PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr., sekretaryo heneral ng KPML
Maraming naiwang akda si Pedrito “Ka Pedring” Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Kaya nang mamatay siya noong Oktubre 6, 2019, isa sa naging pasiya ng patnugutan ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, ay ang ilathala ang kanyang mga akda, lalo ang kolum niyang Tinig ng Dukha sa Taliba ng Maralita mula Setyembre 2018. Noong Setyembre 16, 2018 ang ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML na muling nagluklok kay Ka Pedring sa pagkapangulo.
Bukod pa sa kolum sa Taliba, mayroon pa siyang sulatin na nahalukay ko sa internet, na isinama ko rito.
Hindi ko lang naipon ay ang kanyang mga sulatin sa dyaryo ng SAMANAFA (Samahan ng Maninindang Nagkakaisa sa Fabella) na dalawang pahinang buwanang pahayagang back-to-back sa short bond paper na ipinapa-riso ng isang ream. Salitan kami ng namayapang Larry Perez Jr. sa paggawa ng dyaryong ito.
Ang pagtitipon at paglalathala ng kanyang aklat ay ginawa para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan sa Oktubre 2020. Nagawa iyon. Inipon lahat ng kanyang sulatin, ni-retype ang teksto, naghanap ng litrato, ni-layout ang aklat, naghanap ng pondo, ako na ang nag-bookbinding, pina-cut sa labas. Bale apatnapung aklat iyon. Ibebenta ko sana bawat aklat sa kanyang mga kasamahan sa Mandaluyong, pati na sa mga kasama sa KPML, sa Zone One Tondo Organization (ZOTO), sa Piglas Kabataan (PK), at maging sa mga taga-NAPC (National Anti-Poverty Commission).
Apatnapung librong manu-mano kong ginawa. Apatnapung aklat lamang dahil iyon ang kasya sa pondong hawak ko. Subalit nangyari ang hindi inaasahan. Nawala ang apatnapung librong iyon. Nalimutan ko sa sasakyan. Marahil dahil sa pagod at antok ay hindi ko na naalala o dahil sa dami ng problema sa bahay at sa buhay ay kung anu-ano ang nasa isip. Naalala ko lang pagbaba ko ng dyip. Kung hindi sa bus papuntang Monumento ay sa dyip papuntang Letre ko naiwan iyon. Natulala ako. Naalala kong umiiyak ako noon. Hindi dahil sayang ang mga librong mabebenta, kundi nakapanghihinayang na nawala iyon ng gayon na lamang.
Tanda ko’y nakalupagi ako sa harap ng National Book Store ng Malabon City Square nang may kumalabit sa akin. Bakit daw ako umiiyak at sinabi kong naiwan ko sa sinakyan ko ang pinaghirapan kong aklat ni Ka Pedring. Hindi ko na matandaan kung sino siya. Baka gwardya sa National o isang lider-maralitang kakilala ko. Hindi ko na batid kung ilang minuto o may isang oras ba ako sa gayong katayuan. Hanggang naisipan kong sumakay na ng tricycle papuntang Tomana dahil may pulong kami ng mga lider ng KPML.
Naalala ko’y tahimik lamang ako noon. Di halos makausap. Paano ko ba sasabihing nawala ang isang sorpresa sana sa kanila?
Nabatid ni misis ang nangyari at sinabi niyang huwag akong mag-alala at babalik din iyon, na siya kong pakonsuwelo. Di ko iyon muling nilathala. Tila pilit ko na lang kinalimutan ang mga nangyari.
Ilang taon ang lumipas hanggang magbantay ako kay misis sa ospital, hanggang sa siya’y mawala sa aking piling. Sadyang kayhirap mawalan ng minamahal. Nasa bingit ako ng matinding depresyon.
Sa aking pag-iisa, natagpuan ko ang aking sarili na nagbabasa ng mga dati kong nabiling aklat, katha ng katha ng tula, sinubukang maggitara at gumawa ng ilan kong komposisyong kanta na tinawag kong tulawit (tula at awit), pagkatha ng mga tanaga-baybayin o mga tulang isinulat ko sa panulat ng ating mga ninuno - ang baybayin, nagsulat ng tula, maikling kwento, sanaysay, dagli, at bukrebyu, na pinasa ko sa magasing Liwayway subalit di ko na nasubaybayan kung may nalathala, pagdalo at pagsasalita sa rali, at minsan ay pagbigkas ng tula sa rali at iba pang pagtitipon. Hanggang naging tambayan ang Metropolitan Theater upang manood ng libreng palabas, pati na sa panonood sa PETA, Mowelfund, Videotheque, Cine Adarna, at UP Film Center ng mga libreng palabas. Sa UP, kung may bayad man, P200 sa regular, at P150 sa senior, estudyante at PWD, binabayad ko’y P150 lang, hindi regular, sa pagsasabing pultaym na aktibista ako, at pinapayagan naman akong manood. Maraming salamat.
Ilang beses din ako sa National Museum at halos nalibot ko na ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila. Kumuha ng litrato, kumatha ng tula’t sanaysay hinggil sa ilan kong nakita roon.
Nitong Pebrero o Marso 2026, sa isang palabas sa UP Film Center, pagkatapos ng palabas ay may tanungan portion doon. Nasa entablado ang mga direktor at artistang gumanap. Nagtanong ako at nagpakilala. Ako si Greg, isang pultaym na aktibista at sekretaryo heneral ng KPML. Nasagot naman ang aking tanong. Matapos iyon ay may lumapit at kumausap sa akin. Di ko na matandaan ang kanyang pangalan kung Marita, Marissa o Melissa ba na taga-Cavite. Sabi’y nabasa niya ang libro ni Ka Pedring ng KPML at ito ang nagsilbing inspirasyon nila upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa paninirahan. Tinanong ko kung saan niya nabili ang libro. Di raw niya iyon binili. May nagbigay lang daw niyon sa kanya. Pakiramdam ko’y tulala ng panahong iyon kaya wala na akong naitanong pa hanggang siya’y magpaalam at ako’y nakinig pa rin sa mga tanungan. Tila ba ipinaalala niyon na dapat muli akong maglathala ng mga aklat, lalo na ang nawala kong 40 kopya ng aklat ni Ka Pedring.
Ilang linggo pa ang lumipas at nagunita ko muli ang usapang iyon. At isang araw, kalagitnaan ng Mayo, ay bumangon akong puno ng sigla at may panibagong lakas. Muli akong nagsaliksik, tinipon at tinipa ang mga akda ni Ka Pedring, bagamat di ko na tanda ang ilan pang detalye ng unang aklat maliban sa petsang Oktubre 2020 iyon nalathala dahil iyon ang unang anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Gayunpaman, batid kong iba ang itsura ng unang aklat, na sa palagay ko’y mas maraming pahina kaysa sa inilathala ngayon. Mas marami siyang sulatin doon, na wala sa aklat na ito dahil di ko na makita ang iba pa niyang sulatin. Ang ginamit ko pa sa pagdisenyo ng unang aklat ay ang pagemaker. Wala na akong pagemaker ngayon, at kahit sa mga computer shop ay wala na ring pagemaker bagamat may ibang app na pandisenyo subalit aaralin ko pa dahil hindi ko kabisado. Ang ginamit ko sa pagdisenyo ng buong aklat na ito, pati pabalat nito, ay Microsoft Word document. Kaya ako’y humihingi ng paumanhin kung anuman ang naging kulang o mga kakulangan sa edisyong ito.
Ang Tinig ng Dukha ni Ka Pedring Fadrigon ang pangwalong aklat sa serye ng mga kilalang rebolusyonaryo sa kasaysayan na aking isinaaklat. Una'y ang Macario Sakay, Bayani, na ang unang edisyon ay nilunsad sa UP Manila sa sentenaryo ng pagbitay kina Sakay, Setyembre 13, 2007. Ikalawa'y ang Ka Popoy: Working Class Hero, na nilunsad sa UP Bahay ng Alumni, Pebrero 6, 2009, kung saan napaslang si Filemon "Ka Popoy" Lagman. Ikatlo'y ang talambuhay at salin ko ng mga akda ni Comandante Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ang dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ikaapat ang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto, na isinulat ng magiting na bayaning Katipunerong kilala sa taguring Pingkian at Dimas Ilaw. Ikalima’y ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio. Ikaanim ang Lean Alejandro, na nilathala kasabay ng ika-30 anibersaryo ng pagpaslang kay Lean noong 2017. Ikapito ang 12-pahinang pamphlet ukol kay Gregoria “Oriang” de Jesus, Marso 2018.
Nakabinbin pa ang planong pagsasalibro ng Talambuhay at mga sulatin ni Crisanto Evangelista; ang Talambuhay ni Teodoro Asedillo na ang anak niyang si Nanay Rosa ay minsan ko nang nakadaupang palad sa Laguna; ang Talambuhay ni Heneral Luciano San Miguel; at ang Talambuhay ni Heneral Licerio Geronimo, na ang apo ay minsan ko nang nakadaupang palad sa San Mateo, Rizal.
Ilan pang nais kong isalibro’t proyektuhin, bukod sa pagsasalibro ng mga kolum sa Taliba ng Maralita ni Ruen “Ka Kokoy” Gan, pangulo ngayon ng KPML, ay ang mga interbyu sa mga lider-maralita, pati kasaysayan ng mga matitinding laban at pakikibaka ng mga maralita laban sa demolisyon at isyu ng paninirahan, tulad ng Mariana, North Triangle, Sitio Mendez, Welfareville sa Mandaluyong, Pasig, Antipolo, Lupang Arenda, Tulos sa Caloocan, ang Mahabang Parang at ang Botong Francisco (kapangalan ng isa nating National Artist) sa Angono, Brgy. Jose Corazon de Jesus (kapangalan ng idolo kong makata), Gulayan sa Malabon, mga nasunugan sa Navotas na nalipat sa Bulacan, mga galing sa Tondo Foreshore na nalipat sa Dagat-Dagatan, mga lider-maralita sa Bacolod, Cebu, Mindanao, atbp. Subalit marahil ay matagal pa ito.
Sa ngayon, narito ang ikalawang edisyon ng aklat ni Ka Pedring. Mga nalathalang bagong libro, na sana’y di na maiwanan sa sasakyan at mawala. Inihanda ito upang mabasa ng kasalukuyang mga lider-maralita at ng mga susunod pang henerasyon ng mga aktibista ang mga sulating ito ni Ka Pedring, pati kasaysayan ng mga laban ng maralita. Ang aklat na ito’y iingatan ko na ngayon. Ibebenta ko muna ay sampu, at iiwan ang iba sa bahay. Pag naubos iyon, ibebenta ko muli ay sampu. Hanggang makagawa ako ng paulit-ulit nito.
Ang munting aklat na ito ay taaskamao at taospusong iniaalay sa lahat ng lider-maralitang patuloy na nakikibaka mula noon hanggang ngayon upang baguhin ang bulok na sistemang nagdala sa kanila sa dusa.
Nawa’y makatulong at magsilbing inspirasyon ang librong ito sa mga nakikibakang maralita para sa kanilang karapatan sa paninirahan at hustisyang panlipunan. Lalo na sa panahon ngayong naisabatas na ang RA 12216 (NHA Act of 2025), at ang 4PH (Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino o EO34) na di naman para sa mga maralita.
Sinulat ng petsang Mayo 17, 2026, inedit Hunyo 4, 2026









































