Miyerkules, Setyembre 5, 2012

Hustisya sa Klima o Hustisyang Pangklima?


HUSTISYA SA KLIMA O HUSTISYANG PANGKLIMA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong una kong isinalin ang salitang climate justice ay naging tampok sa akin kung ano nga ba ang tamang salin nito sa wikang Filipino. Mas ginamit ko ang hustisya sa klima kaysa hustisyang pangklima. Ginamit ko ito sa mga artikulo ko sa dalawang isyu ng magasing Ang Masa, na nalathala noong Oktubre at Disyembre 2011, at sa ilang dokumentong ipinasalin sa akin.

Mahalaga ang tamang pagkakasalin nito lalo na't nais ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na mas maunawaan pa ng higit na nakararaming masa ang panawagang climate justice. Bakit hustisya sa klima? Ang klima ay hindi tao na nangangailangan ng hustisya. Marahil dapat ay hustisyang pangklima, ngunit ang salitang pangklima'y eksklusibo lamang sa klima, at hindi sa pangkalahatan.

Sa ganitong dalawang nagtutunggaliang pagsasalin ay dapat itong maipaliwanag ng husto. Ano nga ba ang tama, at ano nga ba ang dapat?

Marami tayong maeengkwentrong mga salita't parirala sa talastasang bayan ang hindi natin agad napapansin, ngunit mahalagang pansinin, upang hindi maligaw ang babasa. Sa ginawa kong tula noon tungkol sa pag-ibig, para lamang tumama sa tugmaan ay isinulat ko ang dalawang salitang mukhang maamo kaysa maamong mukha. Sa biglang tingin, magkapareho ito, mukhang maamo at maamong mukha, binaligtad lamang. Ngunit agad ko ring pinalitan ang taludtod dahil tila mali ang pagkakagamit ko ng mukhang maamo. Ang maamong mukha'y naglalarawan ng matimyas na paghanga sa kagandahan ng dilag, na taliwas sa mukhang maamo na may bahid ng pagdududa dahil sa likod ng kaamuhang iyon marahil ay may natatagong hindi maganda o kaya'y ugaling sukaban.

Kahit ang pagkakasalin ng World War II, sa palagay ko ay mali. Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang palasak na pagkakasalin, imbes na Ikalawang Daigdigang Digmaan. Dumaan pa ito sa matinding debate noon sa internet sa pagitan ng ilang mga blogger, ngunit hindi ako natinag sa aking pasubali. Isinulat ko: "Ang tamang salin ng World War II ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang 'pandaigdig' ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. At dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling isalin na Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang nyutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan." 

Sa palagay ko, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang pilit na salin ng mga pahayagan noon. Kailangang isalin sa wikang Pilipino ang mga sulating Ingles nang daglian para sa arawang pahayagan para sa mambabasang Pilipino. Hanggang sa ito'y lumaganap bilang siyang salin. Mahalaga ang nyutralidad sa bagay na tinutukoy, at ang pandaigdig ay di nyutral sa pagtukoy sa digmaan, na kaiba sa gamit sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan at Pandaigdigang Pahayag ng Karapatan ng Tao. Sa kasaysayan ay napakalakas ng oposisyon sa maraming naganap na digmaan, habang wala naman sa araw ng kababaihan at pahayag ng karapatan.

Paano nga ba ginagamit ang unlaping "pang"? Para lamang ba maglarawan o mag-angkin ng mga bagay na tinutukoy? Ang bra ay pambabae, ang brief ay panlalaki, ang tabo ay pangsalok ng tubig, at iba pa. Ang "pang", "pam" at "pan" ay pareho lang ng gamit, depende sa unang katinig na karugtong para mas madulas sa dila ang pagbigkas. Ang pangbabae ay ginawang pambabae, ang panglalaki ay panlalaki, ang pangsalok ay panalok, at iba pa.

Ngayon, hustisya sa klima ba ang tamang salin ng climate justice, o hustisyang pangklima? Ang klima ay hindi tao, kaya bakit nangangailangan ng hustisya? Marahil, hustisyang pangklima nga ang tama. Totoo naman ang sinasabi ng iba na pag nabigyan ng hustisya ang klima, lahat ng maaapektuhan nito'y maaapektuhan din. Ngunit hindi ito ang punto, kundi paano ang halaga sa gamit ng salita.

Mamaya na mula ang debate. Pag sinabi nating hustisya sa manggagawa at hustisyang pangmanggagawa, pareho ba ito? Ano ang kaibahan nila? Pag sinabi nating hustisya sa babae at hustisyang pambabae, pareho ba ito? Ano ang pagkakaiba nila? Sa pagkakagamit ng unlaping "pang", narito ang pagkakaiba.

Ang hustisya sa manggagawa ay maaaring gamitin sa isang manggagawa o sa buong manggagawa, at marahil kahit hindi manggagawa ay pwede niyang magamit ang hustisyang ito. Ang hustisyang pangmanggagawa naman ay para lang sa manggagawa, at hindi maaari sa magsasaka, mangingisda at maging sa maralita. Mayroon bang hustisyang pambabae? Ibig bang sabihin nito, hindi ito pwedeng gamitin ninuman maliban sa babae? Halimbawa, ang babae'y ginahasa at pinatay, hustisyang pambabae ba pag ikinulong ang nagkasala? Hindi ba't ang karaniwang nakasulat sa ganitong kaso ay hindi naman biktima versus suspek, hindi naman pangalan ng babae versus pangalan ng suspek, kundi People of the Philippines versus pangalan ng suspek?

Pagkat ang hustisya'y pangkalahatan, sa mga ugnayan, sa mga relasyon nito sa iba't iba. Dito pumapasok ang aking mga kadahilanan kung bakit hustisya sa klima. Ang hustisya ba ay para lang sa klima kaya hustisyang pangklima? O mas angkop ang hustisya sa klima? Dahil ang hustisya sa klima'y tumatagos sa lahat ng naaapektuhan nito, maging ito man ay manggagawa o kapitalista, magsasaka o asendero, mahirap o mayaman, palaboy o burgis, maging anuman ang kasarian.

Walang makakaangkin sa hustisya. Ang hustisya ay para sa lahat.

Walang komento: