Sabado, Marso 28, 2009

Lunas ang Pag-asa

LUNAS ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tao ang kadalasang nawawalan ng pag-asa.

Maraming nagpapatiwakal dahil tingin nila'y wala nang pag-asa ang kanilang kasalukuyang hirap na kalagayan. Akala nila'y pulos dusa na lang ang mundong ito, pulos hinanakit, at pwang kahirapan na lamang. Makakaahon pa kaya tayo, ang nasasa isip ng iba, sa aba nating kalagayan?

Marami ang nakakagawa ng krimen dahil wala silang maasahang matinong kalagayan. Nakakulong dahil nagnakaw ng sampung pisong pandesal, habang ang mga nagnakaw ng milyun-milyon sa kaban ng bayan ay hindi maipakulong.

Marami ang namatay dahil sa simpleng sakit dahil hindi ginamot ng mga doktor sa ospital. Inaasahan nilang ang karapatan nila sa kalusugan ay paiiralin ng ospital. Ngunit ang kalusugan pala, imbes na serbisyo, ay negosyo na.Paano gagamutin ang maysakit na maralita kung wala siyang pang-down payment sa ospital? Paano gagaling ang maralitang maysakit kung napakamamahal ng gamot na kinakailangang bilhin? Paano giginhawa ang maralita kung sa mismong bayan niya, siya'y lalong ibinababa?

Marami ang hindi nakapag-aral dahil sa hirap ng buhay, at dahil sa mahal ng matrikula, na bawat taon ay tumataas. Marami ang umasang makapag-aaral dahil karapatan nilang mag-aral, ngunit ang karapatang ito sa edukasyon ay negosyo na pala. Paano nila pag-aaralan ang nais nilang kurso kung napakamahal ng bayad sa edukasyon? Paano magiging doktor o abugado ang mga maralitang nangangarap na makatulong sa kanilang mga aping kababayan sa nayon at liblib na pook sa mga lalawigan kung di pa sapat ang pagbebenta ng kalabaw at kapirasong lupang minana pa nila, kung ang gastos naman sa pag-aaral ay napakamahal?

Mga maralita'y hampaslupa, mga mababaho, mga walang silbi sa mundong ito. Ganito kadalasang inilalarawan ang mga mahihirap.

Ngunit ang mga maralita, nagtitiis tumira sa ilalim ng tulay upang mabuhay. Kumakain ng mga itinapong tira-tirahang karne mula sa Jollibee at McDo upang lutuing muli, para lang may maipakain sa kanilang mga gutom na pamilya. Nasisikmura ang gayong abang kalagayan para sa kanilang mga anak para lang mabuhay. Makatao ba ang ganito? Hindi!

May maaasahan pa ba tayo sa ganitong klase ng gobyerno, pabaya sa mga maliliit? May maaasahan pa ba tayo sa kapitalistang sistemang umiiral ngayon, na ang serbisyo't karapatan ay ginagawang negosyo?

May pag-asa pa habang tayo'y nabubuhay. Ito ang laging bukambibig ng matatanda, ng pamahalaan, maging ng simbahan. Ngunit maaasahan ba natin sila sa pag-asang ating inaasam? Walang mawawala sa atin kung umasa tayo, at mas malaking kawalan kung ang pananaw natin sa buhay ay pawang kawalang pag-asa.

Pag umasa ka, lahat ay maaaring mangyari. Ang pag-asa ay tulad ng iniinom na spinach ni Popeye na sa panghihina niya'y bigla siyang lalakas.

Kahit alam nating ang inaasahan natin ay bihirang mangyari, at ang di natin inaasahan ang nangyayari, may pag-asa pa rin tayo. Kailangan lang nating kumilos at maging positibo sa pananaw. Malay mo, tumama ka sa lotto. Ngunit kung di ka tumaya, huwag mong asahang tatama ka sa lotto.

Ang pag-asa ay gamot sa nahihirapan. Ang pag-asa ay lunas sa nagsisikip mong dibdib. Ang pag-asa ang siyang gamot sa pagdududa, gamot sa mga sugat na nalikha ng mga pangyayari. Ang pag-asa ay paghilom.

Gayundin naman, ang pag-asa ay pagkilos, at hindi lamang pagsasabi ng "Sana, sana", kundi "Dapat, dapat". Hindi tayo dapat tumunganga na lang sa isang tabi, at gayahin si Juan Tamad sa kanyang pagkakahiga sa pag-asang bumagsak ang bayabas sa kanyang bunganga. Kailangang kumilos ng mga mahihirap upang baligtarin ang tatsulok na kalagayan ng lipunan.

Oo, may pag-asa pa. May pag-asa pa. Dahil kung walang pag-asa, walang kahulugan ang buhay. Minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito. Bigyang kahulugan natin ang buhay. Halina't tayo'y kumilos upang ang pangarap na inaasam ay magkaroon ng katuparan.

O, Pag-asa, halina't haplusin mo ang mga isipang nadirimlan at mga pusong nasasaktan. Halina't kami'y tulungan upang maibsan ang nararamdaman naming kahungkagan. Naririto kami, umaasa.

Walang komento: