Linggo, Hulyo 19, 2009

Bakit kusang nagla-lock ang pinto ng CR?

BAKIT KUSANG NAGLA-LOCK ANG PINTO NG CR?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sarili ko itong karanasan sa isang opisina, kung saan isa ako sa taong bahay doon, at staff ng opisina.

Nagtataka ang mga kasamahan ko kung bakit laging nagla-lock ang pinto ng banyo o CR. Pagkatapos nilang maligo, tumae kaya o kahit umihi lamang, agad na nasasara ang pinto ng CR. Kaya yung kasunod na gagamit ay hindi makagamit. May nagmumulto ba sa CR kaya kusang nagla-lock ang pintuan? Kailangang tawagin ang mayhawak ng susi kapag nala-lock ang CR. At ako ang mayhawak ng susi na lagi nilang tinatawag.

Ang lock ng CR ay iyong pabilog na para ma-lock siya ay pipindutin mo ang gitna nito para ma-lock, pero nasa loob ka ng CR. Pipihitin mo iyon pag labas mo para mawala sa pagka-lock. Pag nasa labas ka ng CR ay kailangan mo na ng susi. Hindi naman sasadyaing i-lock ng nasa loob at lumabas na ng CR ang pinto dahil alam niyang may iba pang gagamit. Ang pwede, lumabas siya sa CR nang hindi na sinasara ang pinto.

Nakakainis, dahil marami akong ginagawa bilang staff, at dahil ako ang mayhawak ng susi ng CR, lagi akong tinatawag dahil lang para buksan ang CR. Grabe. Pero dapat malutas ang problemang iyon.

Palibhasa, hindi ako naniniwala sa multo, napag-isipan ko minsan kung bakit ba iyon kusang nagsasara. Minsang nakaupo ako sa inodoro, napatitig ako sa lock ng CR. Paano ba marereolba ang pagkaka-lock nito. Bago ako lumabas ng CR, tiningnan ko kung pagpihit ko ba ng lock ay hindi na ito nagluluwag kundi pirmi nang naka-lock. Kung ganoon ang nangyayari, dapat palitan na ang lock dahil sira na ito.

Pero pagpihit ko ng lock, bigla itong magki-klik at lumuluwag naman ang lock. Ibig sabihin, kahit masara ang pinto, makakapasok ang susunod na gagamit ng CR dahil hindi naman naka-lock ang pinto. Pero paano nga ba nala-lock ng kusa ang lock ng pinto? Nakita ko rin sa walas ang problema.

Iyun palang lock ng pinto pag tumatama sa tiles ng CR ay kusang nagsasara. Ilang beses ko itong sinubukan. Itinatama ko ang pinto ng CR sa tiles o dingding ng CR. Sumasara ito. Alam ko na ang problema. Paano ko naman ito sinolusyunan?

Kumuha ako ng ilang karton ng pad paper at ginupit ko ang mga iyon. Pinagpatong-patong ko ang mga iyon, at idinikit ng masking tape sa tiles na tinatamaan ng lock ng pinto kaya kusang sumasara. Nagsilbi ang mga kartong iyon bilang bumper upang hindi na magsara ng kusa ang pinto at huwag ituring na may nagmumulto sa kubeta.

Isang araw lang iyon tumagal dahil tinanggal din ng aking kasama sa opisina. Tinawag na naman ako na nag-lock muli ang pinto. Akala niya'y basura lang iyong nakadikit at hindi niya naunawaan na bumper iyon para hindi mag-lock ng kusa ang pinto.

Kaya muli akong kumuha ng karton at idinikit kong muli sa tiles ng CR. Pero sinulatan ko na iyon, at nakasulat: DOOR BUMPER sa itaas, at PARA DI KUSANG MAGSARA ANG PINTO sa bandang ibaba.

Mula noon, hindi na nagsasara ng kusa ang lock ng pinto dahil may bumper na karton na roon, at naunawaan na rin ng mga kasama sa opisina at mga bumibisita roon kung bakit may door bumper na doon sa CR, at wala naman talagang multo doon kaya hindi na kusang nagla-lock ang pinto.

Biyernes, Hulyo 17, 2009

Unang Danas na Kikil

UNANG DANAS NA KIKIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa first year high school pa lang ako noon nang maranasan ko ang unang pagkakataong ako'y kinikilan. Limang piso lamang ang baon ko sa isang araw at kinikilan pa ako.

Mula sa bahay patungong eskwelahan, sasakay ako ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa sa Quiapo, dadaan sa underpass patungong Quezon Blvd., sa tapat ng simbahan ng Quiapo dahil naroon ang sasakyan ng dyip patungong Lawton. Bababa ako ng Lawton upang maglakad patungong eskwelahan. Ang rutang iyon ang natutunan ko, habang may ibang daan na itinuro sa akin ang aking ama, ang pagsakay ng dyip na rutang Quiapo-Pier patungong eskwelahan. Subalit ang daang iyon ay patungo sa kanyang opisina na malapit lamang sa pinapasukan kong eskwelahan, at may kahabaan ng kaunti ang lakarin kaysa galing ng Lawton.

Naranasan ko ang una kong "hold-up" nang minsan, mag-isa akong bumiyahe patungong paaralan nang sa paglalakad ko sa underpass ng Quiapo ay hinarang ako ng isang payat na lalaki, medyo gusgusin sa aking pagkakatanda. Sabi niya'y pahingi raw ng pera. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil nakaharang siya sa aking daraanan, at pag ibinigay ko naman ang buo kong limang piso ay mawawalan ako ng pamasahe papunta sa eskwelahan.

Mukhang totoy pa kasi ako nang mga panahong iyon, first year high school, kaya marahil madaling kikilan. Nakapolo, nakabalat ng sapatos, nakapantalon, maayos ang gupit, animo'y binatang-binata ang dating. Nagsisimula pa lang akong matutong laging magbiyahe sakay ng dyip patungong eskwelahan. Dahil noong elementarya'y nilalakad ko lang ang aming paaralan.

Minabuti ko na lang na ibigay ang buo kong limang piso, dahil sa isip ko'y baka may dala siyang kutsilyo. Hindi ko na pinangahasang tumakbo dahil baka may mga kasama siyang iba. Ibinigay ko ang aking limang piso, kaya wala na akong pera. Hindi agad ako nakaalis at nakatingin pa rin ako sa kanya. Marahil dahil hindi pa ako agad umalis at nakatitig sa kanya kaya binigyan niya ako ng barya. Baka iniisip niya na mahalata siya ng ibang nagdaraan. Sakto lang na pamasahe sa dyip ang ibinigay na barya sa akin. P0.65 sa pagkakatanda ko ang pamasahe nang panahong iyon.

Kaya pinabayaan ko na lang, isang munting karanasan sa masalimuot na mundo. Isang aral, na kahit papaano'y nagpaisip sa akin bakit ba may ganuong mga tao. Subalit sa loob-loob ko, ayaw ko na iyong mangyari muli. Hindi muna ako dumaan sa lugar na iyon, at nag-iba ako ng ruta. Pagsakay ko ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa ako sa Lepanto papuntang Morayta. Maglalakad hanggang Lerma upang doon sumakay papuntang Lawton.

O kaya naman ay bababa ng Recto, maglalakad patungong bilihan ng mga gamit ng ROTC, na kinatatayuan ngayon ng Isetann Recto, at doon sasakay ng dyip patungong Lawton.

O kaya naman ay bababa sa Quiapo, ngunit hindi maga-underpass, kundi maglalakad patungo sa overpass ng Raon upang tumawid sa kabila. At mula doon ay sasakay na ng dyip patungong Lawton.

Kung iisipin ko ngayon ang itsura ng taong iyon, mukhang natakot lang ako noong una, dahil bata pa ako noon. Subalit malaking aral na rin iyon, na para bang isa akong sundalong natutong umiwas sa kaaway, mag-isip ng ruta, maghanap ng bagong daan, maghanap ng bago kaysa laging dinaraanan.

Hanggang ngayon, hanap ko ang pagbabago. Hindi iyong dati nang kinagawian. Kaya marahil ako naging aktibista. Nagtanong bakit may mga taong nangingikil. Nagtanong bakit may mga dukha. Nagtanong bakit hindi pantay ang karapatan at kalagayan ng mga tao sa lipunan. Hanggang sa pinag-aralan ang lipunan.

Ngayon, patuloy akong kumikilos at humahakbang patungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala. Kung ano man ang tawag sa lipunang iyon, ang mahalaga'y hindi ang "ismo" kundi ang esensya. Ang kabuuan ng pangarap na lipunang ang bawat isa ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Martes, Hulyo 14, 2009

Pagbabasa ng diyaryong nakapatong sa kulambo

PAGBABASA NG DIYARYONG NAKAPATONG SA KULAMBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y mahilig na akong magbasa. Sa katunayan, bawat diyaryong binibili ng aking ama ay aking binabasa. Natatandaan ko nga, nagbabasa ako ng diyaryong nakapatong sa kulambo. Umaga, pagkagising ay nakatingala na akong gigising, nakatingin, hindi sa kisame, kundi sa pahayagang nakapatong sa kulambo. Nasa kinder na o grade one ako noon.

Ayon sa aking ama, ipinapatong niya ang diyaryo sa kulambo upang takpan ang silaw ng ilaw habang kami'y natutulog. Hindi na kasi pinapatay ang ilaw para daw mas maiwasan ang lamok, at baka tumayo kami sa madaling araw na kung patay ang ilaw ay baka makasagi ng gamit o kaya'y madapa, lalo na kung naiihi. Kaya pinabayaan na lang na buhay ang ilaw, at diyaryo ang pangontra sa silaw ng ilaw habang natutulog.

Uso pa noon ang paggamit namin ng kulambo, di tulad ngayon na bihira ka nang makakita ng kulambo sa mga kasama sa bahay, dahil may bentilador na o kaya ay aircon. Nag-uunahan pa kaming magkakapatid noon sa pagsabit ng kulambo sa apat na sulok ng maliit naming kwarto. 

Sa iisang kulambo'y nagkakasya kaming tatlo pa lang noon na magkakapatid (anim kami ngayon) at ang aming ama at ina.

Pag naalimpungatan sa madaling araw, nakatutok na ang aking mata sa diyaryong nakapatong sa kulambo at binabasa ang mga iyon, komiks man o balita.

Sa kalaunan ay lumabo ang aking mata. At walong taon pa lang ako ay nagsalamin na sa mata. Ngunit habang lumalaki ako ay naaasiwa ako sa pagsasalamin, kaya madalas ay hindi ko na iyon isinusuot. Hanggang sa masanay na akong walang suot na salamin.

Masarap balikan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa umakit ng aking interes sa pagbabasa. Pagmulat pa lang ng mata sa paggising sa umaga ay nakatambad na agad sa aking mukha ang mga letra, nagpapahayag ng kwento at mga balita.

Ngayon, wala nang kulambong papatungan ng diyaryo, dahil natutulog na lang akong wala ni kumot o unan. Lalo na sa pagod, kuntento nang ipikit na lamang ang mata upang makatulog, may banig man o wala, o kaya'y sa upuan o bangko na lang nakahiga. Ngunit ang karanasang iyon ay hindi ko malilimot dahil bahagi na iyon ng aking paglaki at paglago bilang isang manunulat.