Lunes, Nobyembre 19, 2012

Asignatura Hinggil sa Pagbabago ng Klima


Ito ang mga asignaturang aking ginawa para sa 3-araw na Trainors' Training on Climate Justice na isinagawa ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) noong Nobyembre 17-19, 2012, sa tanggapan ng PMCJ sa Lungsod ng Quezon. - greg


Assignment No. 1
November 18, 2012


PAGBABAGO NG KLIMA SA ARENDA AT SA NAVOTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr ng KPML-NCRR

Sa bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2008, kung saan ang ulang nagaganap ng halos isang buwan ay nagpalubog sa maraming panig ng Luzon sa loob lamang ng anim na oras. Isa na riyan ang Lupang Arenda na nasa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Karatig ito sa Lawa ng Laguna. Sa pag-apaw ng tubig sa kalupaan ng Arenda, lumubog ang isang bahagi nito, ang Purok 8, at nawala na ito sa mapa.

Ang nangyaring Ondoy ay di gaanong nakaepekto sa Navotas. Di tulad noong naganap na bagyong Pedring noong Setyembre 27, 2011.

Noong 1990s hanggang bandang 2007, mababa ang lupa sa Navotas, sa bandang Brgy. NBBS, kung saan nakatayo ang tanggapan ng KPML mula noong Hulyo 2002, katabi ng tanggapan ng ZOTO. Mababa ang lugar na ito, kaya pag may ulan o bagyo, o kaya'y high tide, lubog ang malaking bahagi nito sa tubig. Kaya makikita ang mga taong sumasakay sa gawang balsang yari sa styrofoam. Panahon ng kampanyahan bago mag-eleksyon 2007, tinaasan ang mga lansangan sa daang Maya-maya, mas mataas sa lebel ng tubig. Kaya pag high tide o kaya'y tag-ulan ay hindi na bumabaha.

Ngunit noong 2011, naganap muli ang tila Ondoy na bagyo. Ang tanggapan ng KPML ay pinasok ng Pedring. Hanggang tuhod ang baha, at nabasa ang maraming gamit, tulad ng mga laptop at maraming papeles. Pedring ang unang bagyong nagpalubog sa tanggapan ng KPML.

Lumubog din ang mga lugar ng Daanghari, Sipac-Almasen, NBBS, at iba pang lugar sa Navotas. Nagdulot ito ng pagkawala ng maraming tahanan. Labing-isang basketball court ang ginawang evacuation centers. Bagamat sanay na sa bagyo ang mga tao rito, ang Pedring ang bagyong nagwasak sa maraming tahanan ng maralita.

Naganap ang Habagat noong Agosto 2012, ngunit naroon pa rin ang mga tao sa labing-isang evacuation centers, at hindi pa naililipat sa maayos na relokasyon. Lubog ang maraming bahagi ng Navotas, at pinasok din ng tubig ang tanggapan ng KPML. Ito ang bahang walang pangalan, dahil wala namang idineklarang bagyo. Tuloy-tuloy na ulang tikatik lamang ito, ngunit dahil sa hampas ng hanging habagat ay pinalubog ang maraming lungsod sa Kalakhang Maynila at karatig-lalawigan.


Assignment No. 2
November 19, 2012

KABABAIHAN AT PAGBABAGO NG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang naging epekto ng pagbabago ng klima sa kababaihan. Sila kasi ang karaniwang naiiwan sa bahay, at tagapangalaga ng kanilang mga anak. Doble ang kahirapan, lalo na sa mga evacuation centers.

Nang lumubog ang Lupang Arenda sa Ondoy noong Setyembre 26, 2008, kung saan ang ulang nagaganap ng halos isang buwan ay nagpalubog sa maraming panig ng Luzon sa loob lamang ng anim na oras, isa ang Lupang Arenda na nasa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Karatig ito sa Lawa ng Laguna. Sa pag-apaw ng tubig sa kalupaan ng Arenda, lumubog ang isang bahagi nito, ang Purok 8, at nawala na ito sa mapa. Dahil dito, 

Nitong Setyembre 27, 2011, sa panahon ng bagyong Pedring, lumubog ang maraming lugar sa Kamaynilaan, tulad ng Daanghari, Sipac-Almasen, NBBS, at iba pang lugar sa Navotas. Nagdulot ito ng pagkawala ng maraming tahanan. Labing-isang basketball court ang ginawang evacuation centers. Dito'y pawang mga kababaihan ang naging lider sa iba't ibang evacuation centers. Una, sila ang labis na naapektuhan, dahil ang pagtulog, pagmimintina ng masikip na espasyo sa ebakwasyon, pag-aalaga ng mga bata, pagluluto, ay sila ang pangunahing nagsasagawa.

Sa isa sa mga evacuation centers, muntik nang may magahasang isang ginang. May apat na naiulat na namatay sa magkakaibang evacuation center - isang matanda, isang bata, at dalawang kababaihan. Ilan sa kanila ay maysakit na, at dahil walang perang pampagamot ay di agad nalunasan ang kanilang karamdaman. Nawalan sila ng tahanan, pila-pila sa itinayong kubeta sa mga evacuation centers, at napakasikip doon.

Naranasan din nila na pinagbabato ng ilang residente ang mga evacuation centers dahil di na makapaglaro ang mga ito ng basketball. Isang taon nang mahigit mula nang manalanta ang bagyong Pedring ay naabutan pa rin sila doon ng Habagat. Ang mga hirap na dinaranas ng mga nanay nitong Habagat ay kasintindi rin ng ilan pang nagdaang bagyo.

Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"

Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"

MGA TINIPAK NA KARANASAN

Mahalaga ang kwento ng mga karanasan. Sabi nga ng mga matatanda, bakit ka nagpunta sa lugar na kaylayo at anong napala mo roon? Kaya kailangang ikwento ano nga ba, di lang ang naganap, kundi ang layunin, ginawa at kinahinatnan ng isang malayong paglalakbay, sa ibang bansa pa. Natitipon sa aklat na ito ang bawat tipak ng karanasang inakda sa anyong patula, habang may mga sanaysay ding isinulat upang mas malaliman pang ibahagi ang mga danas at aral. Ito ang testamento ng mga karanasang iyon.

Apat na Pilipino kaming umalis sa bansa ng umaga ng Setyembre 15, 2012, nakarating ng hapon sa Bangkok, at nakarating sa bayan ng Mae Sot sa lalawigan ng Tak sa bansang Thailand ng madaling araw ng Setyembre 16, 2012. Namalagi roon hanggang Setyembre 25, 2012 ng gabi, nakarating sa Bangkok ng madaling araw ng Setyembre 26, at lumipad patungong Pilipinas noong Setyembre 27, 2012.

Bago pa lang umalis ng bansa patungong Mae Sot ay naghanda na ako ng tatlong kwadernong maliit at maraming panulat bilang paghahanda sa iniisip kong aklat na ito. Di kasi sapat ang isang gabi ng paghahanda para makapanghiram ng laptop at kamera, kaya tatlong maliit na notbuk na lamang ang dinala ko roon. Dumiskarte na lamang ako sa Mae Sot kung paano magkakaroon ng litrato. Ang mga naritong litrato ay kuha ng mga kasama sa tinuluyan kong tanggapan doon, ang YCOWA. Maraming salamat, YCOWA. Mabuhay kayo!

Ang mga tulang narito'y produkto ng buong lakbayin mula sa pag-alis sa bansa hanggang sa sampung araw sa Mae Sot, hanggang sa makabalik muli sa sariling bayan. Ang ilang  tulang nasimulan ko roon ay akin pang pinaunlad nang ako'y nakabalik na rito sa Pilipinas. Kailangang rebyuhin ang bawat tula bago ilabas sa aklat, at kinisin ang bilang ng mga taludtod at saknong, pati na ang maayos at angkop na tugmaan ng bawat tula.

Maaring turan ng ibang makatang nagpakulong ako sa tugma't sukat na siyang sinaunang gawi ng mga manunula noon, ngunit bawat tula'y sariling estilo ng inyong lingkod bagamat naniniwala akong napiit man ang mga saknong sa tugma't sukat ay malaya ang diwa ng makata. Pinag-ingatang malapatan ng makahulugang mensahe at diwa ang bawat katha upang malinamnam itong matikman ng sinumang babasa, bagamat mapait ang ilang mga taludtod.

Bawat tula'y pagninilay sa bawat aktibidad at lugar na aming napuntahan sa paglalakbay na ito. Gayunman, magkakahiwalay kaming apat ng tinuluyang mga tanggapan ng mga organisasyon ng mga aktibistang taga-Burma, kaya't ang ibang di ko napuntahan na napuntahan nila'y di ko na nagawan ng tula.

Sa pagsagawa ng aklat na ito'y iningatan kong huwag magbanggit ng pangalan ng mga aktibistang nakadaupangpalad namin doon dahil sa usapin ng kanilang seguridad, bagamat ang mga samahang kinabibilangan nila'y maliwanag kong tinukoy, na ang ilan dito'y ilegal sa loob ng kanilang bansa. Gayunman, pinangahasan kong isulat ang mga pangalan ng samahang iyon bilang patunay na minsan man ay nagkasama kami sa Mae Sot, na kami'y naging bahagi rin, sa munti mang panahon, ng kanilang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasyang kanilang inaasam sa kanilang bansa.

Kung sakali mang may di magandang naisulat o taliwas sa paniniwala ng ilang mambabasa na marahil ay di nila ikatutuwa, ang hingi ko'y paumanhin. Ngunit bawat nakasulat ay pagninilay, paglalarawan at paninindigan nitong abang makata.

Panghuli, ang pagsasaklat ng mga tulang narito'y isang katuparan. Isang patunay na minsan man ay tumungo at namalagi ng sampung araw sa Mae Sot, isang araw sa Bangkok, at isang oras sa Burma ang apat na Pilipinong naniniwalang dapat magtulungan ang mga aktibistang Pilipino at taga-Burma sa pagpapalaya ng kani-kanilang bayan mula sa pagsasamantala.

Hindi ko inaasahang magustuhan ninyo ang bawat katha, ngunit inaasahan kong basahin nyo ang bawat tula’t sanaysay na narito upang inyong malasap ang tamis at pait ng mga karanasan at pakikibakang nakapaloob sa bawat katha. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Nobyembre 7, 2012
Maynila, Pilipinas