ANG IID AT ANG FBC-PHILS
ni Gregorio V.Bituin Jr.
Pormal kong nakadaupangpalad ang grupong Initiatives for International Dialogue (IID) noong 2008 nang maimbitahan ang samahang kinapapalooban ko sa pangkalahatang asembliya ng Free Burma Coalition-Philippines (FBC-Phils). Ang IID ang siyang gumagabay sa takbo ng FBC-Phils mula nang itayo ang FBC-Phils noong Oktubre 30, 1995. Ang IID naman ay itinatag noong 1988, dalawang taon matapos ang pagbagsak ng diktaduryang Marcos.
Ilang taon ko nang kasama ang FBC-Phils, di lang sa mga pulong, kundi sa mga rali sa lansangan para sa panawagang palayain ang Burma sa ilalim ng diktadura. Bilang kinatawan ng aming organisasyon sa steering committe ng FBC-Phils., naging interesado ako sa isyu ng Burma dahil nasa ilalim pa sila hanggang ngayon ng diktadura at batas-militar.
Bilang mamamayang nakasaksi sa Rebolusyong Edsa noong ako'y bata pa (isinama lang ako ng tatay ko sa pamimigay ng pagkain kasama ang kanyang mga kasamahan sa Edsa), naisip ko paano ba tayo makakatulong sa isang bansang napailalim din sa diktadura.
Nang makilala ko ang FBC-Phils, isa ako sa naging aktibong kasapi nito, lalo na sa mga pagkilos sa harapan ng embahada ng Burma sa Makati, mula pa noong 2008. Isa sa kanilang mga kampanya ang 8888 faces, kung saan lumibot sila sa maraming lugar at organisasyon upang kunan ng litrato bawat isa ang mga sumusuporta sa kampanyang kalayaan ng Burma. Kailangang umabot ng 8,888 ang litratong nakunan nila at ilalagay sa internet.
Halina't baybayin natin kung ano nga ba ang dalawang samahang ito:
Ang Initiatives for International Dialogue
Mas nakilala ko ng husto ang IID nang makasama ako sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 2008 kung saan sila ang pangunahing nagsagawa ng nasabing aktibidad. Ngunit di IID ang nagtumining sa aking isipan kundi Duyog Mindanao, na siyang tawag nila sa buong aktibidad. Ayon nga sa aking aklat na “Bigas, Hindi Bala: 56 na Tula para sa Kapayapaan sa Mindanao", aking isinulat: "Isa ako sa mga mapalad na nakasama sa People’s Caravan for Peace and Solidarity na inilunsad ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 21-28, 2008 mula sa lungsod ng Baguio hanggang sa lungsod ng Cotabato.”
Mayamang karanasan ang idinulot nito sa akin. Magandang pakiramdam dahil alam mong kabahagi ka ng isang marangal na layunin - ang layuning iparating sa mas maraming mamamayan na kinakailangan nang matigil ang digmaan sa Mindanao, at magkaroon na rito ng ganap na kapayapaan upang ang mga sibilyan, o mga bakwit, na naapektuhan ng digmaan, ay makapamuhay na ng normal at maayos. Ang “duyog” ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “pagkakaisa” o “solidarity” sa ingles. Ang nasabing aklat ang produkto ng walong araw na pagsama ko sa karabana. Nakalikha ako ng 56 na tula mula Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 30, ang araw na nakaalis ako ng Davao, kung saan naroon ang pangunahing tanggapan ng IID.
Sa loob ng matagal na panahon, matining sa akin na opisina lang ang IID, hanggang sa mabasa ko ang kanilang kasaysayan sa kanilang website. Kailangan kong magsaliksik upang malaman kung bakit itinatag ang IID dahil ako ang magiging kinatawan ng FBC-Phils at IID sa isang makasaysayang lakad - ang pagtungo sa Mae Sot, sa hangganan ng bansang Burma at Thailand.
Marahil nakilala ko na rin noon ang IID, bandang 1995, nang aktibo pa ako bilang opisyal ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan), dahil isa sa proyekto ng IID ang APCET (Asia Pacific Coalition on East Timor). Pero noong panahong iyon, mas kilala namin ang APCET kaysa IID, dahil sa isyung pagpapalaya ng EastTimor mula sa bansang Indonesia. Lumaya ang East Timor noong 1999.
