Sabado, Setyembre 29, 2012

Ligalig sa bawat sakuna

LIGALIG SA BAWAT SAKUNA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kararating pa lamang namin sa bayan ng Mae Sot sa lalawigan ng Tak sa bansang Thailand, naaksidente na ang isang babaeng taga-Burma na sumundo sa amin. 

Madaling araw nang dumating kaming apat na Pinoy sa Mae Sot. Bandang tanghali, sinundo kami ng apat na taga-Burma na siyang kontak namin doon. Tatlong babae at isang lalaki ang sumundo sa amin sa hotel, pawang nakamotorsiklo. Naglakad kami hanggang sa isang kainan. Pagkakain ng pananghalian, naglakad na kami patungo sa aming tinutuluyan, nang ang babaeng lider ng mga sumundo sa amin ay sumakay ng kanyang motorsiklo. Nakatakong pa siya, ngunit bago siya nakalayo sa lugar ay bumagsak na siya sa kanyang motorsiklo, natulala siya. Matagal bago siya nakakilos, kaya tinulungan siya ng mga kasama. Nasugatan ang kanyang siko, tuhod, at paa, at dinala agad ng kanyang kasama sa pagamutan, sakay ng kanyang motorsiklo. Isa siya sa dapat na lagi naming kasama, ngunit magtatapos na ang sampung araw na pananatili namin sa Mae Sot nang siya'y muli naming makasama dahil kailangan niyang magpagaling.

Ikalawang araw ko sa Mae Sot, nakadaupang-palad ko ang isang migranteng manggagawa. Putol ang kanyang isang binti. Naipit umano iyon ng kanyang sinasakyan sa kanyang trabaho sa bukid. Ang manggagawa'y mula sa Burma, at nagtungo sa Thailand upang magtrabaho. Nakakuha siya ng trabaho sa bukid, ngunit sawimpalad siyang naipit at nawalan ng paa. Tanging limangdaang Bhat lamang ang binayad sa kanya. Mga pitungdaang piso lamang iyon. Meron siyang artipisyal na paa sa tulong na rin ng kanilang samahan ng mga migrante. Ang ganitong kalagayan ng mga migrante'y sadyang kaawa-awa, hindi na nababayaran ng tama ang sahod, pag naaksidente pa'y di sinusuportahan ng pinapasukan ang kanilang panggamot.

Ilang araw bago kami umuwi ng Pilipinas, nabasa ko sa facebook na ang dalawa kong kasama sa opisina - sina Nitz at Bernie - ay nabangga ng isang kotse. Di ako gaanong nakatulog noon sa tanggapan ng YCOWA. Ilang taon din kaming nagkasama nina Nitz at Bernie sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), dahil doon na kami nakatira sa opisina bilang mga pultaym na aktibista. Kinailangang operahan si Nitz, habang malaki rin ang pinsalang natamo ni Bernie. Nagtulong-tulong ang mga kasama upang matiyak ang gastusin at gamot ng dalawa. Nakulong naman ang nakabangga, at sa pagkakaalam ko’y nagbigay din sila ng tulong sa dalawang kasama. Nawa'y gumaling na sina Nitz at Bernie sa lalong madaling panahon.

Pawang sa mga sasakyan ang kanilang mga aksidente. Naalala ko tuloy ang dalawang aksidente sa sasakyan na naranasan ko nuong bata pa ako, sa panahon ng aking kalikutan at kakulitan. Apat na taon lang ako ng mabunggo ng pampasaherong dyip, sumama akong mamalengke sa aking pinsan sa isang talipapa sa likod-bahay, ngunit nagtatatakbo ako hanggang sa mabangga ng dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo. Nagkamalay akong nasa pagamutan na. Nasa Grade 4 naman ako nang mabangga ng bisikleta bago mag-Bagong Taon, nakipagkarera kasi ako ng takbuhan sa isa ko pang kapatid, at di na nakita ang dumarating na bisikleta. Nagkamalay akong buhat ng aking ama, habang kasunod ang maraming taong nakakita ng aksidente. Sa dalawang aksidenteng iyon, ako’y nagkasugat, nabalian, at kinailangan kong magpahilot at magpagaling. Buti’t hindi malala. Ngunit mga aral iyong hindi ko basta makakalimutan at babala iyon na dapat mag-ingat.

Mabuti na lamang at nitong malaki na ako'y di ako nakaranas maaksidente, dahil sadyang kayhirap. Naranasan ko na ito't nakita ang sakit ng mga kasama't kakilalang naaksidente sa sasakyan. Bagamat di natin mahuhulaan kung kailan daratal, sana'y hindi, ang anumang aksidente, kailangan pa rin nating mag-ingat at maging alisto sa lahat ng oras. Kahit papaano, sa ganitong paraan ay makaligtas tayo sa tiyak na kapahamakan, kahit man lang gahibla.

- Setyembre 29, 2012, Maynila, Pilipinas

Walang komento: