Martes, Agosto 24, 2021

Kwento - Dapat gawing pista opisyal ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig


DAPAT GAWING PISTA OPISYAL ANG MAKASAYSAYANG NAGSABADO SA PASIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kasamang Abner, saan ka nanggaling at mukhang pagod na pagod ka?” Tanong ni Crisanto nang dumating ito sa karinderya ni aling Magda upang mananghalian.

Tumugon si Abner, “Nilinis namin ang Plaza Bonifacio, pati paligid ng rebulto ni Hen. Valentin Cruz. Alam n’yo, malapit na ang pagdiriwang ng Nagsabado sa Pasig kaya ang aming grupong Kamalaysayan kasama ang ibang history group ay magsasagawa ng pag-alala sa nasabing makasaysayang pangyayari sa ating bayan sa Agosto 29.”

“Anong uulamin mo, Abner?” Tanong ni aling Magda.

“Ito pong adobo, Manang Magda.” Tugon ni Abner.

“Mabuti’t nilinis n’yo uli iyan. Dapat nga’y pista opisyal na sa ating bansa iyang Nagsabado, kundi man kahit dito man lang sa Pasig.” Ani aling Magda habang iniaabot kay Abner ang order nitong ulam.

Sumabat si Crisanto na tinolang manok ang pananghalian. “Batid ko rin ang pangyayaring iyan. Sa kasaysayan ay iyan ang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga Kastila, hindi ba?”

“Aba’y oo. Sa katunayan, noong Mayo 1896, ay diyan sa bahay ni Heneral Valentin Cruz inilunsad ang pulong nina Gat Andres Bonifacio at iba pang Katipunero na tinawag nilang Asamblea Magna kung saan kasama rin sa pulong si Heneral Emilio Aguinaldo. Sa ilog na Bitukang Manok naman nagpulong sakay ng 17 bangka ang mga rebolusyonaryo sa pamumuno ni Bonifacio upang pag-usapan ang mga balak nilang pagsalakay sa mga kwartel ng Kastila.” Ani Abner.

Nagtanong si Lena, anak ni aling Magda, “Narinig ko na rin po iyan, na kinwento ng tito ko. Sino nga po pala ‘yung nag-interbyu kay Valentin Cruz? Nakalimutan ko na po?”

“Si Ginoong Carlos Tech ang tinutukoy mo, Ineng,” ani Abner. “historyador siya ng Pasig. Isinulat ni Ginoong Tech sa salaysay niyang may petsang Oktubre 8, 1956, na kanyang nakapanayam si Heneral Valentin Cruz, isa sa mga heneral ng Katipunan na kasama ni Bonifacio. Nakatala roong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, pinangunahan ni Heneral Cruz ang kanyang mga tauhan, humigit-kumulang dalawang libong Pasigueño, sa pag-atake sa punong himpilan ng mga guwardiya sibil. Iyon ang unang makasaysayang tagumpay ng Katipunan.”

Idinagdag pa ni Abner, “Nakakumpiska ang mga Katipunero ng tatlong Remington at labimpitong ripleng "de piston". Ayon sa ulat, ang mga Pasigueño ay nagmula sa mga baryo ng Kapasigan, Palatiw, Maybunga, Rosario, Caniogan, Bagong Ilog, Pineda, at Ugong. Sumama rin sila kay Bonifacio sa San Juan sa labanang tinaguriang Pinaglabanan. May iba pang pangkat ng Pasigueñong naiulat pang nakasama sa mga pag-atake ng iba pang mga yunit ng Katipunan sa labas ng Maynila.”

“Salamat po, Kuya Abner, sa paliwanag.” Ani Lena.

Nagsalita uli si Aling Magda. “Maganda ang iyong paliwanag. Subalit ang nais ko’y maisabatas iyan at maging pista opisyal dahil nga iyan ang unang tagumpay ng mga Katipunero. Ano kaya ang magandang gawin natin? Maganda sana’y makausap natin sina Kongresman.”

Napaisip si Abner, “Sige po, kakausapin ko ang mga kasama ko kung anong magandang gawin. Salamat po sa mungkahi.”

Sumabat muli si Crisanto na tapos nang kumain at umiinom na ng palamig, “Sana, bago kayo magdiwang sa Nagsabadong iyan ay gumawa na kayo ng signature campaign upang ideklara ng pamahalaan na maging pista opisyal na ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig.”

Si Lena, “Papadaluhin ko rin po ang aking mga kaibigan at kaklase upang masaksihan ang pagdiriwang at makapakinig kaming mabuti.”

“Maraming salamat,” ani Abner. “Han’yo’t iimbitahan ko kayo pag naisaayos na namin ang programa. At magsusulat na rin kami ng petisyon upang lagdaan ng mga dadalo at makapagdala rin sila ng kopya ng petisyon upang makapagpapirma kahit sa hindi taga-Pasig.”

Dumating ang ika-29 ng Agosto. Nagkaroon ng maikling programa sa Plaza Bonifacio kung saan ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig. May mga lamesa rin doon kung saan lalagdaan ang petisyon nilang maging pista opisyal ang Nagsabado. Umaasa silang dumami ang mga lagdang makakalap upang maibigay sa mayor nila, sa kongresista at sa pangulo upang maging ganap na batas.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2021, pahina 16-17.

Biyernes, Agosto 20, 2021

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito. 

Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik."

Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na ito. Dahil naisip kong bihira lang ang nagkakaroon ng ganitong aklat. Nabili ko ang aklat noong Hunyo 3, 2021 sa halagang animnaraang piso (P600.00).

Ang sukat ng nasabing aklat ay 7" x 10" at ang kapal nito ay 1 at 1/4". Naglalaman ito ng mga pahinang Roman numeral na 42 at Hindu Arabic numeral na 496, na sa kabuuan ay 538 pahina.

Pinasimulan ang aklat sa mahabang talakay ni Galileo S. Zafra, na pinamagatang "Si Lope K. Santos at ang kanyang Palatuntunang Pangwika" mula pahina XI hanggang XLI. Dito'y tinalakay rin niya ang talambuhay ni LKS hanggang sa isulat nito ang Balarila ng Wikang Pambansa.

Ang Unang Bahagi ng aklat ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
I. Balarila ng Wikang Pambansa, p.8
II. Ang Palatitikan, p.12
III. Ang mga Pantig, p.23
Iv. Palabuuan ng mga Salita, p.28
V. Mga Sangkap ng Pananalita, p.35
VI. Ang Palagitlingan, p. 40
VII. Ang Palatuldikan, p. 66
VIII. Ang Baybaying Pilipino, p. 95
IX. Ang mga Pang-angkop, p. 105

Ang Ikalawang Bahagi naman ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
Ang Palasurian (Analogy), p. 111
X. Ang mga Pantukoy, p. 112
XI. Ang Pangngalanp. 120
XII. Ang Pang-uri, p. 167
XIII. Ang mga Panghalip, p. 234
XIV. Ang Pandiwa, p. 253
XV. Ang Pandiwari, p. 397
XVI. Ang Pang-abay, p. 402
XVII. Pang-ukol, p. 444
XVIII. Ang Pangatnig, p. 451
XIX. Ang Pandamdam, p. 470

Sa dulo ng aklat, mula p. 476 ay may kabanatang Mga Dagdag na Panutuhan, kung saan kasunod niyon ang Appendix A, B, at C.

Mapapansing mahahabang pahina ang inukol sa pagtalakay sa Kabanata XII na may 67 pahina at sa Kabanata XIV na may 144 pahina, patunay ng pinag-ukulan ng panahon at pananaliksik ang mayabong na pagtalakay hinggil sa Pang-uri at Pandiwa. Bagamat ang ibang maiikling kabanata ay kasinghalaga rin naman ng mga nabanggit.

Sa mga pagtalakay ay nagbibigay ng halimbawa si LKS upang mas magagap pa ng mambabasa o mag-aaral ng wika kung paano ba ito ginagamit.

Isa sa mga nagustuhan ko ang pagtalakay sa Titik m ng Kabanata VI hinggil sa Palagitlingan, na tumutukoy sa paggamit ng gitling sa panlaping ika (na madalas ay mali ang pagkakagamit ng ilan nating kababayan sa kasalukuyan, tulad ng ika-5 ay nilalagyan ng gitling kapag ginawang salita, ika-lima, na mali).

(m) Kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod sa hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero-figure). Gaya ng: 

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4, kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng:

ikawalóng oras; ikasampú't kalahati; ikalabing-isá
ikadalawampú't walo ng Pebrero; ikalabintatló ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawá

Mapapansing ginamitan pa niya ng tuldik ang mga halimbawa. Sadyang pinag-ukulan ng pansin ang paggamit ng gitling na binubuo ng dalawampú't siyam na pahina.

Sa kabuuan, ang aklat na ito ay isang kayamanang maituturing ng tulad kong makata't manunulat upang lalo pang mapahusay ang pagsusulat ng mga kwento, sanaysay at tula

Ibahagi natin ang mga kaalamang ito. Inirerekomenda ko ito sa mga mag-aaral, mga manunulat, kwentista, mandudula, kompositor, makata't mananalaysay, mga mananaliksik sa wika, at sa kapwa palaaral sa wikang pambansa. At ang munting pagtalakay na ito'y isa nang ambag at magandang pambungad ngayong Agosto bilang Buwan ng Wika.

08.20.2021