Naghanda ako ng powerpoint presentation hinggil sa IID sa pagpunta ko sa Thailand. Sa gayon, malaman din ng mga kausap namin doon kung ano ang IID na kinakatawan ko roon, bukod pa sa FBC-Phils. Ano nga ba ang IID, at bakit sila Initiatives for International Dialogue? Nagsaliksik ako hinggil dito, at humalaw ng ilang paliwanag mula sa kanilang website. Ang IID ay isang samahang nagtataguyod ng seguridad ng tao, demokratisasyon at pagkakaisa ng tao-sa-tao. Nagsasagawa ito ng adbokasya at kampanya sa Burma, Mindanao, Timog Thailand, Kanlurang Papua, at Silangang Timor. Inaadhika ng IID ang isang daigdigang pamayanan na sustenable, makatarungan, at mapayapa, kung saan ang mga tao (babae, lalaki at bata) ay namumuhay ng pantay at laging dinadaan sa talakayan ang anumang balakin at suliranin, tungo sa paggalang at pagkilala sa buhay ng bawat isa.
Nagsisikap ang IID na maging pangunahing institusyon ng adbokasya at pagkakaisa sa rehiyon, na nagtataguyod ng internasyunalismo, kapayapaan, at pakikipagtalakayan ng tao sa tao, bilang suporta sa nais ng sambayanan. Itinatag ito noong Agosto 1988 sa Maynila, at lumipat sila sa Lungsod ng Davao noong 1996, sa panahong isinasagawa ang proyektong BIMP-EAGA (Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area) ng apat na bansang nabanggit. Ang Davao ang siyang sentro ng proyektong ito.
Napakalawak ng sakop ng IID, at kulang ang ilang pahinang artikulong ito para doon. At marahil, sapat na ang aking ibinahagi upang kahit papaano'y makilala natin ang isang organisasyong nagnanais tumulong sa iba't ibang bansang may suliranin sa kanilang pamahalaan, at maging bahagi ang taumbayan tungo sa kanilang paglaya at pagbabago ng sistema. Mangyaring dalawin ang www.iidnet.org para sa mga dagdag na impormasyon hinggil sa IID.
Maraming salamat, IID, sa mga ibinigay nyong pagkakataon sa tulad kong abang makata at pultaym na aktibista. Di ko ito malilimutan. Mabuhay kayo!
Ang FBC-Phils at ang mga Kampanya nito
Itinatag ang FBC-Phils. noong Oktubre 30, 1995 sa Maynila bilang isa sa mga kampanya ng IID. Mula nang makasama ako sa FBC-Phils, naging madalas na ang pagpunta namin noon sa Makati sa may embahada ng Burma upang magrali. May mga dala kaming bandila ng organisasyon, mga plakard, at ang aming mga gimik para sa media. Kadalasan, lumalabas ang balita sa internasyunal.
Nang makilala ko ang FBC-Phils, isa ako sa naging aktibong kasapi nito, lalo na sa mga pagkilos sa harapan ng embahada ng Burma sa Makati, mula pa noong 2008.
Sa ngayon, binibigyang-diin ng FBC-PHILS ang usapin ng karapatang pantao sa Burma sa pamamagitan ng mga panawagang "Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Burma", ang kampanyang 3F (freedom of expression, freedom of assembly, freedom of association) o kampanya para sa kalayaan sa pamamahayag, kalayaan sa pagtitipon, at kalayaan sa pagtatayo ng mga samahan. Nariyan din ang kampanya ng pakikipagkaisa hinggil sa usapin ng karahasan sa kababaihan, pagsuporta sa pakikibaka ng mga katutubo o etnikong nasyunalidad sa Burma, tulad ng Kachin at Rohingyas, pakikipagkaisa sa mga manggagawa hinggil sa usapin ng sapilitang paggawa (forced labor).
Hinggil sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal, pinapanawagan ng FBC-Phils na palayain na ang mga natitirang bilanggong pulitikal sa Burma bilang hamon sa demokratikong integridad ng kasalukuyang pamahalaan. Ang hamong ito'y dapat igiit sa bagong parlyamento at sa bagong tatag na National Human Rights Commission (NHRC) upang magsagawa ng mga mekanismo hinggil sa karapatang pantao at paglikha ng mga batas at patakarang magtatanggol at magtataguyod sa karapatan ng mga bilanggong pulitikal at karapatan ng lahat. Nangangampanya rin ang FBC-Phils laban sa Seksyon 401 ng Kodigo ng mga Alituntuning Pangkrimen (Criminal Procedure Code) ng Burma na nagsasaad na ang mga bilanggong pulitikal na pinalaya na ay maaaring hulihin muli at inaatasang bunuin ang natitira pang mga taon ng dati nilang mga kaso sa anumang paglabag sa mga umiiral na batas.
Ipinapanawagan din ng FBC-Phils na pangunahan ng pamahalaan ng Pilipinas sa ASEAN na igiit sa Burma na mahigpit na tumalima sa mga pandaigdigang batas, kaugalian at pagtanggap sa mga umiiral na pamantayan sa daigdig. Dagdag pa rito'y ang pagkampanya upang repasuhing muli ang Saligang Batas ng 2008 ng Burma upang matiyak na ang mga karapatang pantao'y nakaukit at masasalamin sa mga batayang batas ng bansa, at panawagang ibasura na ang mga batas na mapanupil. Dapat na ring maratipika ng Burma ang Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao.
Sa usaping kababaihan, sinusuportahan at itinataguyod ng FBC-Phils sa loob at labas ng Burma ang pag-unawa sa mga suliraning tulad ng karahasan sa kababaihan. Sinusuportahan nila ang pagpapatupad sa Resolusyong 1325 ng United Nations Security Council (UNSC) na nagmamandato sa mga kasapi ng United Nations na isangkot ang mga kababaihan sa lahat ng antas ng pagsasagawa ng pasiya hinggil sa isyu ng kapayapaan at seguridad. Sinusuportahan din ng FBC-Phils ang pagpapatupad sa Resolusyong 1820 ng UNSC na nag-uugnay sa karahasang sekswal bilang taktika sa digmaan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.
Hinggil naman sa antas-ASEAN, ikinakampanya ng FBC-Phils na itulak ang ASEAN at mga kasaping bansa nito na obligahin ang Burma upang magkaroon ito ng "benchmark" para sa reporma at masubaybayan ang takbo nito.
Nais din nilang maimpluwensyahan ang ASEAN na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga kilusang pagkakaisa (solidarity movement) sa pagkampanya para sa isang tunay na pambayang pakikipag-usap sa Burma. Ipinapanawagan din nilang pagtuunan ng pansin ang lahat ng seryosong pagsuway ng Burma sa mga dokumentong pinagkasunduan sa ASEAN (ASEAN charter).
Hinggil naman sa mga proyektong pangkaunlaran sa Burma, kung saan tingin nila'y "ang kaunlaran ay nangangahulugan ng paglabag sa karapatang pantao", ikinakampanya ng FBC-Phils na dapat labanan ang mga proyektong pangkaunlarang nakapag-aambag sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Burma, at mangampanya laban sa mga kumpanya at kalakalang hindi tumatalima sa pandaigdigang pamantayan sa paggawa sa Burma. Nais din nilang igiit sa ASEAN at sa mga kasaping bansa nito, lalo na sa bagong pamahalaan sa Burma at sa iba pang may kinalaman dito, na subaybayan at iulat ang pagsasasagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa Burma at ang panlipunang pananagutan ng mga korporasyon sa usaping ito.
Mabibigat ang mga balakin ng FBC-Phils, ngunit kailangang gawin, pagkat bilang samahang nakikibaka sa bahaging ito ng daigdig para sa demokrasya sa Burma, kailangan nating kumilos at sumuporta upang ang tunay na pagbabago sa Burma ay makamit ng kanyang mamamayan. Maliit man ang ating maiambag ay makadaragdag na rin upang makamit ang inaasam na paglaya ng mamamayan ng Burma mula sa diktadurya, at makamit ang isang pamahalaang tunay na kumakalinga sa kanyang mamamayan, at gumagalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa FBC-Phils., pakibisita ang http://fbc-phils.blogspot.com/.
Ilang Pagninilay
Magpapatuloy pa rin ang inyong abang lingkod sa pakikipag-ugnayan sa FBC-Phils at IID hanggang sa maitayo ng mamamayan ng Burma ang tunay na lipunang mapagkalinga at may pagkakapantay-pantay.
Mabuhay ang Free Burma Coalition-Philippines!
Mabuhay ang Initiatives for International Dialogue (IID), at nawa'y hindi sila tumigil sa pangangampanya alang-alang sa ikabubuti ng kalagayan ng ating mga kapatid sa Burma.
- Oktubre 17, 2012, Lungsod Quezon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento