PAGBABASA NG DIYARYONG NAKAPATONG SA KULAMBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bata pa ako'y mahilig na akong magbasa. Sa katunayan, bawat diyaryong binibili ng aking ama ay aking binabasa. Natatandaan ko nga, nagbabasa ako ng diyaryong nakapatong sa kulambo. Umaga, pagkagising ay nakatingala na akong gigising, nakatingin, hindi sa kisame, kundi sa pahayagang nakapatong sa kulambo. Nasa kinder na o grade one ako noon.
Ayon sa aking ama, ipinapatong niya ang diyaryo sa kulambo upang takpan ang silaw ng ilaw habang kami'y natutulog. Hindi na kasi pinapatay ang ilaw para daw mas maiwasan ang lamok, at baka tumayo kami sa madaling araw na kung patay ang ilaw ay baka makasagi ng gamit o kaya'y madapa, lalo na kung naiihi. Kaya pinabayaan na lang na buhay ang ilaw, at diyaryo ang pangontra sa silaw ng ilaw habang natutulog.
Uso pa noon ang paggamit namin ng kulambo, di tulad ngayon na bihira ka nang makakita ng kulambo sa mga kasama sa bahay, dahil may bentilador na o kaya ay aircon. Nag-uunahan pa kaming magkakapatid noon sa pagsabit ng kulambo sa apat na sulok ng maliit naming kwarto.
Sa iisang kulambo'y nagkakasya kaming tatlo pa lang noon na magkakapatid (anim kami ngayon) at ang aming ama at ina.
Pag naalimpungatan sa madaling araw, nakatutok na ang aking mata sa diyaryong nakapatong sa kulambo at binabasa ang mga iyon, komiks man o balita.
Sa kalaunan ay lumabo ang aking mata. At walong taon pa lang ako ay nagsalamin na sa mata. Ngunit habang lumalaki ako ay naaasiwa ako sa pagsasalamin, kaya madalas ay hindi ko na iyon isinusuot. Hanggang sa masanay na akong walang suot na salamin.
Masarap balikan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa umakit ng aking interes sa pagbabasa. Pagmulat pa lang ng mata sa paggising sa umaga ay nakatambad na agad sa aking mukha ang mga letra, nagpapahayag ng kwento at mga balita.
Ngayon, wala nang kulambong papatungan ng diyaryo, dahil natutulog na lang akong wala ni kumot o unan. Lalo na sa pagod, kuntento nang ipikit na lamang ang mata upang makatulog, may banig man o wala, o kaya'y sa upuan o bangko na lang nakahiga. Ngunit ang karanasang iyon ay hindi ko malilimot dahil bahagi na iyon ng aking paglaki at paglago bilang isang manunulat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento