Sabado, Disyembre 13, 2008

Halina't Makiduyog Para sa Kapayapaan

HALINA’T MAKIDUYOG PARA SA KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Paunang salita ng may-akda sa kanyang aklat na pinamagatang "Bigas, Hindi Bala, 56 Tula, Alay Para sa Kapayapaan sa Mindanao" na inilathala ng Aklatang Obrero noong 2008)

Isa ako sa mga mapalad na nakasama sa People’s Caravan for Peace and Solidarity na inilunsad ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 21-28, 2008 mula sa lungsod ng Baguio hanggang sa lungsod ng Cotabato. Mayamang karanasan ang idinulot nito sa akin. Magandang pakiramdam dahil alam mong kabahagi ka ng isang marangal na layunin - ang layuning iparating sa mas maraming mamamayan na kinakailangan nang matigil ang digmaan sa Mindanao, at magkaroon na rito ng ganap na kapayapaan upang ang mga sibilyan, o mga bakwit, na naapektuhan ng digmaan, ay makapamuhay na ng normal at maayos. Ang “duyog” ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “pagkakaisa” o “solidarity” sa ingles.

Ibig sabihin, nakikiisa tayo sa mga taong naghahangad ng kapayapaan. Gayunman,ang kapayapaang ating inaasam ay hindi dahil hindi na natin naririnig ang putok ng mga baril, hindi na naaamoy ang samyo ng pulbura, hindi na nakikita ang mga tinamaan ng bala at mga nasunog na bahay ng mga sibilyan dahil sa bomba.

Tahimik man sa isang lugar, ngunit hangga’t hindi natutugunan ang mga batayang pangangailangan ng tao para mabuhay ng marangal, magkakamitsa pa rin para magkadigmaan. Ang katahimikan ay hindi kapayapaan.

Ang katahimikan ay sa tainga lamang, habang ang kapayapaan ay sa puso at diwa ng bawat tao. Tahimik man ang isang lugar, hindi pa rin sila payapa kung kumakalam pa rin ang sikmura, walang sapat na tirahan, walang maayos na serbisyong panlipunan, di abot kaya ang mga presyo ng pangunahing pangangailangan, may presyo’t mahal ang mga karapatan sa edukasyon, may bayad at mahal ang presyo ng kalusugan, lalo na sa ospital na bago ka magamot, kahit mamamatay ka na, ay dapat ka munang maglagak ng halagang kinakailangan, mahal din kahit ang mga gamot sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa, isa sa pinakamahal ang kuryente sa Pilipinas, ang serbisyong pabahay sa mga relokasyon ay hindi na serbisyo kundi negosyo, at marami pa kung talagang iisa-isahin natin.

Maraming kababayan natin ang sadyang napakasisipag magsunog ng balat sa sakahan ngunit nananatiling mahirap habang ang ibang nagpapalaki ng tiyan sa de-erkong silid ay lalong yumayaman.

Kung pag-aaralan natin ang mga digmaang naganap sa kasaysayan, ito’y labanan upang mabuhay. Digmaan sa pag-aagawan ng teritoryo, digmaan upang makontrol ang pinagkukunan ng langis, digmaan upang lumaki ang sakop na lupain, digmaan para sa karangalan, digmaan laban sa mananakop, digmaan para sa layuning lumaya ang isang lugar o isang bansa, digmaan dahil kailangang labanan ang mga mapaniil at mapang-api sa lipunan, at iba pa. Nang dahil sa digmaan, marami ang nagbuwis ng buhay. Nang dahil sa digmaan, maraming hindi naman kasali sa digmaan ang nangamatay. Nang dahil sa digmaan, yumayaman ang ilang bansang nagbebenta ng kanilang armas pandigma. Nang dahil sa digmaan, ang mga pondong dapat para sa edukasyon at kalusugan ay napupunta sa bala at kanyon. Nang dahil sa digmaan, maraming nagmamahalan ang nagkahiwalay. Nang dahil sa digmaan, maraming mahal natin ang namatay. Nang dahil sa digmaan... ahhh, nang dahil sa digmaan...

Maraming dapat baguhin pati ang ating pagtingin kung bakit may digmaan. Bakit nga ba kailangang magdigmaan? Ito ba ang katugunan para maresolba ang mga problema? Maaari bang mag-usap muna, o mag-usap muli, para wala nang madamay na sibilyan at wala nang magbuwis ng buhay? Maari bang magrespetuhan ng kani-kanilang paniniwala’t prinsipyo? Nang makasama ako sa karabana mula Baguio hanggang Cotabato, naging malaking katanungan sa akin ang mga ito. Alam ko, kung hindi ako nagdesisyong sumama sa lakbayang iyon, marahil ay malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Sayang ang pagkakataon. Pagkakataong marami akong matututuhan. Kaya talagang nagpursigi akong makasama. Ang orihinal, dapat mula Baguio hanggang Maynila lamang kami ng aking mga kasama, at yaong iba ang magpapatuloy hanggang Cotabato. Ngunit malaking kakulangan sa akin kung di ako makakasama sa karabana hanggang Cotabato, kaya’t nagpursigi akong makasama.

Ang mga tulang naririto ay bahagi ng karabanang iyon. Ito ang produkto ng mga pagninilay ko sa bawat tinigilan naming lugar. Mas dumami ang aking tula nang makita ko mismo ang lugar na pinaglabanan ng magkabilang panig, ng pamahalaan ng Pilipinas at mga rebelde, at nang makita ko ang kalagayan ng mga bakwit. Ang katipunang ito ay taos-puso kong inihahandog sa kanila. Nawa’y makamit na nila ang kapayapaang kanilang matagal nang inaadhika.

Taos-pusong pasasalamat ang aking ipinaaabot sa lahat ng mga nakasama ko sa karabanang iyon. Hindi ko makakalimutan habang ako’y nabubuhay ang ating pinagsamahan. Maraming maraming salamat.

Dahil dito, patuloy akong makikipagduyog sa mga taong naghahangad ng kapayapaan, sa anupamang paraan ito makakamit. At nawa, ang kapayapaang iyon ay hindi lamang simpleng katahimikan, kundi kapayapaang may hustisyang panlipunan, at makatarungan sa bawat isa.

Halina’t samahan n’yo kami. Makipagduyog tayo para sa kapayapaan ng Mindanao.

Sampaloc, Maynila, Disyembre 10, 2008

Walang komento: