ANG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ako mahilig magbasa ng kasaysayan nuon. Katunayan, mababa ang marka ko sa Social Studies noong nasa high school pa ako kumpara sa Math, Geometry, Trigonometry at Algebra. Wala kasi akong interes noon sa nangyayari sa paligid, dahil mas nakahiligan ko ang mga numero. Kaya nga kinuha ko sa kolehiyo noon ay BS Aeronautical Engineering at BS Mathematics, na pawang di ko naman tinapos dahil nawala na ang pokus ko sa numero nang masangkot na ako sa aktibismo at pulitika, at mapag-aralan ang iba't ibang isyu ng bayan.
Marahil namulat ako sa pulitika mula nang ako'y mangibang bansa, anim na buwan ako noon sa Hanamaki City sa bansang Japan bilang on-the-job trainee sa electronics. Naisip ko nga noon, bakit pumunta ako sa bansang Japan pa gayong ito ang lumusob noon sa Pilipinas at naging dahilan ng Ikalawang Daigdigang Digmaan dito sa Asya. Nang makabalik ako ng bansa ay naging regular na manggagawa ako sa isang Japanese-Filipino company, direct hire kaming galing sa Japan. Sa pabrika, mas nakita ko ang karanasan ng mga manggagawa hinggil sa iba't ibang isyu, tulad ng sahod at pag-uunyon. Dito na ako naunang maging aktibo sa pulitika. Sa katunayan, tatakbo nga ako noon bilang pangulo ng unyon ngunit dahil maraming ipinasok sa kumpanyang iyon ang tiyo ko na assistant manager naman sa kapatid na kumpanya ng pinapasukan ko, napigilan nila ako.
Nang mag-resign ako matapos ang tatlong taon ng paglilingkod sa kumpanya bilang machine operator, nag-aral akong muli. Nasa publikasyon ako ng paaralan bilang staffwriter nang ako'y maanyayahang maging bahagi ng aktibismo. Nagkainteres ako dahil iyon ang matagal ko nang hinahanap, bagamat di ko alam na hinahanap ko pala iyon. Naging bahagi ako ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) mula nang ito'y itatag mula sa pagiging LFS-NCR. Hanggang sa maging organisador ako nito, manunulat at maging opisyal sa pangrehiyong saklaw.
Nasa Kamalayan na ako nuon nang minsang pumunta ako sa Dapitan sa opisina ng National Federation of Student Councils (NFSC), kapatid na samahan ng Kamalayan. Dito ko nakilala ang isang naging kaibigan ko hanggang ngayon nang nag-aanyaya siya para sa isang pulong ng grupong pangkalikasan, ang Environmental Advocacy Students Collective (EASC) kung saan nang lumaon ay isa rin ako sa naging opisyal. Siya ang nagsama sa akin sa buwanang environmental forum sa Kamayan restaurant. Doon ko nakilala ang grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang mag-anyaya ito para sa isang ritwal ng Katipunan hinggil sa pagsasabuhay ng Kartilya.
Ayon sa tagapagsalita nito, nakakaumay ang pagtuturo sa eskwelahan ng kasaysayan dahil itinuturo daw doon ay pulos pagkabisa ng mga pangalan at petsa ng mga pangyayari, at hindi ang kahalagahan ng kasaysayan sa lipunan. Dagdag pa rito ang pagkilala ng pamahalaan sa mga pagkatalo, imbes na pagkapanalo ng ating mga ninuno sa kasaysayan. Kinilala ang pagbagsak ni Rizal, pagbagsak ni Ninoy, pagbagsak ng Bataan, at pagkilala sa huling heneral na sumuko sa Amerikano, pero di kinilala ang pagkabayani nina Macario Sakay, ang pagiging unang pangulo ni Andres Bonifacio, ang tagumpay sa Balangiga, bagamat naging trahedya sa bandang huli, ang pagsakop ng Katipunan sa kwartel ng Kastila sa Pasig sa "Battle of Nagsabado", at marami pang iba.
Hanggang maisagawa ng Kamalaysayan ang isang aktibidad na talagang nagpukaw sa aking interes sa kasaysayan, ang isang ritwal ng paglilibing sa mga labi ni Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal noong Mayo 10, 1997, kasabay ng paggunita sa ika-100 anibersaryo ng pagpaslang kay Bonifacio at sa kapatid niyang si Procopio. Nasa grupong Sanlakas na ako noon bilang staff. Marami kaming nakasaksi sa makasaysayang pagtitipong iyon.
Bilang manunulat at naging mag-aaral na ng kasaysayan, sinaliksik ko at sinulat ang librong "Macario Sakay, Bayani", na inilathala ng Kamalaysayan, kasabay ng panawagang magkaroon ng rebulto at ipangalan kay Macario Sakay ang pangunahing lansangan sa Maynila bilang pagbibigay-papuri sa kabayanihan ni Sakay, ang lider na pumalit kay Bonifacio sa Katipunan. Ang librong ito'y pormal na inilunsad sa UP Manila noong Setyembre 13, 2007, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng pagbitay sa bayaning si Macario Sakay. Nakadalo naman sa paglulunsad ng librong ito ang aking ama at kapatid na babae. Isang taon matapos nito, naglabas ng resolusyon ang senado bilang pagpupugay kay Macario Sakay, sa pamamagitan ng Senate Resolution 623 nina Senador Kiko Pangilinan at Senador Nene Pimentel noong Setyembre 9, 2008, at Senate Resolution 121 na nilagdaan ni Senate President Manny Villar at Ms. Emma Lirio-Reyes, Secretary to the Senate, noong Setyembre 16, 2008. Pinasinayaan naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Manila mayor Alfredo Lim ang pagtatayo ng rebulto ni Macario Sakay noong Setyembre 13, 2008, sa Plaza Morga, sa Tondo, Maynila. Bago ito'y ikinampanya ng grupong Kamalaysayan kay Mayor Lim, na kasapi rin ng Kamalaysayan, ang pagkakaroon ng rebulto ni Sakay sa Maynila.
Nalathala naman sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi na inilalathala rin ng Kamalaysayan ang ilan kong artikulong sinaliksik at sinulat, tulad ng istorya ng mga lider-manggagawang sina Teodoro Asedillo, Hermenegildo Cruz, Amado V. Hernandez, at Crisanto Evangelista.
Noong Pebrero 6, 2009 naman ay inilunsad ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang librong "Ka Popoy: Working Class Hero" sa UP Bahay ng Alumni, kasabay ng ika-8 anibersaryo ng kamatayan ni Filemon "Ka Popoy" Lagman, dating tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang nasabing libro, kung saan ang inyong lingkod ang siyang editor, ay koleksyon ng mga artikulo ng mga nakakakilala kay Ka Popoy hinggil sa kanyang buhay. Nilalaman din ng libro ang iba't ibang tula at isang awit tungkol sa kanya.
Noong Setyembre 14, 2010, kasabay ng ika-17 anibersaryo ng BMP, inilunsad naman sa Lungsod Quezon ang librong "KapitBisig, Pagkakaisa sa Laban ng Manggagawa ng Goldilocks" na hinggil naman sa kasaysayan ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks, mula sa pagtatayo nila ng unyon, labanan sa husgado, hanggang itirik ang welga, hanggang magkaroon ng settlement kaya natapos ang welga, at ang papuri ni dating CHR Commissioner Leila De Lima sa tagumpay ng BISIG-AGLO-BMP sa isinagawa nilang welga. Napakahalaga ng mga kasaysayang tulad nito dahil isinulat ang mga pakikibaka ng manggagawang ang pananaw nila'y bihirang talakayin sa mga pahayagan at dyaryong pag-aari ng kapitalista.
Mula sa matematika tungo sa pag-aaral at pagsusulat ng kasaysayan. Gayunman, di ko pa rin nakakalimutan ang matematika at ang hilig ko sa numero. Katunayan ay pampalipas ko ng oras ang pagsagot ng Sudoku, di lang sa dyaryo kundi mismong libro nito. Kasaysayan at matematika, kasaysayan ng matematika, matematika ng kasaysayan. Tila nakaukit na sa sistema ko ang dalawang ito dahil kaakibat na ito ng ating buhay sa lipunan.
Sadyang marami pang dapat saliksikin, basahin, sulatin, na mga makasaysayang pangyayari, na may mahahalagang aral upang maging giya ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. Mahahalagang aral upang di na maulit ang mga kabiguan ng nakaraan. Minsan nga ay sinabi ni Karl Marx sa kanyang akdang "18th Brumaire" hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan: "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."
Sadyang marami pang dapat saliksikin, basahin, sulatin, na mga makasaysayang pangyayari, na may mahahalagang aral upang maging giya ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. Mahahalagang aral upang di na maulit ang mga kabiguan ng nakaraan. Minsan nga ay sinabi ni Karl Marx sa kanyang akdang "18th Brumaire" hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan: "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."
Halina't pag-aralan natin ang kasaysayan upang maging gabay natin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Mabuhay kayo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento