WALANG BATHALA SA REBOLUSYON
ni Greg Bituin Jr.
Sa dalawang popular na awiting aktibista sa mga rali, madalas na inaawit ang mensaheng hindi tayo dapat umasa sa sinumang manunubos na darating, kundi sa ating lakas bilang nagkakaisang uri. Malaman ang mensahe na hindi natin basta kakantahin lamang ang awit nang di natin nananamnam sa ating puso't isipan ang kahulugan ng kanta. Ang dalawang awiting ito'y ang "Internasyunal" at ang "Pandaigdigang Awit". Palagian itong inaawit ng mga aktibista sa rali na kadalasang pinangungunahan ng grupong Teatro Pabrika kapag sila'y nagtatanghal.
Sa ikatlong saknong ng "Internasyunal" ay ganito ang nakasulat:
Wala tayong maaasahang
Bathala o manunubos
Kaya't ang ating kaligtasa'y
Nasa ating pagkilos
Sa ikalawang saknong naman ng "Pandaigdigang Awit" ay ganito naman ang nakasaad:
Uring api'y magkaisa
Maghimagsik at makibaka
Walang tayong mapapala
Sa paghihintay sa bathala
Bakit ipinangangalandakan sa mga awiting aktibista na tayo'y huwag umasa sa sinumang manunubos at huwag nang asahang may darating na tulad nina Superman, Batman, Buddha, Kristo, Beelzebub, David Karesh, at iba pang tinaguriang tagapagligtas upang sagipin tayo mula sa pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.
Bakit imbes na kilalanin ang sariling lakas, maraming umaasa na lamang na may darating silang tagapagligtas na tulad ni Superman? Hindi ba nila kayang organisahin ang kanilang hanay upang mapagtagumpayan nila ang kanilang minimithing pagbabago para sa maalwan at maunlad na kinabukasan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pa?
Hindi natin sinasagkaan ang anumang relihiyon. Lamang, karamihan ng relihiyon ay mas nais pang tayo'y magtiis sa hirap at maapi, kaysa ipagtanggol tayo. Mapalad ang naaapi dahil sasainyo ang kaharian ng langit. Ngunit napakarami nang naapi mula pa noong unang panahon. Lahat ba sila'y mapalad na nakarating sa langit? Hindi ba sila nagsisiksikan sa langit ngayon? Hindi ba pwedeng dito pa lang sa lupa ay gawin natin itong langit, di tulad ngayon na nakatira ang marami sa impyerno!
Parang bang ang relihiyon ay para lamang sa mga mayayaman at elitista na nag-aari ng malalawak na lupain, pabrika at iba pang kasangkapan sa produksyon.
Ito'y mauugat na rin sa sinabi ng rebolusyonaryong si Karl Marx na ang relihiyon ay opyo. Mababasa rin natin ito sa sinulat ni Lenin sa kanyang artikulong "Sosyalismo at Relihiyon".
Imbes na maghanap tayo ng isang tagapagligtas na bayani, ang dapat nating gawin ay magbayanihan. Kailangan nating magkaisa at magtulungan dahil nasa sariling lakas natin ang ating ikatatagumpay. Mananalo tayo sa rebolusyon kung wawasakin natin ang ugat ng kahirapan at pagsasamantala sa lipunang ito - ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Hangga't pag-aari ng iilan ang mga kasangkapan sa produksyon ng ekonomya ng lipunan, tulad ng pabrika, makina't lupain, mananatili ang kahirapan. Dapat baklasin ng uring manggagawa ang gintong tanikalang nakapulupot sa kanya upang lumaya ang buong sambayanan sa kuko ng pagsasamantala, hanggang sa maitayo natin ang lipunang walang mag-aangkin ng mga kasangkapan sa produksyon upang ang lahat ay umunlad ng masagana at pantay-pantay.
Walang Bathala sa Rebolusyon! Nasa ating pagkilos ang ating ikaliligtas! Halina't patuloy na makibaka hanggang sa tagumpay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento