Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"
MGA TINIPAK NA KARANASAN
Mahalaga ang kwento ng mga karanasan. Sabi nga ng mga matatanda, bakit ka nagpunta sa lugar na kaylayo at anong napala mo roon? Kaya kailangang ikwento ano nga ba, di lang ang naganap, kundi ang layunin, ginawa at kinahinatnan ng isang malayong paglalakbay, sa ibang bansa pa. Natitipon sa aklat na ito ang bawat tipak ng karanasang inakda sa anyong patula, habang may mga sanaysay ding isinulat upang mas malaliman pang ibahagi ang mga danas at aral. Ito ang testamento ng mga karanasang iyon.
Apat na Pilipino kaming umalis sa bansa ng umaga ng Setyembre 15, 2012, nakarating ng hapon sa Bangkok, at nakarating sa bayan ng Mae Sot sa lalawigan ng Tak sa bansang Thailand ng madaling araw ng Setyembre 16, 2012. Namalagi roon hanggang Setyembre 25, 2012 ng gabi, nakarating sa Bangkok ng madaling araw ng Setyembre 26, at lumipad patungong Pilipinas noong Setyembre 27, 2012.
Bago pa lang umalis ng bansa patungong Mae Sot ay naghanda na ako ng tatlong kwadernong maliit at maraming panulat bilang paghahanda sa iniisip kong aklat na ito. Di kasi sapat ang isang gabi ng paghahanda para makapanghiram ng laptop at kamera, kaya tatlong maliit na notbuk na lamang ang dinala ko roon. Dumiskarte na lamang ako sa Mae Sot kung paano magkakaroon ng litrato. Ang mga naritong litrato ay kuha ng mga kasama sa tinuluyan kong tanggapan doon, ang YCOWA. Maraming salamat, YCOWA. Mabuhay kayo!
Ang mga tulang narito'y produkto ng buong lakbayin mula sa pag-alis sa bansa hanggang sa sampung araw sa Mae Sot, hanggang sa makabalik muli sa sariling bayan. Ang ilang tulang nasimulan ko roon ay akin pang pinaunlad nang ako'y nakabalik na rito sa Pilipinas. Kailangang rebyuhin ang bawat tula bago ilabas sa aklat, at kinisin ang bilang ng mga taludtod at saknong, pati na ang maayos at angkop na tugmaan ng bawat tula.
Maaring turan ng ibang makatang nagpakulong ako sa tugma't sukat na siyang sinaunang gawi ng mga manunula noon, ngunit bawat tula'y sariling estilo ng inyong lingkod bagamat naniniwala akong napiit man ang mga saknong sa tugma't sukat ay malaya ang diwa ng makata. Pinag-ingatang malapatan ng makahulugang mensahe at diwa ang bawat katha upang malinamnam itong matikman ng sinumang babasa, bagamat mapait ang ilang mga taludtod.
Bawat tula'y pagninilay sa bawat aktibidad at lugar na aming napuntahan sa paglalakbay na ito. Gayunman, magkakahiwalay kaming apat ng tinuluyang mga tanggapan ng mga organisasyon ng mga aktibistang taga-Burma, kaya't ang ibang di ko napuntahan na napuntahan nila'y di ko na nagawan ng tula.
Sa pagsagawa ng aklat na ito'y iningatan kong huwag magbanggit ng pangalan ng mga aktibistang nakadaupangpalad namin doon dahil sa usapin ng kanilang seguridad, bagamat ang mga samahang kinabibilangan nila'y maliwanag kong tinukoy, na ang ilan dito'y ilegal sa loob ng kanilang bansa. Gayunman, pinangahasan kong isulat ang mga pangalan ng samahang iyon bilang patunay na minsan man ay nagkasama kami sa Mae Sot, na kami'y naging bahagi rin, sa munti mang panahon, ng kanilang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasyang kanilang inaasam sa kanilang bansa.
Kung sakali mang may di magandang naisulat o taliwas sa paniniwala ng ilang mambabasa na marahil ay di nila ikatutuwa, ang hingi ko'y paumanhin. Ngunit bawat nakasulat ay pagninilay, paglalarawan at paninindigan nitong abang makata.
Panghuli, ang pagsasaklat ng mga tulang narito'y isang katuparan. Isang patunay na minsan man ay tumungo at namalagi ng sampung araw sa Mae Sot, isang araw sa Bangkok, at isang oras sa Burma ang apat na Pilipinong naniniwalang dapat magtulungan ang mga aktibistang Pilipino at taga-Burma sa pagpapalaya ng kani-kanilang bayan mula sa pagsasamantala.
Hindi ko inaasahang magustuhan ninyo ang bawat katha, ngunit inaasahan kong basahin nyo ang bawat tula’t sanaysay na narito upang inyong malasap ang tamis at pait ng mga karanasan at pakikibakang nakapaloob sa bawat katha. Mabuhay kayo!
GREGORIO V. BITUIN JR.
Nobyembre 7, 2012
Maynila, Pilipinas

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento