Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Paglalakbay sa Mae Sot

PAGLALAKBAY SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mataas ang aking moral nang dumating dito sa Pilipinas matapos ang mahigit isang linggong paglalakbay at pakikisalamuha sa mga taga-Burma na nasa Mae sot sa bansang Thailand. Mataas ang aking moral dahil naihatid ko ang mensahe ng FBC-Phils (Free Burma Coalition-Philippines) at IID (Initiatives for International Dialogue) hinggil sa pagtataguyod ng karapatan at pakikibaka ng mga taga-Burma tungo sa katarungang panlipunan at demokrasya sa kanilang bansa.

Ang mataas na moral na ito'y di nararapat na basta na lamang maglaho ang init dahil lamang nakabalik na sa dating pugad. Bagkus ito'y simula ng mas matatayog pang pakikibaka sa hinaharap, di lang sa Kalakhang Maynila, di lang sa bansa, kundi maging sa pakikibaka ng mga tagaibang bansa tungo sa kanilang paglaya mula sa pagkaapi at pagsasamantala.

Kaya nga ang pagkakapadala sa akin sa Mae Sot sa panahong hindi ko akalaing magaganap ay isang pagkakataong hindi ko inaksaya, o itinuring na isang simpleng paglalakbay lamang. Ito'y paglalakbay na may misyon - ang makisalamuha, matuto at magbahagi sa mga taong katulad natin ay nakikibaka para baguhin ang isang lipunang mapagkait ng mga karapatan.

Ika-7 ng Setyembre ng ako'y mapili sa pulong ng FBC-Phils na siyang ipapadala sa Mae Sot sa Thailand, malapit sa hangganan ng bansang Burma at Thailand. Ang FBC-Phils ay itinayo ng IID noong 1995. Ang KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod) ang organisasyong kinakatawan ko sa loob ng FBC-Phils.

Hapon ng ika-14 ng Setyembre, nagpulong ang apat na Pilipinong tutungo sa Mae Sot sa tanggapan ng ACF (Active Citizenship Foundation) sa Lungsod ng Quezon. Iyon ang una naming paghaharap. Nagkaroon ng talakayan hinggil sa aming layunin ng pagtungo roon. At kinabukasan na agad ng umaga ang aming alis. Di sapat ang panahon para makapanghiram pa ako ng kamera at laptop kaya tatlong notbuk na lamang ang aking dinala para sa anumang dokumentasyon, at didiskarte na lamang kung paano magkakaroon ng litrato kapag naroon.

Umaga ng ika-15 ng Setyembre, mula sa paliparan ng NAIA ay dumating kami ng tanghali sa paliparan ng Bangkok, Thailand, at gabi na kami bumiyahe patungong Mae Sot. Walong oras ang biyahe, ngunit maganda ang pag-asikaso sa bus, dahil tila ito eroplanong may stewardess, may meryenda, at may suplay na kumot bawat pasahero para sa buong biyahe.

Madaling araw ng Setyembre 16 nang makarating kami sa Mae Sot, at nagtuloy kami sa isang otel upang ilagak ang mga gamit, magpahinga at matulog. Tanghali nang makilala namin ang mga kasapi ng YNS (Youth for New Society) na siyang sumundo sa amin, at kami'y nananghalian sa isang restoran.

Gabi na nang kami'y sunduin nilang muli at nagtungo sa tanggapan ng DPNS (Democratic Party for a New Society), na siyang kausap ng ACF sa Mae Sot. Doon ay nagpakilanlanan kami at nagkaroon ng kaunting talakayan. Matapos iyon ay bumalik muli kami sa otel at doon natulog.

Setyembre 17 nang magtungo muli kami sa tanggapan ng DPNS. At dito'y tinalakay ng mga kasamang taga-Burma kung ano ang DPNS, mga layunin at adhikain nito, at ang papel nito sa pakikibaka para sa kalayaan sa kanilang bansa mula sa diktadura. Pagkapananghalian ay dinala na kaming apat na Pilipino sa kani-kanyang mga tutuluyang organisasyon. Napunta si Jehhan sa tanggapan ng Burmese Women's Union (BWU). Si Sigrid ay sa DPNS School for Girls, si Raniel ay sa DPNS School for Boys, at ako naman ay sa tanggapan ng YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association).

Mainit ang pagtanggap ng kasamang Moe Swe sa akin sa YCOWA, at nagkausap agad kami hinggil sa aking pamamalagi roon ng isang linggo. Dinala niya ako sa aking magiging kwarto at tulugan. Nasa ikatlong palapag iyon, malawak at natatabingan lamang ng kumot ang bahaging tulugan. May ilang nakatambak na gamit. Mahangin dahil natatabingan ng rehas mga pader, at tanaw na ang mga bituin sa langit tuwing gabi.

Merong safe house o bahay-panuluyan ang YCOWA kung saan ang mga tinutulungan nilang migranteng manggagawa ay tumutuloy habang gumugulong ang kanilang kaso. Mamamalagi sila doon hanggang maipanalo nila ang kanilang kaso. Pumunta kami ng isang staff ng YCOWA doon at nakapanayam ko ang isang migranteng naputulan ng paa. Tuwing gabi, bandang 5:30 hanggang 7:00, naglalaro doon ang mga migrante ng sepak takraw. Para itong volleyball na imbes na kamay ang ginagamit ay paa at ulo.

Nang hapong iyon ay maraming migrante sa kanilang opisina. Iyon ang huling araw ng kanilang kanilang limang-araw na edukasyon hinggil sa Labor and Human Rights. Gradwasyon nila ng gabi, at nagkaroon ng kaunting kasiyahan at inuman.

Sa sumunod na dalawang araw ay pawang pagdalaw at pakikipagtalakayan naming apat na Pilipino, kasama ang aming mga giya’t tagasalin, sa iba't ibang organisasyon. Setyembre 18, ika-5 anibersaryo ng Rebolusyong Saffron, at isinama ako nina Moe Swe ng YCOWA sa Ragira Hotel, kung saan naroroon ang dalawampung monghe na nagtalakay ng mga pangyayari kaugnay ng anibersaryo. Maraming media doon, at doon na ako sinundo nina Tintin ng YNS, kasama sina Sigrid at Raniel.

Dumiretso kami sa tanggapan ng BWU (Burmese Women's Union) at nakipagtalakayan doon. Makapananghalian, nagtungo naman kami sa tanggapan ng SYCB (Students and Youth Congress of Burma). Matapos doon ay nagtungo naman kami sa tanggapan ng YCOWA, kung saan nagbahagi si Moe Swe ng mga datos at nagpalabas ng isang video hinggil sa kalagayan ng mga migranteng manggagawa. Panghuli'y tinungo naman namin ang DPNS School, kung saan tinalakay ang kalagayan ng Pilipinas, at nagbahagi rin kami sa mga estudyante roon ng aming karanasan, ang aming organisasyong kinakatawan, at kung bakit kami naroroon.

Gabi na akong nakabalik sa tanggapan ng Yaung Chi Oo, at nagpatuloy ako sa pagsusulat ng aking mga repleksyon sa mga nagdaang araw sa anyong patula. Mga alas-dose na ng gabi ay pinatay ko na ang ilaw at natulog.

Nang sumunod na araw, Setyembre 19, una naming pinuntahan ang kilalang Mae Tao Clinic. Ito ang klinikang itinayo matapos ang Rebolusyong 8888 sa Burma at tumulong sa mga taga-Burmang lumikas sa kanilang bansa at nagtungo sa border ng Burma't Thailand.

Matapos doon ay nagtungo naman kami sa CDC (Children's Development Center) kung saan nakaharap namin ang prinsipal at ang isa pang guro. Kinausap kami ng guro sa wikang Ingles habang tahimik lamang ang prinsipal. Layunin ng CDC na magbigay ng edukasyon sa mga anak ng mga migrante, at mga nagsilikas sa Burma.

Isa pang paaralan ang tinungo namin, at ito'y sa New Society Learning Center, na siyang primary school ng DPNS.

Kinahapunan ay nagtungo naman kami sa tanggapan ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners). Nakipagtalakayan kami sa babaeng namamahala rito, at dinala pa niya kami sa maliit na museyo nito. Maraming litrato rito ng mga nakakulong, namatay, at mga lumaya, at may maliit na molde ng isang kulungan. Bago kami umalis dito'y bumili kaming apat ng t-shirt ng AAPP bilang aming suporta sa kanilang pakikibaka para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal sa Burma.

Huli naming pinuntahan ng araw na iyon ang tanggapan ng FDB (Forum for Democracy in Burma), na siyang tumatayong umbrella organization ng pitong samahan, kasama na ang DPNS, BWU at YCOWA.

Setyembre 20, nagtungo ako sa Yaung Chi Oo Day Care Center, at nakipagtalakayan sa dalawang guro nito. Kasama ko rito ang isang staff ng YCOWA, at nakapanghiram ako ng kamera. Dito nagsimula ang dokumentasyon ko ng mga litrato. Halos anim na kilometro ang layo ng Day Care Center sa tanggapan ng Yaung Chi Oo, at nasa loob ng bukid. Nilibot din namin ang kabukiran dito at nakausap ang ilang migranteng manggagawang nagtatanim dito. Bandang hapon, nagtungo naman kaming muli sa safe house at nakapanayam ang ilang manggagawang tinanggal sa trabaho. Nakatalakayan ko rin ang tatlong staff kung paano ba ako gumagawa ng libro, estilo ng bookbinding, pagdisenyo nito gamit ang pagemaker, photoshop, at pagdisenyo sa microsoft publisher.

Setyembre 21, ika-40 anibersaryo ng martial law sa Pilipinas. Buong umaga'y nagtalakayan kami ng mga staff ng Yaung Chi Oo hinggil sa Rebolusyong Edsa, sa Maguindanao massacre, at iba pang isyu sa Pilipinas. Tinalakay ko rin sa kanila ang kampanya ng Free Burma Coalition-Philippines, at binigyan ko sila ng brochure nito. Tinalakay ko rin kung paano ba namin isinasagawa ang kampanya sa Pilipinas, pati na ang gawaing propaganda. Bandang hapon naman ay nagtungo kami ng isang staff sa dalawang pagodang maraming mga migranteng manggagawa sa paligid. Pag-aari ang lupain ng mga Thai, maraming mais na tanim, at iba pang mga halaman. Malapit ito sa dam, at sa bundok na di gaanong kataasan. Nagkatalakayan kami rito hinggil sa kalagayan ng mga migrante at napuntahan din ang ilang pabrikang maraming migrante, bagamat di namin nakausap ang mga manggagawa dahil oras ng trabaho. Gabi, sinundo ako sa opis ng YCOWA at tumungo sa DPNS School. Nagkaroon doon ng munting kasiyahan at programa. Nagsayaw ang mga taga-Burma, may mga kumanta, at ako naman ay bumigkas ng alay kong tula.

Setyembre 22, nagkita-kita muli kami ng mga kasama kong Pinoy doon, at nagtungo kaming apat sa border ng Burma at Thailand. Papasok kami sa Burma. Naiwan ang aming mga kasamang taga-Burma, habang tumungo naman kaming apat sa Imigrasyon sa Tak, Thailand. Tinatakan ang aming pasaporte, at naglakad na kami sa di gaanong kahabaang tulay patungong Burma. Tila mahaba pa ang tulay ng Quiapo at ang ilog na naghihiwalay sa dalawang bansa ay halos kalahati lamang o sangkatlo (1/3) sa lapad ng ilog-Pasig.

Nakarating kami ng Burma. Dumiretso kami sa Imigrasyon ng Myanmar at nagbayad ng limangdaang Baht bawat isa. Lakad. Lakad. Lakad. Sa gitna ng araw. Simpleng bansa, parang Quiapo ang isang bahaging iyon ng Burma. Marahil mas maganda at maunlad sa Yangoon. Nakita namin doon ang isang opisina ng NLD (National League for Democracy) na siyang partido ni Daw Aung San Suu Kyi. Nasa ikatlong palapag iyon. Napakainit ng sikat ng araw, lakad kami ng lakad ng walang tiyak na patutunguhan, kaya nagpasiya kaming bumalik na lamang sa Mae Sot.Isang oras lamang kami sa Burma. Kinuha na namin ang aming pasaporte sa Imigrasyon ng Burma. Naglakad muli sa tulay at pumasok muli sa Thailand. Malapit doon ay may pamilihan, tulad ng Cartimar sa Recto Ave., sa Maynila. Doon kami nagtagal at namili sila ng ilang mga gamit at pasalubong. Ako naman ay isang t-shirt na may tatak na Mae Sot at panregalong apat na bag na pambabae ang nabili.

Matapos mananghalian, nagtungo naman kami sa dalawang pagoda. Ang unang pagoda ay napapalibutan ng mga estatwang manok sa bandang ibaba, na animo'y bantay. Ang ikalawang pagoda naman ay may isang palaisdaan sa paligid, at maganda ang artitektura ng pagoda, dahil animo ito'y nabagsakan ng mabigat na bagay, kaya nakabaluktot ang tila palasyo nitong tahanan. Gabi ay kumain kami sa isang restoran, nagtalakayan sa gitna ng mga umuusok sa anghang na ulam, habang tigiisang beer naman kaming mga kalalakihan.

Setyembre 23, araw ng Linggo, maaga akong gumising, at naglaba ng ilang damit. Nagsulat muli sa aking munting notbuk, at nagtungo sa safe house upang makipagkwentuhan sa mga migrante roon. Sabay kaming kumain, nanood ng telebisyon, nakatulog, at bandang hapon ay naglaro kami ng sepak takraw.

Setyembre 24, tinanong ako ng ilang staff hinggil sa planong World Social Forum. Sabi ko'y idaraos ang ika-5 World Social Forum sa Pilipinas, at nais niyang magawa rin ito sa kanilang bansa. Matapos nito'y nagtungo ako, kasama ang dalawang staff, sa Yaung Chi Oo mobile clinic, at sa Sky Blue School, na pawang proyekto ng YCOWA. Dala nila ang kanilang kamera kaya may ilang kuha din ako sa mga lugar na pinuntahan namin. Malapit ang klinika’t eskwelang ito sa tambakan ng basura, tulad ng Payatas. Nilibot din namin ang tambakang ito, di naman ito mabaho, di tulad ng Payatas. May recycling plant sa paligid nito, at ang mga nagtatrabaho rito ay mga migrante rin. May mga dampa sila rito, at marumi na ang tubig sa katabi nitong malaking sapa.

Bandang hapon naman ay tinalakay ko ang labor and workers rights sa mga bagong dating na manggagawang taga-Burma sa tanggapan ng DPNS. Hindi ko dala ang aking gamit, dahil nang naroon na ako nang sabihin sa akin ang paksa. Buti na lamang at nakatago ito sa sulok ng aking memorya, kaya nairaos ko rin ang aking pagtuturo. Hiniling ng isa na talakayin ko ang kasaysayan ng tagumpay ng walong oras ng paggawa, kaya sinimulan ko ang pagtalakay sa naganap na rali at trahedya sa Haymarket Square. Nagkaroon ng malayang talakayan, habang patuloy naman ang pangulo ng YNS sa pagsasalin sa wikang Burmes ng aking mga sinabi. Gabi ay may kasiyahan sa opisina ng Yaung Chi Oo, dahil ang editor ng kanilang dyaryo ay nag-resign na, at nagdesisyon nang bumalik sa Burma. Matapos ang kainan, sinulat ko ang aking ulat sa loob ng aking pamamalagi doon. Iyon ang aking huling gabi sa opisina ng Yaung Chi Oo.

Umaga ng Setyembre 25, tinalakay ko sa pamunuan at mga staff ng Yaung Chi Oo ang isang powerpoint presentation na pinamagatan kong "Assessment and Learnings". Mismong si Moe Swe ang nagsasalin nito sa wikang Burmese para sa kanyang mga staff. Humingi sila ng kopya nito. Sa talakayan, sinabi ng head ng kanilang komite sa edukasyon na inaasahan nilang makatulong ang Pilipinas, lalo na sa pamamagitan ng kampanya ng Free Burma Coalition-Philippines, na patuloy na mangampanya para sa karapatang pantao at tunay na demokrasya sa Burma. Bago umalis ay pinabaunan ako ng YCOWA ng isang regalo, at binigyan ako ng mga kuhang litrato mula sa aming mga lakad at kuha sa pagtatasa.

Bandang alauna ng hapon, sinundo na ako ng isang taga-DPNS sa tanggapan ng Yaung Chi Oo, at nakamotor kaming nagtungo sa opisina ng DPNS. Nagpulong kami rito hinggil sa aming assessment sa mga aktibidad at aming mga ginawa.

Ikapito ng gabi ay nagdatingan kami sa isang restoran, kasama ang iba pang mula sa iba't ibang organisasyon. Nagbigay ang bawat isa ng kani-kanilang pananalita, at nagkatalakayan habang kumakain. Pinabaunan kami ng mga kasamang taga-Burma ng regalo. Ika-8:45 ng gabi, isang oras bago ang alis ng bus, ay nagkamayan na kami at nagpaalam, dala ang pag-asang patuloy kaming magkakaugnayan para sa pagpapalaya ng Burma. Paalam, Mae Sot!

Sumakay kami ng bus. Tulad ng dati'y may stewardess, may merienda, at nakasakay kami sa ikalawang palapag ng bus. Habang daan ay di ako gaanong nakatulog. Pinagmasdan ko ang ilang tanawin kahit gabi. Ang Mae Sot na'y isang alaala. Ngunit alaalang hindi maaaksaya, bagkus nagbigay ng lakas sa amin upang patuloy na makibaka, at makipagkaisa sa iba pang mamamayan sa mundo na nangangailangan ng daigdigang pagkakaisa.

Nakarating kami ng Bangkok ng madaling araw ng Setyembre 26. Nagtaksi kami patungong Khao San Road, na animo'y Carriedo, umupa ng otel, natulog, gumising, nanood ng telebisyon, at kumain sa McDo. Bandang hapon, naglibot kami sa Khao San, hanggang gabi, at kumain sa isang restoran.

Alasais ng umaga'y umalis na kami ng otel at nagtungo na sa Bangkok airport. Ika-9:45 ng umaga nang lumipad na ang eroplano. Nakarating kami sa Pilipinas ng ikalawa ng hapon.

Hanggang ngayon, hindi ko lubos-maisip kung bakit ako ang naipadala. Ito ba'y tadhana? Marahil, may papel akong dapat gampanan, lalo na sa FBC-Phils, kung saan mas dapat akong lalong magsipag sa pagkilos.

Hindi nasayang at di ko sasayangin ang pagkakapunta namin sa Mae Sot. Nagbigay ito ng puwang upang mas magsipag pa kami sa pagkilos tungo sa internasyunalismo at internasyunal na pagkakaisa.

Panahon namang gawin ang isang aklat hinggil dito. Pinamagatan ko ang aklat na ito na “Paglalakbay sa Mae Sot”.

Hanggang dito na lamang. Mabuhay at maraming salamat!

Ika-2 ng Oktubre, 2012, sa Lungsod Quezon

Walang komento: