PAANO NGA BA AKO NAGSIMULANG MAGSULAT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mahaba-haba na rin ang panahon nang magsimula akong magsulat. Hindi ito ang pagkatuto lang kung paano bumasa at sumulat, kundi paano ang pagkatha ng mga sanaysay, balita, tula, dagli, maikling kwento, at mga kagaya pa nito, na kaiga-igayang basahin ng sinumang makakabasa nito. Nagsusulat ako noon para mailagay ko sa papel ang aking mga saloobin, mga pagsintang pururot, kumbaga.
Masasabi kong pormal akong naging manunulat nang ako'y maging staffwriter noong 1993 sa publikasyong The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University. Halos apat na taon ako sa publikasyong iyon, sa ilalim ng limang editor.
Nang mag-resign ako sa trabaho bilang machine operator ng tatlong taon, at muling pumasok sa kolehiyo, nagkaroon ng bakante sa publikasyong The Featinean. Sa paglalakad ko sa pasilyo ng FEATI, nakita kong nakapaskil sa labas ng opisina ng The Featinean na kailangan nila ng apat na bagong staff ng publikasyon. Enero 1993 iyon. Nuong una, parang ayaw ko pa, hanggang sa sabihan ako ng isang kaklase ko na subukan ko, dahil sayang naman at bakasakaling makapasa ako. Tutal wala naman akong pasok ng hapong iyon dahil pulos panggabi klase ko at may subject sa pang-umaga, kumatok ako sa pinto ng publikasyon at nagsabing interesado akong maging manunulat. Pinapunta naman ako sa itinakda nilang iskedyul. At sa pagsusulit na iyon, mga pito kaming kumuha ng pagsusulit. Ilang araw lamang, nakapaskil na ang pangalan ng mga nakapasang bagong staffer ng The Featinean at isa ako sa nakapasa. Duon na nagsimulang tuluy-tuloy akong magsulat hanggang sa ngayon. Isyu ng Pebrero 1993 ng The Featinean ay inilathala ang una kong artikulo na pinamagatang "Pagsubok at Tagumpay". Halos kasabay ito ng pagkalathala rin ng artikulong iyon sa Blue Collar Magazine na inilalathala ng Don Bosco, unang isyu ng 1993.
Pero bago ito, mahilig na rin akong magsulat ng kung anu-ano. Natatandaan ko pa nang nasa Japan ako ng 1988, ipinadadala kong liham sa aking Mommy at mga kapatid ay pawang patula. Wala na akong kopya ng mga iyon para tipunin ko bilang patunay ng mga nauna kong tula, dahil pakiramdam ko, iyon naman ay personal na tula sa mga kapatid ko, lalo na sa aking mahal na ina, kaya di na dapat pang ilathala.
Mahilig din akong kontakin ng ilang kakilala sa Sampaloc para gumawa ng love letter para sa kanilang nililigawan. Ewan ko ba kung paano ako napunta sa ganitong gawain. Marahil may isa akong niligawan na ipinabasa niya sa iba ang gawa ko at nagandahan sila. Kaya siguro may mga ilang nagpapagawa sa akin ng love letter.
Habang nagtatrabaho ako sa PECCO sa Alabang bilang machine operator, nakitaan ako ng galing sa pagsusulat ng ilang mga kamanggagawa ko doon, lalo na yaong mga working student. Napansin nila ito nang minsang basahin ko sa harapan ng aking mga kamanggagawa ang ginawa kong talumpati para sa pabrika. Tuwing umaga, pagpasok sa pabrika, mag-eehersisyo muna ng sabay-sabay ang mga empleyado at pagkatapos noon ay isang empleyado ang magsasalita sa harapan. Araw-araw iyon, tuwing papalo ang alas-otso ng umaga. Kaya ilang mga kamanggagawa kong working students, kahit di ko sila ka-departamento, kinakausap nila ako para gumawa ng essays o artikulo na assigment nila sa school. Pinapaunlakan ko naman. Tutal, wala namang mawawala sa akin. Hanggang sa mag-resign ako sa PECCO matapos ang tatlong taong singkad (Pebrero 1989-Pebrero 1992).
Sa The Featinean, higit dalawang taon akong naging staffwriter, sa ilalim ng tatlong editor. Yung huling bahagi ng pagkaeditor-in-chief ni Albert Ramos, Pebrero 1993-Mayo 1993, Erwin Q. San Luis, schoolyear 1993-1994, at Arnold H. Divina, schoolyear 1994-1995. Dalawang taon naman akong naging features and literary editor ng The Featinean, sa ilalim ni Mariano Midel Jr, schoolyear 1995-1996 at Adonis C. Beciril, schoolyear 1996-1997.
Habang ako'y staffwriter ng The Featinean, narekrut ako sa Kamalayan o Kalipunan ng Malayang Kabataan. Ang Kamalayan ang dating League of Filipino Students - National Capital Region (LFS-NCR) chapter na umalis sa LFS-national at naging Kamalayan. Dito'y nahalal akong maging Basic Masses Integration (BMI) officer noong 1994, at nagsulat din ng ilang artikulo ukol sa pakikibaka ng Kamalayan. Hanggang sa mahatak ako ng isang kasama sa Kamalayan upang magsulat sa pahayagan ng kapatid na organisasyon nito, ang National Federation of Student Councils (NFSC) na dati namang National Union of Student of the Philippines (NUSP)-NCR. Inilathala namin ang pahayagang Resurgence, ako bilang associate editor nito.
Pagka-resign ko sa The Featinean, pansamantala akong nagpahinga bilang manunulat, 1997 iyon. Noong 1998, nalathala ang una kong artikulo sa Tambuli, ang opisyal na publikasyon ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino). Nasundan pa ito ng ilan ding sulatin, pawang mga lathalain (feature article) at bihira ang mga malikhaing pagsulat, tulad ng tula. Noong 1999, naging punong-patnugot ako ng ikalawang isyu ng magasing Maypagasa, ang opisyal na publikasyon ng grupong Sanlakas. Marami-rami rin akong naisulat sa mga publikasyong iyon, lalo na sa Maypagasa.
Noong 1998, sa pamamagitan ng pagtalaga sa akin ng manunulat at nobelistang si Ed Aurelio C. Reyes, naging coordinator ako ng Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), isang pambansang samahan ng media sa bansa. At ang una kong proyekto rito ay ang pagdaraos ng kongreso ng PMPF, na idinaos noong Agosto 30 ng taon din iyon, at nahalal ako bilang kalihim nito. Ang pangulo ay si Vic Balmonte habang ikalawang pangulo si Reyes. Noong Nobyembre 28, 1998 naman, pormal na naitatag ang Young Writers Assembly of the Philippines (YWAP) sa Makati, kung saan dinaluhan ito ng mga kabataang manunulat mula sa ilang eskwelahan. Nahalal din ako rito bilang pangkalahatang kalihim.
Hindi ako mahilig gumawa ng tula noong una, dahil bihira kundi man kakaunti talaga ang nagawa kong tula. Kapansin-pansin ito pag tinipon ang mga katha kong tula sa The Featinean. Sa loob ng apat na taon ng paglilingkod sa publikasyon, wala pang sampung tula ko ang nalathala sa The Featinean. Dagdag pa sa pagkadismaya ko noon sa pagkatha ng tula ang pagkawala ng isang kwaderno kong tipunan ng tula. Marami akong naisulat na tula na tinipon ko sa kwadernong iyon, ngunit nawala ito noong nakatira pa ako sa opisina ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa Fortune Bldg. sa Pineda, Pasig. Ngunit hindi naman ako nabablangko sa pagkatha ng mga tula, marahil may isa bawat buwan noon. Mas nagkainteres akong gumawa ng tula nang magpasa ako ng limang tula bilang rekisitos upang maging estudyante ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) poetry clinic na inorganisa ng makatang Virgilio S. Almario noong 1985. Mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, dumalo ako sa poetry workshop ng LIRA.
Noong 2003, naging staff ako, at sa kalaunan ay naging cultural and literary editor, ng pahayagang Obrero na inilalathala ng BMP. Noong 2006, naging kasamang patnugot (associate editor) ako ng magasing Tambuli na inilalathala ng Katipunang DakiLahi. Dito ko natutunan kung paano ba mag-bookbind ng magasin, pati na rin ng libro. Sa panahong ito ko nasimulan ang una kong ginawang libro na pinamagatan kong MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Unang Aklat, kung saan nalathala ang isang tula kong ibinigay sa hinahangaan kong babae at lihim na iniibig. Naging inspirasyon ko siya kaya nagtuloy-tuloy na ang paglalathala ko ng iba't ibang uri ng libro. Inipon ko rin ang mga dati ko nang nagawang artikulo, pati na yaong mga lumabas sa The Featinean, at ginawa kong libro. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin akong nagsusulat at naglalathala ng mga libro. Noong 2007, inilathala ko ang librong NIngas-Bao bilang pagdiriwang ko ng ika-15 taon ko sa daigdig ng panulat, mula 1993 hanggang 2007. Naglalaman ang aklat ng 15 sanaysay at 15 tula. Setyembre ng taon ding iyon ay inilunsad sa UP Manila ang libro kong Macario Sakay, kasabay ng ika-100 taon ng kamatayan ng nasabing bayani.
Ang pagsusulat ay hindi lamang isang outlet, o labasan ng aking mga hang-ups o mga problema sa buhay, Ito'y isang mahalagang gawaing dapat kong gampanan ng husay sa kilusang mapagpalayang kinapapalooban ko ngayon. Marahil matagal pa bago ko iwan ang pagsusulat. Sa ngayon, masaya ako sa ginagawa ko kahit walang pera sa tula, kahit walang allowance mula sa pahayagang Obrero. Ang malaman ko lang na nalathala na ang aking mga pinaghirapang artikulo at tula ay isa nang malaking kasiyahan sa akin. Dagdag na kasiyahan pa kung magkomento pa sila dahil sa kanilang nabasa. Kaya maraming salamat sa mga nagbasa at nagkomento sa aking mga isinulat. Mabuhay kayo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento