NANGARAP DIN AKONG MAGING PARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Dalawang simbahan ang magkatabi sa Bustillos sa Sampaloc, Maynila, na kapwa ko naging tambayan noong kabataan ko. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang Saint Anthony Shrine o VOT (Franciscan). Pareho ko itong pinupuntahan tuwing Linggo, o kaya'y Sabado at Linggo, dahil na rin sa marami kong sinamahang grupo rito.
Hayskul ako noon nang maging bahagi ako ng Catholic Youth Movement (CYM) noong 1984, nang makatapos ako sa tatlong araw na Life in the Spirit Seminar (LSS) na isinasagawa ng Holy Name Society sa Loreto Parish. Kabilang ang aking ama sa Holy Name Society. Nakasama rin ako sa grupong Magnificat na kumakanta sa misa tuwing Linggo ng hapon sa simbahan ng Loreto.
Sa katabing simbahan naman ng Saint Anthony Shrine o VOT, naglingkod ako bilang lector o tagabasa sa misa. Naging bahagi rin ako ng Franciscan Missionary Union (FMU), at nakasama sa dalawang linggong paglalakbay ng FMU sa isla ng Basilan sa Mindanao noong 1994. Naging aktibo rin ako sa grupong Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) sa VOT.
Minsan na rin akong gumanap bilang Bro. Dominic Savio na kasamahan ni Saint Francis sa dulang Father Sun, Sister Moon, sa VOT. Basta may aktibidad sa simbahan, sali agad ako. Ganyan ako kaaktibo noong aking kabataan sa mga gawaing pangsimbahan. Kahit sa usapin ng sports, naging kinatawan ako ng Saint Anthony Shrine sa pa-chess tournament ng Holy Name Society sa simbahan ng Loreto.
Nakadalo na rin ako sa ilang panrelihiyosong seminar, at nakapunta sa isang seminar house sa Tagaytay, kasama ang ilang mga kaeskwela noong elementarya. Nagtayo kasi kami noon ng isang scouting group, ang Nazareth Alumni Scouting Association (NASA), na nakabase sa Caritas sa Maynila. At kahit nasa hayskul na at kolehiyo ay paminsan-minsan pa ring nagkikita. Noong panahon namin, bagamat may hayskul sa Nazareth School, hanggang elementarya lamang ang mga lalaki at lilipat na ng paaralan pag naghayskul na. Pulos mga babae ang mag-aaral sa hayskul.
Masarap magseminar, at maganda ang kapaligiran sa kumbentong aming tinuluyan. Para bagang ayaw mo nang umalis doon. Para bang gusto ko nang magpari.
Minsan, sinagutan ko ang isang paanyayang brochure ng isang kongregasyon upang makadalo sa isang pagtitipon ng magpapari. Pagkatapos noon ay wala na at nakalimutan ko na. Hanggang ilang linggo o buwan ang nakalipas, may dumating na liham sa bahay mula sa kongregasyong iyon. Nagulat ako, akala ko gayon-gayon lang ang pagsagot doon. Ang aking ina pa nga ang nakatanggap niyon, hanggang ipabasa sa akin. Sabi niya, kung gusto kong magpari, susuportahan nila ako.
Subalit parang wala naman akong ginawa upang matuloy iyon. Parang binasa ko lang ang natanggap na sulat. Hindi ko na napuntahan kung ano man ang paanyayang nakasulat sa liham. Marahil ay sa dami na rin ng aktibidad sa paaralan. Kumbaga'y nawala sa loob ko kung magpapari nga ba ako. Bagamat nang sinagutan ko yaong paanyaya ay para akong nasa langit dahil katatapos lamang ng pangrelihiysong seminar na dinaluhan ko.
Marahil, ang isa sa mga dahilan kung bakit di ako nakapagpari ay dahil hindi sila nag-aasawa. At ako naman, nais kong magkaroon ng asawa at anak. Bagamat nang sinagutan ko ang brochure ay hindi ko iyon naiisip.
Gayunpaman, masaya ako na nakapaglingkod sa simbahan noong aking kabataan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento