ANG PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG MGA PLASTIC BAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nang dumaan ang maraming bagyo sa bansa, tulad ng Roming, Milenyo, Ondoy, Pedring, Quiel, Sendong, Maring, at iba pa, naalarma ang marami sa malawakang pagbaha. Bata pa ako, ang kalsadang España sa Maynila ay binabaha na. Hanggang ngayon, binabaha pa rin. Kahit sa Lungsod ng Baguio, na naroon sa napakataas na bundok sa lalawigan ng Benguet, ay binaha noong Agosto 2012 ng bagyong Helen. Napakataas na lugar ngunit binaha. Bakit? Isa sa nakitang dahilan nito ang basurang plastik na siyang bumara sa mga kanal sa City Camp Lagoon sa Lungsod ng Baguio kaya hindi agad nawala ang tubig-baha.
Sa nangyaring pagkabara ng mga daan ng tubig sa iba't ibang lugar na binaha dulot ng malakas na ulan, nag-atas ang maraming lungsod at bayan na ipinagbabawal na ang itinuturing na dahilan ng pagbabara ng mga daanang tubig. Ito ang pagbabawal ng paggamit ng plastik sa kanilang mga lugar na nasasakupan. Nariyan ang Lungsod ng Makati at Quezon, ang bayan ng Calamba sa Laguna, sa Lungsod ng Cebu, at sa marami pang bahagi ng bansa. Gayunman, sa ulat ng GMA 7, may anim na lungsod ang hindi sang-ayon sa pagbabawal ng mga plastic bag, at ito'y ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, San Juan, Parañaque at Valenzuela. Sa anim na iyon, mapapayag man ang lima na ipagbawal ang plastik, hindi ito magagawa ng Lungsod ng Valenzuela dahil karamihan ng mga industriya ng plastik ay nasa lupaing nasasakop nila. Ayon sa mga datos ng City Planning and Development Office (CPDO) ng Valenzuela noong 2012, may 224 na kumpanya ng plastik at pagawaan ng goma sa lungsod. At ang mga kumpanyang ito ang mga malalaking nagbabayad ng buwis sa pamahalaang lungsod.
Gayunman, mas nakapokus ang kampanya laban sa mga bag na plastik, at hindi sa iba pang uri ng plastik. Ibig sabihin, ipinagbabawal na ang paggamit ng mga bag na plastik sa pamamalengke. Dapat mayroon nang dalang bayong o mga telang bag, kapalit ng plastic bag, ang mga mamimili.
Ayon sa grupong EcoWaste Coalition (Philippine Daily Inquirer, Hulyo 4, 2013), umaabot na sa siyamnapung (90) lungsod at bayan ang nagpasa ng ordinansa na nagbabawal o kaya'y nagsagawa na ng patakaran sa paggamit ng mga bag na plastik. Madaragdagan pa ang bilang na ito bago matapos ang taon, ayon pa sa Ecowaste. Noong Hulyo 3, 2013, pinangunahan ng EcoWaste ang mahigit limangdaang (500) katao, na kinabibilangan ng mga estudyante, opisyal ng paaralan, mga opisyal ng samahan ng magulang at guro, mga beauty queens at mga makakalikasan upang gunitain ang ikaapat na “International Plastic Bag-Free Day” o "Pandaigdigang Araw na Walang Bag na Plastik". Nanawagan din sila sa pambansang pamahalaan na magsagawa ng mga batas at patakarang nagbabawal sa mga bag na plastik sa buong bansa.
Nang magsimula ako sa kilusang makakalikasan, nakadaupang palad ko ang ilang mga taong naging bahagi ng pag-unlad ko sa gawaing makakalikasan. Isa ako sa naimbitahan noon sa bahay ni Odette Alcantara, noong nabubuhay pa siya, sa kanyang bahay sa Blue Ridge, kasama ang ilang dumadalo rin sa Kamayan Forum sa Edsa, at nakita ko kung paano ba pinagbubukod ang nabubulok sa hindi nabubulok. Ang mga nabubulok, tulad ng dahon, papel, at pagkain, ay ibinabaon nila sa lupa. Merong maliit na lote sa malapit sa kanila ang pinagbabaunan ng mga nabubulok. Iyon namang hindi nabubulok, tulad ng bote, lata, at plastik, ay ibinubukod at ibinebenta, ang lata ay pinipipi bago ibenta, at inihihiwalay ang plastik. Doon ko rin nalaman ang tungkol sa Linis Ganda, kung saan may mga kariton itong nangunguha ng mga hindi nabubulok upang magamit pang muli, o yaong tinatawag na resiklo.
Ngunit bakit nga ba sinisisi at itinuturong dahilan ang mga bag na plastik sa mga nangyayaring kalamidad, lalo na sa baha? Gayunman, pag nagbaha sa mga lungsod at bayan, hindi kaagad ang mga pagkakabara ng plastik ang sinisisi ng pamahalaan, kundi ang mga maralitang nakatira sa may tabing ilog, estero at ilalim ng tulay. Imbes na pagtuunan ang dahilan ng pagkabara ng mga daanang tubig na ito, agad sinisisi ang mga dukha at pinagbibintangang siyang nagtatapon ng mga basura, lalo na ng plastik, sa tubig. Kailangan nilang umalis sa lugar, kung hindi'y sapilitan silang idedemolis. Patunay dito ang planong paglilikas sa mga maralitang nakatira sa tabing-ilog, mula sa apat na malalaking ilog at apat na estero, ito ay ang mga ilog ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway at mga esterong Maricaban, Tripa de Galina, Maypajo at Sunog Apog. Kung hindi kaya nakakababara ang plastik, sisisihin kaya ang maralita sa pagbaha? Sa bandang huli, plastik na ang sinisisi ng marami dahil binabarahan nito ang mga daluyan ng tubig. Gayunpaman, dapat hindi ito maging sagka sa karapatang pantao ng maralita. Hindi ito dapat magaya sa nangyari sa mga dukhang dating nakatira sa tabing-ilog sa Paco kung saan dinemolis ang kabahayan ng mga maralita, laluna yaong mga kasapi ng MADZA, dahil daw nakakabara sila sa ilog na tambak ng basurang plastik, at inilipat sila sa relokasyon sa Calauan, Laguna, kung saan lalong hirap at gutom ang naranasan nila sa mismong relokasyon. Napaganda ang ilog sa pamamagitan ng proyekto ng mga kapitalistang nangasiwa rito, pero naging masahol naman ang buhay ng dati nang hirap na maralita, dahil napalayo sila sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay.
Bakit plastik? Dahil hindi ito nabubulok. Kaya pag nagbara sa kanal, sasaluhin nito ang mga tubig at pipigilan. Hindi tulad ng mga nabubulok tulad ng papel, karton, at dahon, na sa pagdaan ng panahon ay mabubulok na pag humalo sa lupa, ang plastik ay hindi nagbabago. Maaaring ito'y masira ngunit hindi ito nabubulok. Ngunit hindi lang simpleng plastik ang napapag-initan dito, kundi ang bag na plastik. Ito'y dahil ito ang pang-araw-araw na gamit ng tao na madaling itapon pag nagamit na. Ayon nga sa pahayag ni Gng. Sonia Mendoza, na namumuno sa Task Force on Plastics ng EcoWaste Coalition: “Plastic bags are the embodiment of an antiquated, throw-away mentality that we need to urgently address." (Ang mga bag na plastik ang pinakadiwa ng isang pag-iisip na makaluma at ugaling tapon ng taon na kinakailangan nating tugunan agad.)
Throw-away mentality. Ugaling tapon ng tapon kahit saan. Ito ang dapat unawain at solusyunan. Tulad na lang ng simpleng pagtatapon ng balat ng kendi. Kukunin ang kendi, tatanggalin ang nakabalot na plastik sa kendi, isusubo, at itatapon na ang balat ng kendi kung saan-saan. Dahil marumi na raw iyon at basura na. Ngunit basura lang iyon pag naitapon, gayong pwede naman itong ibulsa muna. Bakit ibulsa? May dalawang bahagi ang biniling kendi. Ang laman at ang balat o ang balot na plastik. Hindi ito basura at hindi ito marumi. Bakit nang pinaghiwalay ang dalawa, isinubo ang laman, ay itinuring nang marumi ang balat kaya itinatapon na agad gayong nang may laman pa itong kendi ay hindi naman itinuturing na marumi? Dahil sa throw-away mentality. Yung wala nang pakinabang o wala nang silbi ay dapat nang itapon. Ang balat ng kendi, imbes na ibulsa muna dahil walang basurahang mapagtapunan, ay tinatapon na lang kung saan-saan dahil pinandidirihan na itong ibulsa. Pero ito'y sa usapin ng balat ng kendi pa lamang, at hindi pa sa plastic bag.
