Miyerkules, Abril 8, 2009

"Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

"HUGASAN ANG 'YONG PUTIK SA MUKHA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nakatunganga sa kisame'y narinig kong pumailanglang sa himpapawid ang isang awiting nakapukaw ng tila natutulog kong isip. Ayon sa awiting iyon, na alam kong narinig na rin ng karamihan:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan.

Putik. Tulad ng isang dukha. Tulad kong mahirap pa kaysa daga. Isang putik sa lipunang puno ng katiwalian. Isang putik sa mundong panay ang digmaan. Isang putik sa pamayanang kay rami ng bangayan. Isang putik sa maraming pamilyang hindi nagkakaunawaan.

Ang putik sa mukha ay isang batik sa karangalan. Hindi nararapat sa mukha ang putik, maging sa talampakan.

Napakaganda ng mensahe nito ngayong semana santa, anuman ang iyong relihiyon, o maging pagano ka man. Pagkat ang mensahe ng awitin ay hinggil sa ating ugnayan sa ating kapwa tao, sa ating pagkatao. Paano nga ba tayo magppakatao at makikipagkapwa-tao? Sadya nga bang madaling maging tao at mahirap magpakatao, tulad ng sinasaad ng isang kasabihan.

Putik. Kamatayan. Pagbabalik sa pinagmulan.

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Narinig ko muli ito kanina habang dumaraan sa tapat ng aking tinutuluyan ang isang pulutong ng dahan-dahang umuusad na mga sasakyan, habang nasa unahan ang isang karo na kinalalagyan ng isa na namang namatay.

Hinanap ko sa internet ang kabuuan ng awitin. Ating basahin at tunghayan ang mga titik ng awiting ito, o kaya'y saliwan ng awit habang ninanamnam natin ang kahulugan nito sa buhay. Ang pamagat nito'y "Lupa" at inawit ng sikat na bandang ASIN.

Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa
Ang buhay mong sa lupa nagmula
Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha

REFRAIN
Kung ano ang 'di mo gusto
Huwag gawin sa iba
Kung ano ang iyong inutang
Ay s'ya ring kabayaran

Sa mundo, ang buhay ay mayroong hangganan
Dahil tayo ay lupa lamang
Kaya pilitin mong ika'y magbago
Habang may panahon, ika'y magbago
Pagmamahal sa kapwa ay isipin mo

O, sadyang makahulugan ang habilin sa atin ng awit. Habang may panahon pa, ating linisin ang anumang kabulukang namamahay sa ating dibdib. Habang may panahon pa, tayo'y magbago tungo sa isang buhay na makatao at may pagmamahal sa kapwa. Hindi lang ito para sa iba, hindi lang ito para sa atin, kundi para sa lahat upang magkaroon ng kapayapaan sa daigdig na ito. Huwag nating paglaruan ang damdamin at kabuhayan ng ating kapwa tao. Bayaran natin ng tama ang lakas-paggawa ng ating mga manggagawa. Huwag tayong magpatubo ng magpatubo upang manalo sa kumpetisyon laban sa mga karibal sa negosyo. Ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay huwag nating gawing negosyo, pagkat kawawa ang mga taong naghihirap dahil hindi nila mabili ang ninenegosyong karapatan. Maraming namamatay sa nagagamot na sakit dahil sa kamahalan ng gamot. Maraming di mapag-aralan ang nais nilang kurso dahil sa mahal ng matrikula.

Namnamin nating muli ang kanta. Aanhin natin ang anumang kayamanan na pinagtubuan natin mula sa pawis ng iba. Tayo ay lupa lamang. Magbabalik din tayo kung saan tayo nagmula. Sadyang mahiwaga ang kahulugan ng awitin. Simpleng awit. Matipid sa pangungusap. Tatlong saknong lamang, ngunit makahulugan. Nakapanginginig ng laman kung nanamnamin lamang at mauunawaan.

Sa panahong ito ng semana santa, halina't linisin natin ang dungis na nakakulapol sa ating mukha. Tulad nga ng habilin ng awit:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan. Ngunit sa putik pala tayo nagmula, at sa kalaunan ay babalik.

Walang komento: