Linggo, Setyembre 29, 2019

Kwento - Sa ikasampung anibersaryo ng bagyong Ondoy


SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natagpuan ko ang aking sariling nakatayo sa harap ng isang dating opisinang tinirahan ko rin ng ilang taon. Tanda ko pa, doon nalunod ang napakarami kong gamit, tulad ng mga papel, kwaderno ng mga tula, mga nabili kong libro, mga nagawa kong aklat, at sangkaterbang damit. 

Setyembre 26, 2009, sa loob ng anim na oras ay umulan ng malakas. Nagkataong wala ako sa opisina ng Bukluran ng Mangggawang Pilipino (BMP) sa K7 St., kundi naroon ako sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Matatag St. Doon sa PLM ay dama namin ang malakas na ulan subalit hindi naman nagbaha sa labas. Subalit sa K7, mababa pala ang lugar na iyon na parang batya, doon ay hanggang tuhod ang baha. Nagkalat ang aking mga gamit, basang-basa. Wala akong naisalba dahil wala nga ako roon. Kung naroon ako’y baka may naisalba pa ako, lalo na ang mga libro ko at damit, at naiakyat iyon sa ikalawang palapag ng inuupahang opisina.

Mabuti na lang din at wala ako roon, kundi ay baka nabasa rin ang kakukuha ko lang na pasaporte. Pagkat dalawang araw matapos iyon, Setyembre 28, 2009, ay kasama ako ng grupong ClimeXchange papunta sa bansang Thailand bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na nagaganap sa Bangkok. 

Giniba na ang apartment ng opisinang iyon kung saan ako nakatayo. Isang alaala na lamang ang mga iyon. Isang dekada na pala ang nagdaan. Ngayon, sampung taon makaraan ang bagyong Ondoy, na ang sinasabi’y isang buwan ng pag-ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras, nasaan na ba tayo ngayon? Anong mga aral kaya ang ating natutunan o  nakuha sa insidenteng iyon?

Sa isang talakayan kasama ang grupo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), napag-usapan namin ang Ondoy, pati na ang iba pang nagdaang matinding bagyo sa bansa, tulad ng Yolanda. Dapat daw pagbayaran ng Annex 1 countries ang kanilang ginawang kapinsalaan sa mga bansa sa Global South, tulad ng Pilipinas. Tanong ng isa sa mga tagapagpadaloy ng talakayan: “Ano ang inyong pagtingin o pag-unawa sa ating tinalakay kanina?” Agad akong nagtaas ng kamay.

Agad akong tumayo, “Sino bang dapat sisihin ng mamamayan kung ang kalikasan na’y masirang tuluyan? Ang mga pabrika nga ng kapitalista ay panay na usok ang ibinubuga. Fossil fuel at coal power plant ang pinaaandar nila. Panay luho lang ang mga elitista.”

Nagtaas din ng kamay si Igme, “Maganda ang iyong tinuran, Gorio. Tila ang burgesya'y walang pakialam, mga elitista'y walang pakiramdam kahit masira man itong kalikasan.”

Patango-tango lang si Isay, na siyang tagapagpadaloy ng talakayan.

Nagsalita si Ka Ruth, “May apat na hakbang na dapat isagawa ang ating pamahalaan: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).“

“Tama ka,” Sabi ko kay Ka Ruth. “Subalit wala pa riyan kung paano natin mapapanagot ang mga Annex 1 countries na mga bansang matindi kung magbuga ng mga usok, tulad ng fossil fuel at coal plants.”

“Iyan ang dapat nating pag-usapan kaya naghahanda rin tayo sa isang kilos-protesta upang iparinig ang ating hinaing.” Ani Gerry. “Kung kinakailangan ay masampahan ng kaso ang mga pabrika, tulad ng Shell, o bansa pangunahin ang US, kaya patuloy ang pag-iinit ng mundo at iba pa. Subalit sa ngayon, tutukan muna natin ang pagtalakay ng isyung klima sa inyong mga komunidad at organisasyon.”

“Sang-ayon ako. Magtalakay muna kami sa aming samahan upang mas maunawaan pa iyan ng ating mga kasapian.” Sabi ko sa kapulungan.

“Maaari ba tayong mag-iskedyul kung kailan kayo magtatalakay sa inyong samahan, at baka makatulong kami,” sabi ni Isay.

“Sige po, Mam Isay. Maaari kami sa susunod na Sabado.” Sabi ko.

Sumagot si Igme, “Kami naman ay sa araw ng Linggo.”

“Teka, ilista ko lang,” ani Isay.

Natapos ang talakayang may babaunin silang pag-asa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 16-30, 2019, pahina 18-19.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

Kwento - Gawing pista opisyal ang araw ng pagpapatalsik sa mga base militar


GAWING PISTA OPISYAL ANG ARAW NG PAGPAPATALSIK SA MGA BASE MILITAR
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Dapat lang gawing pista opisyal sa ating bansa ang pagpapatalsik sa mga base militar,” ani Mulong. “Alam naman nating simbolo ng pananakop ng mga Kano iyang base militar, kaya nang bumoto ang Senado ng Pilipinas ng 12-11 upang tanggihan ang iminungkahing Treaty of Friendship, Cooperation, and Peace noong Setyembre 16, 1991, aba’y bumoto na sila ng paglaya natin sa kuko ng agila. Sana’y ginawang pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang sagisag ng ating paglaya.”

“Tama ka naman sa sinasabi mo, Mulong, sang-ayon ako,” sabi ni Inggo, “Subalit ang mga nakaupo sa gobyerno ang hindi sang-ayon. Alam nating kahit si Pangulong Cory ay nakiisa sa rali kahit na umuulan noon basta mapagtibay lang muli ang pagpapaalipin natin sa Amerika. Dapat nga kasuhan siya ng pagkakanulo sa kalayaan ng bayan.”

“Teka muna,” sabat ni Ingrid, “Aalis naman talaga ang mga Kano kahit walang botohan sa Senado dahil kasasabog pa lang ng Pinatubo noong Hunyo 15, 1991 na lubhang nakapinsala sa Subic Naval Base at Clark Air Base na natabunan ng makakapal na abo.”

“Dagdag pa,” ani Inggo, “Sarado na ang mga base, pinanatili naman ng U.S. at Pilipinas ang isang alyansa sa seguridad sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty. May Mutual Logistics Support Agreement o MLSA pa nga, na ang kahulugan yata’y Muling Luluhod Sa Amerika. Sa kasalukuyan, may Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)  kaya nakakapagkampo ang mga Kano sa mga kampo militar ng bansa.”

“Baka nga may mga nuclear missiles na riyan. Kaya nga tila pilit kinakalimutan sa kasaysayan ang Setyembre 16, 1991,” ani Mulong. “Kaya marahil hindi agad ginawang pista opisyal ang nasabing petsa dahil maka-Amerikano ang pamahalaan nating palaasa sa mga Kano.”

“Kung ganyang maka-Amerikano ang ating mga namumuno, aba’y anong maganda nating gawin upang maisabatas ang mungkahi mong gawing pista opisyal ang Setyembre 16?” Agad tanong ni Ingrid.

Napaisip si Mulong, sabay sabing “Dapat magpaikot tayo ng isang petisyong may lagda ng nakararaming mamamayang Pilipino na nakasaad ang kahilingan nating gawing pista opisyal ang Setyembre 16. Bahagi na rin ito ng pagmumulat sa sambayanan ng kahalagahan ng araw ng pagpapatalsik sa mga base militar bilang araw din ng paglaya.”

“Mungkahi ko’y sulatin mo na ang petisyon, at magpatawag ka na  muna ng pulong sa ating kapitbahayan upang mapag-usapan iyan. At pag nagkaisa na tayo ay papirmahan na agad natin sa ating mga kasapi. Sunod ay kausapin na natin si Kapitan, at si Kongresman upang gumawa ng panukalang batas para riyan.” Sabi naman ni Ingrid.

“SIge, susulatin ko na ang petisyon. At magpulong na agad tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Ayos ba sa inyo?” Tanong ni Mulong.

“Okay iyan, magpatawag na tayo ng pulong sa kasapian.” Ani Inggo.

Kinasabaduhan, maraming kasapi ang naroon na sa tapat ng bahay ni Mulong, at may mga dala nang upuan, at nagpaskil na rin ng manila paper na susulatan nila bilang pisara.

“Magandang hapon, mga kasama,” ani Mulong, “bilang pangulo ng ating samahang magkakapitbahay, ako’y may mungkahi. Sa pag-aaral ng ating kasaysayan, parang kinakalimutan ng pamahalaan ang halaga ng pagpapatalsik sa mga base militar na minsan na nating nilabanan noong kabataan pa ng marami sa ating narito. Kaya ang petisyong nasa kamay ninyo ay panawagang gawing pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang pag-alala at pagpapahalaga sa pagpapatalsik ng mga base militar na simbolo ng pagsakop ng mga Kano sa ating bansa at pagkaalipin ng ating bayan sa kanila.”

Nagtaas ng kamay si Aling Ines, “Lumagda na ako sa petisyon at sana’y lumagda na rin ang iba pa. Hindi lang dito sa ating lugar kundi sa buong bansa. Maganda ang mungkahing ito at sadyang napapanahon na upang kilalanin ng ating bansa ang paglaya natin mula sa pananakop.”

“Dagdag pa,” ani Mang Nestor, “nang lumaya kuno tayo noong 1946 ay sakop pa rin tayo ng Kano dahil sa mga base militar, at ngayon, kahit napatalsik na ang mga base, may EDSA naman, kaya patuloy pa rin tayong binobola at sinasakop ng mga Kano para sa kanilang posisyong militar dito sa Timog-Silangang Asya. Sana lang ay mapaabot natin sa Kongreso, Senado hanggang sa Pangulo ang petisyong ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 1-15, 2019 pahina 18-19.

Ang dalawang makatang nagngangalang Emily

ANG DALAWANG MAKATANG NAGNGANGALANG EMILY
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakabili ako ng aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte nitong Hunyo 7, 2019 sa Full Booked sa Cubao, sa halagang P80.00 lang, sa pag-aakalang ang nabili kong aklat ay ang sikat na si Emily Dickinson. Hindi pala siya iyon, kundi si Emily Bronte.

Kaya natuwa ako nang makita ko sa Book Sale sa panulukan ng Pedro Gil St., at Leon Guinto st. sa Malate, Maynila, ang aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson noong Setyembre 8, 2019 sa halagang P85.00 lamang.

Dalawang Emily. Dalawang babae. Dalawang makata. Kapwa may koleksyon ng kani-kanyang mga tula. Ang isa ay mula sa Inglatera at ang isa naman ay mula sa Amerika. Punumpuno ng emosyon ang karamihan sa kanilang mga tula. Matalinghaga.

Si Emily Bronte ay makata at nobelistang nagsulat ng natatangi niyang nobelang Wuthering Heights. Ang kanyang kapatid na si Charlotte Bronte naman ang nagsulat ng nobelang Jane Eyre, at ang isa pa niyang kapatid, si Anne, ang nagsulat naman ng nobelang Agnes Grey.

Nalathala naman ang mga aklat ng tula ni Emily Dickinson mula nang siya'y mamatay. Ayon sa mga tala, nalathala ang wala pang dalawampung tula niya noong nabubuhay pa siya. At nang mamatay siya ay saka natagpuan ng kanyang kapatid na si Lavinia ang kanyang mga nakatagong maraming bulto ng tula.

Inilathala ng Penguin Classics ang koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte sa aklat na The Night is Darkening Round Me, subalit walang pagtalakay sa buhay ng makata. Kaya kinailangan ko pang magsaliksik sa internet hinggil sa kanyang talambuhay

Inilathala naman ng Orion Publishing Group sa seryeng Everyman's Poetry ang koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson na ang kanyang pangalan ang mismong pamagat ng aklat. Umabot ng 20 pahina ang pagtalakay sa kanyang buhay, na tinilad sa apat na paksa: (a) Note on the Author and Editor; (b) Chronology of Dickinson's Life and Times; (c) Introduction; at (d) A Note on this Text.

Klasiko nang maituturing ang kanilang mga tula, at marahil ay matatagpuan na ang mga ito sa mga aklatan sa iba't ibang panig ng daigdig.

Sa panig ko naman, naging ugali ko nang mangolekta ng mga aklat ng mga tula ng iba't ibang makata, Filipino man o tagaibang bayan. Ito'y bilang pagsuporta sa kanilang mga tula at pagbibigay-pugay sa mga kapwa makata. 

Kaya bagamat di sapat ang salapi sa bulsa ay ibinili ko ng aklat, pagkat bihira nang matagpuan ang kanilang mga aklat sa ating bansa. Collectors' item ang mga ito, ika nga. Marahil sa internet na lang makikita ang mga likha nila, subalit ang magkaroon ka ng nalathalang aklat nila ay talaga namang kakaiba ang pakiramdam. Naamoy mo ang papel, at nadarama mo ang kanilang mga pangungusap, wala mang kuryente o internet. Kaya tiniyak kong madagdag sa aking lagakang aklat o munting aklatan ang mga hiyas ng diwa ng dalawang Emily.

Isinilang si Emily Bronte noong Hulyo 30, 1818 at namatay sa edad na 30 taon noong Disyembre 19, 1848. Isinilang naman si Emily Dickinson noong Disyembre 10, 1830 at namatay sa edad na 55 noong Mayo 15, 1886.

Sanggunian
aklat na Emily Dickinson, serye 38 ng Everynan's Poetry
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-bronte
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-dickinson
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Bront%C3%AB
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Dickinson