Sa mga malalaking tapunan ng basura, halimbawa, sa Payatas, kitang-kita ang napakaraming tambak ng basurang plastik. Sakali mang itapon ng wasto ang mga plastik, napakaraming taon ang bibilangin bago ito mabulok, kung mabubulok ito. Kung hindi naman ito maitatapon ng wasto, babara ang mga plastik na ito sa imburnal, kanal, at magpaparumi sa ilog, dagat, at iba pang daanan ng tubig, at nakakaapekto rin ng malaki sa tahanan ng mga hayop. Maaari ding akalaing pagkain ito ng mga hayop at isda sa dagat, na siyang ikamamatay ng mga ito. Ang matindi pa rito ay kung nagtatapon ng basurang nakabalot sa plastik, lalo na ng itim na garbage bags, sa dagat mula sa mga barko. Tiyak na apektado rito ang mga nabubuhay na mga isda't iba pang hayop sa karagatan. May mga balitang namatay ang isang balyena nang makakain ito ng isang plastik bag na puno ng basura. Dagdag pa rito, ang mga plastic bag ay nagmumukhang dikya o jelly fish na maaaring makain ng mga gutom na pagong at iba pang nabubuhay sa karagatan.
Ang mismong pagkakadeklara sa Hulyo 3 bilang “International Plastic Bag-Free Day” ay nagpapakitang matindi talaga ang negatibong epekto ng mga plastic bag sa ating kapaligiran. Kinakailangan pa ng deklaradong araw para lang sa kampanyang ito. Ibig sabihin, hindi isang trend o "in" lang sa ngayon ang panawagang ito, kundi isang seryosong kampanya upang solusyunan ang mga litaw na problema. Bakit pinag-initan ang bag na plastik at hindi ang iba pang klase ng plastik?
Alamin muna natin ang iba't ibang klase ng plastik. Batay sa pananaliksik, may pitong klase ng plastik. Noong 1988, nagsagawa ng sistema ng pagklasikipa ng plastik ang Society of Plastic Industries (SPI) upang malaman ng mga bibili at ng mga magreresiklo nito ang iba't ibang klase ng plastik. Ang mga kumpanyang gumagawa ng produktong plastik ay naglalagay ng kodang SPI, o numero, sa bawat produktong plastik, na karaniwang nakaukit sa ilalim ng produkto. Ito'y ang mga sumusunod:
1. Polyethylene terephtalate, o PETE. Ito ang uri ng plastik na ginagamit sa mga inuming nakalalasing, lalagyan ng medisina, lubid, hibla ng karpet at pananamit. Karaniwang nareresiklo ang mga bagay na yari sa ganitong uri ng plastik.
2. High-density polyethylene, o HDPE. Ito naman ang uri ng plastik na ginagamit na lalagyan ng langis sa makina, shampoo at kondisyuner, bote ng sabon, detergent at bleach. Karaniwan ding nareresiklo ang mga bagay na yari sa plastik na ito. Gayunman, hindi ito ligtas na gamiting muli ang mga boteng yari sa HDPE na lalagyan ng pagkain o inuman kung sa orihinal ay hindi ito ang gamit noon.
3. Polyvinyl chloride, o PVC (V). Ito ang ginagamit sa plastik na tubo, plastik na credit cards, frame ng bintana at pinto, gutter, mga produktong synthetic leather. Paminsan-minsan ay nareresiklo ito, ngunit ang ganitong uri ng plastik ay hindi ginagamit sa pagkain, dahil maaaring makasama sa katawan.
4. Low-density polyethylene (LDPE). Ito ang ginagamit sa mga plastik bag na pang-groseri, o yaong pambalot ng mga karne, isda, at gulay sa palengke, at plastik na pambalot ng tinapay sa panaderya. Paminsan-minsan ay nareresiklo ang mga ganitong plastik.
5. Polypropylene (PP). Matibay ang ganitong uri ng plastik at kayang tumagal sa mas mataas na temperatura. Ginagamit ito sa paggawa ng baunan ng pagkain (lunch box), lalagyan ng margarina, bote ng medisina at syrup, boteng pandede ng bata, istro, at mga plastik na tansan. Kadalasang nireresiklo rin ito.
6. Polystyrene, o iyong styrofoam (PS). Ito naman yung ginagamit sa pagkain, tulad ng plato, kutsara't tinidor, at baso, plastik na lagayan ng itlog, mga tray sa fast foods. Karaniwan din itong nareresiklo, bagamat napakahirap.
7. At iba pang plastik (Other). Sa kategoryang ito pumapasok ang mga uri ng plastik na hindi nakapaloob sa naunang anim, at ito ang mga bagay na napapalamnan ng plastik na naimbento makaraan ang 1987. Sa kategoryang ito nakapaloob ang polycarbonate at polylactide. Kasama sa mga produkto nito ang mga sports equipment, mga gamit pang-medikal at dental, CD, DVD, at kahit na yaong mga iPods.
Sa mga klaseng ito, bagamat lahat ay maaaring makabara sa kanal, ang karaniwang itinatapon bilang basurang nakakabara sa kanal ay yaong plastik bag at mga pambalot ng bigas, karne, isda't gulay sa palengke. Ang plastik na ito ang pinakapopular sa halos lahat ng uri ng tao, bata't matanda, dukha'y mayaman, babae't lalaki. Nakita ko mismo ang dami ng plastik na ito na nagkalat mismo sa gitna ng dagat. Grabe.
Noong Agosto 16, 2006 ay nakasama ako sa isang aktibidad ng SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) at EcoWaste Coalition sa Roxas Blvd. sa Maynila, kung saan nagtanggal kami ng mga plastik na basura sa dagat, at pinaghiwa-hiwalay ang mga ito batay sa uri ng plastik. Pawang nakuha namin dito ay mga plastik na kabilang sa ikaapat na klase, o iyung LDPE (Low-density polyethylene). Pawang mga gamit sa pang-araw-araw ng tao. Bandang hapon ng araw ding iyon, sumakay kami sa nakahimpil na barko ng Greenpeace, ang MV Esperanza, sa daungan ng Maynila. Mula sa barko, nakita namin ang napakaraming basurang plastik na naglulutangan sa dagat. Naisip ko tuloy, napakaliit na bagay lang ang ginawa namin, ngunit kung laging gagawin araw-araw ay malaki na ang mababawas. Ngunit ang problema, patuloy namang nagtatapon ng basura at dumarami pa sa dagat, kaya paano ito mauubos? Habang nagbabawas ka ng paunti-unti, malaki naman ang nadaragdag na basurang plastik sa dagat.
Ipinagbawal din ang pagsusunog ng basura, dahil masama sa katawan ng tao ang amoy ng nasusunog na plastik. Sa mga bakuran o tarangkahan ng mga bahay-bahay, lalo na sa mga lalawigan, ay mahilig magsunog ng basura. Iipunin ang mga dahon-dahon at sisigaan sa tabi ng isang puno upang maalis umano ang mga peste at gumanda, lumago at mamunga ang puno. Ang problema ay kung may nasasamang plastik sa nasusunog na basura. Karamihan ng basura sa mga bahay-bahay ngayon ay napakaraming plastik at may mga papel na dumaan sa kemikal. Pag sinunog ito, nagiging polusyon ito sa hangin at madaling masinghot. Ang mga abo naman nito ay maaaring hanginin o kaya'y mahalo sa tubig sa ilalim ng lupa. May ibinubugang lason ang pagsusunog ng basura, lalo na't may plastik. Nariyan ang dioxin na nagdudulot ng kanser, at nagpapahina ng immune system, dahil na rin sa pagkasunog ng mga basurang may halong PVC. Nariyan din ang nitrogen oxides at sulfur oxides na nagdudulot ng sakit sa baga, sa respirasyon, at sa central nervous system. Nilalason din nito ang mga lupa at tubig na dulot ng asidong ulan. Imbes magsunog ng basura, paghiwalayin ang nabubulok sa hindi nabubulok. Ibaon sa lupa ang mga nabubulok, at iresiklo ang mga hindi nabubulok.
Matagal na nating kasama ang plastic bag, ngunit paano ba ang dapat nating gawin? Bukod sa pagbabawal sa paggamit ng mga bag na plastik sa iba't ibang lungsod at bayan, ano pa ang ginagawang inisyatiba ng pamahalaan at ng ating mga kababayan?
Marami nang nangangampanya laban sa plastic bag sa iba't ibang panig ng mundo. Nariyan din ang "Ban the Bag! - A campaign to end single use plastic bags in Portland" sa facebook. Nariyan din ang Ban the Bag Alliance sa Australia, www.banthebag.com.au. Ayon sa pahayagang Jordan Times, "UNESCO launches campaign against plastic bags", ibig sabihin, kahit ang isang sangay ng United Nations, ay nangangampanya na rin laban sa paggamit ng mga plastik bag. Anupa't sadyang pandaigdigan ang kampanyang ito. Sa Jakarta Post naman, ibinalita nitong may 150 boluntaryo sa Aceh ang nangangampanya sa mga Indones na bawasan na ang paggamit ng mga plastic bag upang mabawasan ang mga basurang plastik, at isa sa kanilang mga aksyon ay ang pagpapalit ng sampung plastic bag kapalit ng isang telang grocery bag. Sa ating bansa naman ay nariyan ang EcoWaste Coalition, Green Convergence, at iba pang grupo na ayaw sa plastik. Kailangan nating magpakatotoo sa kampanyang ito, dahil kung hindi, matuturing lang tayong plastik.
Sa panig naman ng mga manggagawa, halimbawa yaong sinasabing may 224 na kumpanya ng plastik at pagawaan ng goma sa Lungsod ng Valenzuela, mawawalan sila ng trabaho kung magsasara na ang kumpanya ng plastik na pinagtatrabahuhan nila. Dapat magkaroon din sila ng alternatibong trabaho upang hindi sila magutom. Dapat maging mapanlikha. Hindi tayo dapat mabuslo sa usaping trabaho versus kaligtasan at kalusugan. Bagamat alam nating ang iba't ibang kumpanya ay magkakaribal ng produkto, at marahil ay naglalabanan na ang mga kapitalista ng plastik at mga kapitalistang gumagawa ng alternatibo sa plastik, at pulos tubo ang kanilang iniisip, ang mas tamang isipin natin ay ang kapakanan, kagalingan at kabutihan ng pangkalahatan, at hindi ng iilang sektor lamang.
Ano naman ang ipapalit sa plastic bag kung sakali man? Papel mula sa puno o kaya'y tela para maging bag. Ibig sabihin, napakaraming puno ang dapat sibakin upang maging papel. Ngunit ang usapin dito ay ang pagbabara ng mga kanal dahil sa mga plastic bag, lalo na yaong SPI bilang 4. Simpleng ugali lang ba ng tao ang mabago upang maging tama ang paggamit ng plastik? Kailan ba sa kasaysayan sabay-sabay na nagbago at nadisiplina ang tao? O dapat tanggalin ang plastic bags dahil hindi agad mababago ang ugali o madidisiplina ang tao? Ang papel ay nabubulok kaya hindi magbabara sa kanal, ngunit hindi nabubulok ang plastic bag. Uulitin natin, ang isyu ay ang pag-aalis ng plastic bag, at hindi pa yaong plastik.
May iba't ibang bansa na ang nagpasa ng batas na nagbabawal sa mga plastic bag. Nariyan ang The Punjab Plastic Bags Control Act sa bansang India. Sa bansang Tasmania ay nariyan ang "Plastic Shopping Bags Ban Bill 2013. Sa ating bansa, nariyan ang panukalang batas sa Senado, ang Senate Bill 2759, na pinamagatang "Total Plastic Bag Ban Act of 2011" o AN ACT PROHIBITING THE USE OF PLASTIC BAGS IN GROCERIES, RESTAURANTS, AND OTHER ESTABLISHMENTS, AND PROVIDING PENALTIES FOR VIOLATIONS THEREOF.
Mabubuod sa Seksyon 3 ang pangunahing nilalaman ng panukalang batas na ito: "Sec. 3. Prohibition. - Groceries, supermarkets, public markets, restaurants, fast food chains, department stores, retail stores and other similar establishments are hereby prohibited from using non-biodegradable plastic bags. All aforementioned establishments shall only provide recyclable paper bags and/ or biodegradable plastic bags to its customers."
Sa Mababang Kapulungan naman ng Kongreso, inaprubahan ng mga mambabatas ang House Bill 4840 o The Plastic Bag Regulation Act of 2011. Pinapatakaran ng nasabing panukalang batas ang wastong paggamit ng mga plastic bag, at paglikha ng isang "plastic bag recovery system". Ayon kay Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro), isa sa may-akda ng panukalang batas, “The State must ensure that contaminants to the environment, such as plastic and plastic bags, be prevented from being introduced into the ecosystem.” Inirerekomenda sa HB 4840 ang pag-alis (phase out) sa mga di-nabubulok na plastic bag sa loob ng tatlong taon matapos itong maisabatas.
Sabi naman ni Rep. Aurelio Gonzales (3rd District, Pampanga), na isa rin sa may-akda ng panukala, “The phase-out of plastic bags is a practical contribution to the collective efforts of solving the country’s environmental problems.” (Ang pag-alis sa mga bag na plastik ay isang praktikal na ambag sa kolektibong pagsisikap na maresolba ang mga problemang pangkapaligiran ng bansa.) Ayon naman sa prinsipal na may-akda ng panukala na si Rep. Oscar Malapitan (1st District, Caloocan City), “the recovery system will lead citizens to exert effort and give their due share in protecting the environment by bringing used plastic bags to stores and commercial establishments which in turn shall provide the logistics for recovery of these plastic shopping bags.”
Hindi pa mga ganap na batas ang mga ito. Kaya bilang simpleng mamamayan, paano tayo tutulong sa kampanyang ito? Unang-una na, sa pamamagitan ng leadership by example, dapat makita mismo sa atin na hindi na tayo gumagamit ng plastic bag, sanayin natin ang ating sarili at pamilya na sa araw at gabi ay walang mga plastic bag sa ating tahanan at pinagtatrabahuhan, at pawang mga biodegradable bag na lang ang ating gagamitin. Ibig sabihin, may mga bag na tela, papel o karton na maaari nating magamit.Hindi ito kagaya ng mga plastic bag na hindi naman natin nakasanayang iresiklo. Ikalawa, ikampanyang maisabatas na ang mga panukalang batas na nagbabawal ng plastik. Ikatlo, libutin natin ang mga eskwelahan at mga pagawaan upang magbigay ng edukasyon laban sa paggamit ng mga plastic bags. Ikaapat, nasasa inyo ang desisyon, mga kaibigan, upang makapag-ambag sa pagresolba ng malawakang problemang ito.
Marami pa tayong magagawa upang mabawasan ang paggamit ng mga plastic bag, at sa kalaunan ay tuluyan nang mawala ang mga ito. Mangyayari lang ito kung seryoso tayong kikilos upang maisakatuparan ang lahat ng mga adhikaing ito para sa kinabukasan natin at ng mga susunod pang henerasyon.
Mga pinaghalawan:
http://www.gmanetwork.com/news/story/318144/news/specialreports/as-ban-on-plastic-bags-spreads-valenzuela-stubbornly-says-no
http://newsinfo.inquirer.net/454119/plastic-ban-saturday-ordinance-takes-effect-this-week
http://newsinfo.inquirer.net/438011/environmentalists-seek-nationwide-plastic-ban
http://plasticbagbanreport.com/phillipines-legarda-files-total-plastic-bag-ban-act/
http://plasticbagbanreport.com/philippines-house-of-representatives-vote-to-regulate-plastic-bags/
http://en.wikipedia.org/wiki/Plastic