ni Greg Bituin Jr.
May kasabihang Pilipino, "Ang nabubuhay sa patalim, sa patalim din namamatay." Mula dito'y naging palasak sa mga pelikulang Pilipino ang kasabihang "Ang nabubuhay sa baril, sa baril din namamatay." Ang kasabihang ito'y tila pumaimbulog na rin sa larangan ng boksing. Patalim, baril, suntok. Pawang karahasan. Ang naunang dalawa'y seryosong usapin at pansarili, ngunit ang ikatlo'y seryoso rin ngunit ginawang isport.
Marami nang Pilipinong boksingero ang namatay sa boksing. Ang huli rito ay ang pagkamatay ng wala pang talong si Karlo Maquinto (na may win-loss-draw record na 8-0-1) noong Pebrero 3, 2012, sa laban nila nina Marc Joseph Costa sa paboksing para sa pagdiriwang ng ika-50 founding anniversary ng Caloocan.
Sa nakaraang dalawampung taon, namatay sa boksing sa sariling bansa ang mga Pilipinong boksingerong sina Macky Silvano, Roger Espinelli, Eugene Barutag, Mateo Baring, Eman Juarez, Ferdie Gimay at Maruel Zayas. Mayo 29, 1993, namatay si Silvano matapos matalo kay Ernie Alesna sa Cebu para sa lightweight title. Namatay naman si Gimay nang matalo kay Robert Gadian sa Zamboanga del Sur noong 2003. Dalawang Pilipinong boksingero naman ang namatay sa ibang bansa. Noong 1982, namatay si Andy Balaba ilang araw matapos siyang ma-knockout ni Hi Sup Shin ng Korea sa labang ginanap sa Changchung Gymnasium sa Seoul, South Korea. Namatay naman noong 2007 si World Boxing Council youth flyweight champion Lito Sisnorio matapos ma-knockout ni Chatchai Sasakul ng Thailand sa lungsod Samat Prakan, Thailand.
Sa ibang bansa, namatay ang Cuban welterweight boxer na si Benny "Kid" Paret ilang araw matapos ma-knockout ni Emille Griffit. Namatay din ang US fighter na si Davey Moore matapos matalo kay Ultiminio "Sugar" Ramos ng Dominican Republic sa kanilang world featherweight championship match noong Marso 21, 1963.
Na-knockout ni Ray "Boom Boom" Mancini sa Round 14 ang Koreanong si Duk Koo Kim sa kanilang WBA World lightweight championship bout sa Caesar's Palace noong Nobyembre 13, 1982. Namatay si Kim apat na araw matapos ang laban. Dahil dito'y nagkaroon ng malawakang pagbabago sa boksing. Binawasan ang rounds ng mga world title fights mula sa 15 rounds ay ginawang 12 rounds. Ipinatupad ito ng World Boxing Council (WBC) na sinundan naman ng WBA at IBF. At ang matindi pa rito, nagpunta ang ina ni Kim sa Las Vegas bago tanggalin ang life support system ng anak. Pagkalipas ng tatlong buwan, nagpatiwakal ang ina ng nasawing boksingero nang uminom ito ng isang bote ng pestisidyo. Ang referee naman ng kanilang laban, si Richard Green, ay nagpatiwakal din noong Hulyo 1, 1983.
Ayon kay Ron Galarpe ng PhilBoxing.com, "An American source showed a global number of fatalities in the squared arena. From the year 1900 to current year, there were 1,141 ring deaths. Out of this number, 29 were Filipinos. The Philippines is sadly ranked number 7 of having the most number of casualties in the ring. Not surprisingly, America tops the list at 590 then came England, Australia, Japan, Mexico, South Africa, then the Philippines. There are 11 more countries ranked below our country."
Dahil sa mga pangyayaring ito, iminungkahi ni Rep. Manny Pacquiao, world boxing champion sa walong dibisyon, sa Games and Amusement Board (GAB) na magkasa ng mas magandang patakaran upang matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga kapwa boksingero. Iminungkahi niya sa GAB na dapat magkaroon ng dalawang-buwang pahinga ang boksingero bago ito lumabang muli. Ani Pacquiao, "When I started fighting, I used to fight twice a month and now I realized that it is not advisable, especially if the fight went the distance. So a fighter should fight every other two months or three months, if he suffers a knock down."
Nag-file naman ng panukalang batas - House Bill 5799 - si Rep. Lani Mercado-Revilla (2nd District, Cavite) na nag-aatas na magsumite ang mga boksingero ng medical clearance kada anim na buwan at insurance coverage ng lahat ng professional boxer bilang rekisitos bago ang laban. Saklaw sa medical clearance ang mga resulta ng CT scan, X-Ray, ECG, Drug Test, HIV Test at Eye Refraction. Ang hindi pagsusumite nito sa GAB ay magiging batayan upang di isyuhan ng lisenya ang isang professional boxer.
Kahit papaano, mas mabuti pa ang boksing bilang isport sa Olympics pagkat protektado ang boksingero sa kanilang headgear, kamiseta, at mas malalaking glab. Ngunit iba sa propesyunal. Lantad ang buong mukha at katawan.
Halos lahat ng boksingero'y galing sa uring manggagawa, mga anak ng magsasaka, mula sa uring nagpapatulo ng pawis. Ang kanilang promoter at manager naman ay pawang galing sa naghaharing uri. Milyones ang panalo ng bawat boksingero sa bawat labanan. Kaya maraming galing sa maralitang pamilya ang sumasali, nagbabakasakaling manalo at maging milyonaryo, tulad ng karanasan ni Manny Pacquiao. Ang mga boksingerong ito'y nagiging taga-endorso na rin ng mga produkto ng kapitalista pag sila'y nakilala. Ang kasiyahan ng mga hari noong panahon ng mga gladyador noong Imperyo ng Roma ay kasiyahan naman ng mga kapitalista ngayon na kumikita ng limpak-limpak na tubo sa bawat kampyonatong labanan, di lang sa perang mula sa kani-kanilang manager, kundi mula sa promoter at kita sa HBO.
Marahas man ang larong ito, naging daan ang boksing upang makaahon sa kahirapan ang maraming dating mahihirap. Naging daan din ito upang pasayahin ang mga tao, pagkaisahin ang bansa, at pansamantalang makalimutan ang problema, kaya binibigyang parangal ang mga boksingerong nananalo matapos makipagbasagan ng mukha. Kaya kung mahirap mapatigil ang isport na boksing, ang mas mabuting paraan ay tiyakin ang kaligtasan ng mga boksingero laban sa maagang pagkamatay.
Mga pinaghalawan: PhilBoxing.com, Inquirer.com, GMA7news, www.abs-cbnnews.com, www.congress.gov.ph, Wikipedia

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento