Martes, Marso 17, 2009

Alaala ng ika-25 anibersaryo ng kasal nina Itay at Inay

ALAALA NG IKA-25 ANIBERSARYO NG KASAL NINA ITAY AT INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 1, 1991 ang ika-25 anibersaryo ng kasal ng aking ama't ina. Muli silang magpapakasal. At ito'y gagawin nila sa sa Our Lady of Loreto Parish, na isa sa dalawang magkatabing simbahan sa Bustillos, sa Sampaloc, Maynila. Hindi ko alam ang planong iyon, hanggang mangyari ang hindi inaasahan.

Nagtrabaho ako sa kumpanya mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Noong una'y umuuwi pa ako mula Alabang sa Muntinlupa tungong bahay sa Sampaloc, Maynila, at gigising ng madaling araw at aalis ng bahay ng 6:30 am upang makarating ng pinapasukang pabrika sa Alabang bago mag-alas-otso ng umaga.

Sapagkat bisperas niyon ay naroon ako sa Alabang. Bilang manggagawang regular sa kumpanya, ako'y nangupahan ng maliit na kwarto sa aking tinutuluyan. Malapit iyon sa mismong riles ng tren, at malapit din sa ilog.

Imbes na Junjun o Junior na madalas itawag sa akin ng aking ama't ina, at mga kapatid, o Greg naman para sa mga kaklase, iniba ko ang aking pangalan doon. Subalit paglalaro pa rin sa pangalang Gregorio. Sa pamayanang iyon, ako si Regie.

Kaya raw nang pinahanap ako sa aking mga katrabaho ay hindi nila natukoy ang aking kinaroroonan sapagkat nag-iba nga ako ng pangalan. Subalit naganap ang dapat maganap.

Matapos makasama ang mga kapitbahay ko roon sa pagsapit ng Bagong Taon, ako muna'y natulog ng madaling araw, tulad din ng pagpapahinga ng mga tao sa Bagong Taon.

Bandang bago magtanghali ay nagising ako't naisipang lumabas. Mula Alabang ay nagtungo ako sa pamilyar na lugar, sa Bustillos. Saan pa ba ako pupunta kundi roon, bukod sa Quiapo, sa Sta. Cruz, Recto, Divisoria, gaya ng nakasanayan ko. Nagtungo muna ako sa Bustillos at papasok na sana ng VOT o yung mas maliit na simbahan sa dalawa, na kilala ring St. Anthony Shrine. Tanda ko pa ang nakasulat sa loob ng simbahang iyon: Devs Mevs Et Omnia.

Sa madaling sabi, nakita ako sa Bustillos, sa labas ng dalawang simbahan, ng isang kasama ni Itay sa Holy Name Society ng Loreto, at agad na sinabi sa akin, bakit ka nandito? Hindi ka ba dadalo sa kasal ng magulang mo?

Nagulat ako. Kaya agad akong nagtungo sa simbahan ng Loreto nang sinabing sa ganoong oras ay ikakasal na sila. Isang oras na lang. Ikalawa ng hapon ang kasal.

Nang makita ako nina Itay, agad na nagpakuha ng polo shirt sa bahay, pantalon at sapatos. Ang sinuot ko kaya't hiniram sa kaibigan ni Itay.

Natuloy ang kasal at pagdiriwang nila ng ikadalawampu't limang anibersaryo ng kasal nang nakadalo ako. Tsambahan. 

Kumpleto kaming magkakapatid. Kung hindi pa ako umalis ng aking tinutuluyan ay hindi ko pa mababatid na ikakasal pala sila.

Walang komento: