Huwebes, Mayo 7, 2009

Pagmumuni sa Kahayupan

PAGMUMUNI SA KAHAYUPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Hayop ka talaga! Walanghiya!" Ilang beses na ba nating narinig ang mga salitang ito, lalo na doon sa mga nag-aaway, pinagsamantalahan at inapi? At minsan ay napapanood din natin ito sa mga pelikula, aksyon man o drama, kung saan itinuturing na hayop ang sinumang nagsamantala sa kanilang kapwa. Ngunit tao sila, hindi hayop. Bakit itinuring na hayop ang isang taong nagsamantala? Mapagsamantala nga ba ang mga hayop?

Gayunman, meron din namang paglalambing, tulad ng "Hayop sa ganda ang wan-kata ng tsiks!" na dalawa ang tinutukoy dito: "hayop sa ganda" na ibig sabihin ay napakaganda, at "tsiks" na kolokyal na tawag sa isang magandang babae.

Sa panitikan man o sa tunay na buhay, lagi nating kasama ang mga hayop. Sa bahay, tayo'y may aso o kaya'y pusa. At minsan naman, may nag-aalaga rin ng baboy, kalabaw, baka at kambing. Meron ding nag-aalaga ng mga tandang na panabong at alagaing manok para maitinda ang mga itlog nito. Ang iba naman ay kabayong pangarera.

Pati na sa kultura ng iba't ibang bansa ay kasama na ang mga hayop. Nariyan ang kwento ni Noah at ang mga hayop na sumakay sa malaking barko. Nariyan din ang mga inakdang pabula ng Griyegong si Aesop, kung saan pinagsalita niya sa kanyang mga akda ang mga hayop upang magbigay ng makabuluhang aral sa mga kabataan.

Nakaukit naman sa bandila ng bansang Sri Lanka ang larawan ng isang LEYON, at ang simbolo naman ng mga rebeldeng Tamil doon din sa Sri Lanka ay TIGRE. May digmaan ngayon sa bansang iyon kung saan dinudurog ng gobyernong Sri Lanka ang mga rebeldeng Liberation Tigers of Tamil Eelam (LTTE). Ang iba pang bansang may nakaukit na hayop sa kanilang watawat ay ang Bhutan, Egypt, Ecuador, Peru, Tibet, Uganda, Virgin Islands, Wales, at Zambia.

Anupa't bahagi na ng ating pamumuhay ang mga hayop. Kaya napasali na rin sa ating wika, lalo na sa pananalinghaga at mga salawikain, ang iba't ibang pakahulugan sa mga hayop, at ginagamit itong metapora sa pagpapaliwanag sa iba't ibang bagay. At kadalasan, ginagamit ang hayop sa kasamaan ng ugali ng mga tao. Tila inapi na ng tao ang mga hayop. Dapat bang ganito? Hindi ba't may kasabihan nga sa Ingles, "Be kind to animals" o dapat tayong maging mabait sa mga hayop? Ngunit tingnan ang ilang halimbawang narito:

Bakit tinatawag na BUWAYA ang mga kongresista't pulitiko? Marahil dahil malaki ang bunganga ng buwaya at handang managpang ng pahara-hara sa daraanan nito.

Bakit tinatawag na BUWITRE ang ilang pulitiko, mayayaman, at mga lider ng sindikato? Marahil dahil inaangkin nito ang pinaghirapan ng iba, nagsasamantala sa kapwa, at nang-aapi ng mga dukha, tulad ng mga buwitreng kumakain ng patay.

Bakit tinatawag na TIGRE ang isang babaeng madaldal at palaaway? Marahil dahil kasintunog ng tigre kung magalit ang babaeng ito, na sa ingles ay tinatawag na "nagger".

Bakit tinatawag na TUTA ng Kano ang gobyernong haling na haling sa dayuhan, partikular sa mga Amerikano? Marahil dahil sunud-sunuran ito sa kagustuhan ng kanyang amo, o sa dikta ng Amerikano.

Bakit ikinukumpara sa LANGGAM ang mga taong masisipag, lalo na yaong mga manggagawa? Marahil dahil ang mga manggagawa ay talagang masisipag sa trabaho, at sila ang gumagawa ng yaman ng lipunan, at bumubuhay sa ekonomya ng bansa.

Bakit AGILA ang simbolo ng bansang Amerika? Marahil dahil matayog ang lipad ng haring ibon, at nakikita ang lahat mula sa papawirin, ngunit dapat mag-ingat ang maliliit na bansa dahil baka sila ang dagitin ng agila.

Bakit sinasabing "mahirap pa sa DAGA" yaong mga nagugutom at itinuturing na hampaslupa? Marahil dahil ang daga'y nabubuhay sa pagkain ng kung anu-ano, kahit papel at tirang pagkain, tulad ng mga dukhang naghahanap ng pagkain sa basurahan, at ginagawang pagpag.

Bakit tinatawag na AHAS ang mga taong sukab, lilo o tampalasan? Marahil ay hinango ito sa isang akda sa bibliya ng mga Kristyano kung saan kumain ng mansanas sina Eba at Adan dahil sa udyok ng ahas kaya sila napalayas sa paraiso, kung saan naiwan sa paraiso ang ahas. Marahil may ganito rin sa iba pang relihiyon.

Bakit tinatawag na bahag ang BUNTOT ng isang taong duwag at dungo, gayong wala naman siyang buntot? Marahil dahil tulad ng aso na kakawag-kawag ang buntot sa kanyang amo, ang isang taong duwag at maging ang mga kimi, dungo at mahiyain, ay sunud-sunuran na lamang sa nakatataas sa kanila.

Bakit tinatawag na lumalaki ang SUNGAY ng isang taong pasaway, gayong hayop lamang ang may sungay? Marahil dahil nanunuwag ng amo ang mga sungayang hayop, tulad ng kalabaw at baka. Marahil din dahil ikinukumpara sa demonyong may sungay ang taong pasaway o masama.

Pero talaga bang ganito ang ugali ng mga hayop, kaya kadalasang ikinukumpara natin ang mga kasamaan ng tao sa hayop? Ano ang kinalaman ng buwaya sa mga kongresista't pulitikong tiwali sa pamahalaan, gayong di naman nangungurakot ang mga buwaya? Talaga bang traydor ang mga ahas, hindi ba't harapan kung manuklaw sila?

Hindi ba natin inaapi ang mga hayop sa pagkukumpara natin sa kanila sa masasamang ugali ng tao? Ano kayang masasabi ng mga animal welfare activists sa usaping ito? Tiyak na magpoprotesta sila.

Marami ring salita ang naglalarawan sa kaugalian ng tao sa pamamagitan ng katangian ng mga hayop.

Tulog-manok ang mga madaling magising.

Balat-kalabaw ang mga walang pakiramdam.

Ang mga naaapi'y tinatawag na basang sisiw o kaya'y kakaning itik.

Linta ang mga pulitikong mapagsamantala at tinatawag din itong mga traydor na kaibigan.

Buhay-alamang ang mga maralita.

Salimpusa ang mga di talaga kasali sa isang grupo ngunit nakikisali.

Ngising aso yaong mga mapanlait sa kapwa.

Parang pusang may siyam na buhay ang mga nakaliligtas sa tiyak na kamatayan.

Asong ulol ang tawag sa mga nanggagahasa.

Sa pagdaan ng kasaysayan, pumaimbulog ang mga salitang ito sa mga kwentuhan, talakayan at pagsulat ng mga akda upang ilarawan ang kaugalian ng tao sa pamamagitan ng mga metapora na kaugnay ng hayop. Marahil ay hindi sila malay o hindi sinasadya. Ngunit lumaganap ang mga salitang ito mula pa ng panahong sinauna.

Gayunman, marahil matatagalan pa, marahil bibilang pa ng mga taon, dekada at siglo, para mapawi ang pananalinghagang ito hinggil sa mga hayop sa ating bokabularyo. Sa ngayon, palasak pa rin ito sa ating kamalayan bilang bansa at bilang tao. Hangga't wala tayong naipapalit sa mga pananalitang ito, mananatili pa rin ito sa ating mga aklat, sa mga pelikula, at kahit sa simpleng talastasan.

Walang komento: