Miyerkules, Mayo 29, 2019

Kwento - Ang payo ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML


ANG PAYO NI KA EDDIE GUAZON, ANG UNANG PANGULO NG KPML
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong taon ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mayo 19, 1989 siya namatay nang siya’y inatake sa puso sa loob ng Senado habang ipinagtatanggol ang mga maralita laban sa naganap na demolisyon. 

Kaya nagkausap ang ilang mga maralitang nakakakilala noon kay Ka Eddie, at nais nilang maghandog ng pag-alala sa namayapang lider.

Sabi ni Aling Iska, “Dalawin natin ang puntod ni Ka Eddie Guazon at mag-alay tayo ng bulaklak.”

Sinegundahan naman ito ni Mang Kanor. “Tama ang mungkahi mo dahil ikatatlumpung anibersaryo na ng kanyang kamatayan ngayong Mayo. Kailangan lang masabihan natin ang ilang lider ng KPML na hindi na siya naabutan.”

“Natatandaan ko pa ang kanyang sinabi noon, na ngayon ay naukit sa isa niyang larawan sa tanggapan ng KPML, kung saan nakataas ang kaliwa niyang kamao.” Ang sabi ni Iska, “Pag nakikita ko iyon ay aking naaalala ang aming mga pinagdaanang laban, lalo na nang siya’y namatay nang makipagdebate sa loob ng Senado dahil sa pagtatanggol sa mga maralitang dinedemolis.”

“Ano nga pala ang sinabi ni Ka Eddie?” Tanong naman ni Inggo, na naroong nakikinig sa usapan.

“Ang kanyang sinabi, kung natatandaan ko pa ng eksakto, ay ‘Ang pabahay ay karapatan kahit siya pa ay mahirap.’ Oo, parang ganyan nga ang natatandaan ko. Isang prinsipyong tinanganan ko hanggang ngayon sa patuloy na pakikibaka para sa karapatan at kagalingan nating mga maralita.”

“Planuhin natin ang pagpunta,” mungkahi ni Mang Kanor, “upang makasama rin sa atin ang mga bagong pamunuan ng KPML. Baka nais din nilang magtungo sa pinaglagakan ng kanyang mga labi at magbigay ng respeto at bulaklak bilang alay.”

“Aba’y maganda ang iyong mungkahi,” ani Iska, “kaya mabuti pa’y magtungo muna tayo sa tanggapan ng KPML upang iyan ay ating mapag-usapan, maplantsa ang plano, at sabay-sabay na magtungo roon ang mga bagong pamunuan at iba pang kasapi ng KPML. Aba’y tara na!”

Kaya nagtungo na sila sa tanggapan ng KPML upang imungkahi ang kanilang naiisip. Agad na sabi ni Iska, “Ka Pedring, sa ika-19 ng Mayo ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML. Anong plano ninyo? Kung wala pa, nais naming imungkahing magtungo tayo kahit sandali lang sa kanyang libingan at mag-alay ng bulaklak at magsindi ng kandila.”

Naroon si Ka Pedring, at sinabing “Maganda ang inyong sinabi at maging ako’y nais kong magtungo sa sementeryo upang magbigay-pugay. Dapat maisama natin ang mga bagong halal na pamunuan ng KPML sa lakad na iyan.”

Hanggang sa mapansin ni Iska ang nakaukit na litrato ni Ka Eddie, kung saan may KPML sa ibabaw, nakataas ang kanyang kaliwang kamaong nakakuyom, habang nakaukit din doon ang bilin ni Ka Eddie, na ang nakasulat: “Ang kasiguruhan sa paninirahan ay karapatan ng bawat mamamayan maging siya man ay maralita.”

“Tamang-tama at may pulong kami ngayon,” ani Ka Pedring, “at dapat isama natin iyan sa plano. Malapit na ang Mayo 19.”

Maya-maya pa’y nagdatingan na ang iba pang kasapi ng bagong halal na NEC o National Executive Committee ng KPML. Nariyan sina Ka Kokoy, Ka Tek, Greg na secgen, Vicky, si Neneng na ingatyaman. Maya-maya pa’y narinig na rin nila ang ugong ng motor ng auditor na si Manuel.

“Mga kasama,” bungad ni Ka Pedring, “bilang pagpupugay sa ating unang pangulong si Ka Eddie Guazon, “ay dadalawin natin ang kanyang puntod, dahil sa Mayo 19 ang ikatatlumpung anibersaryo ng kanyang kamatayan. Ayos ba sa inyo?”

Tumugon si Neneng, “Okay iyan. Paghandaan lang natin ang mga kandilang sisindihan at bulaklak na iaalay natin. Salamat kay Ate Iska sa kanyang paalala sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2019, pahina 18-19.

Martes, Mayo 14, 2019

Kwento - Pakikiisa ng maralita sa mga manggagawa sa Mayo Uno


PAKIKIISA NG MARALITA SA MGA MANGGAGAWA SA MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahalaga sa mga maralita ang pagiging mala-manggagawa o bilang bahagi ng uring manggagawa. Karamihan sa kanila’y hindi swelduhan ng kinsenas at katapusan kumpara sa kauri nilang manggagawa sa pabrika. Madalas, nabubuhay sila sa diskarte, pagtitinda sa bangketa na madalas ay hinahabol at hinuhuli. Subalit nais nilang mabuhay ng marangal, kaya kahit sa mumunting trabaho, halimbawa, pagwawalis, paglilinis ng kanal, pagkakarpintero, paglalako ng kung ano-ano, tulad ng tuhog-tuhog, ay ginagawa nila upang mabuhay at may maipakain sa kanilang pamilya.

Kaya pagsapit ng Mayo Uno, Daigdigang Araw ng Paggawa, sila’y nakikiisa sa pagdiriwang nito, at sumasama sa rali upang gunitain ang mga sakripisyo ng mga naunang manggagawa sa kanila, lalo yaong mga nangamatay sa Haymarket Square sa Chicago noong Mayo 1886, upang ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. 

Nagsalita si Mang Ambo sa mga kapitbahay niya sa isang iskwater. “Sasama ba kayo sa rali sa Mayo Uno? Kung hindi pa, kayo’y aking inaanyayahang dumalo at makiisa sa Dakilang Araw ng Paggawa.”

Nagtanong si Berting, “Bakit naman kami sasama riyan, ay wala naman kaming sahod tulad ng mga obrero sa pabrika? Ano bang pakinabang namin diyan? Mahirap para sa amin ang sumigaw ng Sahod Itaas, Presyo Ibaba, dahil nga wala naman kaming sahod na patataasin?”

Sinagot siya ni Mulong, “Alam mo, Berting, bakit kaya ang mga manggagawa ay umuuwi sa komunidad ng maralita, lalo na sa iskwater? Dahil kapwa sila mahirap at pinagsasamantalahan ng bulok na sistema ng lipunan. Sa madaling salita, pangunahin dahil sa krisis sa ekonomya, mababang sahod, at kakapusan sa kabuhayan na nagtutulak sa kanila upang mamuhay sa mga lugar na abot-kaya, kahit na ito ay sa tabing riles, tabi ng tapunan ng basura, o sa ilalim ng tulay. Madalas, ang mga obrero’t maralita’y magkasamang nakikipagsapalaran sa lungsod.”

“Sabagay, tama ka, Mulong,” pagsang-ayon ni Berting, “Mababang sahod at malaking gastusin, na di makaagapay ang sahod sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Subalit bilang maralitang walang sahod at pulos diskarte lang upang makakain ang pamilya sa araw-araw, parang kayhirap namang isigaw ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba! Bagamat maaari naman kaming sumama sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Maraming salamat naman kung sasama kayo,” ani Mang Ambo, “subalit mas magandang bukal sa inyong puso at nakumbinsi kayo sa katwiran kung bakit dapat nating ipagdiwang ang Mayo Uno kahit wala kayong sinasahod. Nais ko pang magbigay ng ilan pang paliwanag. Ang mga manggagawa ay madalas na malapit sa mga sentro ng kalakalan, pabrika, o opisina kung saan sila nagtatrabaho. Nakakatipid sila sa pamasahe at oras sa pagbiyahe. Madalas ding ang kakulangan ng abot-kayang disenteng pabahay sa mga lungsod ang nagtutulak sa kanilang tumira sa tabing ilog, ilalim ng tulay, o riles ng tren. Ang mataas na implasyon at kawalan ng regular na trabaho ay patuloy na nagpapahirap sa masa, na nag-uudyok sa kanilang ipaglaban ang kanilang karapatan.”

Tatango-tango naman si Berting at ilang mga kapitbahay. Hanggang sa sumapit ang Mayo Uno. Nagtungo sila sa Daang España at nagmartsa patungong Mendiola at doon ay inilahad nila ang kanilang hinaing.

Si Mang Ambo ang unang tinawag upang magsalita, “Bilang isang dating unyonistang nawalan ng trabaho dahil ginipit ng kapitalista, narito kami bilang mga maralitang nakikiisa sa laban ng manggagawa. Wala man kaming sinasahod ngayon, ito’y hindi hadlang upang isigaw natin ang madalas na nating panawagan: Sahod Itaas, Presyo Ibaba!”

Ang pangulo naman ng isang unyon ang nagsalita, “Salamat, Mang Ambo, sa iyong tinuran. Kami mang mga manggagawa sa pabrika ay sumasahod, hindi iyon sapat. Kaya naghihirap din kami tulad ninyo. Subalit ngayong Mayo Uno, ating tandaan, mga kasama, tayong naririto ay nasa iisang uri, magkakauri tayo, bilang uring manggagawa. Dahil ang manggagawa at ang maralita, na madalas ituring na mala-manggagawa, ay nasa iisang uri, bilang mga walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Iisa ang ating uri. Tayo’y mga proletaryado!”

Sumigaw si Mulong, “Halina’t nating isigaw, Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

Sila’y tumugon: “Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Biyernes, Mayo 3, 2019

Kwentong cabbage at ang wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.