ANG LALAWIGANG ANTIQUE AY MECCA SA AKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ipinanganak sa lalawigan ng Antique ang mahal kong ina, ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa ito napupuntahan. Mas lagi akong nakakapunta sa Batangas na sinilangan naman ng aking ama. O sa mas eksakto, isa pa lang sa aming anim na magkakapatid ang nakakapunta sa sinilangan ng aming ina.
Ang lalawigan ng Antique ay nasa isla ng Panay sa rehiyon ng Visayas. Katabi nito ang mga lalawigan ng Iloilo, Capiz at Aklan. Katabi naman ng isla ng Panay ang pulo ng Guimaras. Ang salita sa Antique ay Karay-a, ngunit hindi ako marunong magsalita nito dahil sa Maynila na ako isinilang, lumaki, at nanirahan hanggang ngayon.
Ngunit itinuring kong Mecca ang lalawigang Antique. Ibig sabihin, tulad ng mga kapatid nating Muslim (bagamat hindi ako Muslim), na dapat minsan man sa kanilang buhay ay makarating sila sa Mecca sa Saudi Arabia, na siyang pinaniniwalaang sinilangan ng propetang si Mohamed. At ang pagtungo sa Mecca ay batay sa kanilang "Five Pillars of Islam". Kaya kailangan, minsan man sa buhay ko'y marating ko ang lalawigang sinilangan ni ina, o sa mas eksakto, sa bahay na tinirhan nila ng kanyang mga magulang at mga kapatid noon. Siyang tunay, Mecca sa akin ang sinilangan ng aking ina.
Nakarating na ako sa isla ng Panay, noong Nobyembre 23, 2008, dahil nakasama ako sa karabana ng Duyog Mindanao. Isa iyong aktibidad na pangkapayapaan, isang karabana mula lungsod ng Baguio hanggang lungsod ng Cotabato. Iba't ibang lalawigan ang pinuntahan namin, at mula Mindoro ay sumakay kami ng lantsa patungong isla ng Panay, at gabi na nang makarating kami sa Katiklan sa Aklan, isang araw kami roon, at mula sa Iloilo ay nagtungo naman kami sa lungsod ng Bacolod sa pamamagitan din ng lantsa.
Isinulat ko nga sa aklat kong "Bigas, Hindi Bala" sa artikulong pinamagatan kong "Ang Makasaysayan Kong Pagdatal sa Isla ng Panay": "Naging makasaysayan sa akin ang pagsama ko sa Duyog Mindanao dahil nakarating ako ng Panay, dahil kahit papaano, nakalapit ako, sa buong buhay ko, bagamat di nakarating, sa lupain ng aking mga ninuno... Bagamat di ako nakarating sa Antique ay parang napalapit na rin ako sa sinilangan ng aking ina dahil sa pagtapak ko sa unang pagkakataon sa Panay."
Mas maganda na hindi lamang isang araw, kundi kahit man lamang isang linggo ako ritong magtagal. Isa itong pangarap na nais kong matupad. Nais kong damhin ang bawat sulok ng kanilang bahay, ang kabukiran, ang mga tao, ang dagat, ang puno, ang sariwang hangin, ang kalagayan ng mamamayan doon at ng buong lalawigan, maging ang agiw, alikabok, putik, talahib, at huni ng kuliglig. Nais ko iyong maisulat. Marahil nga'y sentimental na bagay. Isa iyong bagay na dapat planuhin naming magkakapatid, na kahit minsan man sa aming buhay ay narating namin ang sinilangan ng aming mahal na ina. Kung hindi man sila makasama, kahit sana ako'y makarating doon. Tanging si Lala pa lang sa aming magkakapatid ang alam kong nakarating doon nang isinama siya ng aking ina sa Antique noong 2011. Kasama ni Lala ang anak niyang si Sten.
Marahil ay makagagawa muli ako ng maraming tula sa paglalakbay na ito, na nais ko ring maisaaklat. At ito ang balak kong gawin pag ako'y nakarating sa bayang sinilangan ng mahal kong ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento