Miyerkules, Abril 22, 2009

Munting Kuro-kuro sa Araw ng Kalikasan

MUNTING KURO-KURO SA ARAW NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pandaigdigang Araw ng Kalikasan, atin pong pagnilayan sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay ipaglaban mula sa mga maling patakaran, at maging maayos para na rin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon (sustainable development).

Dalawang pandaigdigang araw ang karaniwang ginugunita hinggil sa kalikasan - Abril 22 - Pandaigdigang Araw ng Kalikasan (International Earth Day) at Hunyo 5 - Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day). Ang una'y pinasimulan ng mga NGO sa US, habang ang huli'y pinasimulan ng Unied Nations (UN).

Tuwing ika-22 ng Abril kung gunitain ng buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan. Oo, ginugunita ito sa buong mundo. Ngunit anong klase ng paggunita: Pagdiriwang ba o pagluluksa?

Dapat bang ipagdiwang ang Abril 22 dahil ito ang itinakdang araw para sa kalikasan, o dapat itong ipagluksa dahil unti-unti nang sininira ng tao at ng sistema ng lipunang umiiral ang kalikasan?

Sa aking pananaw, hindi dapat mamili sa isa, pagkat parehong dapat ipagdiwang ang araw na ito at ipagluksa. Tila mahirap ang sinabi ko. Parang sa umaga ay ipagdiriwang at sa hapon ay ipagluluksa na. Hindi po ganito.

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan dahil ito ang marapat gawin upang maimulat ang marami sa kahalagahan ng kalikasan, at ang kaugnayan ng kalikasan sa tao at sa ating pagkatao. Ngunit ipinagluluksa natin ang mismong ginagawang kahayupan ng tao sa kalikasan. Kailan matitigil ito?

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Ngunit pag pumunta ka sa Manila Bay, hindi na pulos tubig ang iyong makikita sa dagat, kundi mga basura, at napakaraming naglulutangang mga plastik. Ang plastik ay hindi nabubulok, kaya tumatambak ang basurang ito.

Grabe na rin ang polusyon sa hangin. Pag nasa biyahe ka galing probinsiya, magigising kang alam mo nang nasa Maynila ka na, pag naramdaman mo na ang polusyon.

Ang tubig na dati ay libre ay may bayad na rin. Mas mahal pa nga ang mineral water kaysa isang bote ng softdrinks. Kailangan na kasing iproseso ito ng mga mangangalakal upang ibenta dahil marumi na ang pinagkukunan ng tubig.

Nakakalbo na rin ang mga kagubatan. Nagkukulang na ba tayo sa itatanim, o hindi tayo nagtatanim?

Gusto mong tumulong ngunit di mo magawa? Aba'y kumilos tayo at huwag tumunganga. Pag tuluyang nasira ang kalikasan, baka tayo'y matulala. Kaya ngayon pa lang, kumilos na tayo upang di ito tuluyang masira.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Tayo nga'y magnilay sa Araw ng Kalikasan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila?

Ang ipinahayag ko'y munting pagsipat lamang sa abang kalagayan ni Inang Kalikasan. Marami pang dapat pag-usapan at pagtuunan ng pansin, lalo na ang iba't ibang isyu, tulad ng global warming o climate change, ano ang kyoto protocol, ano ang sustainable development, ang muling pag-revive ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na nakasalang ngayon sa kongreso at ipinoprotesta ng maraming environmentalists, at marami pang iba.

Ngunit ang pagsipat na ito'y di lamang dahil sa pagsapit ng Abril 22 o Hunyo 5, kundi dahil alam nating sa buong taon ay naaapektuhan tayo ng unti-unting pagkasira ng kalikasan. Hanggang dito na lang muna, at nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Miyerkules, Abril 8, 2009

"Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

"HUGASAN ANG 'YONG PUTIK SA MUKHA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nakatunganga sa kisame'y narinig kong pumailanglang sa himpapawid ang isang awiting nakapukaw ng tila natutulog kong isip. Ayon sa awiting iyon, na alam kong narinig na rin ng karamihan:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan.

Putik. Tulad ng isang dukha. Tulad kong mahirap pa kaysa daga. Isang putik sa lipunang puno ng katiwalian. Isang putik sa mundong panay ang digmaan. Isang putik sa pamayanang kay rami ng bangayan. Isang putik sa maraming pamilyang hindi nagkakaunawaan.

Ang putik sa mukha ay isang batik sa karangalan. Hindi nararapat sa mukha ang putik, maging sa talampakan.

Napakaganda ng mensahe nito ngayong semana santa, anuman ang iyong relihiyon, o maging pagano ka man. Pagkat ang mensahe ng awitin ay hinggil sa ating ugnayan sa ating kapwa tao, sa ating pagkatao. Paano nga ba tayo magppakatao at makikipagkapwa-tao? Sadya nga bang madaling maging tao at mahirap magpakatao, tulad ng sinasaad ng isang kasabihan.

Putik. Kamatayan. Pagbabalik sa pinagmulan.

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Narinig ko muli ito kanina habang dumaraan sa tapat ng aking tinutuluyan ang isang pulutong ng dahan-dahang umuusad na mga sasakyan, habang nasa unahan ang isang karo na kinalalagyan ng isa na namang namatay.

Hinanap ko sa internet ang kabuuan ng awitin. Ating basahin at tunghayan ang mga titik ng awiting ito, o kaya'y saliwan ng awit habang ninanamnam natin ang kahulugan nito sa buhay. Ang pamagat nito'y "Lupa" at inawit ng sikat na bandang ASIN.

Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa
Ang buhay mong sa lupa nagmula
Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha

REFRAIN
Kung ano ang 'di mo gusto
Huwag gawin sa iba
Kung ano ang iyong inutang
Ay s'ya ring kabayaran

Sa mundo, ang buhay ay mayroong hangganan
Dahil tayo ay lupa lamang
Kaya pilitin mong ika'y magbago
Habang may panahon, ika'y magbago
Pagmamahal sa kapwa ay isipin mo

O, sadyang makahulugan ang habilin sa atin ng awit. Habang may panahon pa, ating linisin ang anumang kabulukang namamahay sa ating dibdib. Habang may panahon pa, tayo'y magbago tungo sa isang buhay na makatao at may pagmamahal sa kapwa. Hindi lang ito para sa iba, hindi lang ito para sa atin, kundi para sa lahat upang magkaroon ng kapayapaan sa daigdig na ito. Huwag nating paglaruan ang damdamin at kabuhayan ng ating kapwa tao. Bayaran natin ng tama ang lakas-paggawa ng ating mga manggagawa. Huwag tayong magpatubo ng magpatubo upang manalo sa kumpetisyon laban sa mga karibal sa negosyo. Ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay huwag nating gawing negosyo, pagkat kawawa ang mga taong naghihirap dahil hindi nila mabili ang ninenegosyong karapatan. Maraming namamatay sa nagagamot na sakit dahil sa kamahalan ng gamot. Maraming di mapag-aralan ang nais nilang kurso dahil sa mahal ng matrikula.

Namnamin nating muli ang kanta. Aanhin natin ang anumang kayamanan na pinagtubuan natin mula sa pawis ng iba. Tayo ay lupa lamang. Magbabalik din tayo kung saan tayo nagmula. Sadyang mahiwaga ang kahulugan ng awitin. Simpleng awit. Matipid sa pangungusap. Tatlong saknong lamang, ngunit makahulugan. Nakapanginginig ng laman kung nanamnamin lamang at mauunawaan.

Sa panahong ito ng semana santa, halina't linisin natin ang dungis na nakakulapol sa ating mukha. Tulad nga ng habilin ng awit:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan. Ngunit sa putik pala tayo nagmula, at sa kalaunan ay babalik.

Huwebes, Abril 2, 2009

Niños Inosentes at April Fool's Day

NIÑOS INOCENTES AT APRIL FOOL'S DAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasabay ng aking paglaki ay nakagisnan ko na ang tinatawag nilang April Fool’s Day tuwing Abril 1 at ang Araw ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28.

“Hoy, ingat ka, April Fool’s Day ngayon, baka maisahan ka?” “Hoy, huwag kayong magpapautang ngayon at Niños Inocentes ngayon, baka di kayo mabayaran.” Karaniwan ko na itong narinig sa aking mga ate at kuya, pinsan at tiyuhin, sa mga kabigan at kaklase.

Noong una, nagtataka lang ako sa kanilang mga sinasabi at ipinagkikibit-balikat ko lamang ang mga ito. E, pano, hindi naman nila ipinaliwanag ng husto kung ano ito. Basta ang sabi lang nila, ang mga araw na ito ay araw ng kalokohan, kaya dapat mag-ingat.

Bakit nga ba may mga araw ng kalokohan? Sino ang nagtakda nito, at ano ang kasaysayan ng mga araw na ito? Iba’t ibang kaugaliang panloloko o pagbibiro ang karaniwang ginagawa sa araw na ito. Nariyang pag dumating ang araw na ito, uutangan ka at pangangakuan kang babayaran agad ng inutangan mo. Pag pinautang mo na, sasabihin agad sa iyo, “Salamat, naisahan kita. April Fool’s Day ngayon. He he he.” Pero katuwaan lang ito ng aking mga kababata, at minsan nagbabayad naman sila kahit papaano. Syempre, kababata, e. Paano kung seryoso talagang maisahan ka?

Teka, bakit nga ba may mga araw ng kalokohan o araw ng pagbibiro. Paano nga ba ito nagsimula? Nagsaliksik ako at narito ang ilan sa aking mga nakuhang batayan:

May sari-saring kwento kung pano nagsimula ang April Fool’s Day tuwing Abril 1. May nagsasabing agad lumaganap ang April Fool’s Day nang mapalitan na ng kalendaryong Gregorian yaong kalendaryong Julian. May nagsasabi pang ang Abril 1 ang siyang unang araw ng taon sa bansang Pransya, kaya’t nang palitan ni Haring Carlo IX ang araw na iyon bilang Enero 1, ang iba’y nanatili sa Abril 1. Yaong mga gumawa pa nito ay pinagtawanan ng kanilang mga kapitbahay, at tinawag silang mga April Fools.

May isa namang sinasabing batayan ng April Fool’s Day at ito’y mababasa sa akdang Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer na pinamagatang Nun’s Priest’s Tale, na isang kwento tungkol sa dalawang loko: ang tandang at ang lobo (the chanticleer and the fox), na naganap ng Marso 32 (dahil hanggang 31 lang ang Marso, ang 32 ay pumapatak ng Abril 1).

Sa ibang bansa, ang pagbibiro o paggawa ng kalokohan tuwing Abril 1 ay hanggang tanghali lamang, tulad sa Inglatera, Australia, New Zealand, Canada at Timog Aprika, at ang magbiro ng bandang hapon na ay tinatawag na April Fool. Ngunit karamihan ng lugar, tulad ng Ireland, Pransya at Amerika, buong araw isinasagawa ang pagbibiro o kalokohang ito.

Ano naman ang araw ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28? Bakit ito naging araw ng pagbibiro o kalokohan?

Nakabatay sa relihiyong Katoliko at Eastern Orthodox ang tinatawag na pista ng Niños Inocentes, na sa ingles ay Feast of the Holy Innocents, na kilala rin bilang Childermas, bilang paggunita sa pagpatay sa mga bata o massacre of the innocents noong panahon ni Herodes, kung saan ipinag-utos niya ang pagpaslang sa mga sanggol na lalaki dahil ito umano ang magiging susunod na hari. Napakaseryoso ng pinagmulan ng Niños Inocentes, ngunit dahil sa salitang “inosente”, uminog ito bilang araw upang magbiro sa mga walang muwang o inosente.

Katunayan, sa bansang España at iba pang bansang Latino, ang Disyembre 28 ay itinuturing na araw ng pagbibiro o kalokohan. At yaong nabibiktima ng mga palabiro o inocentadas ay tinatawag na inosente, o walang muwang. Kaya hindi dapat magalit sa mga nagbiro ang mga nabiktima dahil wala naman daw silang ginawang masama kundi magbiro lamang, dahil nga araw iyon ng mga inosente. Sa ibang kultura, ang Disyembre 28 ay itinuturing na malas na araw kaya hindi dapat magsimula ng anumang proyekto sa araw na ito.

Dalawang magkaibang araw ngunit parehong araw ng pagbibiro. Dalawang pinagmulan, ngunit ang isa’y seryoso habang ang isa’y sadyang kamalian.

Dalawang araw kung saan tayo dapat mag-ingat sa kalokohan ng ilan nating mga kaibigan, kakilala, at kababayan.

Ngunit huwag tayong mag-ingat lang tuwing Abril 1 at Disyembre 28 lamang, Dapat tayong mag-ingat sa lahat ng panahon, pagkat walang pinipiling araw ang mga seryosong manloko sa kanilang kapwa tao. Nariyan ang mga illegal recruiter, na nangangakong makakapagtrabaho sa ibang bansa ang mga kababayan natin, ngunit nasasadlak sa prostitusyon. Nariyan ang mga pulitikong palaging nangangako sa mga maralita nating kababayan, ngunit pag nanalo na ay hindi mahagilap kapag hinanap upang hingan ng kaunting tulong.

Oo, lahat ng araw ay dapat tayong mag-ingat lalo na sa mga taong nais tayong isahan. Kaya ingat.