Biyernes, Disyembre 18, 2009

Pambungad sa aklat na "ALIKABOK AT AGIW"

PAMBUNGAD

PAGPAWI SA ALIKABOK AT AGIW
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, pag nakasakay tayo sa bus, pinupunasan natin ang alikabok sa salamin nito upang matanaw natin ng malinaw ang ating dinaraanan, ang mga ibon, bundok, batis, kabahayan, nagtatayugang gusali, o maging ang mahabang lansangan. Minsan, natutuwa tayo sa alikabok, kaya minsan naisusulat natin ang ating pangalan sa salamin ng inaalikabok na kotse sa pamamagitan ng ating daliring pinampawi sa alikabok. Ngunit hindi tayo natutuwa sa agiw na naglipana sa kisame ng ating bahay.

Alikabok. Agiw. Parehong dumi, nakakadiri. Kahit saan, nariyan ang alikabok at agiw, lalo na sa mga bagay at lugar na hindi natin inaasikaso, kaya kadalasang kailangan nating magsipag sa paglilinis. Dahil kaakibat ng malinis na kapaligiran ang payapang diwa't kalooban. Isa iyan sa aking mga natutunan sa mahal kong ina - ang maging malinis sa kapaligiran, tanggalin ang agiw at alikabok kung ayaw naming magkasakit.

Ngunit ang alikabok at agiw ay di lamang simpleng dumi sa paligid. Sumisimbolo rin ito ng maraming kabulukan sa lipunan, tulad ng katiwalian. Minsan, nagagamit din ang mga ito sa metapora, tulad ng pagkain ng alikabok. Mas malalim pa sa literal na kahulugan. 

Sa isang paligsahan, halimbawa'y pabilisan ng pagtakbo, kakain tayo ng alikabok kung tayo'y kulelat o nasa hulihan, kung hindi tayo magiging handa at tutulinan din ang pagtakbo. Ngunit hindi sapat ang tulin ng pagtakbo kung kakapusin naman tayo ng resistensya sa gitna ng laban. Nangunguna na tayo ngunit biglang nanghina dahil sa di sapat na resistensya kaya kinain natin ang alikabok ng kalaban.

Inaagiw ang mga iniiwan at hindi natin napapansin at inaalagaan, tulad ng lumang bahay na nuong kabataan natin ay kaysaya ngunit nang maluma na'y pinabayaan hanggang pamahayan ng agiw.

Mula sa alikabok at agiw ng mga karanasan, babangon tayo mula sa pagkalugami dahil sa maling sistemang umiiral sa ating lipunan, kawalang katarungan, kahirapan, katiwalian ng mga lingkod daw ng bayan. Titindig tayo upang ibangon ang puri’t dangal ng taumbayan na kinulapulan ng alikabok at agiw ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan.

Anong kahulugan ng buhay at pakikibaka kung wala kang prinsipyong tangan, kundi nabubuhay lamang para kumain, magsaya, maglasing at humiga sa salapi, imbes na kumain para mabuhay at magpatuloy sa pakikibaka tungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang wala nang kahirapan dahil nagkaroon na ng pantay na hatian ng yaman sa lipunan.

Mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao dahil ito'y hindi alikabok at agiw na nananahan sa ating diwa't kalooban. Naging aktibista ako dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng pagpapakatao at pakikipagkapwa tao na siyang dahilan din ng marami kung bakit ninais din nilang maging aktibista, na nangangarap din ng isang lipunang makataong walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Pag inaagiw ang diwa ng mga pag-aalinlangan at katiwalian, at nananahan ang mga alikabok sa ating kalooban, nagaganap ang sinabi mismo ng ating makatang Balagtas:

"Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati."

Nakukulapulan ng dumi ang ating lipunan dahil sa mga pag-iisip na maasarili, kasakiman, at paghahangad na makapang-isa sa iba, mga pusong sukaban, taksil, lilo. Kaya nasabi muli ni Balagtas.

"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!"

Ngunit hindi pa huli ang lahat, dapat tayong lumaban at ipaglaban ang isang lipunang makatao na ang makikinabang ay ang lahat, at hindi lamang iilan. Hindi tayo dapat umiyak na lamang sa isang tabi, kundi dapat nating kumilos kung nais natin ng pagbabago.

"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo."

Huwag nating sayangin ang ating panahon sa mga alikabok ng imbi at agiw ng pagdurusa. Kailangan nating tumindig, manindigan, at maging matuwid, tungo sa isang lipunang malinis, makatao, at bawat isa'y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao, sa diwa, sa salita, sa gawa, at sa kalooban.

Sampaloc, Maynila
17 Disyembre 2009

Walang komento: