Biyernes, Disyembre 18, 2009

Pambungad sa aklat na "ALIKABOK AT AGIW"

PAMBUNGAD

PAGPAWI SA ALIKABOK AT AGIW
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, pag nakasakay tayo sa bus, pinupunasan natin ang alikabok sa salamin nito upang matanaw natin ng malinaw ang ating dinaraanan, ang mga ibon, bundok, batis, kabahayan, nagtatayugang gusali, o maging ang mahabang lansangan. Minsan, natutuwa tayo sa alikabok, kaya minsan naisusulat natin ang ating pangalan sa salamin ng inaalikabok na kotse sa pamamagitan ng ating daliring pinampawi sa alikabok. Ngunit hindi tayo natutuwa sa agiw na naglipana sa kisame ng ating bahay.

Alikabok. Agiw. Parehong dumi, nakakadiri. Kahit saan, nariyan ang alikabok at agiw, lalo na sa mga bagay at lugar na hindi natin inaasikaso, kaya kadalasang kailangan nating magsipag sa paglilinis. Dahil kaakibat ng malinis na kapaligiran ang payapang diwa't kalooban. Isa iyan sa aking mga natutunan sa mahal kong ina - ang maging malinis sa kapaligiran, tanggalin ang agiw at alikabok kung ayaw naming magkasakit.

Ngunit ang alikabok at agiw ay di lamang simpleng dumi sa paligid. Sumisimbolo rin ito ng maraming kabulukan sa lipunan, tulad ng katiwalian. Minsan, nagagamit din ang mga ito sa metapora, tulad ng pagkain ng alikabok. Mas malalim pa sa literal na kahulugan. 

Sa isang paligsahan, halimbawa'y pabilisan ng pagtakbo, kakain tayo ng alikabok kung tayo'y kulelat o nasa hulihan, kung hindi tayo magiging handa at tutulinan din ang pagtakbo. Ngunit hindi sapat ang tulin ng pagtakbo kung kakapusin naman tayo ng resistensya sa gitna ng laban. Nangunguna na tayo ngunit biglang nanghina dahil sa di sapat na resistensya kaya kinain natin ang alikabok ng kalaban.

Inaagiw ang mga iniiwan at hindi natin napapansin at inaalagaan, tulad ng lumang bahay na nuong kabataan natin ay kaysaya ngunit nang maluma na'y pinabayaan hanggang pamahayan ng agiw.

Mula sa alikabok at agiw ng mga karanasan, babangon tayo mula sa pagkalugami dahil sa maling sistemang umiiral sa ating lipunan, kawalang katarungan, kahirapan, katiwalian ng mga lingkod daw ng bayan. Titindig tayo upang ibangon ang puri’t dangal ng taumbayan na kinulapulan ng alikabok at agiw ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan.

Anong kahulugan ng buhay at pakikibaka kung wala kang prinsipyong tangan, kundi nabubuhay lamang para kumain, magsaya, maglasing at humiga sa salapi, imbes na kumain para mabuhay at magpatuloy sa pakikibaka tungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang wala nang kahirapan dahil nagkaroon na ng pantay na hatian ng yaman sa lipunan.

Mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao dahil ito'y hindi alikabok at agiw na nananahan sa ating diwa't kalooban. Naging aktibista ako dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng pagpapakatao at pakikipagkapwa tao na siyang dahilan din ng marami kung bakit ninais din nilang maging aktibista, na nangangarap din ng isang lipunang makataong walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Pag inaagiw ang diwa ng mga pag-aalinlangan at katiwalian, at nananahan ang mga alikabok sa ating kalooban, nagaganap ang sinabi mismo ng ating makatang Balagtas:

"Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati."

Nakukulapulan ng dumi ang ating lipunan dahil sa mga pag-iisip na maasarili, kasakiman, at paghahangad na makapang-isa sa iba, mga pusong sukaban, taksil, lilo. Kaya nasabi muli ni Balagtas.

"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!"

Ngunit hindi pa huli ang lahat, dapat tayong lumaban at ipaglaban ang isang lipunang makatao na ang makikinabang ay ang lahat, at hindi lamang iilan. Hindi tayo dapat umiyak na lamang sa isang tabi, kundi dapat nating kumilos kung nais natin ng pagbabago.

"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo."

Huwag nating sayangin ang ating panahon sa mga alikabok ng imbi at agiw ng pagdurusa. Kailangan nating tumindig, manindigan, at maging matuwid, tungo sa isang lipunang malinis, makatao, at bawat isa'y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao, sa diwa, sa salita, sa gawa, at sa kalooban.

Sampaloc, Maynila
17 Disyembre 2009

Lunes, Disyembre 14, 2009

Pambungad sa aklat na Bigkis 1 ni Dimas Ugat

PAMBUNGAD 
‎Gregorio V. Bituin Jr.
‎
‎Pebrero 6, 2009, sa ikawalong anibersaryo ng pagkapaslang sa bayani ng uring manggagawa, ay inilathala ng inyong lingkod ang aklat na KA POPOY, Working Class Hero. Nanawagan kasi ako sa mga kasama upang magpasa ng akda hinggil kay Ka Popoy bilang lider namin sa kilusang paggawa. Marami ang nagpasa ng akda, at idinagdag ko na rin ang mga balita at editoryal mula sa iba't ibang pahayagan noong siya'y mapaslang, tulad ng front page sa Inquirer na ang headline ay “Ka Popoy Shot Dead Inside UP”, at ang makabagbag-damdaming letter-to-the-editor ni Dennis Mendiola na pinamagatang “Popoy: The Pragmatic Leninist”.

Nasaliksik ko rin ang talumpati sa Kongreso nina Sanlakas Rep. JV Bautista at Valenzuela City Rep. Magtanggol Gunigundo hinggil sa nangyaring pagpaslang kay Ka Popoy.

‎‎Inilunsad ang aklat sa isang palatuntunang idinaos sa tabi ng marker ni Ka Popoy sa UP Bahay ng Alumni kung saan siya pinaslang, at marami ang dumalo, hindi pa dahil sa aklat, kundi dahil anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy. Dalawa kong tula at isang sanaysay ang isinama ko sa nasabing aklat.

‎Una kong nakita si Ka Popoy noong maagang bahagi ng 1994, sa RG Bldg. sa Cubao, kung saan nag-oopisina ang ilang NGO (non-government organizations) at PO (people’s organizations).

Noong panahong iyon, halal akong Basic Masses Integration (BMI) officer ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) na nabuo noong Nobyembre 30, 1993. 

Mula sa pagiging LFS-NCRR (League of Filipino Students - National Capital Region - Rizal) ay binuo ang Kamalayan.

‎Ang naglathala ng aklat ay ang Aklatang Obrero Publishing Collective na aking itinatag noong 2007 nang mabatid ko sa kaibigan at kapwa manunulat na si Prof. Ed Aurelio Reyes kung paano magmanu-mano ng pagbu-bookbind. Dahil nalaman ko na kung paano mag-bookbind, nagsimula na ako sa paglalathala ng libro. ‎Lalo't kabisado ko ang PageMaker dahil isa ako sa kagawad ng publikasyong Taliba ng Maralita ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP. Nakapagsulat din ako sa magasing Tambuli ng BMP. Mula sa pagiging istap ng grupong Sanlakas noong 1996 ay na-deploy ako sa KPML noong 2001. Nagsulat din sa magasing Maypagasa ng Sanlakas. Nagsilbi rin akong staffwriter (1993-95) at features and literary editor (1995-97) sa publikasyong pangkampus. 

Nagpultaym ako sa kilusang mapagpalaya noong kalagitnaan ng 1997 at iniwan ang apat na sulok ng pamantasan.

‎Isang gabing pusikit ang karimlan at walang matanaw na bituin sa langit, napag-isipan kong kung kaya ko palang maglathala ng libro tungkol kay Ka Popoy, bakit hindi ko subukang ilathala naman bilang aklat ang mga nakatha kong tula, kwento at sanaysay. 

Kaya sabi ko sa sarili, titipunin ko ang mga akdang sinulat ko subalit nakatago na lang sa isang sulok (walang baul) upang anayin. 

Ilalathala ko ang mga iyon sa isang aklat. Napagpasyahan ko ring gumamit na ng talipanpan o pseudonym tulad ng ibang makata, manunulat at rebolusyonaryo. At napili ko ang Dimas Ugat. 

“‎Bakit Dimas Ugat?” Tanong mo. Nais ko kasing ipagpatuloy ang makasaysayang tradisyon ng ating mga dakilang bayani, na ang talipanpan o pseudonym ay nagsisimula sa Dimas. Kaya kung si Gat Jose Rizal, bukod sa Laong Laan, ay gumamit ng Dimas Alang o Dimasalang, kung si Gat Emilio Jacinto, bukod sa Pingkian, siya rin si Dimas Ilaw (mula sa Di Masilaw), kung si Dr. Pio Valenzuela ay Dimas Ayaran (o Di Masayaran) (ang Ayaran umano sa lumang Tagalog ay nangangahulugang hindi mapantayan), kung ang makatang Ildefonso Santos ay Dimas Indak (mula sa Di Masindak) na astig talagang talipanpan, ako naman, si Gregorio V. Bituin Jr., ay Dimas Ugat (o Di Masugat).

‎Nasa kaliwa ng nagngangalang Dimas si Hesus na katabi niyang nakapako sa krus sa Kalbaryo. Nasa kanan naman ni Hestas si Hesus. Humingi ng tawad si Dimas sa kanyang mga kasalanan at sinabi ni Hesus kay Dimas na isasama niya ito sa paraiso. Ito marahil ang dahilan kaya ginamit nina Rizal, Jacinto, Valenzuela at Santos ang pangalang Dimas, at dinugtungan nila ito ng apelyido, na kung ididikit sa Dimas, ay naglalarawan ng katatagan sa harap ng mga pagsubok o anumang tunggalian. Dimasalang ay hindi masasaláng. Dimasilaw ay hindi nasisilaw sa salapi o sa anupamang ikinapapariwara ng pagkatao. Dimasayaran ay dahil hindi mo masasayaran ng ginto ang kanyang pagkatao at prinsipyong tangan, bukod sa hindi siya mapapantayan. Dimasindak ay hindi mo masisindak.

Naalala ko ang aking kabataan noong ako’y nasa elementarya. May magandang madreng lagi kaming sinasabihang mag-ingat at baka masugat ang aming kamay, tuhod, o anumang bahagi ng katawan, dahil sa kalikutan. “Mag-ingat upang di kayo masugat.” Iyan ang bilin o bukangbibig ng madreng may bilugang mukha, kayganda pang ngumiti at malumanay magsalita. .

Naalala ko siya dahil sa paghahanap ng talipanpan na babagay sa akin bilang manunulat at makata. Lalo’t nabasa ko sa isang aklat na ang talipanpan ng makatang Ildefonso Santos ay Dimas Indak (Di Masindak). Wow! Astig! At naalala ko pang Dimas Alang si Rizal, Dimas Ilaw si Jacinto, at Dimas Ayaran si Pio Valenzuela. Tapos naisip ko ang bilin ni Sister, “Mag-ingat upang di masugat.” Iyon na, Dimasugat o Dimas Ugat. Sabi nga ng isang nakakakilala sa akin, lumaki raw ako sa piling ng mga madre (elementarya), lumaki ako sa piling ng mga pari (hayskul), at lumaki ako sa piling ng mga aktibista noong ako’y nasa kolehiyo na. Tama siya.

Pinagnilayan ko rin ang iba pang pangalang maaaring gamitin tulad nitong Dimasupil, subalit kilalang apelyido ito. Dimasalanta, ngunit katunog ni Dian Masalanta, na umano’y totoong pangalan ni Maria Makiling. Naisip ko rin ang Dimas Aling o Di Masaling, Dimas Alat o Di Masalat, Dimas Ipat o Di Masipat (kapangalan ni Atty. Ipat Luna na environmentalist), Dimas Ulat o Di Masulat (hindi ko ba masulat ang aking ulat?). Dimas Ukol o Di Masukol. 

Ay, oo, naisip ko ring gamitin ang Dimas Ukol o Di Masukol. Lalo na nang sumagi sa aking isipan ang sagot na “Molon Labe” (Come and get it o Halika, Kunin Mo) ni Haring Leonidas ng Sparta nang sinabihan siya ni Haring Xerxes ng Persia na isuko o isalong ang kanilang mga armas sa tunggalian sa Thermopylae. Ngunit hindi pasusukol si Lolo Leonidas sa patibong ni Xerxes.

Subalit ang Dimas Ugat ay kakaiba. Pinagsama si Dimas at Ugat. Nagsimula akong maging tibak sa araling “Ano ang UGAT ng kahirapan?” na dapat solusyunan sa pamamagitan ng pagbabago ng bulok na sistema. Dapat putulin ang UGAT ng sistemang bulok!

Ang Di Masugat ay tulad din ni Achilles na hindi tinatablan ng sandata sa anumang bahagi ng katawan maliban sa kanyang sakong. Gayunman, nasugatan na rin ako nang magkagalos nang minsang nasukol o nahúli sa pagkilos. Dapat kasing makasaklolo sa mga kasamahang nahúli. Kung hindi sila mailigtas ay samahan sila kapag nadakip, sapagkat walang puwang ang pagkamakasarili sa prinsipyadong sosyalista. Sama-sama kami sa pagkilos, at sama-sama pa rin sakaling madakip, makulong, matortyur o mapatay. Ayokong masabihang nang-iiwan ng mga kasama sa gitna ng laban.  Mapalad na kung kami’y makaligtas, subalit walang iwanan. 

Nahuli na ako sa Mandaluyong (1995 at 1999) dahil sa OP-OD, sa Maynila (1997) noong panahon  ng Bukluran  ng  Kabataan para sa Pagbabago (BKP), sa isyu din ng VFA o Visiting Forces Agreement (taon 2000) nang mabugbog ako sa loob ng Senado at mapiit sa Pasay City Jail. Mabuti na lang at nailabas ako sa piitan nina kasamang Juday at Sanlakas Congressman Renato Magtubo. Ay, kayrami pang danas tulad niyon ang aming naranasan.

Balik tayo kay Dimas. Kung si Dimas ay isang magnanakaw at isasama siya ni Hesus sa paraiso, mabait kaya si Dimas? Gaano kaginto ang kanyang puso? Gaano kaganda ang kanyang kalooban? O tulad ba siya ni Robinhood na ninanakawan ang mayayaman upang ibigay sa mga mahihirap? O tulad siya ni Teodoro Asedillo? Tumimo sa isipan ko ang sinabi ni Asedillo na ang buhay ay isinapelikula ni FPJ. Ani Asedillo sa mamamayan ng San Antonio sa Laguna: “Ako raw ay magnanakaw. Oo, ako'y magnanakaw! Pero hindi ko ninanakaw ang mga butil ng kanin na isusubo na lamang sa bibig ng mga mahihirap. Ang pinagnanakawan ko ay ang mga taong mawalan man ng kaning isusubo sa kanilang bibig ay mayroon pang isang dangkal na lupang pagtataniman ng palay upang may maisaing.”

Sa ating kasaysayan, bukod kay Asedillo ay marami pang  manghihimagsik at nangangarap ng lipunang patas at malayang bayan ang itinuring na tulisan o bandido, tulad ng mga bayaning sina Macario Sakay, Lucio De Vega, Cornelio Felizardo, Koronel Faustino Guillermo, Heneral Luciano San Miguel at Heneral Simeon Ola. Kaya nasa panig ako ng mga taong nais ng pagbabago at naglilingkod sa bayan subalit itinuring na bandido, tulad noong panahon ng Amerikano. Kasangga ko sila sa prinsipyo.

Kamakailan, may nagsabi sa aking mali raw ang salitang di masugat, na mas wasto ang “di masugatan”, may panlaping “an” sa dulo ng salita.  Ayoko na kung Dimas Ugatan ang aking talipanpan.

Para sa akin, ang Dimas Ugat ay paalaala ng aming kabataan noong madalas kaming bilinan ng isang butihing madre na lagi kaming mag-iingat upang “di masugat” sa aming ginagawa.

Matagal kong pinag-isipan kung anong ipapamagat sa aklat na ito na dapat sumasalamin sa akin, kung sino ako, kung ano ako. Ako'y aktibo, pultaym na aktibista, makatang wala sa akademya, at madalas bumigkas ng tula sa rali. Nais kong walang superhero sa aking mga sulatin, kundi ang bida ay ang taumbayang sama-samang kumikilos. Siyang tunay, ang pagiging bida ng taumbayan ay nakita ko sa Unang Pag-aalsang Edsa kung saan kasama ko ang aking ama. Walang bida kundi ang sambayanang sama-samang kumilos na nagpatalsik sa diktador. Kaya sa aking mga tula, at iba pang akda, taumbayan lagi ang bida, mga taong di kilala subalit malaki ang iniambag sa lipunan: ang mga manggagawa, maralita, kababaihan, magsasaka, OFW, at iba pang aping saray ng lipunan, lalo na ang tinatawag na sagigilid o nasa laylayan. Tanging sa sama-sama o kolektibong pagkilos lang makakamit ang tagumpay. 

Ika nga sa isang awit, "wala tayong maaasahang Bathala o Manunubos, pagkat ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos".

Naisip kong KOLEKTIB o KOLEKTIBO ang pamagat ng aklat na ito. Subalit hango sa wikang banyaga. Sa pananaliksik ko, may katutubo tayong salita sa kolektibo - PALANSAK. Ngunit kailangan pang ipaliwanag. Mayroon pa: BUKLOD o BIGKIS na tanda ng pagkakaisa. Subalit Buklod ang tawag sa yunit ng manggagawang aming inoorganisa. Kaya BIGKIS na ang pinili kong pamagat ng aklat. Madali pang maunawa ng masa.

‎Pinagnilayan ko rin kung Unang Aklat ba ito. Kung unang aklat, dapat may pangalawang aklat, pangatlong aklat, atbp. Dahil iyon ang layunin, nilagyan ko na ng Unang Aklat ang pamagat. Unang nalathala ang ilang tulang naririto sa serye ng mga lathalain sa Taliba ng Maralita at sa pahayagang Obrero. Nilagyan ko na rin ng petsa kung kailan ba nagawa ang tula o kailan ito nalathala.

Sa ngayon, nais kitang pasalamatan dahil binabasa mo ang aklat na ito at sana’y manamnam mo ang 37 tula rito. Mabuhay ka!

‎Sa pamamagitan ng aking mga tula, ang makata'y iyong makikilala. At sana'y maging kalakbay kita sa bawat pakikibaka. Ika nga ng nobelista at makatang Rusong si Yevgeni Yevtushenko, "A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote." Kaya tara, magbasa na ng aking mga tula.‎

‎Sampaloc, Maynilà, Disyembre 14, 2009