Miyerkules, Pebrero 11, 2009

Taong Grasa

TAONG GRASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na sa ating mga paglalakbay, may makakasalubong tayo o kaya'y may makikitang mga taong grasa, naglalakad kung saan-saan, walang bahay, at minsan nakasalampak sa isang karton, o kaya'y nakatira sa kariton lamang. Nanlilimahid, sira-sira ang suot, mas masahol pa sa daga ang pamumuhay.


Marahil ay iyong tatanungin sa sarili, kung sila'y iyong papansinin, tao ba sila? Ngunit kadalasan, maaaring di mo na sila pansinin dahil tingin naman ng karamihan, hindi sila kasama sa lipunang ito.

Sino nga ba sila? Bakit may mga katulad nila sa mundong ito? Dapat nga ba silang mabuhay? May karapatan ba sila sa ilalim ng gobyernong ito? Hindi natin sila pinapansin dahil, sa totoo lang, sino ba sila sa atin? Bakit pinili nilang magkaganoon? O kung di man nila piniling magkaganoon, anong dahilan bakit naging ganoon sila? Pinabayaan ba nila ang kanilang sarili? O dahil ang mga magulang nila'y ganoon din? O kaya naman ay nagsilayas sila sa kanilang tahanan, kung saan-saan napadpad, hanggang sa matutong suminghot ng ragbi para maibsan ang gutom, at magdroga, hanggang sa matuyo nang unti-unti ang kanilang utak?

Dapat ba silang limusan? Bakit minsan nang dahil sa awa, o kaya naman ay dahil nais nating lumayo agad sila sa atin, binibigyan agad natin sila ng anuman, kahit piso o kaya naman ay yaong natira nating biskwit sa bulsa?

Ang mga taong grasa ba'y aksidenteng lumitaw sa mundong ito? O sila'y biktima ng kasalukuyang sistema ng lipunan? Ano ang meron sa taong grasa para sila mabuhay sa mundong ito? Itinulot ba na magkaroon ng taong grasa dahil hinahamon nito ang ating ugali? Ang ating pagkatao? Kung paano tayo magpakatao at makipagkapwa-tao?

Bakit sila lilimusan o kaya'y babatuhan ng tira-tirang pagkain gayong dapat sila'y ating kasalo sa hapag-kainan dahil sila'y tao ring tulad natin? May nakapandidiri ba silang sakit, o ang ayos ng kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap sa lipunang ito?

Taong grasa. Nanlilimahid sa libag. Ang katawan ay marumi, pulos putik, putik, putik. At tinatawag silang tao. Ngunit anong klaseng tao? Kapwa tao ba o latak ng lipunang ito?

Pag tinangka mong makipagkwentuhan sa kanila, sasagutin ka nila ng tapat, ng ayon sa alam lang nila, kung hindi mo sila pandidirihan, kung hindi ka magpapakita ng panlalait sa kanilang katauhan. Ngunit kaya mo bang makipag-usap sa kanila? O natatakot ka dahil baka sila'y mabangis o nangangagat?

Ang simpleng iskwater nga na may kakayahang ayusin ang sarili at magbihis ng maayos ay hindi pinapansin dahil sila'y mahirap at galing iskwater, paano pa kaya ang mga taong grasang walang tinutuluyan, kundi sa mga kariton lamang, na kadalasa'y wala pa? O kaya'y natutulog lang sa mga karton? Kadalasang nangangalkal sila ng basura sa pagbabakasakaling may pagkaing itinapon. Aso lang ang dapat gumawa nito, pero bakit sila mismong tao?

Hindi natin sila pinapansin dahil wala tayong pakialam sa kanila. Hindi natin sila kaibigan. Ngunit bakit tinatalakay ko sila ngayon sa sulating ito? Dahil tulad nila, ako rin ay putik. Bihira ang pumapansin. Ngunit nais ding magbigay ng mensahe sa iba.

Kung nais natin ng pagbabago sa lipunan, dahil ayaw natin ng katiwalian sa gobyerno, ayaw nating patuloy na umiral ang malaking agwat ng mahirap at mayaman, ayaw nating may nang-aapi at naaapi, dapat isama natin sa pagbabago ng buong lipunan ang kapakanan ng lahat ng maliliit, sinuman sila, kahit na sila'y mga taong grasa. Sa bagong lipunang dapat nating maitayo, dapat wala nang taong grasa, hindi dahil sila'y itinaboy sa malayo, hindi dahil sila'y pinagpapatay, kundi dahil sila'y naging tunay na tao na ating nakakasalamuha at nagtatamasa na ng karapatan sa mundong ito.

Ang mga taong grasa ay isang simbolo. Simbolo sila ng isang gobyernong pabaya sa kanilang kapwa tao. Simbolo sila ng mga taong walang pakialam sa kanilang kapwa. Simbolo sila ng sarili nilang kapabayaan. Simbolo sila ng relihiyong nangangako ng buhay na walang hanggan kaya ang mga taong grasa ay mapalad dahil sila ang magmamana ng langit. Simbolo sila ng lipunang walang pakialam na mas masarap pa ang kinakain ng aso ng mga kapitalista kaysa pamilya ng mga manggagawa. Simbolo sila ng kapaitang mabuhay at maghirap sa lipunang puno ng kasaganaan.

Taong grasa. Tao. Grasa. Madumi. Malibag. Di naliligo. Pinandidirihan. Sila'y mga putik.

Taong grasa. Grasa. Tao. Ah, tao rin pala silang tulad natin na may karapatang mabuhay.

Walang komento: