Huwebes, Hunyo 29, 2023

Kwento - Ang Larawan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG LARAWAN

“Natuwa ako sa larawang aking nakita. Nakapagmumulat talaga. Magaling ang nagpinta niyon. Para bang tulad din nating aktibistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.” Ito ang sabi ni Igme kay Isay.

“Bakit? Saan ka ba nagpunta? Nakunan mo ba ng litrato sa selpon mo?” Sagot naman ni Isay. “Tingnan ko nga.”

Agad namang ipinakita ni Igme ang larawan sa kanyang asawa.

“Tingnan mo, Isay, hindi ba? Para bang iyan ang itinuro sa atin noon sa Aralin sa Kahirapan (ARAK), at sa Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran (LSK2) noong mga YS pa tayo. Kung paano ba nagpapasasa ang mga bundat na pulitiko at tusong negosyante sa pagsasamantala sa mga maliliit.” Pagpapatuloy ni Igme.

Maya-maya’y dumating ang kapitbahay nilang si Inggo na kolektibo rin nila noong mga estudyante pa sila.

“Ano na naman iyan, Igme. Para bang tungkol sa kasaysayan ang ibinibida mo ngayon, ah,” ani Inggo.

“Oo, pare. Nagandahan ako sa konsepto ng isang iginuhit na larawan na nakapaskil sa pader ng isang pagupitan. Nadaanan ko lang at nilitratuhan ko. Tingnan mo,” ang sabi naman ni Igme.

“Mapagmulat ang mensahe niyan, “sabi ni Inggo. “Matatapos na ang piging ng mga bundat na mayayaman, bukod sa mabulunan sila, ay kung titindig ang mga manggagawa’t maralitang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing uri. Subalit kung titindig nga sila. Kung hindi sila tatayo, mangangalay lang sila at mapapagod sa pagsisilbi sa mga mayayamang nambabarat pa sa kanilang mga sahod.”

“Ibig sabihin niyan, pare,” sumabad si Isay, “kahit matatanda na tayo, hindi pa rin tapos ang ating gawain ng pagmumulat. Dapat patuloy tayong magmulat, at ipakita sa sambayanan na dapat silang manindigan at sama-samang kumilos kung nais nilang mabago ang kalagayan nila, at mabago ang sistemang umiiral.”

“Ibig sabihin ba niyan, babalik tayo sa kilusan, gayong mayroon na tayong naipanalong relokasyon at may sariling bahay?” Tanong ni Inggo.

“Ano pa nga ba,” si Isay uli. “Nang makita ko ang larawang iyan,  nabuhay muli ang nais kong tumulong upang magmulat at magpakilos. Hindi pa naman natin nakakamit ang lipunang asam natin.”

“Nakakagalit nga ang larawang iyan. Nakatukod ang likod ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang tao sa hapag kainan ng mayayaman. Para silang mga paa ng lamesa.” Sabi ni Igme. “Inilalarawan lang niyan ang tunay na kalagayan nating mga maliliit. Kung ang larawang iyan ang muling magpapakilos sa atin sa katotohanan ng buhay at pagnanasang makamit ang isang lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, aba’y magsikilos muli tayo. Kakausapin ko si Ka Kokoy upang makipagpulong  tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), o sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ano, sasama ba kayo?”

“Dati akong nasa Sanlakas,” ani Isay, “sasama ako sa plano ninyo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Hunyo 14, 2023

Kwento - Kung may paglaya ng bansa, dapat may pagkatatag ng bansa


KUNG MAY PAGLAYA NG BANSA, DAPAT MAY PAGKATATAG NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabasa ni Inggo sa pahayagang Abante ang plano ng pamahalaan hinggil sa pagdiriwang ng Hunyo 12 sa bansa pagkat ito’y Araw ng Kalayaan. Sa pandaigdigan naman, ito’y World Day Against Child Labour (Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata). Kaya habang nasa karinderya ni Aling Isay isang hapon, nasabi niya sa mga kasama sa samahang magkakapitbahay: “Hindi ba’t kung may paglaya ang bansa ay dahil may natatag o nabuong bansa? Paano ka lalaya kung wala kang bansang pinalaya? Kailan ba naging bansa ang ating bansa?”

Sumabat si Kanor, “Napapaisip ako sa mga tanong mo, ah, na tama naman. Dapat alam natin kung kailan naging bansa ang ating bansa, na kung lumaya tayo ay napalaya ang bansang nakatayo na. Hindi ba?”

Sumagot si Kosme, “Kung aaralin ang ating kasaysayan, naging bansa tayo o nabuo ang ating bansa ay nang sabay-sabay na punitin ng mga Katipunero ang kanilang sedula noong himagsikan na naging hudyat upang ang Katipunan ay matransporma bilang rebolusyonaryong pamahalaan. Hindi pa ito tinatawag na Pilipinas noon dahil pag sinabing Filipino, Iyon ang mga taong may lahing Espanyol na ipinanganak sa bansa, habang ang mga katutubo ay tinatawag na Indio. Kaya wala pang bansang Pilipinas o Filipinas noon.”

“Ganoon ba?” Sabi ni Kanor. “Ang mabuti yata’y sumangguni tayo sa mga historyador sa kanilang mga sulatin. O kausapin sila upang ating mabatid kung kailan ba talaga naging Pilipinas ang Pilipinas. Sina Andres Bonifacio kasi ay hindi naman Pilipinas ang itinatag kundi Haring Bayang Katagalugan o Sovereign Tagalog Nation. Anong masasabi mo?”

Sumagot si Inggo, “Palagay ko’y tama ang sinasabi ni Kosme dahil palabasa iyan ukol sa kasaysayan. SIge, Kosme, magpaliwanag ka pa.”

Napilitan tuloy magpaliwanag si Kosme sa pakiramdam niya’y isang hamon. “Nabasa ko kasi ang sinulat ng tatlong historyador na sina Dr. Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas. Tamang-tama, narito sa bag ko itong dokumento. Basahin ko ang huling bahagi: The first Filipino national government was established on 24 August 1896. Filipinos should observe the date as National Day, if the 1896 Philippine Revolution and the Katipunan are to have any worth at all. And Filipinos should recognize  Andres Bonifacio not only the founder ofthe Katipunan and leader of the revolution of 1896, but as the first Filipino president: the father of the nation and founder of our democracy.”

“Ibig sabihin ba, noong Agosto 24, 1896 ang ating makasaysayang Birth of the Nation o Pagkakabuo ng Bansa? Aba’y iyan na. Subalit bakit hindi iyan kinikilala sa ngayon?” Tanong ni Inggo.

“Ang masasabi ko na lang ay sarili kong opinyon, ha.” Ani Kosme. “Hindi kinilala iyan dahil baka masapawan ang deklarasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo sa kalayaan ng bayan. Ngunit alam nating siya umano ang nag-utos na patayin ang magkapatid na Bonifacio. At nabuhay pa siya hanggang 1964, na 67 taon matapos paslangin sina Bonifacio. Kaya anong aasahan natin sa ganyang sitwasyon? Subalit kung sususugan ko ang iyong tanong na kung lumaya ang bansa ay dahil may nabuong bansa, at nakibaka tayo upang ang bansang itinayo ay mapalaya. Kaya dapat ngang kilalanin ang pagkakabuo ng bansa.”

“Kaya anong magandang gawin natin.” Tanong ni Inggo.

Si Kanor, “Ang mabuti pa yata’y isulat ni Kosme ang pananaw na iyan sa paraang petisyon at papirmahan natin sa mga tao upang maging batas. Magtatalakay tayo, una, sa ating mga kapitbahayan. Sunod ay sa mga guro ng ating mga anak, at paramihin natin ang petisyon hanggang makaabot sa maraming mamamayan, maunawaan ito, at makaabot ito sa ating mga kongresista, senador at sa pangulo upang maging batas.”

“Ang malinaw dapat sa atin,” ani Kosme, “kaya natin ginagawa ito ay dahil sa pagtinging paano lalaya ang “bansang” hindi pa naman bansa kundi ipinaglaban muna natin iyon hanggang maging bansa. Tama lang na kilalanin ang pagkakabuo ng bansa.”

“Ang Birth of the Nation ay noong Agosto 24, 1896 at ang Araw ng Kalayaan ay noong Hunyo 12, 1898. Dapat sabay maisulat iyan sa ating mga aklat sa kasaysayan. Simulan mo na, Kosme, ang petisyon, at sa Sabado ay magpatawag na tayo ng pulong ng samahan.” Masayang sabi ni Inggo.

 * Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2023, pahina 18-19.