makipagkapwa-tao
At tayo ri'y magpakatao.
Pag nagagawa natin ito
Sasaya itong ating mundo
Masama'y di makakapwesto.

TIGILAN NA ANG BASAG-ULO

Nagbasagan muli ng ulo
Yaong mga tambay sa kanto
Bangag muli ang mga ito
Kaya ang utak ay tuliro.
Sila'y agad na tinanong ko
Kung sila ba'y magkatrabaho
Titigil ba ang basag-ulo?

HUWAG KA SANANG UMISMID

Bakit lagi kang umiismid
Pagdating ng iyong kapatid
At ang kamay mo’y agad pinid
Sa dibdib mo ba'y may balakid?
Huwag mo yaong ililingid
Tutulungan kita, kapatid
At huwag ka sanang umismid.

MATSING ANG KAPARA
NG MAPAMINTAS

Ang matsing daw ay nagtatawa
Sa haba ng buntot ng baka
Ngunit sariling buntot niya
Ay hindi niya nakikita.
Kung palapintas ka sa kapwa
Tulad ka ng tsonggong palamara
Matsing sa iyo'y matatawa.

PAGTATAWAS

Ako'y naglalagay ng tawas
Sa kilikili kong marahas
Ito'ng payo ng mga pantas
Upang anghit ay mangapulas.
Kung ang anghit pala'y marahas
Kilikili ko nga'y madulas
Kaya dapat lagyan ng tawas.



HINGGIL SA PAG-IBIG:

KUNG NAIS MO’Y TAHANAN

Kung nais mo’y isang tahanan
Na laging may pagmamahalan
Maging tapat sa kasintahan
Hanggang siya’y makatuluyan.
Ang tapat na pagsusuyuan
Ang susi ng kaligayahan
At pagbubuo ng tahanan.

KABILUGAN AT KALIBUGAN NG BUWAN

Tuwing kabilugan ng buwan
Napapatitig sa kawalan
Naaalala ang suyuan
Namin nitong nililigawan.
Kabiguan ko ay nakamtan
Nang karibal ang pakasalan
Noong buwan ng kalibugan.



HINGGIL SA NANGYAYARI SA LIPUNAN:

MALAMLAM PA ANG BUKAS

Kinabukasa'y lumalamlam
Ito'y aking nagunam-gunam
Tao ba'y walang pakiramdam
Kaya ayaw pang makialam?
Meron namang nakikiramdam
Ngunit hanggang pakiramdam lang
Kaya bukas pa'y lumalamlam.

PAGBANGGA SA PADER

Dapat banggain yaong pader
Ng mga nag-aastang Hitler
Na mamamaya'y inaander
Nitong palalong mga lider.
Dapat tanggalin na sa poder
Silang tumulad kay Lucifer
Kahit sila pa'y mga pader.

PULUBI'Y DI NAMIMILI

Ang pulubi'y di namimili
Ng sa kanya'y ibabahagi
Pulos sila baka-sakali
Kahit laging inaaglahi.
At kung tayo'y walang salapi
Ang ihandog natin ay ngiti
Sa pulubing di makapili.

SINTURON PA BA'Y HIGPITAN?

Sinturon daw nati'y higpitan
Nang maibsan ang kagutuman
Payo ito sa mamamayan
Nitong ating pamahalaan.
Hirap na nga ang karamihan
At kaysikip na nga ng tiyan
Ngayon, sinturon pa'y higpitan?!

PAGBABAGONG PANGARAP

Mayroon ding mga pangarap
Ang mga kapwa naghihirap
Ito'y ang kanilang malasap
Ang pagbabago nilang hanap.
Kung bawat isa'y may paglingap
Kaginhawaa'y magaganap
Patungo sa ating pangarap.

ADHIKA NG OBRERO

Kung nais mo ng pagbabago
Sa sitwasyon ng ating mundo
Durugin ang kapitalismo
Na pahirap sa kapwa tao.
Isulong na ang sosyalismo
Na adhika nitong obrero
Nang makamtan ang pagbabago.

SA DIWA’T ARAL AY BUSOG

Tayo dapat ay laging busog
Hindi lang sa pagkaing hinog
Kundi sa diwang matatayog
At aral nitong bayang irog.
Lumang sistema’y madudurog
At bagong mundo’y mahuhubog
Kung kikilos tayo nang busog.

MARAMI MANG SAKRIPISYO

Marami nang nagsakripisyo
Para sa bayan at sa tao
Ipinaglaban ang prinsipyo
Ngunit pinaslang ng berdugo.
Kung ang nangyayari’y ganito
Halina’t baguhin ang mundo
Marami man ang sakripisyo.

HUWAG MAGBULAG-BULAGAN

Huwag kang magbulag-bulagan
Sa nangyayari sa lipunan
Gawin nating makabuluhan
Ang pakikibaka ng bayan.
Baguhin natin ang lipunan
Meron mang ayaw makialam
Meron mang magbulag-bulagan.

INAAGAW SA OBRERO ANG LIKHA NILANG YAMAN

Obrerong lumikha ng yaman
Ang naghihirap sa lipunan.
Bakit ang bumuhay sa bayan
Ang walang agaha't hapunan?
Pagkat inagaw nang tuluyan
Sa manggagawa ng iilan
Yaong nilikha nilang yaman.

Walang komento: