ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ako nakapanood at nakapakinig ng boto ng mga senador noong Mayo 29, 2012 dahil dinaluhan ko ang isang imbitasyong kasabay nito, ang live webcast ng pag-uulat ng Pilipinas sa UN Human Rights Council. Ano ba ang mahuhuli natin sa mga bibig ng mga senador? Ito ang unang pumasok sa aking isipan habang ako'y pauwi.
Kaya sinaliksik ko, tinipon at binasa ang mga talumpati ng bawat senador hinggil sa kani-kanilang boto. Mas binigyang diin ko dito ang mga salitang tingin ko'y tagos agad sa masa, lalo na ang nasa sariling wika. Mga one-liners, ika nga, na nais kong ibahagi sa kapwa ko maralita.
HINGGIL SA PAGKAKAPANTAY NG HUSTISYA
Isa sa pinakamatingkad ang sinabi ni Senador Koko Pimentel: "Ang batas para kay Juan ay batas din para kay Renato." Napakapayak at madaling maunawaan ng simpleng tao, kahit na hindi nakapag-aral.
Halos katulad din ito ng sinabi ni Senador Chiz Escudero: "Ano man ang panukat na ginamit natin sa paghusga, siya ring panukat na dapat nating gamitin sa ating mga sarili."
HINGGIL SA KASALUKUYANG HUSTISYA SA BANSA
Inilarawan ni Senador Alan Peter Cayetano ang kalagayan ng hustisya sa bansa, kung saan hindi patas ang hustisya para sa mayaman at para sa mahirap. Marahil ay naalala ni Cayetano ang kantang Tatsulok, "...at ang hustisya ay para lang sa mayaman." Aniya: "Bakit ang isang clerk na hindi lamang nagdeklara ng isang stall sa palengke ay tinanggal na? Bakit ang mahirap pag nagnakaw bawal? Ano ba ang sinasabi natin sa mahirap? Bawal magnakaw. Bakit sa mayaman bawal magnakaw ng konti? Kasi pag nagnakaw ng marami lahat nang technicalities, lahat nang batas, lahat nang pwedeng ikomplika ang sistema para protektahan siya ay nasa kanya. Bakit po pag mahirap nahuli ang sasabihin sa kanya sa prisinto ka na magpaliwanag. Bakit po pag mayaman lahat ng lusot, batas, technicalities ay available sa kanya? "
Sabi nga ni Senador Pia: "Pag wala na ang tiwala ng taong bayan dapat bumaba sa puwesto ang isang opisyal para mapangalagaan ang posisyon na ‘yon."
Ayon naman kay Senador Teofisto Guingona III: "Sino po ba ang inaasahan ng ating bansa at lipunan para maging pangunahing tagapagtanggol ng Saligang Batas? Hindi po ba’t ang Korte Suprema? Anong aasahan nating pagtatanggol kung ang mismong pinuno nito ang unang humahanap ng butas na babaluktot dito sa ating Saligang Batas?"
Matalim ang naging obserbasyon ni Senador Francis Pangilingan hinggil sa ugali ng dating Punong Mahistrado: "Sa paglilitis na ito, nakita rin natin ang pagkatao ni Chief Justice. Siya ba ay dapat pa nating pagkatiwalaan? Kung hindi po natin i-convict si Ginoong Corona, anim na taon pa siyang uupo bilang Chief Justice. Kung kaya niyang ipagkait sa mismo niyang kamag-anakan ang kanilang ari-arian sa Basa Guidote gayong daang milyon na pala ang kanyang salapi, siya ba ay dapat pagkatiwalaan sa loob pa ng anim na taon?"
Dagdag pa ni Pangilingan: "Kung kaya niyang ipakita ang kawalan ng respeto sa 23 Senador nung siya ay nagtangkang magwalk-out, na sa aking paniwala ay napigil lamang dahil sa mabilis na kilos ng ating mahal na Senate President, ginawa sa harap mismo ng lahat ng media at buong bansa, paano kaya ang pagtrato niya sa maliliit nating mga kababayan na hindi mga Senador na dumudulog sa kanyang tanggapan para sa katarungan? Siya ba ay mapagkakatiwalaan na rumespeto sa maliliit nating mga kababayan sa loob pa ng anim na taon?"
Matalas naman at matalinghagang sinabi ni Senador Lapid: "Ngayon ang sinasabi niya, dyan sa isang pizza pie - hindi totoo yan na may 82 akong account. Siguro kung ako ho, ang pagbabasehan ko: Kung isandaang basong tubig na ilagay sa apat na drum lang ang kanyang account."
DELSA FLORES AT RENATO CORONA
Matingkad sa paninindigan ng mga senador ang nangyaring pagkakatanggal sa isang manggagawa ng Korte Suprema, kay Delsa Flores ng Davao. Sinabi ito ni Senador Sergio Osmeña III nang kanyang tinukoy ang kasong Rabe vs Flores, na ang Korte Suprema mismo ang nagtanggal sa kanilang manggagawa nang hindi naideklara sa SALN nito ang negosyo nito sa palengke ng Panabo sa Davao.
Ayon kay Senadora Loren Legarda: "Sa dinarami-rami po ng mga argumentong legal, ebidensya at pati na rin po ng napakaraming powerpoint presentations na inilatag ng prosekusyon at ng depensa sa paglilitis na ito ng isang kaso na hinatulan ng korte suprema noong 1997 ang tumawag sa aking pansin. Ito po yung kaso ng isang kawani ng hudikatura, isang interpreter sa regional trial court na siyang tinanggal sa serbisyo dahilan sa hindi nya naideklara ang kanyang negosyo sa palengke sa kanyang SALN. Ginoong pangulo, kung ang ating mga batas gaya ng Republic Act 6713 ay nagpaparusa, ng dismissal sa isang ordinaryong kawani ng gobyerno sa paglabag ng mandato upang maiwasan ang katiwalian wala po akong nakikitang dahilan para po hindi ipatupad ang ipatupad ang parehong batas na ito sa isang punong mahistrado."
Sabi naman ni Senador Francis Pangilinan: Sabi po ni Corona, "I believe that a member of the judiciary who is found guilty of dishonesty should not only be dismissed from the service; he should also be disbarred--no ifs or buts." Sa kanyang mga labi na mismo nanggaling na nararapat siyang ma-convict at masibak sa pwesto. Dapat po siya na ma-convict dahil siya po ay nagkasala. Tulad na lamang ng isang court interpreter sa Davao na sinibak mismo ng Supreme Court dahil hindi nito inilagay sa kanyang SALN ang pag-aari niyang market stall sa palengke. Tama ba na ang pagsisinungaling ng maliliit ay parusahan habang ang pagsisinungaling ng makapangyarihan ang tungkulan ay i-abswelto?"
HINGGIL SA SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth):
Sabi ni Senador Francis Escudero: "Ang Konstitusyon at R.A. 6713, pinag-uutos na ideklara ng lahat ng opisyal ng pamahalaan ang lahat ng kanilang yaman at pagkakautang. Kung ayaw mo ito ideklara, eh di huwag kang tumakbo para sa, o tumanggap ng anumang, pwesto sa pamahalaan. Subalit kung ikaw ay nasa pamahalaan, kelangan mo itong ideklara."
Ayon kay Senador Pimentel: "Simple lang, kung ayaw mong ilahad ang tunay mong yaman, wag kang pumasok sa gobyerno. "
PAPURI SA DATING PUNONG MAHISTRADO
Gayunman, pinuri pa rin ng isang senador si Corona bagamat hinatulan ito ng guilty. Ani Senador Francis Escudero: "Maging ganoon pa man, nais ko pong batiin muli si Chief Justice Corona dahil, sa kasaysayan ng bansa, siya ang kauna-unahang opisyal ng pamahalaan na nag-execute ng waiver para buksan ang anumang deposito nya sa banko. Sana siya at ang kasong ito ang magsilbing hudyat ng isang bagong simula sa ating bansa. Isang bagong simula kung saan di na pwede ang dating gawi! Panahon na para itaas natin ang pamantayan ng mga naninilbihan sa pamahalaan! At dapat pantay nating ipatupad ito di lamang sa kanya kundi sa ating lahat!"
KONKLUSYON
Lahat ng nasa itaas ay naghatol ng guilty kay Corona (20-3). Bagamat sila'y mula sa ibang paksyon ng naghaharing uri, nais pa rin nilang ipakita sa taumbayan na sila'y totoong lingkod, imbes na iniisip ay sariling interes. Ang kanilang mga sinabi ay puna sa sistema ng hustisya sa bansa, at nagnanais silang ito mismo ay mabago. Kaiba ito sa sinabi ni Senadora Miriam Defensor-Santiago na galit na galit na sinabing "why then are we considered one of the most corrupt country in the world?" Sinagot na niya mismo ang kanyang tanong nang hatulan niyang acquit si Corona.
At sa huli, ang hustisya sa bansa'y dapat patas para sa lahat, mahirap man o mayaman. Nawa’y ang naganap na impeachment na ito at pagkakahatol ng guilty kay dating Chief Justice Corona ay magbigay daan tungo sa pagkakapantay-pantay ng hustisya sa bansa. Kung paano ito mangyayari, dapat na ang mismong mga alagad ng hustisya ay hindi bulag, hindi bingi, at hindi nagpapatangay sa kinang ng salapi, dahil ang kanyang sinumpaang tungkulin ay dapat patas ang batas para sa lahat, lalo na sa mga maralitang hindi kayang magbayad sa kanilang mga abogado. Sabi nga ni Senador Pimentel, "Ang batas para kay Juan ay batas din para kay Renato."
Dahil sinuman ang napatunayang nagkasala ay dapat parusahan. Ika nga ni Senador Lapid, "Pasensya na po. Pasensya na po. Ang hatol ko sa inyo, guilty."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento