Miyerkules, Abril 22, 2009

Munting Kuro-kuro sa Araw ng Kalikasan

MUNTING KURO-KURO SA ARAW NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pandaigdigang Araw ng Kalikasan, atin pong pagnilayan sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay ipaglaban mula sa mga maling patakaran, at maging maayos para na rin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon (sustainable development).

Dalawang pandaigdigang araw ang karaniwang ginugunita hinggil sa kalikasan - Abril 22 - Pandaigdigang Araw ng Kalikasan (International Earth Day) at Hunyo 5 - Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day). Ang una'y pinasimulan ng mga NGO sa US, habang ang huli'y pinasimulan ng Unied Nations (UN).

Tuwing ika-22 ng Abril kung gunitain ng buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan. Oo, ginugunita ito sa buong mundo. Ngunit anong klase ng paggunita: Pagdiriwang ba o pagluluksa?

Dapat bang ipagdiwang ang Abril 22 dahil ito ang itinakdang araw para sa kalikasan, o dapat itong ipagluksa dahil unti-unti nang sininira ng tao at ng sistema ng lipunang umiiral ang kalikasan?

Sa aking pananaw, hindi dapat mamili sa isa, pagkat parehong dapat ipagdiwang ang araw na ito at ipagluksa. Tila mahirap ang sinabi ko. Parang sa umaga ay ipagdiriwang at sa hapon ay ipagluluksa na. Hindi po ganito.

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan dahil ito ang marapat gawin upang maimulat ang marami sa kahalagahan ng kalikasan, at ang kaugnayan ng kalikasan sa tao at sa ating pagkatao. Ngunit ipinagluluksa natin ang mismong ginagawang kahayupan ng tao sa kalikasan. Kailan matitigil ito?

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Ngunit pag pumunta ka sa Manila Bay, hindi na pulos tubig ang iyong makikita sa dagat, kundi mga basura, at napakaraming naglulutangang mga plastik. Ang plastik ay hindi nabubulok, kaya tumatambak ang basurang ito.

Grabe na rin ang polusyon sa hangin. Pag nasa biyahe ka galing probinsiya, magigising kang alam mo nang nasa Maynila ka na, pag naramdaman mo na ang polusyon.

Ang tubig na dati ay libre ay may bayad na rin. Mas mahal pa nga ang mineral water kaysa isang bote ng softdrinks. Kailangan na kasing iproseso ito ng mga mangangalakal upang ibenta dahil marumi na ang pinagkukunan ng tubig.

Nakakalbo na rin ang mga kagubatan. Nagkukulang na ba tayo sa itatanim, o hindi tayo nagtatanim?

Gusto mong tumulong ngunit di mo magawa? Aba'y kumilos tayo at huwag tumunganga. Pag tuluyang nasira ang kalikasan, baka tayo'y matulala. Kaya ngayon pa lang, kumilos na tayo upang di ito tuluyang masira.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Tayo nga'y magnilay sa Araw ng Kalikasan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila?

Ang ipinahayag ko'y munting pagsipat lamang sa abang kalagayan ni Inang Kalikasan. Marami pang dapat pag-usapan at pagtuunan ng pansin, lalo na ang iba't ibang isyu, tulad ng global warming o climate change, ano ang kyoto protocol, ano ang sustainable development, ang muling pag-revive ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na nakasalang ngayon sa kongreso at ipinoprotesta ng maraming environmentalists, at marami pang iba.

Ngunit ang pagsipat na ito'y di lamang dahil sa pagsapit ng Abril 22 o Hunyo 5, kundi dahil alam nating sa buong taon ay naaapektuhan tayo ng unti-unting pagkasira ng kalikasan. Hanggang dito na lang muna, at nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Walang komento: