Lunes, Disyembre 29, 2014

Ang Aklat na Philippine Native Trees 101

ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Nagkaroon ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Gayunpaman, hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad. Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.

Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap. Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.

Ang mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.

Noong Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking mga magulang at tumututok sa pagtatanim. 

Dagdag pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda, kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno sa tabi ng aming bahay.

Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina. 

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG sa Kamayan Environment Forum

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Greg Bituin Jr.
 

Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.

Linggo, Disyembre 14, 2014

Dapog at Gambalay

DAPOG AT GAMBALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salita sa buong Climate Walk ang aming natutunan. Tulad na lamang sa Samar. Nakatatak sa kulay kahel na baro ng mga nagsisama sa Climate Walk: "Climate Justice, Yana Na!" Ibig sabihin ng Yana Na ay Ngayon Na!

Habang nagpapahinga sa isang lugar na dinaanan ng Climate Walk, may isang pahayagang tabloid na aking binasa - ang pahayagang Pang-Masa, na may petsang Oktubre 22, 2014, pahina 9. Sa isang krosword doon ay aking nakita, Pababa 28 - Makapal at maitim na usok. Di ko alam ang sagot. Kaya sinagutan ko muna ang mga katabing tanong nito. Hanggang sa mabuo ko ang krosword. Ang lumabas na sagot. DAPOG.

May salita palang ganito na maaaring magamit bilang salitang kaiba sa simpleng usok lamang, dahil maliwanag ang depinisyon nito - makapal at maitim na usok.

Sa isang islang pinuntahan namin sa Camotes Island sa Cebu, nakita ko ang salitang Gambalay. Salin ito ng salitang framework na sa salitang Bisaya. Ang Hyogo Framework for Action ay isinalin sa Bisaya na Gambalay sa Paglihok sa Hyogo. GAMBALAY. Kaiba ito sa BALANGKAS sa wikang Filipino pagkat iba ang outline sa framework. Ang outline minsan ay burador pa lamang, habang ang framework ay outline na pinagkaisahan at pinatutupad na. 

Dapog at gambalay. Bilang makata, nais ko nang pasimulan ang paggamit nito sa wikang Filipino bilang ambag lalo na sa usaping climate change. Kailangan marahil itong ikampanya sa Komisyon ng Wikang Filipino upang magamit na ito.

Samantala, sinimulan ko na ang mga itong gamitin sa pagtula.

Sabado, Disyembre 13, 2014

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba isinusulat ang isang epiko? Karaniwan itong isinusulat na patula, kumbaga'y isang mahabang nobela sa paraang patula.

Nariyan ang Epiko ni Gilgamesh, na sinasabing siyang pinakamatandang nasulat na epiko na buhay pa hanggang ngayon. Nariyan din ang Iliad at Odyssey ng Griyegong si Homer. Sa ating bansa, nariyan ang Biag ti Lam-Ang mula sa Ilokos, ang Darangan mula sa Lanao, ang Hinilawod sa Panay, ang Ulilam sa Kalinga, ang Ibong Adarna, ang Ibalon mula sa Kabikulan, ang Tuwaang ng Bagobo, ang Jikiri ng mga Tausug, ang Dagoy ng Palawan, ang Hudhud ng Ifugao, at marami pang iba. Naisulat, kung di man nagpalipat-lipat sa bibig ng salinlahi, ang mga ito sa paraang patula, o panitikan. Mga epiko ito ng kabayanihan na binibigkas o kaya naman ay inaawit.

Batay sa pag-aaral ng ating kasaysayan, isang uri ng panitikan ang epiko. Kadalasang tinatalakay nito o ikinukwento ang mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa kanilang kaaway na sa kasalukuyan ay halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpong makababalaghan at hindi kapani-paniwala. Hindi kapani-paniwala sa panahong ito ng kompyuter at agham, ngunit sa kanilang panahon, o panahon ng ating mga ninuno, marahil ito'y kapani-paniwala. May ilang pag-aaral ding nagsasabing batay sa mga totoong tao ang mga epiko.

Tulad din ng kwento ng kabayanihan sa panahong ito, ang mga makabagong epiko, na hindi natin basta mapaniwalaan, ngunit nagagawa pala.

Tulad ng naganap na Climate Walk na isang paglalakad mula Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Noong una'y maraming nagsasabing hindi ito magagawa, ngunit sa aming sama-samang pagkilos, nagawa namin ang sinasabi nila noong imposible.

Ang Climate Walk ay isang epiko. Epiko ng pag-asa. Epiko ng hustisya.

Kasama ang mga bagong kakilala, may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may mabuting pananaw at mabuting pagtanaw sa kinakaharap ng daigdig? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong handang ibigay ang kanilang panahon para sa kagalingan ng kanilang kapwa? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may dakilang hangarin? Hindi ba't kaysarap nilang makasama dahil positibo silang mag-isip? Ang kanila ngang prinsipyo, imbes na "Kaya ngunit mahirap" ay "Mahirap ngunit kaya!"

Makabagong epiko ang Climate Walk. Iba't ibang tao, iba't ibang pinanggalingan, iba't ibang kaisipan, ngunit nagkakaisa sa panawagang "Climate Justice Now!" Oo, nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Na tila ba pag-uulit ng sinabi ng bayaning si Gat Emilio Jacinto sa kanyang mahabang akdang Liwanag at Dilim. Ani Jacinto, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Ano ba ang pakay ng Climate Walk? Hindi lang ito simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan.

Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Kaarawan ko rin iyon.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis, at ito ang nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, di lang sa isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangya, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. Panawagan ito sa lahat na kumilos na at pag-isipang mabuti ang dapat gawin sa papatinding epekto ng nagbabagong klima. Ang lahat ay dapat kumilos.

Kabayanihan. Nagsimula ang Climate Walk sa simbolo ng dalawang bayani. Sa Kilometer Zero kung saan naroon ang rebulto ng pambansang bayaning si Jose Rizal, at Oktubre 2, na kaarawan ni Mahatma Gandhi ng India na nagpasimula ng active non-violence, na siyang ginawang petsa ng deklarasyon ng Oktubre 2 bilang International Day for Non-Violence. Ayon nga kay Commissioner Naderev Saño ng Climate Change Commission, paggising niya sa umaga ay nakikita niya ang kanyang mga kasama bilang bayani, lalo na sa mga sakripisyo at panahong kanilang inilaan para sa Climate Walk. Tulad ng bayaning si Baltog sa epikong Ibalon na tumalo sa mga halimaw, ginapi rin ng mga nasa Climate Walk ang anumang alalahanin upang marating ang layunin.

Katatagan. Sa kabila ng mga paltos at pagod na katawan, nagpatuloy pa rin ang mga nagsisama sa Climate Walk. Hindi nalimutang magdala ng tubig bawat isa sa paglalakad, at pag-inom tuwina ng bitamina. Sa epikong Ibong Adarna, kailangang pigain ni Don Juan ng kalamansi ang kanyang sugat upang hindi makatulog at maging bato tulad ng kanyang dalawang kapatid. Ang katatagan ng mga nasa Climate Walk ay hindi mapasusubalian, sa kabila ng mga paltos sa paa, at sakit ng katawan. Nakagagawa sila ng paraan upang malutas ang mga iyon.

Pagtutulungan. Bawat isa ay tulung-tulong sa anumang maaaring gawin, lalo na sa panahon ng pagpapahinga. Sa paglalakad naman ay tinitiyak na bawat isa'y nakasasabay sa lakad at walang nahuhuli, at kung may mahuli man ay tiyaking may kasama ito o ka-buddy upang anuman ang mangyari ay alam ng mga kasama. Makagagawa agad ng paraan kung may mga kinaharap na problema. Tulad ng pamumuno ni Aliguyon sa epikong Hudhud, ang pagtutulungan sa Climate Walk ay tunay na nagpagaan sa anumang hirap na nararanasan. Patunay lamang na ang nagkakaisang pagkilos ay may kapupuntahan kaysa kanya-kanyang pagkilos.

Palakaibigan. Kahit bago pa lamang magkakakilala ay naging malapit na sa isa't isa dahil sa araw-araw na pagsasama. Kahit marahil ang mga naitatagong lihim, lalo na sa pag-ibig, ay unti-unting nabubunyag, at minsan ay napag-uusapan. Salu-salo sa pagkain, kasama sa litratuhan, sabay-sabay na umaawit, kwentuhan, tawanan.

Pagkamalikhain. Anuman ay nagagawan ng paraan, tulad na lamang ng pagpapatuyo ng labahin, nakagagawa ng mga sinampay sa mga lugar na walang sampayan. Si Lam-ang sa na nanligaw kay Ines Kannoyan ay kayang magpabagsak at magtayo ng bahay sa pamamagitan ng tilaok ng kanyang manok at tahol ng kanyang aso.

Awitan. Di lamang ang climate walk song na "Tayo Tayo" ang inaawit, kundi nang minsang magkantahan sa videoke sa barko ay may kaugnayan pa rin sa paglalakad ang inawit. Pambungad ngang inawit ng isang kasama ang "Walk On" sa barko papuntang Allen.

Maraming karanasang hindi malilimutan, ang mga halakhak, kwentuhan, at nagkaroon din minsan ng iyakan at samaan ng loob, ngunit naayos din naman  dahil napag-usapan. Mayroon namang debate hinggil sa iba't ibang isyu na napag-uusapan lamang ngunit nagkakaunawaan naman.

May mga muntikang disgrasya rin. Ang isa ay nang mag-overtake ang isang 10-wheeler closed van sa isang bus, at nawalan iyon ng preno, at ang isa ay nang bumagsak ang isang motorsiklong may sakay na mag-iina.

Ang tuwinang pag-awit ng Climate Walk song na "Tayo Tayo" ay isa sa nakapagpapagaan sa paglalakbay at nagsilbing tulay sa iba pang organisasyon at mga estudyanteng nakasalamuha upang magkaunawaan sa iisang layunin.

Ang tuwinang pagkukwento ng inspirasyunal na kwento ng batang babae at ng starfish (kurus-kurus) ay talagang nakapagbibigay sigla sa marami sa marangal na layuning maging isa at maging kaisa sa panawagang hustisyang pangklima.

Ang pamimigay ng climate and disaster resilience tool kit ay malaking tulong sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa pagkilos at pag-alam ng dapat gawin hinggil sa nagbabagong klima.

Minsan, may nagsasabing bakit kami naglalakad at may mapapala ba kami diyan? Hindi namin inilusyon o wala sa aming hinagap na masosolusyunan ang climate change ng isang mahabang paglalakbay. Ngunit ang bisa ng Climate Walk ay ang patuloy nitong pagkilos upang makapunta sa iba't ibang lugar at makisalamuha sa iba't ibang tao, mayaman o mahirap, upang ihatid at ipaunawa ang panawagang "Climate Justice Now!". Ipinapahayag ding hindi dapat ipasa sa kabataan ang mga problema dahil sila ang pag-asa ng bayan. Ang pag-iwas sa problema ay hindi solusyon, lalo na ang pagpasa lang nito sa iba. Dapat lahat tayo ay kumilos, bata man o matanda.

Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran, ayon nga sa awitin ng grupong Asin nina Lolita. Ngunit nagmamasid lang ba tayo at hindi kumikilos?

Tugon ko nga sa isa, hindi totoo na wala kaming napapala. Marami. At ang sama-samang pagkilos sa iisang layunin ay may magagawa. Hindi ba't nagsama-samang kumilos ang taumbayan noong Edsa Uno na nagpatalsik sa isang diktador? Hindi ba't dahil sa sama-samang pagkilos ay nakukuha natin ang opinyong publiko at nauunawaan nila kung bakit dapat kumilos. Ang nanonood lamang ay hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Si kasamang Joemar ay laging hawak ang bandila ng Pilipinas at laging nasa unahan ng bulto, minsan ay nakapaang naglalakad kahit kainitan ng araw. Si Brother Raul at Alan Silayan ay matagal ding tumangan at nagwagayway ng bandila sa buong Climate Walk. Winagway din ng mga kasamang babaeng sina Charley at Nitya ang bandila ng Pilipinas na animo'y nasa Olympics.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Hindi mo aakalaing kakayanin ng marami sa amin na lakarin ng ilang araw ang isang lugar na kaylayo, at isanlibong kilometro ang inaasahan noong lalakarin. Bakit lalakarin ng apatnapung araw ang isang lugar na kaylayo na kaya namang marating ng isang oras sa pamamagitan ng eroplano. Sabi nga ng mga kasama, kung hindi tayo naglakad, hindi natin makakasalamuha ang iba't ibang tao, na ngayon ay atin nang mga kaibigan at kaisa sa panawagang climate justice.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ang mga bida ay hindi ang mga naglakad o yaong tinatawag na Climate Walk core dahil walang nais maging bida. Ang bida ay ang panawagang Climate Justice Now! Ang bida ay ang mensahe, hindi ang personahe. Ang bida ay ang taumbayang kumikilos at patuloy na kumikilos para sa kapakanan ng kanilang kapwa upang mapaliit ang epekto ng nagbabagong klima sa kanilang mga lugar, at makaagapay sa nagbabago at nagbabagang panahon. At sa isang epiko, ang bida ay hindi natatalo. Kaya tiyakin nating ang bida sa epikong ito ng makabagong panahon ay hindi magagapi. Ika nga, walang rematch sa climate change. Hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. At ang may-akda nito ay ang lahat ng sumama, sumuporta at nakiisa sa mahabang lakaring ito.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ika nga ni Commissioner Yeb Saño, hindi lamang Tacloban ang destinasyon nito kundi ang puso't isipan ng mga tao, di lamang sa ating lugar, kundi sa mga bayan-bayan, at sa iba't ibang bansa sa daigdig.

Nawa ang makabagong epikong ito'y basahin, pakinggan, at magsilbing aral sa mga susunod na henerasyon, lalo na yaong hindi pa ipinapanganak, dahil hindi natin dapat iwan sa kanila ang isang daigdig na nasisira.

Panahon na upang ipagpatuloy ang epiko ng makabagong panahon. Para sa hustisyang pangklima. Para sa patuloy na pagpapahayag ng pag-asa.

Martes, Disyembre 9, 2014

Paunang Salita sa aklat na Sa Bawat Hakbang

Paunang Salita

CLIMATE JUSTICE NOW

Hindi pa tapos ang paglalakad, kahit tapos na ang aktibidad ng Climate Walk na nagsimula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang Tacloban (Ground Zero) mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014. Hindi pa tapos ang paglalakad dahil kailangan pang magpatuloy, dahil kailangan pang manawagan ng hustisyang pangklima sa lahat, dahil marami pang dapat gawin. Ang Climate Walk ay panimula pa lamang. Marami pang mithiin, marami pang dapat gawin, marami pang dapat imulat sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, sa panawagang mitigasyon at adaptasyon, sa panawagang malawakang magbawas na ng dapog o emisyon ang mga malalaking bansa, lalo na yaong nabibilang sa Annex 1 countries, sa panawagang pagkakaisa.

Bilang opisyal na kinatawan ng grupong Sanlakas at ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa mahabang Climate Walk, ang aklat na ito’y naglalaman ng dalawang sanaysay at 82 tula. Ang bawat araw na pag-uulat ng inyong lingkod, pati na rin ang sari-sariling palagay ng makata, sa kasagsagan ng Climate Walk, ay inakda sa anyong patula bilang munting ambag sa panitikan at sa patuloy na pagmumulat at pagkilos para sa hustisyang pangklima.

Nawa’y inyong manamnam ang tamis at pait ng mga danas at pakikibaka para sa hustisyang pangklima.

Taos-puso ko po itong inihahandog sa inyo, at nawa, pagkatapos ninyong basahin ang mga akda ay patuloy tayong kumilos upang makamit ng sambayanan at ng iba pang mamamayan sa daigdig ang inaasam na hustisya, pagkat may pag-asa pa kung kikilos tayong lahat ng kolektibo at sama-sama. Dahil bawat hakbang ng pagkilos ay mahalaga.

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Disyembre 9, 2014
Sampaloc, Maynila

Martes, Hulyo 8, 2014

Ang isina-Filipinong Asian Horror Stories ng GMA 7

ANG ISINA-FILIPINONG ASIAN HORROR STORIES NG GMA 7
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Una kong napanood ang Asian Horror Stories sa GMA 7 noong Mayo 11, 2014, habang nakasakay ng bus pa-Maynila mula sa Cavite. Katatapos lang ng dalawang araw na reyunyon ng mga kasapi ng Teatro Pabrika sa isang resort sa Gen. Trias, kung saan ako'y nakasama.

Nagkainteres akong panoorin ito. Dahil bukod sa paksa ay mas madaling maunawaan ang kwento dahil ito'y isinalin sa wikang Filipino. Bilang makata at manunulat, magandang suriin din ang mga ganitong kwento ng kababalaghan, na talagang kaiba kung paano nila ipinresenta ang ganitong uri ng kwento kaysa kwentong katatakutan ng Pinoy.

Sumunod na araw ng Linggo, Mayo 18 ay napanood ko ang pelikulang pinamagatang Knock kung saan laging may kumakatok sa pinto ng isang dalaga. Noong Mayo 25 naman ay isang murder mystery sa isang gusali kung saan naresolba din ang kaso nang matukoy ng bidang babae kung sino ang pumaslang sa batang babae.

Nitong Hunyo 2014, napanood ko ang The Cat kung saan parang sumasanib ang pusa sa isang bata. Ang bidang babae ay nagtatrabaho sa isang shop ng mga pusa.

Sumunod na Linggo ay hindi ko na nabasa ang pamagat dahil nakasulat sa Kanji (o chinese characters) ngunit ito'y hinggil sa apat na magkakaibigang nagpapraktis para sa dulang Macbeth, na habang nakaharap sa salamin ang bidang babae ay may naririnig siyang tinig mula sa salamin. Naglaro pa sila ng lokal na bersyon nila ng spirit of the glass. Sa huli, nagpakamatay ang bidang babae sa pagtalon sa ilog, ngunit ayon sa ulat ng pulisya, namatay siya sa overdose ng isang gamot na lagi niyang iniinom.

Nariyan ang pinamagatang February 29 hinggil sa babaeng teller sa tollgate na nagiging saksi sa pagpatay pag sumasapit ang Pebrero 29, na tuwing apat na taon lang dumarating. Sa kalaunan, siya'y nabaliw. Ayon sa doktor, hindi naman talaga Pebrero 29 ng mangyari iyon at sinabi lang niya sa babae na Pebrero 29 kaya nagkaroon ito ng mga pangitaing muli hinggil sa misteryosong mga dugo sa toll gate ticket. Misteryoso ring pinaslang ang dalawang imbestigador.

Halos lahat ng istoryang pinanood ko ay hindi naman talaga hinggil sa multo, bagamat Asian Horror Stories ito, kundi tungkol sa murder o pagpaslang. Karamihan ay pawang mga paramdam. Ang matindi ay talagang nagsusuri ang mga bida, at hindi basta tumatakbo sa takot, di gaya ng mga katatakutang pelikulang Pinoy, na talagang may pagtili o sigawan.

Sa Asian Horror Stories, matapang ang bidang babae, kaya minsan ay iiyak na lang siyang mag-isa pagkat walang tumutulong sa kanya, dahil walang naniniwala. Kaya pilit niya itong reresolbahin sa sarili niyang pamamaraan.

Ang talagang napanood kong may multo ay ang pelikulang Nang Nak hinggil sa lalaking hindi niya alam na multo na pala ang kanyang asawa at anak. Kasa-kasama niya ang kanyang asawa at anak, ngunit sinabihan na siya ng isa niyang kababata na namatay sa panganganak ang kanyang asawa at anak ay hindi siya maniwala. Sa bandang huli, sa tulong ng mga mongheng Budist, nagkaroon ng ritwal, hanggang sa pinaglibingan sa babae't sa kanyang anak ay nagpaalam na ang bidang lalaki, at tinanggap naman ng babae na siya pala'y patay na.

Inumpisahan itong Hulyo ng palabas na White hinggil sa paghahanda ng isang grupo ng K-Pop singers. Ang istudyong pinagpapraktisan nila ay nasunog labinlimang taon na ang nakararaan. Ngunit dahil sa inggitan kung sino ang magiging lead singer, at ayaw manatiling back up dancer, nagkaroon ng trahedya. White ang pangalan ng lead singer dahil sa kanyang puting wig pag kumakanta.

Maganda ang pagkakasalin ng mga pelikulang iyon sa wikang Filipino. Sabay na sabay sa pagsasalita ng mga bida, at hindi nakababagot. Kung Ingles iyon, tiyak na papalitan ko ang tsanel dahil bukod sa mabagal ang takbo ng istorya ay di mo agad maunawaan ang sinasabi ng mga karakter sa kwento, lalo na't pyscho-thriller o horror mystery ang mga ito.

Dahil nasa wikang laging ginagamit sa pang-araw-araw, madali mong maunawaan ang kwento, panonoorin mo talaga at aabangan kung paano nalutas ng mga bida ang misteryong nakabalot sa mga pangyayari.

Bukod pa roon ay mapagninilayan ang kaibahan ng kanilang kultura sa kulturang Pinoy. Pag may katatakutan silang nararanasan, lalo sa modernong panahon, hindi sila nagpapatulong sa ibang tao, at pilit nilang nireresolba ang kanilang problema. Sa pelikulang Pinoy, kasama ang buong bayan sa kwento, kadalasang naroroon ang taumbayan, lalo na sa usapin ng aswang o anumang uri ng halimaw. Dito makikita ang kaibahan ng kanilang mga pananaw.

Kolektibo magresolba ng suliranin ang mga Pinoy. Laging kasama ang mga kaibigan sa pagresolba. Kaiba ito sa indibidwalismo ng ibang Asyano. Sa madaling salita, hindi katipiran ng paggawa ng pelikula kundi kung ano talaga ang pananaw o kultura ng isang bayan ang ipinakikita sa bawat pelikula. Kung gaano katipid sa karakter ang mga pelikulang katatakutan ng ibang Asyano ay ganoon din sila katipid sa pagsigaw.

Gayundin naman, kung gaano karami ang karakter sa mga pelikulang katatakutan ng Pinoy, hindi rin nila tinitipid ang kanilang pagsigaw. At sigaw talaga, pag nakakita ng multo, pugot na ulo, duguang putol na kamay, o white lady na karaniwan na sa mga pelikulang Pinoy. Nagsusuri ang ibang Asyano kung bakit may nangyayaring kababalaghan, at bihira ang pugot na ulo, duguang putol na kamay o white lady, ngunit marami ay pulos paramdam.

Gayunman, masasabi kong magaganda ang presentasyon ng mga pelikulang handog sa Asian Horror Stories, at matututo ka rin sa kanila kung paano ba nila nakokontrol ang kanilang emosyon sa kabila ng mga nagaganap na kababalaghan at paano ba sila nagsusuri upang malutas ang kanilang kinaharap na mga suliranin.

Linggo, Hulyo 6, 2014

Nick Joaquin sa Sunday Inquirer Magazine, July 2014

Isa sa mga idolo kong manunulat si Nick Joaquin, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, kaya ang kopya ng Inquirer magazine na ito ay isa nang kayamanan para sa isang tulad ko. Isang tagay para kay Quijano de Manila! Mabuhay ang Sunday Inquirer magazine!

Sabado, Mayo 31, 2014

Sa kaarawan ng mahal kong Klasmeyt

Labis-labis ang nadama kong kasiyahan nang ma-appreciate ni klasmeyt Fides ang tulang alay ko sa kanya. Magkaklase kami noong elementarya.

Biyernes, Marso 28, 2014

Alamat ng tatlo kong kamera

ALAMAT NG TATLO KONG KAMERA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon na ako ng tatlong kamera. Dalawang  instamatic at isang digital.

Ang una kong kamera ay nabili ko noong 1988 habang ako'y nasa Hanamaki City sa Iwate, Japan. Ibinenta ng isang kasama ko sa Japan ang kanyang instamatic camera sa akin, at dahil baguhan pa lang ako sa Japan noon at sabik nang magkaroon ng kamera, agad ko iyong binili. Maayos pa naman. Di ko na matandaan ang eksaktong halaga niyon, tila ang presyo niyon ay mukhang kalahati ng allowance na tinatanggap ko tuwing kinsenas doon. Kadalasang YKL ang film na gamit ko doon.

Anim na buwan akong naglagi sa Hanamaki City bilang isang iskolar (OJT) sa elektroniks kaya marami akong litrato roon, di lang sa pabrika, at sa bahay na tinuluyan namin, kundi sa iba't ibang magagandang lugar na napuntahan namin, tulad ng onsen ng mga Pinay, taniman ng mansanas, karagatan, at Mt. Fuji. Mula sa kamerang iyon ang mga litratong alaala ng aking pamamalagi sa bansa ng mga Hapon.

Gamit ko pa rin ang kamerang iyon pagbalik ko dito sa Pilipinas, at agad kinuha ng kumpanya, na tatlong taon kong pinagtrabahuhan bilang machine operator. Ang unang koleksyon ng litrato ng kapatid kong si Vergel ay galing sa kamerang iyon. Talagang nagpunta pa kaming magkapatid sa Fort Santiago na may dalang mga damit na pampalit. Kaya iba-iba ang suot namin nang pina-develop na namin ang mga litrato, na isang film lamang na may 36 shots. Sa pabrika'y marami rin akong kuha bilang manggagawa, kasama ang mga katrabaho sa pabrika.

Bumalik ako ng kolehiyo noong 1992 matapos ang halos apat na taong pagkawala dahil sa pangingibang-bansa at pagtatrabaho. Nag-resign ako sa trabaho upang makapag-aral muli. At hindi ko na matandaan kung paano nasira ang kamera, dahil na rin marahil sa pagiging abala sa pag-aaral.

Noong 1995, naging mga kaibigan ko ang mga kasapi ng grupong Kameradare sa aming eskwelahan, pagkat ang ilang kasapi doon ay staff ng publikasyon, kung saan ako ang features and literary editor sa loob ng dalawang taon (1995-1997). Marami akong natutunan sa Kameradare, lalo na kung paano kumuha ng mga anggulo, ano ang thirds, at iba pa.

Ang ikalawa kong kamera, na Kodak ang tatak, ay nabili ko noong 1997 sa bilihan ng Kodak malapit sa simbahan ng Quiapo sa halagang P1,500. Nakabili ako nito mula sa isang buwang sahod ko na P5,000 sa isang buwang boluntaryong pagtatrabaho sa opisina ng Kamalaysayan, na siyang bahay din ng historyador na si Ed Aurelio Reyes, sa Makati. Staff pa ako ng grupong Sanlakas noong panahong magkaroon ako ng ikalawang kamera. Hanggang sa malipat ako bilang staff at manunulat sa KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod).

Sa una kong kamera, binibili ko pa ang film, pero sa ikalawa kong kamera, may mga film developer na noon na pag nagpa-develop ka ng isang film ay may libre kang isang Konica Film na 36 shots. Kadalasang sa Kodak ako nagpapa-develop ng kamera, sa Quiapo o kaya'y sa SM North (na kilala ring SM West pag galing ka ng Maynila).

Ang kamerang ito'y ginamit namin ng mga kasama sa KPML dahil wala pa noon silang kamera, bandang 2004-2005. Maraming mahahalagang aktibidad at pangyayari, tulad ng mga rali, seminar, forum, at demolisyon ang kuha mula sa aking kamera. Doon na sa KPML ito nasira at hindi ko na pinansin. Una, mahal magpagawa, at wala akong pampagawa. Ikalawa, mahal magmintina at kailangan ng pambayad sa pagpapa-develop ng film. Ikatlo, kailangang bumili ng film dahil hindi naman sapat ang bigay na film kada pagpapa-develop. Ikaapat, may iba na akong pinagkakaabalahan noon.

Mapalad ako sa pagkakaroon ng ikatlong kamera. Ibinigay iyon sa akin ng mahal kong ina noong Mayo 12, 2013, bisperas ng Mother's Day. Kadarating lang niya noong Abril mula sa anim na buwang pamamalagi sa ibang bansa. Nabili nila iyon ng tiya Sahlee ko sa Estados Unidos. Isa iyong Fuji camera na hindi na kailangan ng film. Maganda iyon dahil digital camera at nada-download ko na agad ang mga litrato sa computer at naia-upload agad sa facebook, sa blog at sa website. Maraming maraming salamat talaga at nagkaroon ako ng kamerang iyon.

Kumpara sa naunang dalawa, mas magaan dalhin ang ikatlong kamera dahil na rin sa pagsulong ng teknolohiya. Hindi pa magastos dahil hindi na kinakailangan pang ipa-develop sa labas. Kaya mas nakakapagkonsentra na rin ako ngayon sa pagkuha ng litrato, at nailalagay agad iyon sa kompyuter.

Wala na ang una kong dalawang kamera, at nais kong tumagal pa sa akin ang ikatlo. Napakarami kong proyekto na magagamit ito. Sa ngayon, nakakakuha ako ng mga litrato sa aming mga aktibidad, lalo na sa mga pagkilos sa lansangan, rali, talakayan, mga mahahalagang gawain, at makasaysayang mga pangyayari.

Nais ko ring kunan ng litrato ang mga bagay-bagay na nais kong gawan ng tula, tulad ng isa kong tula tungkol sa matandang bahay ng aking mga lolo at lola, at isa ring tula na magkasama kami ng mahal kong ina sa litrato. Nile-layout ko sa publisher, nilalagay ko ang litrato sa isang bahagi at sa kabilang bahagi naman ang tulang nilikha ko na may kaugnayan sa litrato. Sadyang nakapagbibigay ng inspirasyon sa akin ang pagkakaroon ko muli ng kamera.

Nais ko ring malathala sa pahayagan at magasing ginagawa ko ang mga litratong kuha ko, pam-front page man, pang-center fold, o anumang pahina sa loob. Nais ko ring gamitin ang mga litratong kuha ko para sa pabalat ng mga libro ko ng tula. Kinukunan ko rin ng litrato ang mahahalagang pangyayari, tulad ng mga nagibang bahay sa Tacloban, at mga historical marker na naibabahagi ko sa facebook, lalo na sa mga grupo hinggil sa kasaysayan.

Balak ko ring magkaroon ng malaking kamerang may lens na pampropesyunal, ngunit napakamahal. Maganda iyon para sa mga pagpokus ng mga bagay at pangyayari gaano man iyon kalapit at kalayo. Pero sa ngayon ay pangarap pa lang iyon. Balang araw, magkakaroon din ako niyon, basta't mapag-ipunan ko lang iyon, o may magbigay sa akin ng lumang kamerang may lens dahil may bago na siyang ginagamit na kamera.

Gayunpaman, hindi ko inaasahan na magkakaroon ako ng kamera. Pero ito talaga ang gusto kong magkaroon noon pang ako'y estudyante pa sa kolehiyo at editor ng publikasyong pangkampus. Kailangan ko talaga ito bilang manunulat, bilang mamamahayag, bilang mananalaysay, bilang historyador, bilang aktibista, bilang makata.

Martes, Marso 18, 2014

Ang Sining ng Mambabatok

Nasa 100 pahina ang tabloid na Pilipino Star Ngayon sa kanilang anibersaryo noong Marso 17, 2014. At isa ang balitang ito sa nakapukaw ng aking atensyon. Ang Mambabatok pala ay tattoo artist. Hanggang ngayon ay buhay pa ang sining na ito ng pagta-tattoo ng mga kapatid nating katutubo sa lalawigan ng Kalinga.




Miyerkules, Marso 12, 2014

"Aming Bukid" ang dapat pamagat ng awiting "Bahay Kubo"

"AMING BUKID" ANG DAPAT PAMAGAT NG AWITING "BAHAY KUBO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halimbawang tanungin ko kayo: "Ano ang bahay kubo?" Tiyak na sasabihin nyong ang bahay kubo ang tahanan ng karaniwang tao sa kanayunan, at ang dingding at sahig nito'y yari sa kawayan, habang ang bubong naman ay yari sa sasa.

Halimbawa namang ito ang tanong ko: "Ano ang makikita nyo sa bukid?" Tiyak ang unang papasok sa inyong isipan ay kalabaw, araro, at mga tanim. Kung uusisain ko pa kung ano ang mga tanim, tiyak na may magsasabi ng isa o higit pang uri ng gulay. Maaaring masabi ang palay, tubo, mais, singkamas at talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani.

Mas angkop ang pamagat na "Aming Bukid" sa awiting "Bahay Kubo" dahil ang inilararawan ng buong awitin ay ang bukirin, at hindi ang mismong bahay kubo. Taniman ng gulay ang inilalarawan ng awit, kaya bakit "Bahay Kubo" ang pamagat nito, gayong tinalakay dito ay ang pagkakatanim ng maraming gulay. Maaari din "Sa Aming Gulayan" ang maging pamagat ng awit.

Mukhang hindi angkop ang pamagat ng "Bahay Kubo" at parang ipinilit na lamang. Kumbaga'y sa paligid ng bahay kubo ay maraming gulayan. Na maaaring totoo naman talaga.

Ngunit bakit "Bahay Kubo" gayong hindi naman tinalakay o inilarawan sa awit na ito ang mismong bahay kubo, na ito'y pahingahan, tulugan pag gabi, na gawa ito sa kugon o sasa, na magandang bahay ito dahil presko rito, na ito'y pugad ng pag-ibig, at marami pang nakapatungkol sa yari, disenyo at gamit ng bahay kubo.

Ang nangyari'y kung ano ang nasa paligid ng bahay kubo, na bukid o gulayan, ang inilalarawan at tinutukoy ng buong awit. Para na-out-of-place ang unang taludtod ng awit.

Halina't ating suriin ang awit. Bakit may mga tanim sa bahay kubo? Taniman ba ang bahay kubo, o imbakan ng gulay?

Bahay kubo,
kahit munti
ang halaman doon,
ay sari sari.
Singkamas at talong,
sigarilyas at mani
sitaw, bataw, patani.
Kundol, patola,
upo't kalabasa,
at saka meron pa,
labanos, mustasa.
Sibuyas, kamatis,
bawang at luya,
sa paligid-ligid
ay puno ng linga.

Mas magiging angkop kung papalitan ang pamagat ng awit at ng unang taludtod nito. Tulad ng nabanggit sa itaas, mas angkop ang pamagat na "Aming Bukid" kaysa "Bahay Kubo". Halina't namnamin natin ang mas tumpak na awit.

Aming bukid
kahit munti
ang halaman doon,
ay sari sari.
Singkamas at talong,
sigarilyas at mani
sitaw, bataw, patani.
Kundol, patola,
upo't kalabasa,
at saka meron pa,
labanos, mustasa.
Sibuyas, kamatis,
bawang at luya,
sa paligid-ligid
ay puno ng linga.

Kitang-kita na sa ikatlong taludtod na "ang halaman doon" hanggang sa ikalabinglima't huling taludtod na "ay puno ng linga" ay hinggil sa gulay at ito'y makikita lamang bilang tanim sa bukid, na siyang inilalarawan ng awit. Hindi naman inilarawan sa buong awit na ito'y napitas na't naitambak na sa bahay kubo bilang kamalig ng mga nabanggit na gulay, kundi nakatanim pa ang mga gulay na ito. Mahihinuha ito sa ikatlo't ikaapat na taludtod: "ang halaman doon ay sari-sari." Ang mga gulay ay mga halaman sa mga panahong iyon, na kung gagamitin ang dalawang salita sa ngayon, ang gulay ay tatawagin agad na gulay, at ang halaman ay yaong mga nakatanim pa na may mga dahon, sanga, at ugat.

Kaya mungkahi kong baguhin na ang pamagat ng "Bahay Kubo" at palitan ito ng "Aming Bukid" at kung magkakaroon ng bagong awiting pamamagatang "Bahay Kubo" ay tungkol talaga sa bahay kubo bilang tirahan at pahingahan ng tao, at hindi bilang taniman ng gulay, tulad nito:

Bahay kubo
Kahit maliit
Pahingahan ito
Ng aming paslit.
Yari sa kawayan
Ang dingding at sahig
Sasa naman ang atip
Dito'y malamig
Ang ihip ng hangin
Naglalatag ng banig
Pag gabing madilim
Bahay kubong sarili
At kaysarap damhin
Sa buong pamilya’y
Pugad ng pag-ibig.

Linggo, Marso 2, 2014

Bahagi ng aking tula sa kolum ni Fr. Robert

Isa sa sampung taludtod ng aking tulang "Maraming Salamat, Kasamang Tado" ang inilathala ni running priest Fr. Robert Reyes sa kanyang kolum na "Patakbo-Takbo" sa pahayagang Bulgar, ngayong Marso 2, 2014, araw ng Linggo. Tinalakay niya sa kanyang kolum ang "TA RUN TADO: TAra na, RUN for TADO" kung saan magkasama kaming tumakbo noong Biyernes mula sa tanggapan ng LTFRB hanggang sa sarado nang terminal ng Florida Bus sa Edsa. Maraming salamat sa tiwala at sa paglathala ng bahagi ng aking tula, Fr. Robert. Mabuhay ka!



Biyernes, Pebrero 14, 2014

Isang Aklat ng mga Tula Mula sa Laot: Isang Misyon

ISANG AKLAT NG MGA TULA MULA SA LAOT: Isang Misyon

Na-cremate na kahapon, Pebrero 12, si kasamang Tado. Kahapon din ang ika-13 anibersaryo ng paglilibing kay Ka Popoy Lagman, ang dati naming lider sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Pinanood ko sa telebisyon ang ilang balita kay Tado, pati na ang panawagang hustisya sa kanya at sa iba pang mga nasawi. Noong 1993 kami unang nagkakilala ni kasamang Tado.

Kahapon din ay in-upload ko sa blog ng Sanlakas ang kanilang pahayag mula sa facebook ni kasamang Aaron na siyang sec gen ng Sanlakas. Maganda ang pagkakasulat, lalo na nang binanggit ang misyon ni Tado na abutin ang 40 mountain peak para sa kanya sanang ika-40ng kaarawan. Na-inspired ako sa pangarap niyang iyon, bagamat di na niya iyon magagawa pa, dahil wala na siya.

Dahil dito, napukaw ang aking isip. Kailangang simulan ko rin ang matagal ko nang iniisip - ang makagawa ng aklat ng mga tula hinggil sa bawat sektor ng lipunan. Naisip kong unahin ang sektor ng mangingisda. Nais ko sa kanilang sumama sa laot, kahit isang linggo man sila roon upang ilarawan ang buhay nila sa laot, pati na mga kaakibat na isyung panlipunan na kaugnay ng kanilang gawain. Matapos ang mangingisda ay ang mga minero, o kaya, magsasaka. Marami na akong tula sa manggagawa at paggawa, na karamihan ay nailathala na sa aklat tulad ng libro kong "Taludtod at Makina", at "Bakal at Kalawang".

Nagawa ko na ang ganitong proyekto noon, ngunit batay sa isyu. Ang una'y noong 2008 nang makasama ako sa karabana ng Duyog Mindanao mula Nobyembre 20-30, 2008 at inilathala ko ang librong "Bigas, Hindi Bala, 56 Tula, Alay Para sa Kapayapaan sa Mindanao". At ang ikalawa ay noong 2012 nang makasama ako sa Mae Sot sa Thailand at sa Burma mula Setyembre 15-27, 2012, at inilathala ko ang aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot: Katipunan ng 8 Sanaysay at 88 Tula".

Aalis ako ngayon, Pebrero 13, upang tumungo sa lalawigan upang mangumbinsi ng mga kamag-anak na mangingisda na isama nila ako sa payaw, o yaong malaking bangka, upang simulan ang misyong ito. Marahil ay limang dosenang tula o 60 hinggil sa buhay sa laot, at sasamahan ko na rin ng ilang sanaysay.

Paalam muna, Maynila, at aalis muna ako. Magsisimula na ako sa aking misyong ito at nawa'y magtagumpay akong magawa ang munting adhikaing ito.

- greg, 021314


Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Basurang niresiklo

BASURANG NIRESIKLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa litrato ang ginawa kong ashtray mula sa lata ng sardinas na di na kailangan ng abrelata kundi hihilahin na lang, ready to open, kaya eksakto ang gilid ng tinanggal na takip, hindi makakasugat. Kailangan pang balutan ng marka ng yosi bilang tanda na ashtray na ang dating lata ng sardinas.

Hindi ako naninigarilyo, ngunit nais kong huwag kumalat ang upos ng sigarilyo dahil kung saan-saan lang itinatapon ng nagyoyosi ang upos, lalo na sa loob ng opisina. Nakakatuwa dahil ang dapat binasurang lata ng sardinas ay nagamit pang muli.