ANG SUMISIRA SA BAKAL
AY ANG SARILING KALAWANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa sa metalikong elemento na ating nakikita at nahihipo ang bakal. Sa agham, Fe ang simbolo nito, na mula sa salitang Latin na ferrum. Ang atomic number nito ay 26, habang ang atomic weight nito ay 55.847. Pag kinalawang ito, nagbabago ito ng anyo at nagiging oxidized iron na may simbolong FeO or Iron Oxide. Matigas ang bakal at hindi natin ito basta-basta mababali, ngunit nasisira ang bakal sa kanya mismong kalawang. Ibig sabihin, mula sa kalooban ng bakal nagmumula ang kanyang pagkasira.
Gayundin sa buhay ng tao at ng lipunang ating ginagalawan. Kung paanong sinisira ng kalawang ang bakal, sinisira rin ng kasakiman ang mismong pagkatao, ang pagkamakasarili'y nakasisira ng malinaw na isip, ang paghahangad ng limpak-limpak na tubo'y nakawawasak ng puso, ng kalooban, kaya nalilimutan na ang pakikipagkapwa. Nakangingilo ang mga bakal na tarangkahang kinakalawang na sa tagal. Kailangang langisan na ang bisagra nito upang madulas na maigalaw.
Mahirap gamitin, halimbawa, ang kinakalawang na liyabe katala dahil maganit na ito o kaya'y tila mababaklas na at maluwag ang ikutan nito. Gayunman, magagamit pa ito ng mga determinadong gawin ang mga nararapat. Ngunit kayhirap pagtiisan sa matagal na panahon ang mga kalawanging gamit tulad ng liyabe katala.
Kinakalawang din ang mga bagay na hindi ginagamit, tulad din ng utak, hindi nahahasa, pumupurol. Marami tayong pinag-aralan at natutunan ang ating nakakalimutan na dahil di natin nagamit ng matagal na panahon. Nawawala ang ating mga pinagsanayan. Ayon nga sa awiting "Sayang ka" ng mangangantang ASIN:
(Sayang ka, pare ko)
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong talino
(Sayang ka, aking kaibigan)
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong isipan
(Ang pag-aaral ay 'di nga masama)
Ngunit ang lahat ng pinag-aralan mo'y matagal mo nang alam
(Ang buto ay kailangan diligin lamang)
Upang maging isang tunay na halaman
Sa isang pelikula nga ng idolo kong si FPJ (Fernando Poe Jr.), di ko na matandaan ang pamagat, sinabi ng kontrabida sa kanyang kasosyo, "Kinakalawang ka na", na ang ibig niyang sabihin ay sumasablay na siya sa pagbaril, hindi na makatama, kaya nakawala ang kalaban at namatay ang kanyang mga tauhan.
Tubig o kaya'y dampi o singaw ng tubig ang kadalasang dahilan ng kalawang. Kaya dapat patuyuin agad ang anumang madaling kalawangin, tulad ng telebisyon, radyo, isteryo at kompyuter. Kailangang pinturana din ang mga tarangkahang bakal upang huwag kalawangin.
Si Stalin (na ang pangalan ay nangangahulugang BAKAL) ay malupit na pinuno ng kanyang panahon, ngunit nang mamatay na, ang kanyang mga ipinundar ay unti-unting kinalawang at iginupo hanggang sa ito'y bumagsak at naglaho. Kinalawang ang pundasyon dahil sa kalupitan at pagpatay sa maraming manggagawa't magsasaka. Ngayon, ang katawagang Stalinismo ay isang karima-rimarim na sistemang hindi dapat tularan.
Sa ating bayan, inuuk-ok ng kalawang ang mismong ating pamahalaan. Pinamumugaran ito ng mga trapong walang pagkandili sa mga maliliit. Itong mga trapo (o tradisyunal na pulitiko) ay inihahalal ng taumbayan dahil nais nilang maging lingkod bayan. Inihalal dahil wala namang mapagpipiliang matino ang masa. Gayundin naman, ang mga trapong ito'y karaniwan nang gumagamit ng 5 G (guns, goons, gold, garbage, garci). Di dapat gumamit ng baril, sanggano at mamudmod ng salapi upang manalo. Di kailangang marumi ang halalan. Hindi dapat mandaya tulad ng naganap na kontrobersyal na Hello Garci na nagpanalo sa isang pangulo nang tumawag ito sa isang komisyoner ng Comelec sa panahon mismo ng kampanyahan. Ang 5 G na ito ang kalawang na sumisira sa ating bayan, lalo na sa ating karapatang maghalal ng ating gustong kandidato, kahit naman alam nating wala tayong mapagpipilian, dahil pawang mga elitista't mayayaman ang may kakayahang mangampanya. Minsan, kailangan pang mag-artista ng pulitiko upang makilala, o kaya naman ay ang mga artista ang maging pulitiko.
Kailangang mabago ang kalagayang ito ng ating bayan. Kailangan nating pairalin ang dalawang mahalagang diwa upang maging maayos ang bayang ito - ang pagpapakatao at ang pakikipagkapwa-tao. Dalawa itong dapat nating taglayin upang maging matiwasay, payapa, at maunlad ang ating buhay. Huwag nating hayaang mamayani ang kalawang ng inggit, kapalaluan, kasakiman, katakawan, pang-aapi, pangmamaliit at pangmamata sa iba. Dapat nating pairalin ang bakal na prinsipyo't determinasyong lupigin ang mga kalawang na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao.
Kaakibat ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ay ang pag-ibig natin sa ating kapwa at paggalang sa karapatan ng bawat isa. Ang mga karapatang ito'y nakaukit mismo sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (Universal Declaration of Human Rights o UDHR) na sinang-ayunan at pinagtibay ng iba't ibang bansang kasapi ng United Nations noong Disyembre 10, 1948. Matutunghayan sa aklat na ito ang isinagawang patula ng buong dokumento ng UDHR. Ito'y ginawa upang mapreserba at maipakilala pa sa iba't ibang malikhaing paraan ang ating mga karapatan bilang tao.
Kailangan nating mangahas magtagumpay. Nakakamit ang tagumpay sa determinasyong ituloy ang magandang adhikain bagamat paulit-ulit man tayong nabigo't bumagsak, pagkat bawat pagbagsak ay may naiiwang aral, bawat sugat ay nag-iiwan ng pilat ng karanasan, pagkat bawat determinasyon ay pagpawi sa kalawang ng kabiguan. Tuloy ang laban! Gayunman, hindi tayo dapat mangarap lang ng gising at nag-aabang na lang ng tagumpay, kung paanong nag-aabang na lang ng pagbagsak ng bayabas sa bibig si Juan Tamad. Dapat tayong kumilos upang ito'y maging ganap na katuparan.
Sampaloc, Maynila
Nobyembre 27, 2009
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento