Biyernes, Marso 20, 2009

Anti-Porno Campaign: Peke

ANTI-PORNO CAMPAIGN: PEKE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(mula sa magasing The Fourth Estate, Setyembre-Oktubre 1998, pp. 8-11)

Kung iisipin, maganda ngunit nakakatakot ang inilunsad na kampanya ng pamahalaan at ng iba't ibang samahan laban sa mga maliliit na dyaryong binansagang "pornograpyang babasahin". Maganda 'yung layunin, ngunit nakakatakot dahil hindi nito tinutumbok ang tunay na problema at maaaring maging daan pa ito para sa mas matitinding censorship ng iba pang uri ng dyaryo, lalo na 'yung kritikal sa gobyerno. Naririyang sunugin ng mga anti-porno campaigners sa harapan ng Mendiola ang mga dyaryong tabloid upang ipakita ang kanilang protesta. Tingin nila, nakakasama sa kabataan ang paglalantad ng mga hubad na larawan ng mga kababaihan. Mabuti naman at may ginagawa sila, pero hindi sapat. Kulang-kulang. Dahil hindi sinasagot ng anti-porno o anti-smut campaign ang tunay na dahilan ng pagdami ng mga dyaryong ito. Hindi rin isinasama 'yung mga commercial ads sa TV at mga kalendaryong may larawan ng babaing hubad.

Maganda ang simulain ng anti-porno campaign, ngunit hindi nito nasasapul ang tunay na problema. Kahit papaano, mababawasan ang mga krimeng rape. (Nababawasang nga ba?) Ngunit sa isang banda, totoo bang nang dahil lang sa pagbabasa ng mga dyaryong tabloid na may litrato ng babaing modelo, ay nagawa na niyang mang-rape? May isa pang salik na dapat nating tingnan kung bakit nagaganap ang rape at ito'y hindi lang dahil sa mga tabloid na babasahin. Ito'y kung kargado ng droga ang suspek o di kaya'y nababaliw. Nang dahil sa droga ngunit napapagbuntunan ng sisi ang mga dyaryong tabloid. Kung tutuusin, sinong tao ang nasa katinuan ang mangre-rape ng kanyang anak, kapatid o kakilala? Sa ulat ng People's Journal, ang 143 sa 423 (o 33.8%) convicted rapists ay mga amang nanggahasa ng kanila mismong sariling mga anak. Isang nakahihindik na balita. Ito ba'y dahil simpleng nakapagbasa lamang sila ng dyaryo o may karga silang droga nang gawin nila iyon? Paano nila nasikmurang gawin ito sa kanilang mga anak? Baka naman ang paglaganap ng ganitong mga babasahin ay kagustuhan din ng mga nasa gobyerno, kaya walang ngipin ang batas na nakasaad sa Artikulo V, Seksyon 9 ng RA 7160, na nagsasabing dapat makulong ang mga publisher ng smut, pati na rin ang Presidential Decree 969 (Anti-Pornography Law)? Masalimuot ang isyung ito kaya't dapat nating suriing mabuti.

Analisahin natin ang ibig sabihin ng pornograpya sa punto de bista ng The Philippine Alliance Against Pornography, Inc. (PAAP), isa sa mga pinakamasugid na kampanyador ng anti-porno. Ayon sa kanilang leaflet, "Pornography comes from the Greek words 'porno' and 'graphos' meaning the writing of prostitutes. It is defined as written, graphic or other forms of communication intended to incite lasciviousness or lustful feelings. It is a $20 Billion international enterprise with outlets in print and broadcast media, in magazines, comics, tabloids, on film and television, on radio, on telephone, computers and even live on stage. It is produced, sold and distributed by evil men and women purely for monetary gain, in utter disregard of the common good. It is purchased because of a selfish obsession with sex and instant gratification."

Ating suriin ang unang pangungusap. Tanong: Tanggap ba ng mga babaing may hubad na larawan, tulad nina Ara Mina, Sunshine Cruz, Miss Asia Pacific Michelle Aldana at Miss World (2nd Princess) Ruffa Gutierrez, na sila ay prostitute? Ang mga larawan nila'y naipa-front page sa mga dyaryo. Kaya ba nilang simurain na tawagin silang prosti? Ang ibig bang sabihin ng 'writing of prostitues' ay ang mga prosti ang sumulat ng artikulo o 'yung prosti mismo ang ikinukwento? Paano kung hindi tungkol sa isang prosti 'yung kwento kundi isang magkasintahang naglalampungan? Matatawag ba silang prosti? Bakit may tinatawag na prostitute? Kagustuhan ba nila ito o sila'y biktima rin ng mapang-aping sistemang nagsadlak sa kanila sa kahirapan, kaya sila napunta sa ganitong trabaho?

Pangalawang pangungusap: Totoo bang ito'y "intended to incite lasciviousness or lustful feelings" o ito'y simpleng ekspresyon lamang ng manunulat ng kanyang nararamdaman? Iba 'yung ipinahayag niya 'yung kanyang nararamdaman, dahil ito'y kalayaan sa pamamahayag. Kung ikaw ang sumulat ng artikulo, may intensyon ka ba na i-arouse 'yung damdamin ng mambabasa mo? Kung wala ka namang intensyon, inisip mo ba ang implikasyon o kahihinatnan ng gagawin o ginawa mo? Iba pa rin kung may intensyon kang sumulat ng kalibugan para magkapera, gaya ng kwento ni Lyka.

Sa pangatlo at pang-apat na pangungusap, ang tinutukoy dito'y ang batas ng kapitalismo, ang umiiral na sistemang panlipunang ang hangarin ay magkamal ng magkamal ng tubo, nang di iniisip ang kapakanan ng marami, basta sila lamang ay kumita. Natural lang na yumaman ang mga may-ari ng dyaryong ito, kung multi-million business nga ito at kinakapital ang sex bilang kalakal. Ang tinutukoy ditong "evil men and women" ay ang mga kapitalista' ang "fior purely monetary gain," ito mismo ang batas ng kapital; at ang "utter disregard of the common good," ito mismo ang kapitalistang pagsasamantala.

Ang panlima ay simpleng ekspresyon ng human nature, pero hindi sa lahat ng panahon ay tama. Maaring kaya mo nabili iyan dahil sa art o sining, hindi dahil malibog ang magbabasa nito. Maaaring ito rin ang paraan ng nagbibinata o bagong kasal upang matuto, hindi ng sex, kundi ng responsibilidad niya sa sex o sa asawa nito. Ito'y isa ring paraan ng sex education para maiwasan ang sakit, lalo na ang AIDS. Maaaring may mga nakasulat doong mga artikulo o balitang kailangan mo. Halimbawa ng artikulo ay: "Paano maiiwasan ang siphilis, tulo at AIDS?"

TANONG: Sa ganitong depinisyon at paliwanag, nakahanay ba rito ang mga dyaryong pinupuntirya ng anti-smut campaign na ito? Basta ba may nakitang larawan ng babaing hubad, pornograpya na? Bakit hindi pagbuntunan din ng sisi 'yung mga kalendaryong may larawan ng babaing hubad at 'yung mga ads sa telebisyon na nagpapakita ng babaeng hubad, pati na ang mga pelikulang may hubaran? Pati na ang mga ads ng produktong pambabae, gaya ng bra at panty na ibinebenta ng Avon, dahil mga babaing naka-two-piece ang mga modelo nito? Anong kaibahan ng mga ito sa mga dyaryong tabloid? O baka naman peke ang mga panawagan ng mga kampanyador na ito? Nag-aastang moralista, pero hindi mapuntirya lahat? O baka naman hindi kinikilala ng karamihan ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, kaya't nagagamit ang babae bilang produkto ng komersyalisasyon? Biktima ng kapitalistang pagsasamantala? O baka naman gustong monopolyohin ng mga malalaking dyaryo ang pamilihan at i-etsa-pwera ang mga maliliit na dyaryo? Anong klaseng kampanya ito? Gayunpaman, hindi tayo dapat magpatali sa depinisyong ito. Ang dapat nating tingnan ay kung bakit sumulpot ang ganitong problema.

Analisahin natin ang lipunan. Sumulpot ang patriyarkal na sistema (ang pagkilala sa mga kalalakihan bilang mga pinuno sa tahanan at komunidad, dahil na rin sa kanilang lakas ng pangangatawan, at pagiging natural na mandirigma) alinsabay ng lipunang pyudalismo. At ngayon, patuloy itong umiiral sa kasalukuyang sistemang kapitalismo. Nakabalangkas sa mga sistemang ito (ayon sa prosesong dinaanan ng lipunan) na ang babae ay mahina, matatakutin at palaasa, gaya nina Cinderela, Ines Kannoyan at Maria Clara, at ang tangi nilang tagapagligtas ay isang lalaki, gaya nina Hercules, Lam-ang, Crisostomo Ibarra, Superman, Batman o FPJ. Kahit magbasa ka pa ng mga fairy tales, mitolohiya, Noli Me Tangere o manood ka pa ng sine. Ayon sa batas ng pribadong pag-aari (kapitalismo), pag-aari ng lalaki ang babae. Kaya't nangyayari'y tinitingnan ang babae bilang sex object lamang. Libangan.

Ang balangkas ang kapitalismo ay kumpetisyon. Magkamal ng tubo, tubo, tubo. Ang sistemang ito ang dahilan kung bakit may mga ganid at makasariling mga indibidwal. Ang sistema ring ito ang sumisirang parang anay sa pag-iisip ng ating mga kabataan, dahil itinuturo nito ang palsipikadong moralidad, ang baluktot na paniniwala at pag-uugali ng mamamayan. Dahil dito, kinikilala ng mamamayan, mapalalaki man o mapababae, na ang mga kababaihan ay mahina o inferior sa mga kalalakihan. Para sa mga moralista, ang kababaihan ay dapat na tulad nina Maria Clara, Cinderela, Snow White at mga mongha, hindi mga kababaihang gaya nina Gabriela Silang, Lorena Barros, at Helen ng Troy. Dito pa lang ay makikita na natin kung anong klaseng baluktot na moralidad ang itinuturo sa mga paaralan. Dahil mismong paaralan ay kasabwat ng mga kapitalista sa pagtuturo na ang mga kababaihan ay mas inferior kaysa kalalakihan.

Nitong huling bahagi ng dekada 80, sumulpot ang mga babasahing binansagang 'smut'. Nagsimula ang paglalabas ng hubad na larawan ng mga babae sa front page ng mga dyaryong tabloid. Pinangunahan ito ng Abante. Dito rin nagsimula ang malayang imahinasyon ni Xerex Xaviera sa kanyang kolum. Sumunod na rin ang ibang tabloid. Naging popular sina Totoy Mola at Lyka (Ang babaing dalawa ang kuntil).

Pero kung babasahin at aanalisahin natin ang mga nilalaman ng mga tabloid na ito, gaya ng Abante, Remate, Bandera, Saksi Ngayon, atbp., makikita nating hindi pulos sex ang tinatalakay. Mayroon din silang mga balitang hindi lumalabas sa mga dyaryong malalaki. Halimbawa na lang ay ang mga balita tungkol sa pagsasara ng Philippine Airlines. Hindi gaanong binibigyan ng espasyo ng malalaking dyaryo ang punto de bista ng mga manggagawa o mga unyon, kundi kung ano lang ang sinasabi ng naghaharing uri, gaya ni Erap at ni Lucio Tan. Buti pa ang mga tabloid, kahit papaano, inilalabas ang hinaing ng mga maliliit, ng mga karaniwang tao, ng masang api. Lumalabas tuloy na ang mga tabloid na ito ang nagiging kakampi ng mga manggagawa at masang api sa kanilang pakikipagtunggali laban sa mga mapang-api at mga naghaharing uri dahil hindi nila maaasahan ang mga malalaking dyaryo. Dahil ang mismong malalaking dyaryo ay kontrolado ng kapital.

Isa pa, kung pag-aaralan natin ang sikolohiya, mas mahirap naman kung hindi ilalabas ng isang tao ang kanyang nararamdaman dahil maaari itong maging dahilan para masiraan siya ng ulo o manakit ng kapwa. At karamihan sa kanila, nailalabas lang nila ito sa pormang sulatin dahil karamihan ay nahihiyang ipagtapat sa iba ang anumang nasasaisip at nararamdaman nila, dahil baka hindi sila maintindihan o kaya'y pagtawanan lang sila. Kaya't sinusulatan nila sina Xerex at Andromeda. Ramdam ng karamihan na may sukatan ang pagkatao ng isang indibidwal sa sistemang pyudal at kapital. At ito ang totoo. Pag mayaman, in na in. Pag mahirap, etsa-pwera. Kaya tuloy marami ang may inferiority complex. Iba ang istandard ng sistemang kapital. Istandard na para lang sa may pera, para sa palakihan ng tubo, para sa kumpetisyon, para sa mga may 'dugong asul'. Kaya masisisi ba natin ang iba na sumulat ng sex stories? Kung ito lang ang daluyan ng kanilang nararamdaman, sila ba ay matatawag na imoral? O ang mas imoral ay ang mapang-aping sistema ng kapital? Sa kapitalismo, ang moralidad ay hindi ang pakikipagkapwa-tao, hindi ang pagmamahal sa kapwa, hindi ang pagkilala sa karapatang pantao ng bawat isa, hindi ang paggalang sa maliliit. Para sa kapitalistang sistema, ang moralidad ay ang pagsunod sa batas ng kumpetisyon, pagsunod sa batas ng mga naghaharing uri sa lipunan, pagsunod sa batas ng kapital, sa pagpapalago ng tubo.

Kung susuriin naman natin ang mga katulad na kaso ng 'paglabag' daw ng mga manunulat, makakahalaw tayo ng ideya sa mga nangyari sa publikasyong Chi Rho ng Miriam College at ng magasing Hustler ni Larry Flint. Noong 1994, sinusupinde ang mga manunulat ng Chi Rho ng administrador ng Miriam College dahil sa kanilang paglalathala ng isinaaklat na koleksyon ng mga tula, ang "Libog at Iba Pang Tula". Pero para sa mga estudyanteng ito, ito'y kalayaan sa pamamahayag. Sa pelikulang 'true-to-life' naman tungkol kay Larry Flint ng Amerika, may-ari ng Hustler at iba pang babasahing nagalabas ng mga larawang hubad ng mga kababaihan, ipinakita rito na nanalo siya sa korte laban sa mga moralistang gaya ng isang kilalang pinuno ng isang relihiyosong organisasyon. Pinaboran ng Supreme Court ng US si Larry Flint batay sa First Amendment na nakasaad sa Konstitusyon ng Amerika, na nagsasabing: "Congress shall make no law ... abridging the freedom of speech or of the press ..."

Ang kalayaan sa pamamahayag ay karapatan ng bawat mamamayan, hindi lang ng mga mamamahayag. Kaakibat ng kalayaang ito ang dignidad ng tao. Dahil kung hindi ka malayang ipahayag ang iyong saloobin at dinudusta ang iyong kalayaan sa pagsasalita, ito'y higit pa sa pagpapaalipin, dahil mistula kang robot na kung ano lang ang dinidikta ng iba ay tango ka lang ng tango. Para ka lang hunyangong nakauniporme na 'yes-sir' lang ang alam sabihin. At mabilis pa sa alas-kwatrong kakawag-kawag ang buntot pag nasabihan ng "That's an order!" Ito 'yung tinatawag na 'obedience syndrome' na pinaiiral ng kapitalismo. Isa pa, masyadong matindi kung mag-censor ang naghaharing uri, dahil tinitingnan nila ito sa punto de bista ng kapital, ng mga naghahari-harian at ng mga pekeng moralista. Walang sinuman, kahit ang gobyerno, ang dapat magmonopolyo sa ideya at makatotohanang pag-uulat dahil magiging labag ito sa prinsipyo ng kalayaan sa pamamahayag. Magkaiba man tayo ng paniniwala, magkaiba man tayo ng pananaw, anumang klase ng sulatin (sex man 'yan, relihiyon, o rebolusyon), walang sinuman ang dapat sumikil sa kalayaan sa pamamahayag. Dahil ang pagpatay sa kalayaan sa pamamahayag ay direktang pagpatay na rin sa iyong dignidad at pagkatao. Gayunman, hindi dapat abusuhin ang kalayaang ito. Dapat nating alalahanin na dapat totoo at kaya nating panindigan kung ano man ang ating iuulat at isusulat dahil responsable tayo dito. Pag kinasuhan ka ng libelo, kailangang kaya mong depensahan ang iyong sarili at patunayan ang lahat ng iyong naiulat at naisulat.

Suriin naman natin kung ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng kalayaan sa pamamahayag ng mga dyaryong tabloid at ang dyaryong Kalayaan nina Jacinto't Bonifacio, Iskra nina Lenin at mga progresibong publikasyon noong panahon ng martial law. Una, ang mga dyaryong tabloid ngayon ay malayang naibebenta sa mga pamilihan, samantalang ang mga dyaryong nananawagan ng pagbabago sa lipunan ay patago kung ibenta o ipalaganap. Pangalawa, magkaiba sila ng nilalaman, ngunit pareho silang nag-uulat at nagpapahayag ng pananaw, at ito'y kalayaan sa pamamahayag. Pangatlo, pareho itong ginigipit ng mga naghahari-harian sa lipunan at mga nagkukunwaring moralista. Pang-apat, parehong dapat ilagay sa tamang lugar ang mga babasahing ito. Marapat lamang na maiwasan ng mga kabataan ang sex bilang laruan o gamit lamang, habang iniiwasan namang magkaroon ng mga anarkistang susulpot sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Panglima, paano na kung manawagan ng pagbabago sa lipunan ang mga dyaryong ito? Tiyak na papatayin at ise-censor ito ng mga naghaharing uri o di kaya'y lapastanganin ang kalayaan natin sa pamamahayag.

Bakit pinag-iinitan ng ibang establisadong dyaryo itong mga tabloid na ito. Simple, dahil sa kumpetisyon. Nakahanap ng butas ang mga establisado nang dyaryo laban sa mga bagong dyaryong tabloid na naglalabasan. Pinapatay nila ang mga maliliit na dyaryo para sila lang ang bilhin, dahil alam ng mga malalaking may-ari ng dyaryo na kailangan ng mamamayan ang mga balita. Para sa kanila, "news is a commodity", hindi "journalism as a service to the people". Kaya't kung aayusin lang ng pamahalaan ang kanilang balangkas ng pag-iisip at magsusuri lang silang mabuti, makikita nilang hindi lang simpleng moralidad ang tunay na isyu dito, kundi ito'y simpleng labanan ng malalaking kapitalistang dyaryo laban sa mga maliliit na dyaryo. At kung magtutukoy tayo ng mga dyaryong may kinalaman dito, ito ay labanan ng Journal Group of Publications (pag-aari ng gobyerno) laban sa mga naglalathala ng Remate, Abante, Init, at iba pang maliliit na dyaryo. Sa totoo lang, hindi aktibo sa anti-smut campaign ang mga malalaking dyaryo, gaya ng Inquirer, Today at Manila Times. Kaya't lumalabas na ang pagbulwak ng malayang palitan ng ideya at kalayaan sa pamamahayag ay pinapatay ng ibang establisadong dyaryo magkamal lang ng tubo at mamonopolyo ang pamilihan.

Kaya nga hindi dapat patayin ang mga dyaryong binansagang 'smut', dahil ito'y labag sa kalayaan sa pamamahayag. Ang maaari marahil nilang gawin ay gaya rin ng ginagawa sa mga pelikula na may For General Patronage, may Parental Guidance under 18 years old (PG-18) o may For Adults Only. Ilagay lang sa tamang lugar ng pamilihan na hindi mabibili ng kabataan ang ganitong babasahin kung hindi pa sila nakakasapit sa tamang edad. Pero ano naman ang garantiyang mabibili ito kapag ganito naman ang ginawa? E, di pinatay naman natin ang pinagkakakitaan ng mga dyaryong ito. Kaya't dapat lang bumalangkas ng tamang batas para dito, sa punto de bista, hindi ng naghaharing uri at kapitalista, kundi sa punto de bista ng mga mamamayang kumikilala sa kalayaan sa pamamahayag at pantay na karapatan ng lalaki at babae.

Kinikilala ng sistemang kapitalismo na mahina ang babae at palamuti lamang, kaya't hindi tayo dapat magtaka kung patuloy na maglalabas ang mga dyaryong maliliit na ito ng mga litrato ng mga babaeng hubad, dahil ito mismo ang kanilang kapital upang makipagkumpetensya a mga dambuhalang dyaryo na nagmistulang makinarya ng estado. Hindi kayang makipagsabayan ng mga maliliit na dyaryong ito sa mga establisado na at malalaking dyaryo, kaya't nagagamit tuloy nila ang mga hubad na larawan ng mga babae bilang atraksyon upang mabili ang kanilang dyaryo. Hangga't patuloy na umiiral ang kapitalistang sistema ng lipunan, hindi kikilalanin ang pantay na karapatan ng lalaki at babae. Ang mga babae'y patuloy na aapihin at yuyurakan ang kanilang dignidad. Pero kung ako ang tatanungin mo, simpleng tingnan ko na lang ang mga nagawang paghihirap, sakripisyo, pag-aalala at pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak, at pagkakaroon ng mga kapatid na babae, ay sapat nang dahilan para kilalanin ko ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, at igalang ang mga kababaihan.

Kaya anumang gawing kampanya ng gobyerno at ng iba't ibang moralistang (?) organisasyon, patuloy pa ring maglalabasan ang mga pornograpyang babasahin, kahit underground selling, basta sila lamang ay kumita. Hangga't ang iniisip ng mga kapitalista ay ang tutubuin ng kanilang mga dyaryo (ito lang naman talaga ang iisipin nila kaya nga sila kapitalista), at hindi ang paglilingkod sa tao, patuloy pa ring maglalabasan ang mga pornograpyang babasahin. Hindi sapat ang simpleng kampanyang anti-porno o anti-smut. Hindi sapat ang paghuli, pag-aakusa at pagkulong sa mga publisher ng mga dyaryong ito. Ang dapat nating gawin ay baguhin ang balangkas ng lipunan, ang ating balangkas ng pag-iisip. Basagin ang pagtinging mahina ang babae. Kilalanin ang pantay na karapatan ng babae at lalaki sa ating lipunan. Durugin ang paghahari ng mapang-aping sistemang kapital. Isang sosyalistang rebolusyon!

Walang komento: