TITA ODETTE ALCANTARA, ISANG MUOG SA KILUSANG MAKAKALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Noong 1995 ako nagsimulang dumalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum sa Kamayan Restaurant sa EDSA, malapit sa Ortigas. Doon ko nakilala si Tita Odette Alcantara. Isa siya sa mga palagiang dumadalo at minsan ay naging tagapagsalita sa Kamayan Forum.
Siya ang isa sa masugid na tagapagtaguyod ng kalikasan. Siya ang nangampanya ng LAHAT - Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig - na bawat nilikhang ito mula sa kalikasan ay dapat nating proteksyunan at pangalagaan.
Minsan na rin akong nakarating sa bahay ni Tita Odette, kasama si Sir Ed Aurelio Reyes, sa Blue Ridge Subdivision sa Lungsod Quezon. Doon nagpulong ang ilang mga lider na makakalikasan, at ipinakita pa niya kung saan ibinabaon ang mga basurang nabubulok, tulad ng dahon, sanga ng puno, panis na pagkain, balat ng prutas, at iba pa. Habang ang mga basurang hindi nabubulok, tulad ng bote at lata, ay ibenta sa Linis Ganda. Magkakapera ka pa. Ibalik kay Inang Kalikasan ang mula sa kalikasan. At ibalik kay Amang Pabrika ang mga galing sa pabrika.
Nakakatuwa ring magtungo sa kanilang bahay dahil mahilig din siyang maglaro ng chess at maraming iba't ibang klase ng chessboard sa kanilang bahay, kung saan ang mga piyesa ng chess ay tila mga tao. Masaya ako roon at dama ko ang ginhawa sa kanyang tahanan.
Nang siya'y pumanaw noong Setyembre 2009, para akong nawalan ng nanay.
At doon sa Kamayan Forum ay binigyan siya ng pagpupugay at isang minutong katahimikan bilang pag-alaala sa kanya. Bilang pagpupugay ay inalayan ko ng tula si Tita Odette.
TITA ODETTE ALCANTARA, PARA SA KALIKASAN
tula ni Greg Bituin Jr.
si Tita Odette Alcantara, makakalikasan
magaling siyang guro para sa kapaligiran
matalino, mapanuri, aktibista, palaban
bawat bitaw ng kanyang salita'y may katuturan
bilin nga niya, ibukod ang mga nabubulok
na basura sa mga basurang di nabubulok
huwag na nating gawing basura'y magtila bundok
uriin, pagbuklurin, huwag ipaglahok-lahok
payo pa niya, maging bahagi ka ng solusyon
upang luminis ang hangin, mawala ang polusyon
Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig (LAHAT) ng ngayon
ay dapat nating unawa, tiyaking may proteksyon
sa iyo, Tita Odette Alcantara, pagpupugay
ang lahat ng itinuro mo sa amin ay gabay
para sa kalikasan, mga payo mo'y patnubay
sa muli, kami'y saludo, mabuhay ka, mabuhay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento