Biyernes, Hulyo 17, 2009

Unang Danas na Kikil

UNANG DANAS NA KIKIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa first year high school pa lang ako noon nang maranasan ko ang unang pagkakataong ako'y kinikilan. Limang piso lamang ang baon ko sa isang araw at kinikilan pa ako.

Mula sa bahay patungong eskwelahan, sasakay ako ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa sa Quiapo, dadaan sa underpass patungong Quezon Blvd., sa tapat ng simbahan ng Quiapo dahil naroon ang sasakyan ng dyip patungong Lawton. Bababa ako ng Lawton upang maglakad patungong eskwelahan. Ang rutang iyon ang natutunan ko, habang may ibang daan na itinuro sa akin ang aking ama, ang pagsakay ng dyip na rutang Quiapo-Pier patungong eskwelahan. Subalit ang daang iyon ay patungo sa kanyang opisina na malapit lamang sa pinapasukan kong eskwelahan, at may kahabaan ng kaunti ang lakarin kaysa galing ng Lawton.

Naranasan ko ang una kong "hold-up" nang minsan, mag-isa akong bumiyahe patungong paaralan nang sa paglalakad ko sa underpass ng Quiapo ay hinarang ako ng isang payat na lalaki, medyo gusgusin sa aking pagkakatanda. Sabi niya'y pahingi raw ng pera. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil nakaharang siya sa aking daraanan, at pag ibinigay ko naman ang buo kong limang piso ay mawawalan ako ng pamasahe papunta sa eskwelahan.

Mukhang totoy pa kasi ako nang mga panahong iyon, first year high school, kaya marahil madaling kikilan. Nakapolo, nakabalat ng sapatos, nakapantalon, maayos ang gupit, animo'y binatang-binata ang dating. Nagsisimula pa lang akong matutong laging magbiyahe sakay ng dyip patungong eskwelahan. Dahil noong elementarya'y nilalakad ko lang ang aming paaralan.

Minabuti ko na lang na ibigay ang buo kong limang piso, dahil sa isip ko'y baka may dala siyang kutsilyo. Hindi ko na pinangahasang tumakbo dahil baka may mga kasama siyang iba. Ibinigay ko ang aking limang piso, kaya wala na akong pera. Hindi agad ako nakaalis at nakatingin pa rin ako sa kanya. Marahil dahil hindi pa ako agad umalis at nakatitig sa kanya kaya binigyan niya ako ng barya. Baka iniisip niya na mahalata siya ng ibang nagdaraan. Sakto lang na pamasahe sa dyip ang ibinigay na barya sa akin. P0.65 sa pagkakatanda ko ang pamasahe nang panahong iyon.

Kaya pinabayaan ko na lang, isang munting karanasan sa masalimuot na mundo. Isang aral, na kahit papaano'y nagpaisip sa akin bakit ba may ganuong mga tao. Subalit sa loob-loob ko, ayaw ko na iyong mangyari muli. Hindi muna ako dumaan sa lugar na iyon, at nag-iba ako ng ruta. Pagsakay ko ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa ako sa Lepanto papuntang Morayta. Maglalakad hanggang Lerma upang doon sumakay papuntang Lawton.

O kaya naman ay bababa ng Recto, maglalakad patungong bilihan ng mga gamit ng ROTC, na kinatatayuan ngayon ng Isetann Recto, at doon sasakay ng dyip patungong Lawton.

O kaya naman ay bababa sa Quiapo, ngunit hindi maga-underpass, kundi maglalakad patungo sa overpass ng Raon upang tumawid sa kabila. At mula doon ay sasakay na ng dyip patungong Lawton.

Kung iisipin ko ngayon ang itsura ng taong iyon, mukhang natakot lang ako noong una, dahil bata pa ako noon. Subalit malaking aral na rin iyon, na para bang isa akong sundalong natutong umiwas sa kaaway, mag-isip ng ruta, maghanap ng bagong daan, maghanap ng bago kaysa laging dinaraanan.

Hanggang ngayon, hanap ko ang pagbabago. Hindi iyong dati nang kinagawian. Kaya marahil ako naging aktibista. Nagtanong bakit may mga taong nangingikil. Nagtanong bakit may mga dukha. Nagtanong bakit hindi pantay ang karapatan at kalagayan ng mga tao sa lipunan. Hanggang sa pinag-aralan ang lipunan.

Ngayon, patuloy akong kumikilos at humahakbang patungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala. Kung ano man ang tawag sa lipunang iyon, ang mahalaga'y hindi ang "ismo" kundi ang esensya. Ang kabuuan ng pangarap na lipunang ang bawat isa ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Walang komento: